28
Personal na Saksi ni Jesucristo
Pambungad
Ipinahayag ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol: “Nagpapatotoo kami, bilang Kanyang marapat na inordenan na mga Apostol—na si Jesus ang Buhay na Cristo, ang walang kamatayang Anak ng Diyos” (“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” Ensign o Liahona, Abr. 2000, 3). Sa buong kursong ito, napag-aralan natin ang walang hanggang ministeryo ni Jesucristo at ang mga patotoo ng mga propeta tungkol sa Kanya. Kapag nagkaroon tayo ng personal na patotoo sa pamamagitan ng Espiritu Santo na si Jesus ang Buhay na Cristo, handa tayong ibahagi sa iba ang ating sariling patotoo tungkol sa Tagapagligtas.
Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito
-
D. Todd Christofferson, “Pagiging Saksi ni Jesucristo,” Liahona Mar. 2008, 58–63.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
2 Nephi 25:26; Mosias 18:8–11
Tumayo bilang saksi ni Cristo
Tanungin ang mga estudyante kung nakaranas na sila sa isang sitwasyon na sila lamang ang tanging miyembro ng Simbahan o tao na handang kumatawan sa mga pamantayan ng Simbahan. Pagkatapos ay pasagutan sa kanila ang mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang nadama ninyo nang tumugon kayo sa sitwasyong iyon bilang disipulo ni Jesucristo?
-
Ano ang ilan sa makabuluhan o mahirap na bagay sa karanasan ninyong iyon?
Ipaalala sa mga estudyante ang tala sa Aklat ni Mormon tungkol kay Alma, na nagbalik-loob dahil sa mga itinuro ng propetang si Abinadi. Kasunod ng kanyang pagbabalik-loob, si Alma ay nagsimula ring mangaral ng ebanghelyo. Sa Mosias 18, mababasa natin ang kanyang mga turo tungkol sa mga tipan sa binyag. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 18:8–11. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin ang mga katangian at kilos na nagpapakita na handang gumawa at tumupad ng mga tipan sa binyag ang isang tao. Matapos sumagot ang mga estudyante, ituro ang pariralang “tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar” sa talata 9. Pagkatapos ay itanong:
-
Ano ang ibig sabihin ng tumayo bilang mga saksi ng Diyos Ama at ni Jesucristo “sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar”? (Mosias 18:9).
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Ang mga Apostol ay may tungkulin at ordenasyon na maging mga natatanging saksi ng pangalan ni Cristo sa buong mundo (tingnan sa D at T 107:23), ngunit ang responsibilidad na sumaksi at magpatoto tungkol kay Jesucristo sa lahat ng panahon at sa lahat ng lugar ay para sa lahat ng miyembro ng Simbahan na tumanggap ng patotoo ng Espiritu Santo” (“Witnesses of Christ,” Ensign, Nob 1990, 30).
-
Ayon kay Elder Oaks, sino ang may responsibilidad na magpatotoo tungkol kay Jesucristo? (Tiyakin na naunawaan ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Lahat ng miyembro ng Simbahan ay nakipagtipan na tumayo bilang mga saksi ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.)
-
Bukod sa pagsasabi ng ating mga paniniwala at patotoo, ano ang iba pang mga paraan na makatatayo tayo bilang mga saksi ni Cristo? (Upang matulungan ang mga estudyante na masagot ang tanong na ito, sabihin sa kanila na pag-aralan ang Mateo 5:14–16 at 3 Nephi 18:24.)
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Noong panahon ng Kanyang pagmiministeryo sa Western Hemisphere, ibinigay ng Tagapagligtas ang kautusang ito: ‘Itaas ninyo ang inyong ilawan upang ito ay magliwanag sa sanlibutan. Masdan, ako ang ilaw na inyong itataas—yaong kung alin ay nakita ninyong aking ginawa’ (3 Nephi 18:24). Dapat makita sa atin ng mga tao ang bagay na may kaugnayan kay Jesucristo. Ang ating paraan ng pagkilos, pagsasalita, pagtingin, at kahit pag-iisip ay maglalarawan sa Kanya at sa Kanyang mga pamamaraan” (“Pagiging Saksi ni Jesucristo,” Ensign o Liahona, Mar. 2008, 60).
-
Paano ninyo nakita ang iba na kumilos, nagsalita, o tumingin sa mga paraang nagpapakita ng kanilang pananalig kay Jesucristo?
-
Ano ang ipapayo ninyo sa isang tao para madaig ang kanyang pag-aatubili o takot na maging saksi ni Jesucristo?
