17
Ang Tagapagligtas ay Nagdusa at Namatay sa Krus ng Kalbaryo
Pambungad
Nang malapit nang matapos ang mortal na ministeryo ng Tagapagligtas, “Dinakip Siya at tinuligsa batay sa mga maling paratang, pinarusahan upang mabigyang-kasiyahan ang mga mandurumog, at hinatulan ng kamatayan sa krus ng Kalbaryo” (“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” Ensign o Liahona, Abr. 2000, 2). Sa lesson na ito bibigyang-diin natin ang mahalagang katotohanan na tinulutan ni Jesucristo ang Kanyang sarili na magdusa at mamatay sa kamay ng iba; walang sinuman ang kumuha ng Kanyang buhay mula sa Kanya.
Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito
-
Jeffrey R. Holland, “Walang Sinuman ang Kasama Niya,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 86–88.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mateo 27:26–54; Juan 10:11–18; 19:10–11; 1 Nephi 19:9
Si Jesucristo ay may kapangyarihang ialay ang Kanyang buhay
Ipakita ang larawang Ang Pagpapako sa Krus (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 57; tingnan din sa LDS.org).
Sabihin sa mga estudyante na isipin na kunwari ay isa sila sa matatapat na taong nakamasid na makikita sa larawan habang binabasa mo ang Mateo 27:26–54 nang malakas. Hikayatin ang mga estudyante na tahimik na sumabay sa pagbasa at isiping mabuti kung ano kaya ang pakiramdam kung sila ang taong iyon at masaksihan ang Pagpapako sa Krus kay Jesucristo. Matapos mong magbasa, sabihin sa mga estudyante na ilarawan kung ano sa palagay nila ang naiisip at nadarama ng taong iyon. Matapos ang ilang sagot, itanong sa klase:
-
Ano ang nadama ninyo para sa Tagapagligtas matapos basahin at talakayin ang tala na ito?
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Juan 10:11, 17–18. Matapos ang sapat na oras, itanong:
-
Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa Pagpapako sa Krus at kamatayan ni Jesucristo? (Tiyaking nauunawaan ng mga estudyante na si Jesucristo ay may kapangyarihan mula sa Ama na ibigay ang kanyang buhay at ibangon itong muli.)
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder James E. Talmage ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Ang likas na epekto ng imortal na pinagmulan [ni Jesus], bilang Anak ng isang imortal na Ama, na isinilang dito sa lupa, ay Siya ay walang kamatayan maliban kung Kanyang itulot ito. Ang buhay ni Jesus ang Cristo ay hindi makukuha maliban kung loobin at ipahintulot Niya. Ang kapangyarihang ialay ang Kanyang buhay ay taglay Niya, tulad ng kapangyarihang ibangon ang Kanyang katawan na pinatay sa isang imortal na kalagayan” (Jesus the Christ, Ika-3 ed. [1916], 418).
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 26:53–54 at sa isa pa ang Juan 19:10–11. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na sumabay sa pagbasa, at paghambingin ang dalawang scripture passage.
-
Ayon sa tala sa Mateo, anong tulong ang mahihingi ni Jesucristo?
-
Ano ang natutuhan ninyo mula sa scripture passage sa Juan? (Maaaring iba-iba ang gamiting salita ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Walang sinuman ang maaaring kumuha ng buhay ni Jesucristo; tinulutan Niyang magdanas Siya ng kamatayan.)
-
Kung matatawag ni Jesus ang mga pulutong ng mga anghel na bumaba para tumulong, sa palagay ninyo bakit tinulutan Niya ang Kanyang sarili na mapako sa krus?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 1 Nephi 19:9. Sabihin sa klase na ipaliwanag ang ibig sabihin ng salitang titiisin. (Sa pagkakagamit dito, ang ibig sabihin ng titiisin ay pahihintulutan o papayagan. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang “pahihintulutan” sa margin ng kanilang banal na kasulatan sa tabi ng 1 Nephi 19:9.)
-
Bakit pinahintulutan ng Tagapagligtas ang Kanyang sarili na ipako sa krus?
