“Ministeryo sa Daigdig ng mga Espiritu,” Plano sa Pag-aaral sa Pasko ng Pagkabuhay (2024)
Sabado, Marso 30
Ministeryo sa Daigdig ng mga Espiritu
“Kaya’t sila’y pumaroon, at iningatan nila ang libingan, tinatakan ang bato, na kasama nila ang bantay” (Mateo 27:66).
Mahirap isipin ang dalamhating nadama ng mga tagasunod ni Jesucristo nang sumunod na araw ng Kanyang kamatayan. Noong nagdaang gabi, ang Kanyang katawan ay buong pagmamahal na inihanda at inihimlay sa libingan sa halamanan. Ngayon, naiwan silang nag-iisip kung paano nila ipagpapatuloy ang kanilang buhay nang wala Siya. Tila ba may kung anong kinuha sa kanila na dulot ng Kanyang pagkamatay, ngunit ang nawala sa kanila ay hindi maikukumpara sa lahat ng naibigay ng buhay Niya. Naunawaan man nila o hindi, lumikha si Jesucristo ng bagong landas para sa lahat ng susunod sa Kanya, na pinagningas ng pag-asa na mas maningning ang liwanag kaysa anumang kadilimang makakaharap natin.
Inanyayahan tayo ni Pangulong M. Russell Ballard na pag-aralan ang pambihirang pangitain ni Pangulong Joseph F. Smith tungkol sa ministeryo ng Tagapagligtas sa daigdig ng mga espiritu na naganap matapos ang Pagpapako sa Krus sa Tagapagligtas:
Inaanyayahan ko kayong basahing mabuti at pakaisipin ang paghahayag na ito. Sa paggawa nito, nawa’y pagpalain kayo ng Panginoon na mas lubusang maunawaan at mapahalagahan ang pagmamahal ng Diyos at ang Kanyang plano ng kaligtasan at kaligayahan para sa Kanyang mga anak.
Pinatototohanan ko na ang pangitaing natanggap ni Pangulong Joseph F. Smith ay totoo. Pinatototohanan ko na maaari itong basahin ng bawat tao at malalaman niya na ito ay totoo. (“Ang Pangitain ng Pagtubos sa mga Patay,” Liahona, Nob. 2018, 173; tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138)
Basahin at Pagnilayan
Paano kayo pinagpapala at ang inyong pamilya sa pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa daigdig ng mga espiritu at kabilang buhay?
Umawit
“Isinugo, Kanyang Anak,” Aklat ng mga Awit Pambata, 20–21