Seminaries and Institutes
Lesson 1: Si Jesus ang Buhay na Cristo


1

Si Jesus ang Buhay na Cristo

Pambungad

Ipinahayag ng mga saksi sa makabagong panahong ito: “Nagpapatotoo kami, bilang Kanyang marapat na inordenan na mga Apostol—na si Jesus ang Buhay na Cristo” (“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” Ensign o Liahona, Abr. 2000, 3). Dahil tila hindi nalalaman ng mundo ang tunay na pagkatao at katangian ni Jesucristo at ang Kanyang kaugnayan sa Diyos Ama, napakahalaga na magkaroon ng mga tapat na saksi sa Pinakamamahal na Anak ng Diyos. Ang lesson na ito ay tutulong sa mga estudyante na matukoy ang pangangailangang ito at matutuhan kung paano sila mas tapat na magpapatotoo tungkol kay Jesucristo sa kanilang pamilya, mga kaibigan, at mga kapitbahay.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Ang Buhay na Cristo

Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong:

Sino si Jesucristo, at bakit kayo naniniwala sa Kanya?

Sabihin sa mga estudyante na sinasagot ng maraming tao ang tanong na ito sa pamamagitan ng pagbabahagi ng patotoo. Isa sa gayong patotoo ay nakasaad sa himnong “Buhay ang Aking Manunubos” (Mga Himno, blg. 78). Magbigay ng mga titik ng himnong ito sa klase, at hatiin sa apat na grupo ang mga estudyante. Mag-assign ng iba’t ibang talata ng himno sa bawat grupo, at ipabasa sa kanila ang mga salita. Matapos ang sapat na oras, itanong ang mga sumusunod:

  • Anong mga salita o parirala ang ginamit sa himnong ito na nagpapahayag kung sino si Jesucristo at kung ano ang ginawa Niya para sa atin? (Dapat kabilang sa mga sagot ang “aking walang hanggang Hari,” “aking Kaibigan,” “Hari kailanpaman,” “Tagapagligtas.” Siya ay nagbibigay ng pag-ibig na dalisay, lunas sa uhaw na kaluluwa, patnubay, ginhawa, at buhay.)

  • Anong salita ang ginamit sa himnong ito upang ilarawan kung paano nakakaapekto sa atin ang patotoo tungkol kay Jesucristo? (Dapat kabilang sa sagot ang “ligaya.”)

Sabihin sa klase na hayagang ipinahayag ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ang kanilang pinagsama-samang patotoo tungkol kay Jesucristo sa “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol” (tingnan sa Ensign o Liahona, Abr. 2000, 2–3). Bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng patotoong ito, at ipaliwanag na maraming paksa sa lesson sa kursong ito ang kinuha mula sa mga doktrina at alituntunin na inilahad sa inspiradong pahayag na ito. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang unang talata:

“Habang ipinagdiriwang natin ang pagsilang ni Jesucristo dalawang libong taon na ang nakararaan, iniaalay namin ang aming patotoo tungkol sa katotohanan ng Kanyang hindi mapapantayang buhay at ang walang hanggang kapangyarihan ng Kanyang dakilang mapagbayad-salang sakripisyo. Walang sinuman ang nakapagbigay ng gayong makahulugang impluwensiya sa lahat ng nabuhay na at sa lahat ng mabubuhay pa sa mundo” (“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol, ” Ensign o Liahona, Abr. 2000, 2).

  • Ano ang gusto ninyong maging impluwensya sa inyo ng pag-aaral ninyo ng tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang walang hanggang ebanghelyo sa semester na ito? (Kapag nakasagot na ang mga estudyante, maaari mong bigyang-diin na ang masigasig na pag-aaral ng tungkol sa buhay ni Jesucristo ay tutulong sa atin na mapahalagahan ang malaking impluwensya at maaaring maging impluwensya Niya sa ating buhay.)

  • Sa paanong paraan naimpluwensyahan ng Tagapagligtas ang lahat ng nabuhay o mabubuhay sa mundo? (Kapag nakasagot na ang mga estudyante, tiyaking mabigyang-diin na ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay para sa lahat ng tao.)

Sabihin sa mga estudyante na ang kursong ito ay magtutuon sa walang hanggang ministeryo ng Tagapagligtas sa Kanyang buhay bago pa ang buhay na ito [premortal], buhay sa mundong ito [mortal], at kabilang buhay [postmortal]. Sa pag-aaral ng mga estudyante ng tungkol sa maraming banal na gawain ng Tagapagligtas, lalong lalalim ang kanilang pagmamahal at patotoo tungkol sa Kanya.

Juan 20:30–31; 1 Nephi 6:4; 2 Nephi 25:23, 26

Ang mga banal na kasulatan ay isinulat upang manampalataya ang mga tao kay Jesucristo

Itanong sa mga estudyante kung gaano karaming aklat sa palagay nila ang naisulat tungkol kay Jesucristo. Ipaliwanag na anumang pag-aaral tungkol sa buhay ni Jesucristo ay dapat nakasentro sa mga banal na kasulatan. Sabihin sa tatlong estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng mga sumusunod na scripture passage: Juan 20:30–31; 1 Nephi 6:4; at 2 Nephi 25:23, 26. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga dahilan kung bakit ang mga banal na kasulatan ay mahalagang materyal kapag pinag-aaralan ang walang hanggang ministeryo ng Tagapagligtas.

