Seminaries and Institutes
Lesson 14: Si Jesucristo ang Mesiyas


14

Si Jesucristo ang Mesiyas

Pambungad

Nagpatotoo ang mga propeta ng Lumang Tipan tungkol sa darating na Mesiyas—isang inapo ni Haring David na magliligtas sa Kanyang mga tao. Si Jesucristo “ang Dakilang Jehova ng Lumang Tipan, at ang Mesiyas ng Bago” (“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” Ensign o Liahona, Abr. 2000, 2). Sa lesson na ito, pag-aaralan ng mga estudyante ang ilan sa mga propesiya sa Lumang Tipan tungkol kay Jesucristo at aalamin kung paano tumugon ang ilang tao nang kinailangan nilang magpasiya kung tatanggapin o hindi nila tatanggapin si Jesucristo bilang Mesiyas.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • G. Homer Durham, “Jesus the Christ: The Words and Their Meaning,” Ensign, Mayo 1984, 14–16.

  • “Ang Banal na Misyon ni Jesucristo: Mesiyas,” Ensign o Liahona, Ago. 2014, 7.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Isaias 61:1–2; Lucas 4:16–24

Ipinahayag ni Jesus na Siya ang Mesiyas

Tanungin ang mga estudyante kung naranasan na nilang marinig ang isang balita na matagal na nilang hinihintay o nakita ang pagdating ng isang kaibigan o kapamilya na matagal na nilang hinihintay. Sabihin sa mga estudyante na tatalakayin sa lesson ngayon ang isang karanasan na katulad nito sa mga sinaunang Judio. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Isaias 61:1–2. Pagkatapos ay itanong:

  • Tungkol kanino ang propesiyang ito?

Ipalabas ang video na “Jesus Declares He Is the Messiah” (3:24) mula sa The Life of Jesus Christ Bible Videos. (I-download at panoorin ang video bago magsimula ang klase.) Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa ng Lucas 4:16–21 habang nanonood sila.

Pagkatapos mapanood ang video, itanong:

  • Paano ninyo ibubuod ang mga sinabi ng Tagapagligtas sa Nazaret noong araw na iyon? (Habang sumasagot ang mga estudyante, tiyaking nakatuon ang talakayan sa talata 18 at talata 21.)

  • Ano sa palagay ninyo ang kahalagahan ng mga pariralang “ako’y pinahiran niya” at “ngayo’y naganap ang kasulatang ito sa inyong mga pakinig”? (Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang kahulugan kapwa ng Mesiyas at Cristo ay “ang Pinahiran,” ipabasa sa kanila ang nakasulat tungkol sa “Mesiyas” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (tingnan sa scriptures.lds.org).

  • Paano tinupad ni Jesus ang propesiya mula sa Isaias na binanggit Niya (tingnan sa mga talata 18–19)?

Mateo 21:1–11

Naparito si Jesucristo bilang Mesiyas

Ipakita o isulat sa pisara ang mga sumusunod na grupo ng mga scripture passage, at sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa o dalawa na pag-aaralan. Kapag naikumpara at naihambing ng mga estudyante ang mga scripture passage na napili nila, sabihin sa kanila na isipin kung bakit magkakasamang pinaggrupu-grupo ang mga ito at ano ang itinuturo nito tungkol kay Jesucristo.

Isaias 7:14; Mateo 1:21–23

Mikas 5:2; Lucas 2:4–7

Zacarias 9:9; Mateo 21:6–11; Juan 12:12–15

Mga Awit 22:16, 18; Mateo 27:35

Isaias 53:9; Mateo 27:59–60; Juan 19:18, 38–42

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. (Bagama’t maaaring iba-ibang salita ang gamitin nila, dapat maunawaan ng mga estudyante na si Jesucristo ay naparito, nabuhay, at namatay bilang katuparan ng mga propesiya tungkol sa Mesiyas.) Bigyang-diin na ang katotohanang ito ang ipinahayag ng Tagapagligtas sa Nazaret. Basahin nang malakas ang Lucas 4:28–29. Pagkatapos ay itanong:

  • Paano tumugon ang mga tao sa sinagoga sa Nazaret sa pahayag ni Jesus?

Sabihin sa mga estudyante na ilang taon kalaunan, naranasan ni Jesus ang kakaibang tugon mula sa ilang tao sa Jerusalem. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mateo 21:1–11. Bago magbasa ang mga estudyante, hikayatin ang klase na ilarawan sa kanilang isipan ang pangyayaring nakatala sa mga talatang ito. Ipaliwanag sa mga estudyante na kapag natuto silang maglarawan sa kanilang isipan ng mga nangyayari sa mga banal na kasulatan, binibigyan nila ang Espiritu Santo ng mga karagdagang pagkakataong maturuan sila.

  • Bakit gayon ang tugon ng mga tao sa Jerusalem? (Nakilala nila si Jesus bilang ang Mesiyas na matagal na nilang hinihintay.)

  • Sa palagay ninyo, paano kayo tutugon?

Ituro ang salitang Hosana sa talata 9; pagkatapos ay ibahagi ang sumusunod na kahulugan:

“[Ang Hosana ay] isang salita mula sa Hebreo na nangangahulugang ‘mangyari pong iligtas kami’ at ginagamit sa pagpupuri at pagsamo.

