22
Ang Ama at ang Anak ay Nagpakita kay Joseph Smith
Pambungad
Ipinahayag sa “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol”: “Sa makabagong daigdig, [si Jesucristo] at ang Kanyang Ama ay nagpakita sa batang lalaking si Joseph Smith, upang pasimulan ang matagal nang ipinangakong ‘kaganapan ng mga panahon’ (Mga Taga Efeso 1:10)” (Ensign o Liahona, Abr. 2000, 3). Ang lesson na ito ay magtutuon sa mahalagang bahagi ng Unang Pangitain sa doktrina ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at sa bahagi ng Tagapagligtas sa pangitaing iyon. Bibigyang-diin din ng lesson na ito na ang pag-aaral ng Unang Pangitain ay nagpapalakas sa ating pananampalataya sa Diyos Ama at kay Jesucristo.
Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito
-
Gordon B. Hinckley, “Ang Kagila-gilalas na Pundasyon ng Ating Pananampalataya,” Ensign o Liahona, Nob. 2002, 78–81.
-
Dieter F. Uchtdorf, “Ang mga Bunga ng Unang Pangitain,” Ensign o Liahona, Mayo 2005, 36–38.
-
Neil L. Andersen, “Joseph Smith,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 28–31.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Joseph Smith—Kasaysayan 1:14–17
Nakita ni Joseph Smith ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo
Pagtibayin ang konteksto ng lesson na ito sa pamamagitan ng mabilis na pagrebyu ng Joseph Smith—Kasaysayan 1:5–12. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na ihalintulad ang scripture passage na ito sa ating panahon na binibigyang-diin ang pagkakatulad ng mga karanasan ni Joseph Smith sa paghahanap ng katotohanan at ng mga karanasan ng mga taong naghahanap ng katotohanan sa ating panahon. (Dapat kabilang sa mga sagot ang sumusunod: Maraming pagtatalu-talo sa iba’t ibang simbahan. Hindi malaman ni Joseph Smith kung aling simbahan ang totoo gamit ang lohika at talino. Ang mga pinuno ng relihiyon ay magkakaiba ng pakahulugan sa parehong mga talata ng banal na kasulatan.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:14–15. Pagkatapos ay itanong sa klase:
-
Sa palagay ninyo, bakit tinangka ni Satanas na pigilan si Joseph Smith sa pagdarasal? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang sumusunod: Kilala ni Satanas si Joseph Smith doon sa buhay bago ang mortal na buhay na ito at alam niya na ang misyon ni Joseph na inorden noon pa man ay tumulong sa pagpapanumbalik ng katotohanan sa lupa. Tinangka ni Satanas na hadlangan ito.)
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:16–17 at isulat ang mga doktrina na makikita sa patotoo ni Joseph Smith. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga doktrinang nakita nila.
Maaari mong ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Christoffel Golden ng Pitumpu:
“Isinulat ng Propeta: ‘Nakakita ako ng dalawang Katauhan, na ang liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang maisalarawan, nakatayo sa hangin sa itaas ko. Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa—Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!’ [Joseph Smith—Kasaysayan 1:17].
“Ang karanasang ito ng batang si Joseph, na sinundan ng maraming iba pang mga pangitain at paghahayag, ay naghahayag na talagang mayroong Diyos; ang Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ay dalawang hiwalay at magkaibang nilalang; ang tao ay nilikha sa wangis ng Diyos; ang ating Ama sa Langit ay literal na Ama ni Jesucristo; patuloy na inihahayag ng Diyos ang Kanyang Sarili sa tao; ang Diyos ay laging nariyan at nagmamalasakit sa atin; at sinasagot Niya ang ating mga dalangin” (“Ang Ama at ang Anak,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 100).
-
Paano ninyo ilalarawan ang kahalagahan ng Unang Pangitain ni Joseph Smith sa teolohiya ng mga Banal sa mga Huling Araw? (Kapag nakasagot na ang mga estudyante, bigyang-diin ang sumusunod: Ang pangitain ni Joseph Smith tungkol sa Ama at sa Anak ay nagpanumbalik ng maraming mahahalagang katotohanan sa mundo.)
-
Paano ninyo ilalarawan ang kahalagahan ng Unang Pangitain ni Joseph Smith sa mga naghahanap ng katotohanan ngayon?
