Seminaries and Institutes
Lesson 18: Ang Tagapagligtas ay Nagministeryo sa Daigdig ng mga Espiritu


18

Ang Tagapagligtas ay Nagministeryo sa Daigdig ng mga Espiritu

Pambungad

Tungkol sa Tagapagligtas, nagpatotoo ang mga Apostol sa panahong ito: “Siya ang dakilang kaloob para sa lahat ng mabubuhay sa ibabaw ng mundo.” (“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol, ” Ensign o Liahona, Abr. 2000, 2). Dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas at sa Kanyang ministeryo sa daigdig ng mga espiritu, bawat isa sa mga anak ng Diyos na nabuhay sa mundo ay magkakaroon ng pagkakataong tanggapin o hindi tanggapin ang ebanghelyo. Sa lesson na ito, malalaman ng mga estudyante ang tungkol sa ginawa ng Tagapagligtas sa daigdig ng mga espiritu at ang responsibilidad natin sa kaligtasan ng mga patay.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Spencer J. Condie, “The Savior’s Visit to the Spirit World,” Ensign, Hulyo 2003, 32–36.

  • Richard G. Scott, “Ang Kagalakan ng Pagtubos sa mga Patay,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 93–95.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Lucas 23:39–43; Doktrina at mga Tipan 138:11–24

Dinalaw ni Jesucristo ang daigdig ng mga espiritu

Ipakita ang larawang Libing ni Jesus (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 58; tingnan din sa LDS.org) at Si Maria at ang Nabuhay na Mag-uling si Jesucristo (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 59).

Ang Libing ni Cristo

Ang Libing ni Cristo], ni Carl Heinrich Bloch. Sa kagandahang-loob ng National History Museum at Frederiksborg Castle sa Hillerød, Denmark. Bawal kopyahin.

Si Maria at ang Nabuhay na Mag-uli na si Jesucristo

Bakit Ka Umiiyak? © 2015 ni Simon Dewey. Ginamit nang may pahintulot ng Altus Fine Art, altusfineart.com

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Spencer J. Condie ng Pitumpu:

Elder Spencer J. Condie

“Ang katotohanan ng kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesus ay tinatawag ng mga Kristiyano na mahahalagang doktrina. Gayunman, ang ginawa ng imortal na espiritu ni Jesus matapos ang Kanyang kamatayan at bago ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli ay isang hiwaga sa lahat maliban sa mga Banal sa mga Huling Araw. At ang kahalagahan ng ginawa Niya noong mga oras na iyon ay naglaan ng doktrinal na pundasyon para sa pagtatayo ng mga templo sa iba’t ibang dako ng mundo. Bukod pa rito, ang pagpapatotoo tungkol sa ginawa Niya ay lubos na nakapapanatag sa mga nagdadalamhati sa pagkamatay ng isang mahal sa buhay” (“The Savior’s Visit to the Spirit World,” Ensign, Hulyo 2003, 32).

Patingnan ang mga larawan at itanong sa klase:

  • Ano ang ginawa ni Jesus sa pagitan ng Kanyang libing at ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli?

Para makapagbigay ng ilang impormasyon, ipabasa sa mga estudyante ang Lucas 23:39–43.

  • Ano ang sinabi ng Tagapagligtas sa salarin na nakapako sa krus? (Ipaliwanag na itinuro ni Propetang Joseph Smith na ang mas tumpak na salin ng mga salita ng Tagapagligtas ay, “Ngayon ay isasama kita sa daigdig ng mga espiritu” [sa History of the Church, 5:424–25]. Mali ang pagkaunawa ng maraming Kristiyano tungkol sa kahulugan ng mga salita ng Tagapagligtas sa salarin, inakala nila na ang isang tao ay makapagsisisi ng mabibigat na kasalanan sa huling sandali ng kanyang buhay. Gayunman, itinuro ng mga banal na kasulatan na hindi natin dapat ipagpaliban ang ating pagsisisi.)

