Pambungad sa Manwal ng Titser para sa Kursong Si Jesucristo at ang Walang Hanggang Ebanghelyo (Religion 250)
Ano ang inaasahan sa isang titser ng relihiyon?
Habang naghahanda kang magturo, mahalaga na maunawaan mo ang Layunin ng Seminaries and Institutes of Religion:
“Ang ating layunin ay tulungan ang kabataan at mga young adult na maunawaan at umasa sa mga turo at sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maging karapat-dapat sa mga pagpapala ng templo, at ihanda ang kanilang sarili, kanilang pamilya, at iba pa para sa buhay na walang hanggan sa piling ng kanilang Ama sa Langit” (Gospel Teaching and Learning: A Handbook for Teachers and Leaders in Seminaries and Institutes of Religion [2012], x).
Maaari mong makamit ang layuning ito sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa ebanghelyo, epektibong pagtuturo ng ebanghelyo sa iyong mga estudyante, at tamang pangangasiwa ng iyong klase o programa. Habang naghahanda ka at nagtuturo ng ebanghelyo sa mga paraang ito, magiging karapat-dapat ka sa impluwensya ng Espiritu Santo.
Pagkakataon mo ito na matulungan ang mga estudyante na matuto sa pamamagitan ng Espiritu upang mapalakas nila ang kanilang pananampalataya at mapalalim ang kanilang pagbabalik-loob. Matutulungan mo ang mga estudyante na magawa ito kapag pinapatnubayan mo sila na matukoy, maunawaan, madama ang katotohanan at kahalagahan ng mahahalagang doktrina at alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo, at makapaghandang maipamuhay ang mga ito.
Ang hanbuk na Gospel Teaching and Learning ay mahalagang materyal para maunawaan ang proseso ng pagtuturo at kung paano maging matagumpay sa loob ng klase. Gamitin nang madalas ang hanbuk na ito.
Ano ang mga layunin ng kursong ito?
Ang kursong ito na Si Jesucristo at ang Walang Hanggang Ebanghelyo (Religion 250), ay nagbibigay sa mga estudyante ng pagkakataon na pag-aralan ang walang hanggang ministeryo ni Jesucristo, na nakatuon sa Kanyang banal na gawain sa Kanyang buhay bago pa ang buhay na ito, buhay sa mundong ito, at sa kabilang buhay. Ang mga pamantayang banal na kasulatan, ang mga salita ng mga propeta sa panahong ito, at ang dokumento na pinamagatang “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol” (Ensign o Liahona, Abr. 2000, 2–3) ay ginagamit bilang inspiradong materyal para sa kursong ito. Binigyang-diin ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng pag-aaral ng buhay at misyon ni Jesucristo:
“Masigla ko kayong hinihikayat na magplano ng personal na pag-aaral upang higit na maunawaan at mapahalagahan ang walang katulad, walang hanggan, at walang katapusang mga bunga ng sakdal na pagtupad ni Jesucristo sa Kanyang banal na pagkahirang bilang ating Tagapagligtas at Manunubos. Ang malalim na personal na pagbubulay-bulay ng mga banal na kasulatan na nilakipan ng pagsasaliksik, taos-pusong panalangin ay magpapatibay sa inyong pag-unawa at pagpapahalaga sa Kanyang walang katumbas na Pagbabayad-sala” (“Siya’y Buhay! Luwalhati sa Kanyang Ngalan!” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 77).
Kapag naunawaan at napahalagahan ng mga estudyante ang kahalagahan ng banal na tungkulin ng Tagapagligtas at ang epekto Niya sa kanilang buhay, mapapalakas sila laban sa mga hamon ng buhay at madarama na mas handa sila na talakayin ang mga banal na gawain ng Tagapagligtas sa plano ng kaligtasan, kung saan mahalagang bahagi ang kanilang personal na buhay.
Ano ang inaasahan sa mga estudyante?
Dapat basahin ng mga estudyante ang mga scripture passage at mga mensahe ng mga propeta na nakalista sa bahaging Mga Babasahin ng mga Estudyante sa bawat lesson. Dapat ding matugunan ng mga estudyante ang attendance requirement at ipakita ang pagkaunawa sa materyal ng kurso.