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Ang buong katayuan natin bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nakasalalay sa katotohanan ng maluwalhating Unang Pangitain na ito. … Wala sa pinagbabatayan natin ng doktrina, wala sa itinuturo natin, wala sa ipinamumuhay natin ang mas hihigit pa sa naunang pahayag na ito. Naniniwala ako na kung nakausap ni Joseph Smith ang Diyos Ama at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak, kung gayon lahat ng iba pang sinabi niya ay totoo. Ito ang pangyayaring nagbigay-daan tungo sa landas ng kaligtasan at buhay na walang hanggan” (“What Are People Asking about Us?” Ensign, Nob. 1998, 71).
-
Bakit “ang buong katayuan natin bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw” ay nakasalalay sa katotohanan ng Unang Pangitain? (Dapat maunawaan ng mga estudyante na kung mali ang salaysay ni Joseph Smith, hindi nangyari ang Pagpapanumbalik ng Simbahan ni Jesucristo; gayunpaman, kung totoo ang salaysay ni Joseph Smith, ang Panunumbalik na ito ay totoong nangyari at ang ipinanumbalik na ebanghelyo ay totoo.)
-
Paano kayo nagkaroon ng patotoo sa katotohanan ng Unang Pangitain?
Sabihin sa mga estudyante na simulang pag-isipan kung ano ang maaari nilang gawin para mas mapagtibay ang patotoo nila sa katotohanan ng Unang Pangitain. Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Sa mga kabataang nakikinig ngayon o nagbabasa ng mga salitang ito, may hamon ako sa inyo: Magkaroon ng sariling patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith. … Basahin ang patotoo ni Propetang Joseph Smith sa Mahalagang Perlas. … Ito ang sariling patotoo ni Joseph tungkol sa tunay na nangyari. Basahin ito nang madalas. Isiping irekord ang patotoo ni Joseph Smith sa sarili ninyong tinig, pakinggan ito palagi, at ibahagi ito sa mga kaibigan. Ang pakikinig sa patotoo ng Propeta sa sarili ninyong tinig ay makatutulong sa pagkakaroon ninyo ng patotoong hangad ninyo” (“Joseph Smith,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 30).
Bago magpatuloy, ipaliwanag sa mga estudyante na hindi lamang sa Unang Pangitain nakausap ng Tagapagligtas si Joseph Smith at ang iba pa sa dispensasyong ito. Halimbawa, nagpakita si Jesucristo kay Joseph Smith at sa iba pang mga lider ng Simbahan nang ilang beses noong mga unang araw ng Panunumbalik (para sa halimbawa, tingnan sa D at T 76:22–24; 110:1–10).
Joseph Smith—Kasaysayan 1:17–20
“Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!”
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:17, at itanong sa kanila kung ano ang ginawa ng Ama sa Langit nang magpakita Siya kay Joseph Smith. (Ipinakilala Niya ang Kanyang Anak.) Maaari mo ring itanong sa mga estudyante kung pinag-isipan ba nila kung bakit ang partikular na bahaging ito ng Unang Pangitain ay mahalaga. Basahin sa iyong mga estudyante ang mga sumusunod na pahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972):
“Ang lahat ng paghahayag simula sa pagkahulog ay dumating sa pamamagitan ni Jesucristo. … … Ang Ama ay hindi kailanman nakitungo nang tuwiran at personal sa tao mula noong pagkahulog, at hindi nagpakita kailanman maliban para ipakilala at patunayan ang Anak” (Doctrines of Salvation, tinipon ni Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 1:27).
“Noong nasa Halamanan ng Eden si Adan, siya ay nasa presensya ng Diyos na ating Walang Hanggang Ama. Pagkatapos ng kanyang pagkahulog, pinaalis siya sa harapan ng Ama. … Pagkatapos, ayon sa mga banal na kasulatan, si Jesucristo ay naging Tagapamagitan ni Adan at ng kanyang mga anak [tingnan sa I Ni Juan 2:1; D at T 29:5; 110:4], [I Kay Timoteo 2:5; Sa Mga Hebreo 9:15], na namamagitan sa sangkatauhan at sa Walang Hanggang Ama, nagsusumamo para sa atin. Mula sa panahong iyon ay si Jesucristo ang namamahala sa kanyang mga tagapaglingkod sa lupa at nagbigay ng paghahayag at patnubay sa mga propeta. Kung si Joseph Smith ay isang manlilinlang … hindi niya sasabihing ang Ama ang nagpakilala sa Anak, at nagsabing sa Anak siya magtanong at ang Anak ang nagbibigay ng sagot” (Answers to Gospel Questions, tinipon ni. Joseph Fielding Smith Jr., 5 tomo [1957–66], 3:58).