“… Sa matagumpay na pagpasok ng Panginoon sa Jerusalem, nagsigawan ang maraming tao ng ‘Hosana’ at inilatag ang mga sanga ng palaspas para kay Jesus upang daanan, sa gayon ipinakikita ang kanilang kaalaman na si Jesus ang siya ring Panginoon na nagligtas sa Israel noong unang panahon (Awit 118:25–26; Mat. 21:9, 15; Mar. 11:9–10; Juan 12:13). Nakilala ng mga taong ito si Cristo bilang ang pinakahihintay na Mesiyas. Ang salitang Hosana ay naging isang pagdiriwang ng Mesiyas sa lahat ng panahon (1 Ne. 11:6; 3 Ne. 11:14–17). Kabilang ang sigaw na hosana sa pagtatalaga ng Templo ng Kirtland (D at T 109:79) at bahagi ngayon sa pagtatalaga ng mga makabagong templo” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Hosana”; scriptures.lds.org).

Ipakita ang mga sumusunod na layunin ng mga propesiya tungkol sa Mesiyas (hinango sa Bruce R. McConkie, The Promised Messiah: The First Coming of Christ [1978], 28–32):

1. Dahil sa mga propesiya tungkol sa Mesiyas ang mga taong nabuhay noon bago ang pagsilang ni Jesucristo ay nagkaroon ng pananampalataya sa Kanya, sa gayon ay natulungan sila na matamo ang kaligtsan (tingnan sa 1 Nephi 10:4–6; 2 Nephi 25:18–20, 26; Mosias 3:13).

2. Dahil sa mga propesiya tungkol sa Mesiyas nalaman ng mga taong nabuhay sa panahon ni Cristo na Siya ang katuparan ng mga propesiyang iyon, sa gayon, natutulungan sila na matamo ang kaligtasan (tingnan sa Juan 4:25, 29).

3. Ang mga propesiya tungkol sa Mesiyas ay tumutulong sa mga taong nabuhay pagkatapos ng mortal na ministeryo ni Jesucristo na malaman na Siya ang katuparan ng mga propesiya, sa gayo’y natutulungan sila na matamo ang kaligtasan (tingnan sa Mga Gawa 3:12–18; 26:22–23).

  • Habang iniisip ninyo ang tatlong layuning ito, paano maaaring makatulong na alam ninyong tukuyin ang mga propesiya tungkol sa Mesiyas sa mga banal na kasulatan at malaman na si Cristo ang katuparan ng mga propesiyang iyon?

Juan 6:5–69

Pagsunod kay Jesucristo bilang Mesiyas

Banggitin muli na naniniwala ang mga Judio noong panahon ng Bagong Tipan na darating ang Mesiyas balang-araw mula sa lahi ni David upang iligtas ang Kanyang mga tao. Maraming naniwala na ililigtas Niya sila mula sa pagkaalipin sa Roma tulad noong iligtas ni Jehova ang mga Israelita mula sa Egipto.

Sabihin sa mga estudyante na mabilis na basahin ang nakatala sa Juan 6:5–15. Itanong:

  • Anong himala ang ginawa ni Jesus sa tala na ito?

  • Paano ninyo ilalarawan ang reaksyon ng mga tao sa mga talata 14–15?

  • Sa palagay ninyo, bakit ganito ang reaksyon nila?

Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Bruce R. McConkie

“Mayroong tradisyon, na itinuro ng mga rabbi at tumimo sa isipan ng mga tao, na kapag dumating ang Mesiyas, papakainin Niya sila ng tinapay mula sa langit” (The Mortal Messiah, 4 na tomo [1979–81], 2:367).

Ipaliwanag na dahil halos katulad noong pakainin ni Jehova ng manna ang mga anak ni Israel (tingnan sa Exodo 16), nang pakainin ni Jesus ang mga tao sa pamamagitan ng limang tinapay na sebada at dalawang isda, ipinakahulugan ito ng marami na ang Kanyang himala ay tanda na Siya ang Mesiyas.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Juan 6:31–32, 49–53, 60, 66. Sabihin sa klase na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang reaksyon ng mga tao kay Jesus sa sumunod na araw at kung paano Niya sila sinagot.

  • Sa inyong palagay, bakit maraming hindi tumanggap kay Jesus noong araw na iyon?

  • Ano ang hindi nila naunawaan? (Si Jesus ang pinagmumulan ng espirituwal na buhay; Siya ang Tinapay ng Kabuhayan.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 6:67–69. Pagkatapos ay itanong sa klase:

  • Ano ang pinagtibay ng patotoo ni Pedro sa talata 69?

  • Paano nakaapekto ang patotoo ni Pedro sa Tagapagligtas sa kanyang buhay?

Isulat ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag sa pisara, at sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung paano nila tatapusin ito: Kung tinatanggap natin si Jesucristo bilang Mesiyas, _________________________ .

Pagkaraan ng ilang sagot, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong David O. McKay (1873–1970):

Pangulong David O. McKay

“Ang taimtim na paniniwala ng puso ninyo tungkol kay Cristo ang magsasabi sa tunay ninyong pagkatao at kung ano ang gagawin ninyong hakbang. Walang taong nag-aaral sa banal na personalidad na ito ang makatatanggap sa kanyang mga turo nang hindi madarama ang nagbibigay-sigla at nakadadalisay na impluwensya nito sa kanyang sarili” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: David O. McKay [2003], 8).

Bigyan ang mga estudyante ng oras na isulat kung ano ang iniisip nila tungkol kay Cristo. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang isinulat nila.

Hikayatin ang mga estudyante na isipin kung ano ang magagawa nila sa linggong ito upang maipakita ang kanilang paniniwala kay Jesucristo.

Mga Babasahin ng mga Estudyante