27
Si Jesucristo ang Ilaw, Buhay, at Pag-asa ng Sanlibutan
Pambungad
Si Jesucristo “ang liwanag o ilaw, ang buhay, at pag-asa ng mundo” (“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” Ensign o Liahona, Abr. 2000, 3). Ang lesson na ito ay tutulong sa mga estudyante na maunawaan na kapag lumapit sila kay Cristo, tatanggap sila ng dagdag na pag-asa para sa buhay na walang hanggan at magkakaroon sila ng mas matibay na determinasyon na tiisin ang mga pagsubok sa buhay.
Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito
-
Dieter F. Uchtdorf, “Ang Pag-asang Dulot ng Liwanag ng Diyos,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 70, 75–77.
-
Dieter F. Uchtdorf, “Ang Walang Hanggang Bisa ng Pag-asa,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 21–24.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Juan 1:1–9; Doktrina at mga Tipan 88:6–13
Si Jesucristo ang Ilaw ng Sanlibutan
Basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga sitwasyon na maaaring magpadama sa isang tao na siya ay napalilibutan ng kadiliman:
“Mahalaga sa akin ang isang painting na nasa aking opisina na pinamagatang Entrance to Enlightenment. Likha ito ng isang kaibigan ko, ang Danish artist na si Johan Benthin, na siyang unang stake president sa Copenhagen, Denmark.
“Makikita sa painting ang madilim na silid na nakabukas ang pinto na pinagmumulan ng maningning na liwanag. Napansin ko na ang liwanag na nagmumula sa pinto ay hindi tumatanglaw sa buong silid—tanging sa paligid lamang ng pinto.
“Para sa akin, ang kadiliman at liwanag na nasa painting na ito ay katulad ng buhay. Bahagi ng ating katayuan bilang mga mortal na nilalang na madama kung minsan na para tayong napalilibutan ng kadiliman. Marahil nawalan tayo ng mahal sa buhay; maaaring naligaw ng landas ang isang anak; maaaring nakakabagabag ang naging pagsusuri sa atin ng doktor; maaaring may problema tayo sa trabaho at nabibigatan sa mga pag-aalinlangan at pangamba; o maaaring dama nating nag-iisa tayo at hindi minamahal.
“Ngunit kahit maaaring dama nating naguguluhan tayo sa kasalukuyan nating kalagayan, nangangako ang Diyos na may pag-asa sa Kanyang liwanag—nangangako Siyang tatanglawan ang ating daraanan at ituturo sa atin ang landas palabas sa kadiliman” (“Ang Pag-asang Dulot ng Liwanag ng Diyos,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 70).
-
Ano ang ilang sitwasyon na maaaring magpadama sa isang tao na napalilibutan siya ng kadiliman?
-
Ano ang sinabi ni Pangulong Uchtdorf na magagawa ng Diyos kapag nadama natin ang ganito?
Matapos sumagot ang mga estudyante, ipaliwanag na ang lesson na ito ay magtutuon sa paraan kung paano tayo tatanggap ng liwanag at pag-asa mula sa Diyos, anuman ang ating sitwasyon.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 1:1–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga salita at pariralang ginamit ni Juan para ilarawan ang Tagapagligtas. Habang nagbabahagi ang mga estudyante sa nalaman nila, isulat ang sumusunod na doktrina sa pisara: Si Jesucristo ang Ilaw ng Sanlibutan.
Upang matulungan ang mga estudyante na mapalalim ang kanilang pagkaunawa sa doktrinang ito, ipabasa sa kanila nang tahimik ang Juan 1:6–9. Pagkatapos ay itanong:
-
Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa ginagampanan ni Jesucristo bilang Ilaw ng Sanlibutan?
-
Paano nakatutulong sa inyo ang Juan 12:46 at Doktrina at mga Tipan 84:46 upang maunawaan kung paano magiging Ilaw ng Sanlibutan si Jesus sa lahat ng tao?
Sabihin sa mga estudyante na sa mga banal na kasulatan, ang ilaw “na lumiliwanag sa bawa’t tao” (Juan 1:9), o Ilaw o Liwanag ni Cristo, “ay tinatawag kung minsan na Espiritu ng Panginoon, Espiritu ng Diyos, Espiritu ni Cristo, o Liwanag ng Buhay” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 75). Ang Ilaw o Liwanag ni Cristo ay inilarawan sa Doktrina at mga Tipan 88.