-
Sa Unang Pangitain, nang magtanong si Joseph Smith kung aling sekta ang tama, sinong katauhan ang sumagot sa kanyang tanong?
-
Ayon kay Pangulong Joseph Fielding Smith, bakit mahalaga para kay Joseph Smith na itala na ipinakilala ng Ama sa Langit si Jesucristo at si Jesucristo ang sumagot sa mga tanong ni Joseph? (Dapat maunawaan ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Simula sa Pagkahulog nina Adan at Eva, lahat ng paghahayag ay dumating sa pamamagitan ni Jesucristo.)
-
Ngayong nauunawaan na ninyo ang paraang ito sa pagbibigay ng paghahayag, paano ito nakakaapekto sa inyong paniniwala sa katotohanan ng salaysay ng Propeta tungkol sa kanyang pangitain?
Ang Unang Pangitain ay tumutulong sa atin na magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan:
“Sa ganitong paraan biniyayaan ng Unang Pangitain ni Joseph Smith ang ating sariling buhay, ang buhay ng mga pamilya, at sa huli ang buong sangkatauhan—naniwala tayo kay Jesucristo sa pamamagitan ng mga patotoo ni Propetang Joseph Smith. Nagpakita rin ang Diyos sa mga propeta at apostol sa buong kasaysayan ng sangkatauhan tulad noon kay Joseph. …
“… Ang lahat ng pagpapamalas na ito, noon at ngayon, ay umaakay sa mga naniniwala tungo sa banal na pinagmumulan ng lahat ng kabutihan at pag-asa—sa Diyos, ang ating Ama sa Langit, at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. …
“Sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa personal na patotoo ni Propetang Joseph Smith at sa katotohanan ng Unang Pangitain, sa pamamagitan ng pag-aaral at panalangin nang taimtim at tapat, tayo ay bibiyayaan ng matibay na pananampalataya sa Tagapagligtas ng mundo, na nangusap kay Joseph noong ‘umaga ng isang maganda, maaliwalas na araw, sa tagsibol ng taong isanlibo walong daan at dalawampu’ (Joseph Smith—Kasaysayan 1:14)” (“Ang mga Bunga ng Unang Pangitain,” Ensign o Liahona, Mayo 2005, 38).
-
Ayon kay Pangulong Uchtdorf, anong pagpapala ang dumarating sa pag-aaral tungkol sa Unang Pangitain? (Iba-iba man ang gamiting mga salita ng mga estudyante, kailangan nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kapag nalaman natin ang tungkol sa Unang Pangitain, nagkakaroon tayo ng mas malaking pananampalataya sa Diyos Ama at sa Kanyang Anak na si Jesucristo.)
-
Sa nalaman natin tungkol sa pagdalaw ng Ama at ng Anak kay Joseph Smith, paano ito mas nagpalalim ng ating pananampalataya sa Kanila? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang sumusunod: Ang Unang Pangitain ay isa pang patotoo na Sila ay buhay; tinitiyak nito sa atin na nagmamalasakit Sila sa mga ginagawa ng tao; katibayan ito na pinakikinggan at sinasagot Nila ang mga panalangin.)
-
Ano ang naitulong ng Unang Pangitain sa inyong patotoo tungkol sa Panunumbalik?
-
Ano ang magagawa ninyo sa susunod na linggo upang mapalakas o makatanggap kayo ng pagpapatibay sa inyong patotoo tungkol sa Unang Pangitain?
Hikayatin ang mga estudyante na mag-ukol ng ilang oras na pagnilayan at ipagdasal sa darating na mga araw ang tungkol sa Unang Pangitain. Sabihin sa kanila na isulat ang mga naisip at nadama nila tungkol sa sagradong karanasan ni Joseph Smith.
Mga Babasahin ng mga Estudyante
-
Dieter F. Uchtdorf, “Ang mga Bunga ng Unang Pangitain,” Ensign o Liahona, Mayo 2005, 36–38.
-
Neil L. Andersen, “Joseph Smith,” Ensign o Liahona, Nob. 2014, 28–31.