Seminaries and Institutes
Lesson 7: Jesucristo—Ang Bugtong na Anak ng Diyos sa Laman


7

Jesucristo—Ang Bugtong na Anak ng Diyos sa Laman

Pambungad

Noong unang panahon, ang balita tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas ay isang masayang balita na ipinahayag ng marami—isinugo ng Diyos ang Kanyang Anak upang tubusin ang sanlibutan. Ipinahayag sa “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol” na si Jesus “ang Panganay ng Ama, ang Bugtong na Anak sa laman, ang Manunubos ng daigdig” (Ensign o Liahona, Abr. 2000, 2–3). Sa lesson na ito, malalaman ng mga estudyante kung bakit napakahalaga na isilang si Jesus sa isang mortal na ina at isang imortal na Ama.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • Robert E. Wells, “Our Message to the World,” Ensign, Nob. 1995, 65–66.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mateo 1:18–24; Lucas 1:26–35; Mosias 3:7–8

“Bugtong na Anak ng Ama”

Simulan ang klase sa pagpapanood ng video na “The Nativity” (2:59). (I-download at panoorin ang video bago magsimula ang klase.)

2:3

Pagkatapos mapanood ang video, itanong:

  • Anong mga aspeto sa pagsilang ng Tagapagligtas ang mahalaga sa inyo at bakit?

Sabihin sa mga estudyante na sa lesson na ito tatalakayin nila ang isang aspeto ng pagsilang ni Jesucristo na mahalaga upang maunawaan natin ang kakayahan ng Tagapagligtas na magawa ang Kanyang bahagi sa plano ng Ama.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 1:18–19, at sabihin sa klase na ilarawan sa isipan ang kalagayang inilalarawan sa mga talatang ito. (Paalala: Ang paglalarawan sa isipan ay isang kasananayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan na makatutulong upang maging mas malinaw at makatotohanan ang mga pangyayari sa banal na kasulatan.) Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante kung ano kaya ang madarama nila kung maranasan nila ang isang sitwasyong katulad ng kay Jose. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Mateo 1:20–24 at tukuyin kung bakit nagpasiya si Jose na “hiwalayan [si Maria] ng lihim” (talata 19), ibig sabihin ay lihim na ipawalang-bisa ang kasunduang pagpapakasal kay Maria. (Paalala: Ang pagbibigay ng kahulugan sa mahihirap na salita at parirala ay tumutulong sa mga estudyante na maunawaan ang mga banal na kasulatan. Para sa mga talatang ito, maaari mong gamitin ang mga sumusunod na paliwanag: (1) ang kahulugan ng pangalang Jesus [Yeshua sa Aramaic] ay “si Jehova ay kaligtasan” o “si Jehova ay nagliligtas”; (2) ang banal na kasulatang tinukoy sa Mateo 1:22–23 ay Isaias 7:14; at (3) ang kahulugan ng pangalang Emmanuel ay “sumasa atin ang Dios.”)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 1:26–30. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang itinutro ng scripture passage na ito tungkol kay Maria. Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag ang nalaman nila. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 1:31–35 habang tahimik na sumasabay sa pagbasa ang klase. Itanong:

  • Paano natiyak sa mga talatang ito kung sino ang Ama ni Jesus?

Idrowing sa pisara ang sumusunod na diagram:

diagram, mga magulang, ikaw

Itanong sa isang miyembro ng klase ang mga sumusunod:

  • Anong pisikal na katangian ang namana mo sa iyong ama? Anong pisikal na katangian ang namana mo sa iyong ina?