Paano inayos ang mga lesson sa manwal na ito?
Ang kursong ito ay ituturo sa buong isang semestre at mayroong 28 lesson na isinulat para sa mga 50-minutong class period. Kung nagkaklase ka nang dalawang beses bawat linggo, magturo ng isang lesson bawat klase. Kung nagkaklase ka nang isang beses kada linggo sa loob ng 90 hanggang 100 minuto, pagsamahin ang dalawang lesson at ituro ang mga ito sa bawat class period. Bawat lesson ay binubuo ng apat na bahagi:
-
Pambungad
-
Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito
-
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
-
Mga Babasahin ng mga Estudyante
Pambungad
Ang bahaging ito ay nagbibigay ng maikling pambungad sa mga paksa at mga layunin ng lesson.
Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito
Ang bahaging ito ay nagmumungkahi ng mga materyal o resources, tulad ng mga mensahe ng mga propeta sa panahong ito, na tutulong sa iyo na mas maunawaan ang mga doktrina, alituntunin, at katotohanan ng ebanghelyo na tinalakay sa lesson outline.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Ang bahaging Mga Mungkahi sa Pagtuturo ay kinapapalooban ng mga materyal na tutulong sa iyo na malaman kung ano ang ituturo at kung paano ituturo ang mga ito (tingnan din sa mga bahagi 4.3.3 at 4.3.4 sa hanbuk na Gospel Teaching and Learning). Ang mga iminungkahing aktibidad sa pag-aaral ay nilayong tulungan ang estudyante na matukoy, maunawaan, at maipamuhay ang mga sagradong katotohanan. Maaari mong piliing gamitin ang ilan o lahat ng mga mungkahi habang iniaangkop mo ang mga ito sa paraan ng iyong pagtuturo at upang matugunan ang mga pangangailangan at kalagayan ng iyong mga estudyante. Habang pinag-iisipan mo kung paano maiaangkop ang mga materyal ng lesson, sundin ang payo na ito ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Madalas kong marinig na ituro ni Pangulong Packer na maging pamilyar muna tayo sa mga materyal ng lesson, at saka natin iakma ang mga ito sa mga tinuturuan natin. Kung napag-aralan na natin nang husto ang iminungkahing lesson na ibibigay natin, kung gayon ay masusunod natin ang Espiritu para maiakma ito. Pero natutukso tayo, kapag tinatalakay natin ang flexibility na ito, na magsimulang iakma ito sa mga tinuturuan natin bago pag-aralan nang husto o maging pamilyar sa lesson. Dapat ay balanse. Ito ay hamon na makakaharap natin tuwina. Ngunit ang pag-aralan o maging pamilyar muna nang lubos sa lesson at pagkatapos ay iangkop sa tinuturuan ay mabuting paran para maayos itong maituro” (“A Panel Discussion with Elder Dallin H. Oaks” [Seminaries and Institutes of Religion Satellite Broadcast, Ago. 7, 2012]; si.lds.org).
Ang bahaging Mga Mungkahi sa Pagtuturo ay naglalaman ng isa o mahigit pang pahayag ng doktrina o alituntunin, na nakasulat sa malalaki at maiitim na letra [bold letters]. Kapag natuklasan ng mga estudyante ang mga doktrina at alituntuning ito at ibinahagi ang natutuhan nila, ang kanilang mga salita ay maaaring maiba mula sa mga nakasaad sa manwal. Kapag nangyari ito, huwag ipahiwatig o sabihin na mali ang kanilang mga sagot. Gayunman, kung ang isinagot ay halos tama, ipaunawa ito nang mas malinaw.
Upang matulungan ang mga estudyante na patuloy na mag-aral ng mga banal na kasulatan, ituro sa kanila kung paano gamitin ang mga tulong sa pag-aaral na makukuha sa Latter-day Saints edition ng mga banal na kasulatan. Samantalahin ang mga pagkakataon sa klase na tulungan ang mga estudyante na mapraktis ang mga kasanayan at paraan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan (tingnan sa Gospel Teaching and Learning, 20–23). Kapag ginawa mo ito, lalalim ang pagmamahal ng mga estudyante sa mga banal na kasulatan, mabibigyan sila ng kakayahan na mahanap ang mga sagot sa kanilang mga tanong, at matututong sumunod sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo.