  • Anong alituntunin ang itinuturo ng mga scripture passage na ito tungkol sa layunin ng mga banal na kasulatan? (Bagama’t maaaring gamitin ng mga estudyante ang iba’t ibang salita, dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kapag pinag-aralan natin ang mga scripture passage tungkol sa Tagapagligtas, lalakas ang ating patotoo tungkol sa Kanya at mas mapapalapit tayo sa Kanya.)

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Elder D. Todd Christofferson

“Ang pangunahing layunin ng lahat ng banal na kasulatan ay puspusin ang ating mga kaluluwa ng pananampalataya sa Diyos Ama at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. …

“… Ang pananampalataya ay nakakamtan sa pagsaksi ng Banal na Espiritu sa ating mga kaluluwa, nang Espiritu sa espiritu, habang naririnig o binabasa natin ang salita ng Diyos. At lumalalim ang pananampalataya kapag patuloy tayong nagpapakabusog sa salita” (“Ang Biyaya ng Banal na Kasulatan, ” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 34, 35).

  • Sa paanong mga paraan tayo natutulungan ng mga banal na kasulatan na mapalakas sa ating pananampalataya o mas mapalapit kay Jesucristo?

  • Paano napalakas ng pag-aaral ninyo ng mga banal na kasulatan ang inyong pananampalataya at patotoo kay Jesucristo?

Bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng mga resources o materyal na nakalista sa bahaging Mga Babasahin ng mga Estudyante para sa kursong ito. (Maaaring ito ay paper copy, o maaari mong ipaliwanag sa mga estudyante kung saan sila makakahanap ng digital copy.) Hikayatin ang mga estudyante na gawing bahagi ng kanilang araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa semester na ito ang mga babasahin ng mga estudyante para sa kursong ito. Tiyakin sa mga estudyante na kapag ginawa nila ito, sila ay tuturuan ng Espiritu Santo at mas mapapalapit sa Tagapagligtas.

Pagiging mga saksi ni Jesucristo

Ipaliwanag sa mga estudyante na hindi sapat na pag-aralan lamang ang tungkol sa Tagapagligtas sa mga banal na kasulatan. Dapat ding magkaroon tayo ng personal na espirituwal na pagsaksi o patotoo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo na si Jesus ang Cristo, ang Pinahiran, ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Ibahagi sa klase ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan:

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

“Hindi tayo puwedeng umasa sa mga patotoo ng ibang tao. Kailangan nating malaman [para] sa ating sarili. Sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley, ‘Bawat Banal sa mga Huling Araw ay may responsibilidad na malaman [para] sa kanyang sarili ang katiyakang walang pagdududa na si Jesus ang nabuhay na mag-uli at buhay na Anak ng buhay na Diyos’ (“Fear Not to Do Good,” Ensign, Mayo 1983, 80).

“Ang pinagmulan ng tiyak na kaalaman at matibay na paniniwalang ito ay banal na paghahayag, ‘sapagka’t ang patotoo [kay] Jesus ay siyang espiritu ng [propesiya]’ (Apocalipsis 19:10).

“Nagkakaroon tayo ng patotoong ito kapag kinakausap ng Banal na Espiritu ang ating espiritu. …

“Ang [pinakasentro] ng patotoong ito ay lagi nang pananampalataya at kaalaman tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang banal na misyon” (“Ang Bisa ng Personal na Patotoo,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 38).

  • Sa palagay ninyo, bakit si Jesucristo ang dapat na pinakasentro ng ating mga patotoo?

  • Ano sa palagay ninyo ang ipagagawa ni Jesucristo sa inyong patotoo tungkol sa Kanya?

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Elder D. Todd Christofferson

“Dapat makita sa atin ng mga tao ang bagay na may kaugnayan kay Jesus. Ang ating paraan ng pagkilos, pagsasalita, pagtingin, at kahit pag-iisip ay maglalarawan sa Kanya at sa Kanyang mga pamamaraan. … Bagama’t hindi Niya tayo kasama sa Kanyang ministeryo, habang sinasaliksik natin ang mga banal na kasulatan, nakikita natin si Jesus at ang mga sinabi at ginawa Niya. At habang tinutularan natin ang huwarang ito, nagpapatotoo tayo sa Kanya” (“Pagiging Saksi ni Jesucristo,” Liahona, Mar. 2008, 60).

Isunod na itanong sa mga estudyante:

  • Paano ninyo nakitang nagpatotoo ang iba tungkol kay Jesucristo sa pamamagitan ng kanilang mga ginagawa?

  • Habang iniisip ninyo ang mundong inyong ginagalawan, ano ang magagawa natin para makaimpluwensya sa iba ang ating pagsaksi at patotoo tungkol sa Tagapagligtas?

Magpatotoo na kapag nagkaroon tayo ng patotoo tungkol kay Jesucristo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, responsibilidad natin na ibahagi ito.

Hikayatin ang mga estudyante na mamuhay nang handa araw-araw na mapatotohanan si Jesucristo sa pamamagitan ng kanilang sinasabi at ginagawa. Hikayatin sila na pumasok sa klase na nabasa ang naka-assign na mga babasahin at handang magbahagi ng mga ideya, magtanong, at makibahagi sa talakayan sa klase.

Mga Babasahin ng mga Estudyante