Maaari mong ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Alexander B. Morrison ng Pitumpu at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Ang pagmamahal para sa lahat ng anak ng Diyos ang dahilan kung bakit si Jesus, natatangi sa Kanyang kawalan ng kasalanan, ay inialay ang Kanyang sarili bilang pantubos para sa mga kasalanan ng lahat ng tao. … Ito ang lubos na dahilan kung bakit naparito si Jesus sa mundo upang ‘[m]agdusa para sa tao’ [“Awit ang Papuri sa Pag-ibig,” Mga Himno, blg. 105]. Siya ay naparito … upang magbayad-sala para sa ating mga kasalanan, upang Siya, na itinaas sa krus, ay mailapit ang lahat ng tao sa Kanya (tingnan sa 3 Ne. 27:14)” (“For This Cause Came I into the World,” Ensign, Nob. 1999, 26).
Ipaliwanag na si Jesus ay nagdusa sa Pagkakapako sa Krus dahil sa Kanyang dakilang pagmamahal sa Kanyang Ama pati na rin sa atin. Pagkatapos ay itanong:
-
Ngayong alam na ninyo na kusang nagpapako sa krus ang Tagapagligtas dahil sa pagmamahal Niya sa Kanyang Ama at sa atin, paano ito makatutulong para matiis ninyo ang mahihirap na karanasan na maaaring makaharap ninyo?
Mateo 27:46; Lucas 23:34–46; Juan 19:26–30
Tinapos ni Jesucristo ang Kanyang misyon sa lupa
Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan kung ano ang kamatayan sa krus, maaari mong ibahagi ang sumusunod:
“Ang kamatayan sa pamamagitan ng pagpapako sa krus ay tila kinapapalooban ng lahat ng sakit at kamatayan na kahindik-hindik at kasindak-sindak—pagkahilo, pangangalay, uhaw, gutom, hindi dalawin ng antok, mataas na lagnat, tetano, kahihiyan, matagal na pagdurusa, takot sa mangyayari, pagkabulok ng mga sugat na hindi nagamot—lahat ng ito ay tumitindi hanggang sa kaya lamang matiis at nahihinto sa sandaling mawalan ng malay-tao ang nagdurusa. Dahil sa hindi magandang kalagayang ito [ang pagkakapako sa krus], ang bawat paggalaw ay nagdudulot ng sobrang sakit; ang mga nahiwang ugat at nadurog na mga litid na pinatindi ng walang tigil na sakit; ang mga sugat, na pinalala ng pagkalantad, ay unti-unting nabubulok; ang malalaking ugat—lalo na sa ulo at tiyan—ay namamaga at ang dugo ay namumuo; at habang ang bawat isa sa mga pasakit na ito ay unti-unting tumitindi, dumaragdag dito ang hindi matiis na matinding kirot at uhaw; at lahat ng sakit na ito sa katawan ay nagdudulot ng takot at pagkabalisa, na dahilan upang ang kamatayan mismo—ang kamatayan, ang kakilakilabot na kaaway, na karaniwang kinatatakutan ng tao—ay nagiging matamis at nagbibigay ng kaginhawahan sa lahat ng ito.
“Gayon ang itinadhanang kamatayan ni Cristo” (Frederic W. Farrar, The Life of Christ [1964], 641).
Sabihin sa mga estudyante na may pitong pahayag na sinabi si Jesucristo habang nakapako sa krus. Isulat ang mga sumusunod na scripture reference sa pisara (huwag isama ang mga sipi sa mga panaklong), at sabihin sa bawat estudyante na alamin ang ilan sa mga ito at tukuyin kung ano ang sinabi ni Jesus:
Kapag naibahagi na ng mga estudyante ang mga nalaman nila, i-paraphrase ang mga pahayag na ito sa pisara sa tabi ng kaugnay na scripture reference ng mga ito. Itanong sa mga estudyante:
-
Ano ang inihahayag ng mga pahayag na ito tungkol sa Tagapagligtas at kung ano ang nararanasan Niya sa krus?