Pagpartnerin ang mga estudyante para magtulungan sa pagsagot. Sabihin sa kanila na pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 88:6–13 at tukuyin kung paano pinagmumulan si Jesucristo ng liwanag at buhay. Matapos ang sapat na oras, itanong ang mga sumusunod:
-
Paano naiimpluwensyahan ng Liwanag ni Cristo ang lahat ng nilikha ng Ama sa Langit?
-
Ano ang ipinahihiwatig ng mga katotohanang nakasaad sa mga talatang ito tungkol sa magagawa ng Liwanag ni Cristo para sa isang tao?
-
Bakit makatutulong na maunawaan na ang liwanag na namamahala sa sansinukob ay “siya ring liwanag na nagpapabilis ng inyong mga pang-unawa”? (D at T 88:11).
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Ang liwanag ng Diyos ay tunay. Ito ay maaaring mapasalahat! Ito ang nagbibigay ng buhay sa lahat ng bagay [tingnan sa D at T 88:11–13]. May kapangyarihan itong pawiin ang kirot ng pinakamalalim na sugat. Mapapagaling nito ang kalungkutan at karamdaman ng ating kaluluwa. Sa sandali ng kawalan ng pag-asa, makapagbibigay ito sa atin ng liwanag ng pag-asa. Makapagbibigay ito ng liwanag maging sa pinakamatinding kalungkutan. Matatanglawan nito ang landas sa ating harapan at aakayin tayo sa pinakamadilim na gabi tungo sa pangako ng bagong bukang-liwayway.
“Ito ang ‘Espiritu ni Jesucristo,’ na nagbibigay ng ‘liwanag sa bawat tao na dumarating sa daigdig’ [D at T 84:45–46]” (“Ang Pag-asang Dulot ng Liwanag ng Diyos,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 75).
Talakayin ang mga sumusunod na tanong sa inyong klase:
-
Ayon kay Pangulong Uchtdorf, anong mga pagpapala ang dumating mula sa liwanag na ibinibigay sa atin ng Ama sa Langit sa pamamagitan ni Jesucristo?
-
Kailan ninyo naranasan ang mga pagpapalang binanggit ni Pangulong Uchtdorf?
Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag:
Sabihin sa mga estudyante na basahing muli ang Doktrina at mga Tipan 88:13 at maghanap ng isang parirala na kukumpleto sa pahayag sa pisara. Itanong:
-
Paano nauugnay ang ginagampanan ng Tagapagligtas bilang Ilaw ng Sanlibutan sa Kanyang ginagampanan bilang ang Buhay ng Sanlibutan?
-
Sa anong mga paraan nauugnay ang liwanag sa buhay? (Maaari mong ipaliwanag na si Jesus ang “buhay ng sanlibutan dahil ang kanyang pagkabuhay na mag-uli at pagbabayad-sala ang nagligtas sa atin mula sa pisikal at espirituwal na kamatayan” [Dallin H. Oaks, “The Light and Life of the World,” Ensign, Nob. 1987, 65].)
-
Ano ang mangyayari kung tumigil sa pagbibigay ng buhay sa lahat ng bagay ang liwanag at kapangyarihan ng Tagapagligtas? (Hindi na magkakaroon ng anumang buhay.)
Ipaliwanag na naglaan ang mga banal na kasulatan ng mga halimbawa kung paanong si Jesus ay literal na Ilaw ng Sanlibutan. Sa oras ng kamatayan ng Tagapagligtas, nagkaroon ng tatlong araw ng kadiliman, na sumasagisag na nilisan ng Ilaw ng Sanlibutan ang mundo (tingnan sa 3 Nephi 8:20–23). Sa kabilang banda, sa pagsilang ng Tagapagligtas lumitaw ang isang bagong bituin at dakilang mga liwanag sa kalangitan at nagkaroon din ng tatlong araw na liwanag (tingnan sa Helaman 14:3–5; 3 Nephi 1:15, 21).
