“Pagpapagaling sa mga Tao,” Plano sa Pag-aaral sa Pasko ng Pagkabuhay (2024)
Biyernes, Marso 29
Pagpapagaling sa mga Tao
“Mayroon bang maykaramdaman sa inyo? … Dalhin sila rito at akin silang pagagalingin, sapagkat ako ay nahahabag sa inyo; ang aking sisidlan ay puspos ng awa” (3 Nephi 17:7).
Matapos ang maghapong pagmiministeryo, nang handa na si Jesus na lisanin ang mga Nephita, nakita Niya na “sila ay luhaan” at ayaw na umalis Siya (3 Nephi 17:5). Bilang tugon, inihandog ng Tagapagligtas ang Kanyang nakapagpapagaling na kapangyarihan. “Ang aking sisidlan ay puspos ng pagkahabag sa inyo,” sabi Niya, at pagkatapos ay nagsabing dalhin sa Kanya ang mga maysakit. “At pinagaling niya ang bawat isa sa kanila na dinala sa kanya” (talata 9).
Si Jesucristo ay nag-aalok din ng habag at paggaling sa bawat isa sa atin ngayon. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na si Jesucristo ang sagot sa ating mga tanong at problema. Patungkol sa paanyaya ng Tagapagligtas na “[magbalik] sa akin, … upang mapagaling ko kayo,” sinabi ni Pangulong Nelson:
Ipinaaabot ni Jesucristo ang paanyaya ring iyon sa inyo, ngayong araw na ito. Nagsusumamo ako sa inyo na lumapit sa Kanya upang mapagaling Niya kayo! Pagagalingin Niya kayo mula sa kasalanan kung magsisisi kayo. Pagagalingin Niya kayo mula sa kalungkutan at takot. Pagagalingin Niya kayo mula sa mga sugat ng mundong ito.
Anuman ang mga tanong o problema ninyo, ang sagot ay laging matatagpuan sa buhay at mga turo ni Jesucristo. Pag-aralan pa ang tungkol sa Kanyang Pagbabayad-sala, Kanyang pagmamahal, Kanyang awa, Kanyang doktrina, at Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo ng pagpapagaling at pag-unlad. Bumaling sa Kanya! Sumunod sa Kanya! (“Ang Sagot ay Laging si Jesucristo,” Liahona, Mayo 2023, 127)
Basahin at Pagnilayan
Kailan ninyo nadama ang nakapagpapagaling na kapangyarihan ng Tagapagligtas? Sa anu-anong paraan ninyo kailangan ngayon ang kapangyarihan Niyang magpagaling?
Umawit
“Magsipaglapit kay Jesucristo,” Mga Himno, blg. 68