  • Paano ipinahiwatig sa mga salitang ito ang gagawin ng Tagapagligtas habang nakahimlay ang Kanyang katawan sa libingan? (Tingnan din sa I Ni Pedro 4:6.)

Sabihin sa mga estudyante na nakatanggap si Pangulong Joseph F. Smith ng isang paghahayag na naglalarawan sa pagbisita ni Jesucristo sa daigdig ng mga espiritu. Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng paghahayag na ito, ibuod ang pambungad at ang unang 10 talata ng Doktrina at mga Tipan 138. Pagkatapos ay sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 138:11–12, 15–16, 18–19, 23–24. Talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Ayon sa pangitaing ito, ano ang ginawa ng Tagapagligtas sa pagitan ng Kanyang libing at ng Pagkabuhay na Mag-uli? (Dapat ipahayag ng mga estudyante na habang nakahimlay ang Kanyang katawan sa libingan, dinalaw ni Jesus ang mabubuting espiritu sa daigdig ng mga espiritu.)

  • Bakit napuspos ng kagalakan at kaligayahan ang mabubuting espiritu? (Kapag nakasagot na ang mga estudyante, bigyang-diin ang sumusunod na katotohanan: Ayon sa plano ng Diyos, ang mga patay na naging tapat sa buhay na ito ay matutubos mula sa kamatayan pagkatapos ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Maaari mong ipaliwanag na walang missionary ang ipinadala sa daigdig ng mga espiritu hangga’t hindi pa natatapos ang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas [tingnan sa Lucas 16:19–31; Moises 7:36–39].)

Doktrina at mga Tipan 138:20–37

Lahat ng anak ng Diyos ay magkakaroon ng pagkakataong marinig ang ebanghelyo

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 138:20–21, 25–28 at tukuyin ang tanong na pinag-isipan ni Pangulong Smith. (Paalala: Upang matulungan ang mga estudyante na makita ang kahalagahan ng magandang pagtatanong at paghahanap ng mga sagot habang pinag-aaralan nila ang mga banal na kasulatan, bigyang-diin na maraming paghahayag ang naibigay na nakatala sa mga banal na kasulatan dahil sa marubdob na pagtatanong.) Matapos sumagot ang mga estudyante, sabihin sa kanila na basahin ang Doktrina at mga Tipan 138:29–30, at alamin kung paano maririnig ng mga espiritung nasa bilangguan ang ebanghelyo. Itanong:

  • Ano ang ginawa ng Tagapagligtas sa mabubuti noong bumisita Siya sa daigdig ng mga espiritu? (Tiyaking natukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Habang nasa daigdig ng mga espiritu, inorganisa ni Jesus ang gawain ng kaligtasan para sa mga patay.)

Pagpartnerin ang mga estudyante. Sabihin sa kanila na pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 138:30–37 at talakayin ang kahalagahan ng salitang lahat na ginamit sa mga talata 30, 31, at 37. Matapos ang sapat na oras, itanong:

  • Ano ang layunin ng ministeryo ng Tagapagligtas sa daigdig ng mga Espiritu? (Dapat maipaliwanag ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Ang Tagapagligtas ay naglaan ng paraan para marinig ng lahat ng anak ng Diyos ang ebanghelyo at tumanggap ng lubos na kagalakan.)

  • Bakit kailangang ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng mga anak ng Diyos? (Tingnan sa D at T 138:33–34; I Ni Pedro 3:18–20.)

  • Ano ang itinuturo nito sa atin tungkol sa mga epekto ng pagbabayad-sala ni Jesucristo? (Ang mga epekto ng Pagbabayad-sala ay umabot sa daigdig ng mga espiritu.)

Maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972):

Pangulong Joseph Fielding Smith

“[P]aano ang hindi mabilang na mga tao na namatay at hindi kailanman narinig ang tungkol kay Cristo, hindi kailanman nagkaroon ng pagkakataong magsisi at mapatawad sa kanilang mga kasalanan, hindi kailanman nakakilala ng isang elder ng Simbahan na mayroong awtoridad? Sasabihin sa inyo ng ilan sa kakilala nating mabubuting Kristiyano na naligaw sila magpakailanman. …

“Magiging patas ba iyon? Magiging makatwiran ba iyon? Hindi! Bibigyan ng Panginoon ng pagkakataon ang bawat tao na marinig at matanggap ang buhay na walang hanggan, o ang isang lugar sa kanyang kaharian” (Doctrines of Salvation, comp. Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 2:132).