Mga Babasahin ng mga Estudyante
Nakalista sa bahaging ito ang mga scripture passage at mga mensahe ng mga general authority ng Simbahan na magpapalawak sa pang-unawa ng mga estudyante tungkol sa mga paksang matatagpuan sa mga lesson. Hikayatin ang mga estudyante na basahin ang mga materyal na ito bago sila pumasok sa klase. Habang pinag-aaralan nila ang mga materyal na binigyang-inspirasyon, hindi lamang sila magiging mas handang makibahagi sa mga talakayan sa klase, ngunit magkakaroon din sila ng mas malawak na pag-unawa tungkol sa mga paksa ng kursong ito. Bigyan ang mga estudyante ng listahan ng lahat ng “Mga Babasahin ng mga Estudyante” sa simula ng semestre.
Paano ako maghahandang magturo?
Tutulungan ka ng Panginoon kapag naghahanda kang magturo. Habang naghahanda ka, maaaring makatulong na itanong sa iyong sarili ang mga sumusunod na tanong:
-
Nanalangin ba ako para matanggap ang patnubay ng Espiritu Santo?
-
Pinag-aralan ko ba ang mga naka-assign na scripture block at ang mga babasahin tungkol sa paksa?
-
Binasa ko ba ang kurikulum at inalam kung mayroong anuman doon na kailangan kong iakma o baguhin upang matugunan ang mga pangangailangan ng aking mga estudyante?
-
Paano ako magpa-follow-up sa mga estudyante para matiyak ko na may natututuhan ang mga estudyante sa mga ito?
-
Paano ko matutulungan ang bawat isa sa aking mga estudyante na lubos na makibahagi sa talakayan sa lesson?
Ang mga sumusunod na mungkahi ay maaari ding makatulong:
-
Hikayatin ang mga estudyante na basahin ang mga naka-assign na scripture passage at artikulo bago ang bawat lesson.
-
Umasang gagawin ng mga estudyante ang kanilang responsibilidad.
-
Madalas na bigyan ang mga estudyante ng mga pagkakataon na ipaliwanag ang mga doktrina at alituntunin sa sarili nilang mga salita, magbahagi ng mga kaugnay na karanasan, at magpatotoo sa nalaman at nadama nila.
-
Iba-ibang aktibidad sa pag-aaral at mga pamamaraan ang gamitin mo sa bawat klase at sa bawat araw rin.
-
Ihanda ang klase para madama ang Espiritu at magkaroon ang mga estudyante ng pribilehiyo at responsibilidad na magturo at matuto sa isa’t isa (tingnan sa D at T 88:78, 122).
Itinuro ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Tiyakin na maraming makibahagi dahil ang paggamit ng kalayaan ng isang estudyante ay nagtutulot sa Espiritu Santo na makapagturo. … Kapag nagpapahayag ang mga estudyante ng mga katotohanan, naititimo ang mga ito sa kanilang mga kaluluwa at pinalalakas ang kanilang sariling patotoo” (“To Understand and Live Truth” [evening with Elder Richard G. Scott, Peb. 4, 2005], 3; si.lds.org).
Paano ko iaakma ang mga lesson sa mga taong may mga kapansanan?
Habang naghahanda kang magturo, isipin ang mga estudyante na may mga partikular na pangangailangan. Iakma ang mga aktibidad at mga ekspektasyon na tutulong sa kanila na magtagumpay. Halimbawa, may mga estudyanteng mas natututo sa mga audio recording ng mga banal na kasulatan. Ang mga ito ay madaling i-download mula sa LDS.org.
Para sa mas marami pang ideya at resources, tingnan ang Disability Resources page sa disabilities.lds.org at ang Seminaries and Institutes of Religion policy manual sa bahaging may pamagat na Adapted Classes and Programs for Students with Disabilities.