“Paskua at Pagdurusa sa Halamanan,” Plano sa Pag-aaral sa Pasko ng Pagkabuhay (2024)
Huwebes, Marso 28
Paskua at Pagdurusa sa Halamanan
“Ama ko, kung maaari, lumampas sana sa akin ang kopang ito; gayunma’y hindi ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo” (Mateo 26:39).
Ipinangilin ni Jesus ang sagradong araw ng Paskua kasama ang Kanyang mga Apostol. Pinasimulan Niya ang sagradong ordenansa na sakramento, kung saan inanyayahan Niya ang Kanyang mga disipulo na kumain at uminom bilang pag-alaala sa Kanya. Itinuro Niya sa kanila ang tungkol sa nakapapanatag na kapangyarihan ng Espiritu Santo. At nalalamang malapit nang magwakas ang panahong makakasama Niya sila, iniutos Niya sa kanila na “magmahalan sa isa’t isa” tulad ng pagmamahal Niya sa kanila (Juan 13:34–35). Sabi Niya, ang pagmamahal na iyon ang tandang magpapakilala sa kanila sa ibang tao na sila ay Kanyang mga disipulo. Malayo na ang narating ng Kanyang mga Apostol mula nang una nilang makita si Jesus, ngunit mahihiwatigan sa Kanyang mga salita na alam Niyang nagsisimula pa lamang ang kanilang pagbabago tungo sa pagiging mga tunay na disipulo.
Pagkatapos ng madalas na taguriang Huling Hapunan, sinabi ni Jesus sa Kanyang mga Apostol na samahan Siya sa buong magdamag sa isang tahimik na halamanan na tinatawag na Getsemani. Sa kabila ng kahilingan ng kanilang Guro na manatiling gising na kasama Niya, nakatulog ang mga pagod na disipulo. Nag-iisa, nagsimulang manalangin si Jesus at di-nagtagal ay nadaig ng hindi maunawaang paghihirap. Doon sa halamanan, nagsimula ang proseso ng pag-ako Niya ng mga kasalanan at sakit ng sanlibutan. Ito ang simula ng pagsasakripisyo na humantong kinabukasan sa krus sa Golgota.
Kalaunan nang gabing iyon, ipinagkanulo ni Judas Iscariote ang Tagapagligtas sa mga lokal na awtoridad na mga dumakip kay Jesus at dinala Siya sa tahanan ni Caifas, ang mataas na saserdote. Doon, hihintayin ni Jesus ang paglilitis sa Kanya kinaumagahan.
Paulit-ulit tayong inaanyayahan ni Pangulong Russell M. Nelson na mas lumapit pa kay Cristo sa pamamagitan ng proseso ng pagsisisi, na naging posible sa pamamagitan ng pagdurusa at Pagbabayad-sala ni Jesus:
Wala nang mas nagpapalaya, mas nagpapabanal, o mas mahalaga sa ating indibiduwal na pag-unlad kaysa sa regular at araw-araw na pagtutuon sa pagsisisi. Ang pagsisisi ay hindi ginagawa nang isang beses lang, ito ay isang proseso. Ito ay susi sa kaligayahan at kapayapaan ng isipan. Kapag nilakipan ng pananampalataya, ang pagsisisi ay nagiging daan para magamit natin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. (“Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay,” Liahona, Mayo 2019, 67)
Basahin at Pagnilayan
Paano makatutulong sa inyo ang araw-araw na pagsisisi para purihin at alalahanin si Jesucristo?
Umawit
“Mahalin ang Bawat Isa,” Mga Himno, blg. 196