  • Bakit mahalaga ang mga katotohanang ito tungkol sa daigdig ng mga espiritu? Ano ang nagiging epekto kung alam ng isang tao ang mga katotohanan tungkol sa daigdig ng mga espiritu?

  • Paano nakapapanatag sa inyo na alam ninyo ang tungkol sa ministeryo ng Tagapagligtas sa daigdig ng mga espiritu?

Makatutulong tayo sa pagbibigay ng kaligtasan para sa mga patay

Bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng kalakip na handout, “Gawain sa mga Huling Araw Para sa mga Patay.” Hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo o pagpartner-partnerin sila. Sabihin sa kanila na basahin ang mga pahayag sa handout, at alamin at talakayin ang mga pagpapalang ipinangako sa mga taong nakikibahagi sa gawain ng pagtubos sa mga patay.

handout, Gawain sa mga Huling Araw Para sa mga Patay

Matapos ang sapat na oras, itanong ang mga sumusunod:

  • Paano nakatutulong ang pakikibahagi natin sa gawain sa templo at sa family history upang matamo ng mga yumao ang mga pagpapalang hatid ng nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo?

  • Paano nakatutulong sa atin ang pakikibahagi sa mga ordenansa para sa mga patay upang mas higit tayong maging katulad ng Tagapagligtas? (Kapag nakasagot na ang mga estudyante, bigyang-diin ang sumusunod na alituntunin: Kapag nakikibahagi tayo sa mga ordenansa sa templo para sa ating mga yumaong kamag-anak, tumutulong tayo sa pagbibigay ng kaligtasan para sa kanila at napapalakas tayo laban sa kaaway.)

Maaari mong ibahagi ang sumusunod na paliwanag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) kung paanong natutulad ang gawain para sa mga patay sa gawain ng pagtubos ng Tagapagligtas:

Pangulong Gordon B. Hinckley

“Ang mga gawain sa Bahay ng Panginoon, … ay mas malapit sa layunin ng pagsasakripisyo ng Panginoon kaysa sa anumang iba pang gawain na alam ko. Bakit? Dahil ito ay ginagawa ng mga taong lubos na nagbibigay ng oras at tulong, nang hindi umaasam na sila ay pasasalamatan o gagantimpalaan, ginagawa para sa iba ang yaong hindi magagawa ng mga ito para sa kanilang sarili” (“A Century of Family History Service,” Ensign, Mar. 1995, 62–63; tingnan din sa Obadias 1:21).

Patingnan muli sa mga estudyante ang mga pahayag na nasa handout, at itanong:

  • Kailan ninyo nakita o nadama ang isa sa mga pagpapalang ipinangako sa mga taong nakikibahagi sa gawain ng pagtubos sa mga patay?

Sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-isipan ang sumusunod na tanong:

  • Alin sa mga pangakong ito ang gusto ninyong magkaroon kayo sa inyong buhay ngayon, at ano ang handa ninyong gawin para matamo ito?

Hikayatin ang mga estudyante na makipagkita sa kanilang ward family history consultant at alamin ang iba pa tungkol sa kung paano gawin ang gawain para sa yumao nilang mga ninuno. Basahin nang malakas ang Doktrina at mga Tipan 128:22, at patotohanan ang walang hanggang ministeryo ni Jesucristo at ang sagradong gawain para sa mga patay na inorden bago pa ang pagkakatatag ng daigdig.