Isulat sa pisara ang mga sumusunod na parirala:
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang 2 Nephi 25:26, at sabihin sa kanila na ipaliwanag kung paano maibabahagi ng isang tao ang kanyang patotoo tungkol kay Jesucristo ayon sa pagkakabuod nito sa pisara. Upang matulungan ang talakayan sa klase, gamitin ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson kung kinakailangan:
“Ang mga salita ni Nephi na ‘nangungusap tayo tungkol kay Cristo’ [2 Nephi 25:26] ay nagpapahiwatig na hindi tayo atubiling magsalita tungkol sa mga nadarama natin sa Tagapagligtas sa mga usapan at impormal na okasyon. Kadalasan ito ay mga sarilinang pag-uusap kung saan sa hayagan at magiliw na paraan ay pinag-uusapan kung sino Siya at kung ano ang Kanyang ginawa at itinuro, at hinihikayat din ang iba na mahalin at sundin Siya.
“Ang ‘nagagalak tayo kay Cristo’ ay nangangahulugan na nabubuhay tayo na karaniwang may masayang saloobin na naglalarawan ng ating pananampalataya kay Cristo. Alam natin na ang ‘kanyang biyaya ay sapat’ sa atin para matubos mula sa kamatayan at kasalanan at maging ganap sa Kanya (tingnan sa Moroni 10:32–33). Habang tayo ay nahaharap sa mga kabiguan at kahit mga trahedya, alam natin na dahil sa Kanya, makatitiyak tayo ng walang hanggang kaligayahan. Habang sumasampalataya tayo kay Jesucristo, ipinakikita natin sa iba na ‘nangapapagal at nangabibigatang lubha’ kung paano masumpungan ang kapahingahan sa Kanya (tingnan sa Mateo 11:28–30).
“Ang ‘nangangaral tayo tungkol kay Cristo’ ay tiyak na tumutukoy sa full-time at pang-miyembrong gawaing misyonero ngunit kasama rin ang ginagawa natin sa mga pagsamba, mga klase sa Sunday School, at katulad na pagtitipon kung saan Siya ang paksa ng pag-aaral at aralin. Ang ating partisipasyon kapwa bilang guro o estudyante ay bahagi ng ating pagpapatotoo sa Kanya. …
“Ang ibig sabihin ng ‘nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo’ ay sinasabi natin ang ating patoto tungkol sa Kanya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo (tingnan sa I Mga Taga Corinto 12:3). ‘Ang patotoo ni Jesus ay siyang espiritu ng hula’ (Apocalipsis 19:10). Kagaya nila noon na nagpropesiya tungkol sa Kanyang unang pagparito, pinagtitibay din natin sa salita at gawa ang mga propesiya sa Kanyang Ikalawang Pagparito. …
“Ang ‘sumusulat tayo alinsunod sa ating mga propesiya’ ay nagpapahiwatig ng karunungan sa pagkakaroon ng permanenteng talaan ng ating patotoo kay Cristo. Nauunawaan natin na ang mga patotoo na ating inihahayag ay ‘nakatala sa langit upang tingnan ng mga anghel; at sila ay nagagalak sa [atin]’ (D at T 62:3). Matutunghayan at magagalak ang ating sariling salinlahi at [ang] iba sa ating patotoo kay Cristo na nakasulat o nakatala para sa kanilang kapakanan” (“Pagiging Saksi ni Jesucristo,” Liahona, Mar. 2008, 61–63).
Sa pagwawakas mo ng bahaging ito ng lesson, hikayatin ang mga estudyante na isipin ang isa sa mga bagay na nakasulat sa pisara at magtakda ng mithiin na gagawin nila upang maging mas malakas na saksi ni Jesucristo.
Pagpapatotoo tungkol kay Jesucristo
Sabihin sa mga estudyante na gunitain ang natutuhan nila sa kursong ito at tukuyin ang ilan sa mga ginagampanan ni Jesucristo at ang ilan sa mga paksang may kaugnayan sa Kanya na tinalakay sa klase. Ibuod sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante. (Maaaring kabilang sa mga ginagampanang ito ang Tagapamagitan, Tagapagligtas, Tagapagbayad-sala, Panganay, Bugtong na Anak, Jehova, Mesiyas, Tagapaglikha. Maaaring kasama sa mga paksa ang mga sumusunod: ang kahalagahan ni Jesucristo sa plano ng Diyos; ang Kanyang ministeryo sa buhay bago pa ang buhay na ito; ang katotohanan na Siya ay buhay; ang Kanyang ministeryo sa kabilang daigdig; ang Ikalawang Pagparito; ang Kanyang paghahari sa Milenyo; ang Panunumbalik ng Kanyang ebanghelyo; ang Kanyang pamumuno sa Simbahan; at ang mga dahilan kung bakit Siya ang Ilaw at Buhay ng Sanlibutan.)