Idagdag ang sagot ng estudyante sa diagram sa pisara (tingnan ang kalakip na halimbawa):

diagram, mga magulang, mga katangian, ikaw

Burahin ang naunang diagram at idrowing sa pisara ang sumusunod:

diagram, Maria, Ama sa Langit, Jesucristo

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder James E. Talmage (1862–1933) ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Elder James E. Talmage

“Ang Batang isisilang ni Maria ay Bugtong na anak ni Elohim, ang Amang Walang Hanggan, hindi sa paglabag ng batas ng kalikasan kundi alinsunod sa mas dakilang manipestasyon nito; … Sa Kanyang pagkatao ay naroon ang mga kapangyarihan ng Pagkadiyos lakip ang kakayahan at posibilidad ng mortalidad; at ito ay dahil sa batas na nauukol sa heredity o pagmamana ng mga katangian, na ipinahayag ng Diyos, pinatunayan ng siyensya, at tinanggap ng pilosopiya, na ang mga buhay na nilalang ay magkakaanak—-ayon sa kanilang uri. Ang Batang si Jesus ay magmamana ng pisikal, mental, at espirituwal na pag-uugali, gawi, at kakayahan na siyang katangian ng Kanyang mga magulang—ang isa ay imortal at niluwalhati—Diyos, at ang isa ay mortal—babae” (Jesus the Christ, Ika-3 ed. [1916], 81).

  • Anong mahahalagang katangian ang minana ng Tagapagligtas sa bawat isa sa Kanyang mga magulang?

Habang sumasagot ang mga estudyante, ilista sa pisara sa ilalim ng “Maria” ang mga katangiang minana ni Jesucristo mula sa Kanyang ina (tulad ng mortalidad—pagdanas ng sakit at pisikal na kamatayan). Ilista sa ilalim ng “Ama sa Langit” ang mga katangiang minana ni Jesus mula sa Kanyang Ama (tulad ng mga kapangyarihan ng pagiging Diyos—imortalidad o kapangyarihang mabuhay magpakailanman; tingnan sa Juan 10:17–18).

Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mosias 3:7–8. Itanong:

  • Bakit kailangan ng Tagapagligtas ang mga kapangyarihan ng mortalidad at imortalidad sa pagsasakatuparan ng Pagbabayad-sala? (Kapag nakasagot na ang mga estudyante, tiyakin na naunawaan nila ang sumusunod na katotohanan: Bilang Bugtong na Anak ng Diyos sa laman, naisagawa ni Jesucristo ang Nagbabayad-salang sakripisyo, kung saan kinailangan Niyang tiisin ang higit sa kayang tiisin ng isang taong mortal, at sa gayon ay naisakatuparan ang gawaing Kanyang gagampanan sa plano ng Ama. Bukod pa rito, dahil si Jesus ay may kapangyarihang daigin ang kamatayan, may kapangyarihan Siyang bumangon mula sa mga patay. Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na kung si Jesucristo ay anak ng dalawang mortal na magulang, hindi Niya madadaig ang kamatayan o matitiis ang napakatinding sakit at pagdurusa ng Pagbabayad-sala. Kung si Jesucristo naman ay anak ng dalawang imortal na magulang, hindi Siya magdaranas ng pisikal na pagdurusa at kamatayan.)

Upang mas maipaliwanag pa ang napakahalagang doktrinang ito, bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng sumusunod na pahayag ni Elder Robert E. Wells ng Pitumpu at bigyan sila ng panahon na basahin at pagnilayan ito:

Elder Robert E. Wells

“Ang pagiging Anak ng Diyos ni Jesucristo … ay napakahalaga sa pag-unawa sa buong plano ng kaligtasan. Siya ang Unang Bugtong na Anak ng Ama sa buhay bago pa ang buhay na ito at ang Bugtong na Anak ng Ama sa lupa. Ang Diyos Amang Walang Hanggan ay ang literal na magulang ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo at ng Kanyang iba pang mga espiritung anak. …

“Ang ‘pagiging Anak ng Diyos’ ay tumutukoy rin sa titulong ‘Bugtong na Anak sa laman.’ … Ang titulong ito ay nagpapahayag na ang pisikal na katawan ni Jesus ay anak ng isang mortal na ina at isang imortal na Amang Walang Hanggan, na isang alituntunin na kinakailangan sa Pagbabayad-sala, isang napakadakilang gawain na hindi magagawa ng isang karaniwang tao. Si Cristo ay may kapangyarihang ialay ang Kanyang buhay at kapangyarihang kunin itong muli dahil namana Niya ang imortalidad mula sa Kanyang Ama sa Langit. Mula sa Kanyang inang si Maria ay namana ni Cristo ang mortalidad, o pagdanas ng kamatayan.