Mga Babasahin ng mga Estudyante

Handout

Gawain sa mga Huling Araw Para sa mga Patay

Itinuro ni Elder John A. Widtsoe (1872–1952) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod hinggil sa ating misyon na inorden noon pa man na tumulong sa pagliligtas ng mga anak na lalaki at mga anak na babae ng Diyos:

Elder John A. Widtsoe

“Sa ating buhay bago pa ang buhay na ito, noong panahong idinaos ang malaking kapulungan, gumawa tayo ng tiyak na kasunduan sa Makapangyarihang Diyos. Nagmungkahi ng plano ang Panginoon, na Siya ang gumawa. Tinanggap natin ito. Dahil ang plano ay para sa lahat ng tao, tayo ay nakikibahagi at nakikinabang sa kaligtasan ng lahat ng tao sa ilalim ng planong iyan. Kaagad tayong sumang-ayon doon na maging mga tagapagligtas hindi lamang para sa ating mga sarili kundi … mga tagapagligtas para sa buong sangkatauhan. Nakipagtulungan tayo sa Panginoon. Ang pagsasakatuparan ng plano ay hindi lamang naging gawain ng Ama, at gawain ng Tagapagligtas, kundi naging gawain din natin. Ang pinakamaliit sa atin, ang pinakamapagpakumbaba, ay nakipagtulungan sa Makapangyarihang Diyos upang makamit ang layunin ng walang hanggang plano ng kaligtasan (“The Worth of Souls,” Utah Genealogical and Historical Magazine, Okt. 1934, 189)” (sa Doctrine and Covenants and Church History: Gospel Doctrine Teacher’s Manual [1999], 173).

Hinikayat ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga kabataan ng Simbahan na gawin ang gawain sa templo para sa kanilang sariling mga ninuno:

Elder Richard G. Scott

“Ang anumang gawain na ginagawa ninyo sa loob ng templo ay hindi pagsasayang ng panahon, bagkus ang pagtanggap ng mga ordenansa para sa isa sa mga yumao ninyong ninuno ay lalong magpapabanal sa oras na ginugol sa templo at mas malalaking pagpapala ang matatanggap. …

“Kayong mga kabataan, gusto ba ninyo ng isang tiyak na paraan para maalis ang impluwensya ng kaaway sa inyong buhay? Lubos na makibahagi sa paghahanap ng inyong mga ninuno, ihanda ang kanilang pangalan para sa mga sagradong ordenansa na maisasagawa sa templo, at magpunta sa templo para magsilbing proxy nila sa pagtanggap ng mga ordenansa ng binyag at kaloob na Espiritu Santo. … Wala akong maisip na mas mainam na proteksyon laban sa impluwensya ng kaaway sa inyong buhay” (“Ang Kagalakan ng Pagtubos sa mga Patay,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 94).

Ganito ang paanyaya at pangako ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder David A. Bednar

“Inaanyayahan ko ang mga kabataan ng Simbahan na matutuhan at maranasan ang Diwa ni [Elijah]. Hinihikayat ko kayong mag-aral, na saliksikin ang inyong mga ninuno, at ihanda ang inyong sarili na magpabinyag sa bahay ng Panginoon para sa inyong mga namatay na kaanak (tingnan sa D at T 124:28–36). At hinihimok ko kayong tulungan ang ibang tao na matukoy ang kanilang family history.

“Sa pagtugon ninyo nang may pananampalataya sa paanyayang ito, ang inyong puso ay babaling sa mga ama. Ang mga pangako kina Abraham, Isaac, at Jacob ay matatanim sa inyong puso. Ang inyong patriarchal blessing, na naghahayag ng inyong angkan, ay iuugnay kayo sa mga ninunong ito at magiging mas makahulugan sa inyo. Ang pagmamahal at pasasalamat ninyo sa inyong mga ninuno ay mag-iibayo. Ang inyong patotoo at pananalig sa Tagapagligtas ay lalalim at mananatili. At ipinapangako ko na mapoprotektahan kayo laban sa tumitinding impluwensya ng kaaway. Sa pakikibahagi at pagmamahal ninyo sa banal na gawaing ito, kayo ay pangangalagaan sa inyong kabataan at sa habambuhay” (“Ang mga Puso ng mga Anak ay Magbabalik-loob,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 26–27).