-
Ano ang tinutukoy ni Jesus nang sabihin Niyang, “Naganap na”? (Natapos na Niya ang walang hanggang paghihirap na kinakailangan sa Pagbabayad-sala. Maaari mong banggitin sa mga estudyante na mababasa sa Joseph Smith Translation, Matthew 27:54: “Si Jesus nang siya ay muling sumigaw sa malakas na tinig, ay nagsabing, Ama, naganap na, naisagawa na ang iyong kalooban, ay nalagot ang hininga” [tingnan din sa Matthew 27:50, footnote a sa LDS English version ng Biblia]. Namatay lamang si Jesus matapos Niyang malaman na nagawa na Niya ang lahat ng nais ng Ama na gawin Niya.)
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Nang matapos na ang Pagbabayad-sala, nang ipakita ni Cristo ang di matinag na determinasyong maging tapat, sa wakas, ang Kanyang paghihirap ay ‘naganap na’ [tingnan sa Juan 19:30]. Sa kabila ng napakatinding paghihirap at wala ni isang tumulong o sumuporta sa Kanya, si Jesus ng Nazaret, ang buhay na Anak ng Diyos na buhay, ay ginawang posible ang mabuhay na mag-uli matapos mamatay at magdulot ng galak, at espirituwal na pagtubos mula sa mala-impyernong kadiliman at kawalan ng pag-asa. Taglay ang pananampalataya sa Diyos na alam Niyang naroroon, matagumpay Niyang nasabi, ‘Ama, sa mga kamay mo ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu’ [Lucas 23:46]” (“Walang Sinuman ang Kasama Niya,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 88).
Ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Pinili ni Jesus na hindi umalis sa mundong ito hanggang hindi pa Niya natatapos ang Kanyang pagdurusa at misyon na siyang ipinarito Niyang gawin para sa sanlibutan. Doon sa krus sa kalbaryo, itinagubilin ni Jesus ang Kanyang espiritu sa Kanyang Ama sa simpleng pahayag na ito, ‘Naganap na’ (Juan 19:30). Dahil nagtiis Siya hanggang huli, Siya ay pinalaya mula sa mortalidad.
“Tayo rin ay dapat na magtiis hanggang sa wakas” (“Ang Tipan ng Pagbibinyag: Ang Maging nasa Kaharian at para sa Kaharian,” Liahona, Ene. 2001, 6).
-
Ano ang sinabi ng dalawang Apostol na ito na nakatulong sa atin na maunawaan ang tungkol sa tinutukoy ni Jesus nang sabihin Niya, “Naganap na”? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang sumusunod na katotohanan sa pisara: Matapat na tinapos ni Jesucristo ang lahat ng bagay na ipinagagawa sa Kanya ng Ama sa Langit sa buhay na ito.)
-
Sa panahong nahihirapan kayo, paano makatutulong na alalahanin ang naranasan at lubos na tiniis ng Tagapagligtas upang maisakatuparan Niya ang Kanyang misyon sa buhay na ito?
-
Paanong makatutulong sa inyo ang pag-alaala sa halimbawa ni Jesus upang maisakatuparan ninyo ang layunin ng inyong pagsilang?
-
Paano natin maipapakita ang ating pagpapahalaga sa lahat ng pagdurusa ng Tagapagligtas para sa atin? (Maaaring iba-ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang maipahayag ang sumusunod na alituntunin: Maipapakita natin ang pagpapahalaga natin sa pagdurusa ng Tagapagligtas sa krus sa pagtulad sa Kanyang halimbawa ng tapat na pagtitiis hanggang wakas.)
Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang ibahagi sa social media ang kanilang damdamin para sa Tagapagligtas at kung ano ang ipinapangako nilang gagawin upang mapanatili ang damdaming iyon.
Mga Babasahin ng mga Estudyante
-
Mateo 27:26–54; Lucas 23:34–46; Juan 10:11–18; 19:10–11, 19–37; 1 Nephi 19:9.
-
Jeffrey R. Holland, “Walang Sinuman ang Kasama Niya,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 86–88.