“Ang walang hanggang Pagbabayad-sala na ito ni Cristo at ang pagiging Anak ng Diyos ni Cristo ay magkasama sa pagbuo ng pinakamahalagang doktrina sa buong Kristiyanismo” (“Our Message to the World,” Ensign, Nob. 1995, 65).

Tapusin ang bahaging ito ng lesson sa pagtatanong ng mga sumusunod:

  • Dahil nalaman na ninyo ang mga katangiang namana ni Jesus mula kay Maria, paano ito makatutulong sa inyo na magtiwala at manampalataya sa Tagapagligtas?

  • Dahil nalaman na ninyo ang mga katangiang namana ni Jesus mula sa Ama sa Langit, paano ito makatutulong sa inyo na magtiwala at manampalataya sa Tagapagligtas?

1 Nephi 11:13–21

Nakita ni Nephi ang pagpapakababa ng Diyos

Sabihin sa mga estudyante na mababasa natin sa Aklat ni Mormon na nakakita si Nephi ng isang pangitain kung saan nalaman niya ang tungkol sa mga magulang ni Jesucristo. Malalaman natin ang mga karagdagang katotohanan mula sa kanyang pangitain. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng 1 Nephi 11:13–21. Sabihin sa iba pa sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin ang mahahalagang doktrinang itinuro sa scripture passage na ito. Ipaliwanag na, sa kontekstong ito, ang ibig sabihin ng salitang pagpapakababa ay pagbaba mula sa isang mas mataas na katayuan o kalagayan o pagtanggap ng mas mababang katayuan.

  • Kanino nalaman ni Nephi kung sino ang magiging mga magulang ni Jesucristo? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Ang Diyos, ang Amang Walang Hanggan, at si Maria ang mga magulang ng mortal na si Jesucristo.)

  • Habang pinag-iisipan ninyo ang mga lesson na napag-aralan na ninyo sa kursong ito, bakit ang pagsilang ni Jesucristo ay maituturing na bahagi ng Kanyang pagpapakababa?

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Brother Tad R. Callister, Sunday School general president, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Tad R. Callister

“Ipinagpalit ng Diyos Anak ang kanyang tahanan sa langit kasama ng mga selestiyal na palamuti nito sa isang tahanan dito sa lupa na primitibo ang gayak. Siya, ‘[ang] Hari ng langit’ (Alma 5:50), ‘ang Panginoong Makapangyarihan na naghahari’ (Mosias 3:5), ay iniwan ang trono upang manahin ang sabsaban. Ipinagpalit niya ang kapangyarihan ng isang diyos para arugain bilang isang sanggol. … Pinakamahalagang pagbabago ito na kinakailangang gawin. … Ang dakilang Jehova, ang Tagapaglikha ng mga daigdig na hindi mabilang, walang-hanggan ang kabanalan at kapangyarihan, ay pumarito sa daidig na ito na binalot ng lampin at inihiga sa sabsaban” (The Infinite Atonement [2000], 64).

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano naging bahagi rin ang pagsilang ni Jesucristo sa mundong ito ng pagpapakababa ng Diyos Ama, basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Bruce R. McConkie

“Ang pagpapakababa ng Diyos (ibig sabihin ang Ama) ay nakabatay sa katotohanan na bagama’t siya ay dakila, perpekto, niluwalhating Katauhan, siya ang personal at literal na Ama ng isang mortal na Anak na isinilang sa mortal na babae” (Mormon Doctrine, Ika-2 ed. [1966], 155).

Tapusin ang lesson sa pagtatanong sa mga estudyante kung ano ang iniisip at nararamdaman nila para sa Tagapagligtas habang pinag-iisipan nila ang Kanyang pagpapakababa at mahimalang pagsilang. Itanong sa kanila kung mayroong gustong magbahagi ng kanilang patotoo tungkol sa Tagapagligtas bilang pagtatapos sa klase ngayon.

Mga Babasahin ng mga Estudyante