Seminaries and Institutes
Lesson 2: Si Jesucristo ang Pinakasentro sa Buong Kasaysayan ng Sangkatauhan


2

Si Jesucristo ang Pinakasentro sa Buong Kasaysayan ng Sangkatauhan

Pambungad

Sa pagpapatotoo tungkol sa mahalagang gawain ni Jesucristo sa plano ng Ama sa Langit, ipinahayag ng mga propeta sa makabagong panahong ito, “Taimtim kaming nagpapatotoo na ang Kanyang buhay, na siyang tampulan ng buong kasaysayan ng sangkatauhan, ay hindi nagsimula sa Betlehem o nagtapos sa Kalbaryo” (“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” Ensign o Liahona, Abr. 2000, 2). Ang lesson na ito ay tutulong sa mga estudyante na mas maunawaan na itinatag ng Ama sa Langit ang Kanyang plano ng kaligtasan sa daigdig bago pa ang buhay na ito at inorden noon pa man si Jehova, ang hindi pa mortal na si Jesucristo, na maging pinakasentro sa planong iyan. Ang mga estudyante ay mahihikayat na gawing sentro ng kanilang mortal na buhay si Jesucristo.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Alma 12:22–34

Ang Tagapagligtas ang sentro sa plano ng Diyos

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Alexander B. Morrison ng Pitumpu, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin kung ano ang inilahad ng Ama sa Langit sa Kanyang mga anak sa daigdig bago pa ang buhay na ito:

Elder Alexander B. Morrison

“Mahabang panahon na ang lumipas, bago nilikha ang mundo na ating tinitirahan, ang Diyos Ama ay … nagtatag ng isang plano. … Naglaan ang planong [iyan] ng perpektong paraan para matanggap ng lahat ng anak ng Diyos ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan” (“Life—the Gift Each Is Given,” Ensign, Dis. 1998, 15–16).

  • Anong mga pagpapala ang sinabi ni Elder Morrison na maaaring matanggap natin sa huli bilang bahagi ng plano ng Diyos? (Ipaliwanag na ang kawalang-kamatayan ay tumutukoy sa pagkabuhay na muli—hindi na muling pisikal na mamamatay—at ang buhay na walang hanggan ay tumutukoy sa uri ng buhay na tinatamasa ng Diyos.)

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Alma 12:25 at alamin kung paano tinukoy ni Alma ang plano ng Diyos at kung kailan ito inihanda. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. (Itinuro ni Alma na ang “plano ng pagtubos” ng Diyos ay itinatag “mula pa sa pagkakatatag ng daigdig.” Matapos sumagot ang mga estudyante, maaari mong ipaliwanag na kabilang sa iba pang mga pangalan ng plano ng Diyos ay “ang maawaing plano ng dakilang Lumikha,” [2 Nephi 9:6]; “ang plano ng kaligtasan” [Alma 24:14]; “dakilang plano ng Diyos na walang hanggan” [Alma 34:9]; “dakilang plano ng kaligayahan” [Alma 42:8]; at ang “walang hanggang tipan” [D at T 22:1; 45:9; 66:2].)

Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang Alma 12:22–32 nang may kapartner, at alamin ang mga dahilan kung bakit tinawag ang plano ng Diyos na plano ng pagtubos. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang nalaman nila sa klase. Tulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang mga talatang ito sa pagtatanong ng:

  • Ayon sa mga turo ni Alma, ano ang maaaring maging walang hanggang kalagayan natin kung wala ang plano ng pagtubos? (Kung walang plano ng pagtubos, walang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay o pagtubos mula sa kasalanan, at ang buong sangkatauhan ay mananatili sa ligaw at nahulog na kalagayan at sa pisikal at espirituwal na kamatayan magpakailanman [tingnan din sa 2 Nephi 9:6–13].)