I-download at ipanood ang video recording ng sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), kung saan ibinahagi niya ang kanyang patotoo tungkol kay Jesucristo. Kung walang makukuhang video sa inyong wika, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pahayag.
“Si Jesus ay aking kaibigan. Walang sinumang nagbigay sa akin ng labis. ‘Walang may lalong dakilang pag-ibig kay sa rito, na ibigay ng isang tao ang kaniyang buhay dahil sa kaniyang mga kaibigan’ (Juan 15:13). Ibinigay Niya ang kanyang buhay para sa akin. Binuksan Niya ang daan patungo sa buhay na walang hanggan. Isang Diyos lamang ang makagagawa nito. Sana ay maging karapat-dapat akong kaibigan sa Kanya.
“Siya ay aking huwaran. Ang paraan ng Kanyang pamumuhay, ang Kanyang lubos na mapagbigay na pag-uugali, ang Kanyang pagtulong sa mga nangangailangan, ang Kanyang huling sakripisyo ay pawang nagpapakita ng halimbawa sa akin. …
“Siya ay aking guro. Walang ibang tinig ang nangusap nang gayon kagandang pananalita. …
“Siya ay aking tagapagpagaling. Ako ay [nanggilalas] sa Kanyang mga kahanga-hangang himala. …
“Siya ay aking pinuno. Ikinararangal ko ang maging isa sa mahabang hanay ng mga nagmamahal sa Kanya at sumusunod sa Kanya sa loob ng nagdaang dalawang milenyo mula sa Kanyang pagsilang. …
“Siya ay aking Tagapagligtas at aking Manunubos. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng Kanyang buhay sa pagpapakasakit at di-matatawarang paghihirap, bumaba Siya upang ako’y [tulungan], ang bawat isa sa atin, at ang lahat ng anak na lalaki at babae ng Diyos, mula sa kailaliman ng walang hanggang kadiliman pagkatapos ng kamatayan. … Ang aking pasasalamat ay walang hangganan. Ang aking pasasalamat sa aking Panginoon ay walang katapusan.
“Siya ay aking Diyos at aking Hari. Mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan, Siya ang maghahari at mamumuno bilang Hari ng mga Hari at Panginoon ng mga Panginoon. Hindi magkakaroon ng katapusan sa Kanyang pamamahala. Walang gabi sa Kanyang kaluwalhatian” (“Ang Aking Patotoo” Liahona, Hulyo 2000, 71).
Ilahad ang sumusunod na sitwasyon sa iyong mga estudyante: Kung may magtanong sa inyo kung ano ang pinaniniwalaan ninyo tungkol kay Jesucristo, anong tatlo o apat na ideya ang gusto ninyong lubos na bigyang-diin? Bigyan ang mga estudyante ng oras na isulat ang kanilang mga ideya. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na magpartner-partner at ibahagi ang kanilang mga sagot sa isa’t isa. Hikayatin sila na talakayin kung bakit iyon ang pinili nila at ang anumang mga karanasan na nagpalalim sa kanilang kaalaman at pagmamahal sa Tagapagligtas. Matapos ang sapat na oras, itanong sa mga estudyante kung mayroon sa kanila na gustong magbahagi sa klase ng kanilang patotoo tungkol kay Jesucristo.
Tapusin ang lesson sa pagbabahagi ng iyong sariling patotoo sa walang hanggang paglilingkod ng Buhay na Cristo. Maaari mong ipahayag ang iyong pasasalamat para sa maraming mahahalagang ginagampanan ng Panginoong Jesucristo sa lahat ng panahon. Pagkatapos ay ibigay sa mga estudyante ang sumusunod na paanyaya: Ngayong natapos na ninyo ang kursong ito, pag-isipang mabuti ang isang taong kilala ninyo na mapapalakas ng pakikinig ng inyong patotoo tungkol sa Tagapagligtas. Sa susunod na linggo at sa mga susunod pa, magpasiya kung sino ang iimpluwensyahan ninyo at kung paano ninyo ibabahagi ang inyong patotoo.
Mga Babasahin ng mga Estudyante
-
Mateo 5:14–16; 2 Nephi 25:26; Mosias 18:8–11; 3 Nephi 18:24.
-
D. Todd Christofferson, “Pagiging Saksi ni Jesucristo,” Liahona Mar. 2008, 58–63.