Seminaries and Institutes
Lesson 4: Nilikha ni Jehova ang Mundo


4

Nilikha ni Jehova ang Mundo

Pambungad

Nakasaad sa “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol”: “Sa ilalim ng pamamahala ng Kanyang Ama, [si Jesucristo] ang manlilikha ng daigdig. ‘Ang lahat ng mga bagay ay ginawa niya; at alin man sa lahat ng ginawa ay hindi ginawa kung wala siya’ (Juan 1:3)” (Ensign o Liahona, Abr. 2000, 2). Kapag naunawaan ng mga estudyante ang mga walang hanggang layunin ng paglikha sa mundo, makapamumuhay sila nang may mas matinding determinasyon na isakatuparan ang layunin ng kanilang paglikha.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Russell M. Nelson, “Ang Paglikha,” Liahona, Hulyo 2000, 84–86.

  • Kung mayroon sa inyong wika, maaari ninyong basahin ang Neal A. Maxwell, “Our Creator’s Cosmos,” sa By Study and by Faith: Selections from the Religious Educator, ed. Richard Neitzel Holzapfel and Kent P. Jackson (2009), 37–50.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Genesis 1:1; Juan 1:1–3; Sa Mga Hebreo 1:1–2; Jacob 4:9; Doktrina at mga Tipan 38:1–3; 76:22–24; 104:14–17; Moises 1:30–33; 2:1

Nilikha ni Jehova ang mundo

Magdispley ng isang bagay na ginawa para sa iyo ng isang tao (marahil bilang isang regalo). Ibahagi sa klase ang iyong damdamin para sa bagay na ito at sa taong gumawa nito. Pagkatapos ay itanong:

  • Kailan may ginawang isang bagay ang isang tao para sa inyo? Ano ang nadama ninyo sa taong gumawa niyon?

Sabihin sa mga estudyante na paghambingin ang Genesis 1:1; Juan 1:1–3; Mga Taga Efeso 3:9; Sa Mga Hebreo 1:1–2; at Moises 2:1. Sabihin sa mga estudyante na maglista sa pisara ng mga pagkakatulad at pagkakaiba na napansin nila sa mga scripture passage na ito. (Paalala: Kapag natutuhan ng mga estudyante na maghambing ng mga scripture passage, mas malinaw nilang mauunawaan ang mga doktrina at alituntunin.) Pagkatapos ay itanong:

  • Ayon sa mga banal na kasulatang ito, sino ang lumikha ng mundo? (Bigyang-diin na nilikha ni Jehova ang mundo sa ilalim ng pamamahala ng Ama, o tulad ng itinuro ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang buong paglikha ay pinlano ng [Ama sa Langit]” (“Ang Paglikha,” Liahona, Hulyo 2000, 84).

Bigyan ng oras ang mga estudyante na basahin at paghambingin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 76:22–24; 104:14–17; at Moises 1:30–33, at alamin kung ano pa ang mga nilikha ni Jehova. Kung kinakailangan, ipaliwanag na nilikha Niya ang mga daigdig na hindi mabilang at na “ang lupa ay sagana, at may sapat at matitira” (D at T 104:17). Tulungan ang mga estudyante na suriin ang pariralang ito sa pagtatanong ng:

  • Ano ang ipinahihiwatig ng pariralang ito tungkol sa kailangang alam ng Tagapagligtas nang likhain Niya ang mundo? (Kailangang alam Niya kung ilang tao ang maninirahan sa mundo at kung ano ang magiging mga pangangailangan nila sa lahat ng iba’t ibang panahon ng kasaysayan.)

Ipaliwanag sa mga estudyante na mahalagang malaman kung sino ang lumikha ng mundo at mahalaga ring malaman kung sa anong kapangyarihan nilikha ang mundo. Sabihin sa mga estudyante na ihambing at i-cross-reference ang Mormon 9:16–17; Doktrina at mga Tipan 38:1–3; at Jacob 4:9 at tukuyin kung paano nilikha ang mundo. Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag sa sarili nilang mga salita kung ano ang ibig sabihin ng mga scripture passage na ito. Pagkatapos ay ipakita ang sumusunod na pahayag:

“Nilikha ni Jesucristo ang mundong ito at lahat ng narito. Lumikha rin Siya ng marami pang ibang mundo. Ginawa Niya ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood, sa ilalim ng pamamahala ng ating Ama sa Langit” (Mga Alituntunin ng Ebanghelyo [2009], 27).