  • Bakit kinakailangang may ilaang paraan upang mapagtagumpayan natin ang mga kalagayang ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Alma 12:33–34. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang inilaan ng Diyos upang matubos ang Kanyang mga anak. Tulungan ang mga estudyante na mailahad ang doktrina o alituntunin na itinuro sa mga talatang ito sa pagtatanong ng:

  • Paano ninyo ibubuod ang maipagkakaloob sa atin ni Jesus sa plano ng Diyos? (Dapat kabilang sa mga sagot ang sumusunod: Kung magsisisi tayo at hindi patitigasin ang ating puso, tayo ay tatanggap ng awa at kapatawaran ng mga kasalanan sa pamamagitan ng Bugtong na Anak ng Diyos. Sa pamamagitan lamang ni Jesucristo tayo makatatanggap ng kapatawaran sa mga kasalanan at makapapasok sa kinaroroonan ng Ama sa Langit.)

Magpatotoo na si Jesucristo ang sentro sa plano ng Diyos at sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala ang paraan ay ibinigay upang magkaroon tayo ng kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan.

Abraham 3:24–27; I Ni Pedro 1:19–20

Si Jesucristo ay inordenan noon pa man na maging Tagapagligtas natin

Sabihin sa mga estudyante na basahing mabuti ang Abraham 3:24–27 at I Ni Pedro 1:19–20, at alamin ang itinuro ng mga talatang ito tungkol sa gawain ng Tagapagligtas sa plano ng Diyos. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod. (Paalala: Sa ganitong pagtatanong, matutulungan mo ang mga estudyante na matutuhan kung paano suriin ang mga scripture passage at tukuyin ang mga doktrinang itinuturo ng mga ito.)

  • Sa Abraham 3:26, ano ang ibig sabihin ng pariralang “unang kalagayan” at “ikalawang kalagayan”? (Ang “unang kalagayan” ay tumutukoy sa buhay bago pa ang buhay na ito, at ang “ikalawang kalagayan” ay tumutukoy sa mortal na buhay.)

  • Sino ang tatlong indibiduwal na binanggit sa Abraham 3:27, at ano ang ginawa ng bawat isa? (Ama sa Langit, Jesucristo, at si Satanas. Bigyang-diin na sa daigdig bago pa ang buhay na ito, inordenan ng Ama sa Langit ang Kanyang Panganay na Anak, si Jesucristo, na maging pinakasentro sa Kanyang plano.)

Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na si Jesus ay kilala bilang Jehova sa daigdig bago pa ang buhay na ito. Pagkatapos ay itanong:

  • Nang sabihin ni Jehova sa Ama, “Narito ako, isugo ako,” ano ang determinado Niyang gawin sa buhay na ito? (Ituro ang Kanyang ebanghelyo, itayo ang Kanyang Simbahan, magdusa at mamatay para sa ating mga kasalanan, at bumangon mula sa mga patay.)

  • Nang piliin ng Ama sa Langit si Jehova bilang ating Manunubos, ano ang nagawa nito para sa atin na nauugnay sa mga maaari nating matamo sa hinaharap?

Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan nang tahimik ang Moises 4:2, at alamin ang iba pang mahahalagang katotohanan tungkol sa pagpili ng Ama sa Langit kay Jehova upang maging ating Tagapagligtas at Manunubos. Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag ang nalaman nila, at tiyakin na natukoy nila ang mga sumusunod na katotohanan: Si Jehova ay pinili mula pa sa simula. Ang isang dahilan kung bakit pinili si Jehova ay dahil hinangad Niyang gawin ang kalooban ng Ama at ibigay ang lahat ng kaluwalhatian sa Ama. Upang mas mabigyang-diin ang mga katotohanang ito, ipakita at ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Jeffrey R. Holland

“[Si Jesucristo] lamang ang tanging nagpakumbaba nang sapat at nagkusa sa konseho bago tayo isinilang na maorden [upang isagawa ang walang hanggang Pagbabayad-sala]” (“Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Ensign, Mar. 2008, 35).

Sabihin sa mga estudyante na ilarawan sa kanilang isipan kung ano kaya ang pakiramdam nang naroon sa pagkakataong iyon nang sabihin ng Ama sa Langit sa lahat ng Kanyang anak na ang Kanyang Panganay na Anak na si Jehova ang magiging Tagapagligtas natin. Pagkatapos ay ipakita ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith (1805–44), at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Propetang Joseph Smith

“Sa unang organisasyon sa langit naroon tayong lahat at nakita natin na pinili at hinirang ang Tagapagligtas at ginawa ang plano ng kaligtasan, at sinang-ayunan natin ito” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 242).

