“Mga Turo tungkol sa Pagsisisi at Binyag,” Plano sa Pag-aaral sa Pasko ng Pagkabuhay (2024)
Martes, Marso 26
Mga Turo tungkol sa Pagsisisi at Binyag
“Ako ay nagpapatotoo na inuutusan ng Ama ang lahat ng tao, saanman, na magsisi at maniwala sa akin. At sinuman ang maniniwala sa akin, at mabinyagan, siya rin ay maliligtas” (3 Nephi 11:32–33).
Sa Kanyang pagbisita noon sa Amerika, itinuro ni Jesucristo kay Nephi at sa iba pang mga disipulo ang tungkol sa binyag, sinasabing, “Binibigyan kita ng kapangyarihan na binyagan mo ang mga taong ito kapag ako ay umakyat nang muli sa langit” (3 Nephi 11:21). Itinuro ni Jesus na dapat isagawa ang binyag sa pamamagitan ng paglulubog at nang may wastong awtoridad. Nang ituro Niya sa mga disipulo ang Kanyang doktrina, nagsalita rin Siya tungkol sa kahalagahan ng pagsisisi: “Kailangan na kayo ay magsisi … at maging tulad ng isang [batang musmos], o hindi kayo magmamana ng kaharian ng Diyos” (3 Nephi 11:38).
Sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2019, itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na ang pagsisisi ang daan para magbago at maging mas mabuti:
“Sa pag-uutos ni Jesus sa inyo at sa akin na “mangagsisi,” inaanyayahan Niya tayo na baguhin ang ating pag-iisip, kaalaman, espiritu—maging ang paraan ng paghinga natin. Iniuutos Niya sa atin na baguhin natin kung paano tayo magmahal, mag-isip, maglingkod, gumugol ng ating oras, makitungo sa ating asawa, magturo sa ating mga anak, at maging ang pangangalaga natin sa ating katawan.
Wala nang mas nagpapalaya, mas nagpapabanal, o mas mahalaga sa ating indibiduwal na pag-unlad kaysa sa regular at araw-araw na pagtutuon sa pagsisisi. Ang pagsisisi ay hindi ginagawa nang isang beses lang, ito ay isang proseso. Ito ay susi sa kaligayahan at kapayapaan ng isipan. Kapag nilakipan ng pananampalataya, ang pagsisisi ay nagiging daan para magamit natin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. (“Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay,” Liahona, Mayo 2019, 67)
Basahin at Pagnilayan
Itinuro ni Pangulong Nelson na ang pagsisisi “ay susi sa kaligayahan at kapayapaan ng isipan.” Paano naibibigay ng pagsisisi ang mga pagpapalang ito sa inyong buhay?
Umawit
“Pagbibinyag,” Aklat ng mga Awit Pambata, 54