Mga Awit 146:5; Mga Taga Roma 5:3–5; 15:13; Eter 12:4, 32; Moroni 7:3, 40–41
Si Jesucristo ang pag-asa ng sanlibutan
Ipaliwanag sa mga estudyante na ang salitang pag-asa ay maraming kahulugan. Sa konteksto ng ebanghelyo ni Jesucristo, ang pag-asa ay “[pagtitiwala] at pananabik sa mga ipinangakong biyaya ng kabutihan” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pag-asa”; scriptures.lds.org). Ang Tagapagligtas ay tinatawag kung minsan na “ang pag-asa ng mundo” o ng sanlibutan dahil ang mga ipinangakong pagpapala ng kabutihan ay dumarating sa atin sa pamamagitan Niya (“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” Ensign o Liahona, Abr. 2000, 3).
Ipakita ang mga sumusunod na tanong at scripture reference, o isulat ang mga ito sa pisara:
Hatiin ang klase sa maliliit na grupo. Sabihin sa mga grupo na pag-aralan ang bawat isa sa scripture passage, hanapin ang mahahalagang salita at parirala tungkol sa pag-asa, at talakayin ang kanilang mga sagot sa mga tanong. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga grupo na bumuo ng isa o dalawang pahayag ng doktrina o alituntunin na nagbubuod sa natutuhan nila tungkol sa doktrina ng pag-asa. Sabihin sa mga grupo na ibahagi sa klase ang mga pahayag na nabuo nila. Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na ang pag-asa ay pagtitiwala na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at pagsunod sa mga kautusan, ay tatanggapin natin ang mga ipinangakong pagpapala ng Diyos, kabilang na ang buhay na walang hanggan. Kung may oras pa, maaari mong itanong ang mga sumusunod:
-
Ano ang ipinapahiwatig sa inyo ng salitang katiyakan sa pariralang “maaaring umasa nang may katiyakan para sa isang daigdig na higit na mainam” (Eter 12:4)? (Kasiguraduhan, o tiwala. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang kahulugang ito sa margin ng kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Eter 12:4.)
-
Paanong ang pag-asa, tulad ng nakasaad sa mga talatang ito, ay nagiging, “isang daungan sa mga kaluluwa ng tao,” at tumutulong sa atin na magkaroon ng “katiyakan at katatagan, nananagana sa tuwina sa mabubuting gawa”? (Eter 12:4).
Ipakita ang sumusunod na pahayag, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Kapag tayo ay may pag-asa, nagtitiwala tayo sa mga pangako ng Diyos. Panatag tayong nakatitiyak na kung gagawin natin ang ‘mga gawa ng kabutihan,’ tayo ay ‘makatatanggap ng kanyang gantimpala, maging kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating’ (D at T 59:23). Itinuro ni Mormon na ang gayong pag-asa ay dumarating lamang sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo [tingnan sa Moroni 7:41]” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2004], 106).
-
Bakit kinakailangan ang ating pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala sa pagkakaroon ng tunay na pag-asa? Paano kayo natutulungan nito na maunawaan kung bakit si Jesucristo ang pag-asa ng sanlibutan? (Kapag umasa tayo kay Jesucristo, hindi natin maaalintana ang mga pagsubok at kalungkutan sa buhay na ito at magtutuon tayo sa mga pagpapalang makakamtan sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, tulad ng pagkabuhay na mag-uli at buhay na walang hanggan.)
-
Ano ang maaari ninyong gawin para mamuhay nang may mas malaking pag-asa sa buhay na ito?
Kung hinikayat ka ng Espiritu Santo, maaari mong sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng isang pagkakataon na naging pagpapala sa kanila o sa iba ang pag-asa sa pagkabuhay na mag-uli at sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesucristo.
Mga Babasahin ng mga Estudyante
-
Mga Awit 146:5; Juan 8:12; Mga Taga Roma 5:3–5; 15:13; I Ni Pedro 1:3; Eter 12:4, 32; Moroni 7:3, 40–41; Doktrina at mga Tipan 88:6–13; 138:14.
-
Dieter F. Uchtdorf, “Ang Pag-asang Dulot ng Liwanag ng Diyos,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 70, 75–77.