  • Ano sa palagay ninyo ang alam ninyo tungkol kay Jehova na magiging dahilan upang sang-ayunan ninyo ang pagtawag at pagkahirang Niya bilang ating Tagapagligtas at Manunubos?

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol. Pagkatapos ay bigyan ang mga estudyante ng ilang sandali na maisulat ang anumang ideya at damdamin nila tungkol sa Tagapagligtas habang pinag-iisipan ang banal na katotohanan na itinuro ni Elder Maxwell:

Elder Neal A. Maxwell

“Walang sinuman ang nagbigay ng napakarami sa napakaraming tao sa pamamagitan lamang ng iilang salita nang sabihin ni Jesus, ‘Narito ako, isugo ako.’ (Abr. 3:27.)” (“Jesus of Nazareth, Savior and King,” Ensign, Mayo 1976, 26).

Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang isinulat nila.

Gawing sentro ng ating mortal na buhay ang Tagapagligtas

Patingnan muli ang Abraham 3:25, kung saan nalaman natin na pinlano ng Ama sa Langit na subukin tayo sa mortalidad, upang makita kung susundin natin ang Kanyang mga kautusan. Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa isang estudyante na basahin nang malakas ang pahayag habang aalamin naman ng klase ang pagpili na kailangan nating gawin bilang bahagi ng ating pagsubok sa mortal na buhay na ito:

Elder Robert D. Hales

“Ngunit isipin ninyo: sa unang kalagayan natin noon ay pinili nating sundin ang Tagapagligtas na si Jesucristo! At dahil ginawa natin ito, pinayagan tayong pumarito sa mundo. Pinatototohanan ko na sa paggawa ng gayunding pasiya na sundin ang Tagapagligtas ngayon, dito sa lupa, ay magkakamit tayo ng mas malalaking pagpapala sa kawalang-hanggan. Ngunit dapat malaman ng lahat: kailangang patuloy nating piliing sundin ang Tagapagligtas. Nakataya ang kawalang-hanggan, at ang matalinong paggamit natin ng kalayaan at ang ating mga kilos o gawa ay mahalaga sa pagkakaroon natin ng buhay na walang hanggan” (“Kalayaan: Mahalaga sa Plano ng Buhay, ” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 25).

Upang matulungan ang mga estudyante na matukoy at maunawaan ang alituntunin o katotohanang itinuro ni Elder Hales, itanong ang mga sumusunod:

  • Ano ang natutuhan ninyo mula sa pahayag ni Elder Hales tungkol sa ating mga pinipili at pasiya sa buhay na ito? (Matapos sumagot ang mga estudyante, magpatotoo na sa pagpiling gawing sentro ng ating buhay ang Tagapagligtas habang narito tayo sa lupa, matatamo natin ang mas malalaking pagpapala sa kawalang-hanggan.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Elder Hales sa pariralang “nakataya ang kawalang-hanggan”?

  • Ano ang ilang pag-uugali at kilos na nagpapahiwatig na pinipili ng isang tao na sundin si Jesucristo? (Isulat sa pisara ang sagot ng mga estudyante.)

Ipaliwanag na para sa marami sa atin, madaling magtuon sa Tagapagligtas tuwing Linggo. Ngunit paano natin magagawang maging mas bahagi Siya ng ating buhay sa araw-araw? Bigyan ng oras ang mga estudyante na mapag-isipang mabuti ang ginawa nila ngayon para makatuon sa Tagapagligtas. Sabihin sa kanila na magsulat ng isang bagay na magagawa nila ngayon upang mas lubos na maisentro ang kanilang buhay sa Tagapagligtas. Hikayatin silang mangako nang tahimik sa Ama sa Langit na gagawin nila ito.

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa mga katotohanang itinuro ngayon.

Mga Babasahin ng mga Estudyante