Ipaliwanag na talagang kakaunting detalye lamang ang nakasaad sa mga banal na kasulatan tungkol sa kung paano nilikha ang mundo, bagama’t ipinangako sa atin na ihahayag balang-araw ang mga detalyeng iyon (tingnan sa D at T 101:32–34). Mas maraming itinuro sa mga banal na kasulatan tungkol sa layunin ng Paglikha.

Talakayin ang mga sumusunod na tanong sa klase:

  • Kapag pinagmamasdan ninyo ang mga bagay sa inyong paligid, ano ang itinuturo sa inyo ng mga nilikha ng Diyos tungkol sa Tagapagligtas, tungkol sa Kanyang priesthood, at tungkol sa Kanyang katayuan sa daigdig bago pa ang buhay na ito?

  • Paano naiimpluwensyahan ng pag-unawa sa mga katotohanang ito ang inyong saloobin at patotoo kay Jesucristo?

  • Paano naiimpluwensyahan ng pag-unawa sa mga katotohanang ito ang nadarama ninyo tungkol sa mundong ito?

Bago magpatuloy, bigyang-diin sa mga estudyante na bagama’t ang Tagapagligtas ang lumikha ng mundo, ang Ama sa Langit ay Ama ng ating mga espiritu at ang lumikha sa pisikal na katawan nina Adan at Eva.

1 Nephi 17:36; 2 Nephi 2:23–25; Doktrina at mga Tipan 49:16–17; Moises 1:27–33, 39

Ang layunin ng paglikha sa mundo

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante at sabihin sa kanila na basahing mabuti ang Moises 1:27–33, 39; 1 Nephi 17:36; at Doktrina at mga Tipan 49:16–17. Maaari mong imungkahi na markahan nila ang mga salita at parirala sa mga scripture passage na ito na tutulong sa kanila na masagot ang tanong na ito: “Paano ninyo ipaliliwanag sa isang kaibigan kung bakit nilikha ang mundo?” Tawagin ang ilang magkapartner para magbahagi sa klase ng kanilang mga sagot. Dapat makita ng mga estudyante na Nilikha ni Jehova ang mundo upang maglaan ng lugar kung saan makapamumuhay at uunlad ang mga anak ng Diyos tungo sa buhay na walang hanggan. Itanong:

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 2 Nephi 2:18–25, at pagkatapos ay itanong:

  • Paano makahahadlang kina Adan at Eva ang mga kalagayan sa Halamanan ng Eden sa pag-unlad sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit?

  • Paano nakatulong ang Pagkahulog ni Adan para maisakatuparan ng mundo ang layunin ng pagkalikha nito? (Nakatulong ito para magkaroon ng mga anak sina Adan at Eva.)

  • Paano nakatulong sa atin ang mga bunga ng Pagkahulog, na inilarawan sa talata 23, sa pag-unlad natin sa plano ng Ama sa Langit?

Bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng mga sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol at ni Sister Julie B. Beck, dating Relief Society general president. Bigyan ng sapat na oras ang mga estudyante na mabasa ang mga pahayag na ito at mapag-isipang mabuti ang bahagi ng Paglikha sa plano ng Diyos para sa kaligtasan ng Kanyang mga anak.

Elder Bruce R. McConkie

“Tulad sa katiyakang dumating ang kaligtasan dahil sa Pagbabayad-sala, gayon din naman dumating ang kaligtasan dahil sa Pagkahulog. …

“At dapat din nating tandaan na ang Pagkahulog ay naging posible dahil ang isang walang hanggang Tagapaglikha … ay nilikha ang mundo at tao at ang lahat ng uri ng buhay sa kalagayang maaari silang mahulog. … Lahat ng bagay ay nilikha upang ang mga ito ay mahulog o mabago, at sa gayon ay darating ang klase at uri ng kalagayan na kailangan upang maisagawa ang lahat ng tuntunin at kondisyon ng walang hanggang plano ng kaligtasan ng Ama.

“Ang unang temporal na paglikha ng lahat ng bagay … ay malaparaiso ang kalagayan. Noong unang panahon sa halamanan ng Eden lahat ng anyo ng buhay ay nasa mas mataas at naiibang kalagayan kaysa sa kalagayang umiiral ngayon. Ang magaganap na pagkahulog ay magpapababa at magpapasulong at magpapaunlad sa kanila. Ang kamatayan at pagkakaroon ng anak ay wala pa noon sa daigdig” (Bruce R. McConkie, “Christ and the Creation,” Ensign, Hunyo 1982, 9).

Julie B. Beck

Busath.com

“Sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, may teolohiya tayo tungkol sa pamilya na batay sa Paglikha, Pagkahulog, at Pagbabayad-sala. Ang Paglikha sa mundo ay naglaan ng isang lugar na matitirhan ng mga pamilya. Nilikha ng Diyos ang lalaki at babae na dalawang mahalagang miyembro ng isang pamilya. Bahagi ng plano ng Ama sa Langit na mabuklod sina Adan at Eva at magbuo ng isang walang hanggang pamilya.

“Ang Pagkahulog ay nagbigay-daan sa paglago ng pamilya. Sina Adan at Eva ang mga pinuno sa pamilya na piniling dumanas ng mortal na buhay. Dahil sa Pagkahulog nagkaroon sila ng mga anak na lalaki’t babae.

“Dahil sa Pagbabayad-sala sama-samang mabubuklod nang walang hanggan ang pamilya. Tinutulutan nito ang mga pamilya na magkaroon ng walang hanggang pag-unlad at maging sakdal. Ang plano ng kaligayahan, na tinatawag ding plano ng kaligtasan, ay isang planong nilikha para sa mga pamilya. Kailangang maunawaan ng bagong henerasyon na ang mga pangunahing alituntunin ng ating teolohiya ay nakatuon sa pamilya” (Julie B. Beck, “Pagtuturo ng Doktrina tungkol sa Pamilya,” Ensign, Mar. 2011, 12).

  • Paano nakatutulong ang mga pahayag na ito sa inyo na maunawaan ang mahalagang bahagi ng Paglikha sa kabuuang plano ng Diyos para sa kaligtasan ng Kanyang mga anak?

  • Bakit mahalagang maunawaan na ang mundo ay nilikha upang makatulong sa pagpapadakila sa bawat tao at mga pamilya? (Kapag nakasagot na ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na alituntunin sa pisara: Kapag naunawaan natin ang layunin ng paglikha sa mundo, magkakaroon tayo ng mas matinding hangarin na isakatuparan ang layunin ng paglikha sa atin.)

Ipaliwanag sa mga estudyante na dahil sa kapangyarihang magbuklod ng priesthood, ang mga mag-asawa at mga magulang at mga anak ay magkakasama-sama sa kabilang-buhay. Kung wala ang kapangyarihang magbuklod na ipinanumbalik sa pamamagitan ni Elijah, hindi matatanggap ng mga anak ng Diyos ang lubos na mga pagpapala ng kadakilaan at hindi maisasakatuparan ang layunin ng paglikha sa mundo, o tulad ng itinuro sa Doktrina at mga Tipan, ang “buong mundo ay lubusang mawawasak” (D at T 2:3; tingnan din sa Malakias 4:6).

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa mahahalagang katotohanang ito: (1) Nilikha ni Jehova ang mundo sa ilalim ng pamamahala ng Ama; (2) Nilikha Niya ang mundo upang maglaan ng lugar kung saan makapamumuhay at uunlad ang mga anak ng Diyos tungo sa buhay na walang hanggan; at (3) kapag naunawaan natin ang layunin ng paglikha sa mundo, magkakaroon tayo ng mas matinding hangarin na isakatuparan ang layunin ng paglikha sa atin.

Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipang mabuti ang magagawa nila upang makapagpasalamat para sa mga nilikha ni Jesucristo. Hikayatin ang mga estudyante na kumilos ayon sa anumang pahiwatig ng Espiritu na nadama nila sa oras ng lesson.

Mga Babasahin ng mga Estudyante