15
Pinasimulan ni Jesucristo ang Sakramento
Pambungad
Mababasa sa “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol” na “pinasimulan [ni Jesucristo] ang sakramento bilang paalaala sa Kanyang dakilang mapagbayad-salang sakripisyo” (Ensign o Liahona, Abr. 2000, 2). Kapag tumatanggap tayo ng sakramento, ipinapaalala sa atin na lumabas ang dugo ng Tagapagligtas sa bawat butas ng Kanyang balat at namatay para sa atin; pinapanibago rin natin ang ating mga tipan sa Panginoon.
Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito
-
Dallin H. Oaks, “Ang Sakrament Miting at ang Sakrament,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 17–20.
-
Jeffrey R. Holland, “This Do in Remembrance of Me,” Ensign, Nob. 1995, 67–69.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mateo 26:26–28; Lucas 22:15
Pinasimulan ni Jesucristo ang bagong tipan
Idispley ang kalakip na larawan o iba pang larawan na nagpapakita ng Huling Hapunan, at sabihin sa isang estudyante na ipaliwanag kung ano ang pangyayari sa larawang ito:
Itanong sa mga estudyante:
-
Ano ang madarama ninyo kung ang Tagapagligtas mismo ang naghanda, nagbasbas, at nagbigay sa inyo ng sakramento?
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Lucas 22:15. Hikayatin ang klase na pag-isipan habang nagkaklase kung bakit nais ng Tagapagligtas na gugulin ang oras ng Paskua kasama ang Kanyang mga Apostol.
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 26:26–28 habang tahimik na sumasabay sa pagbasa ang klase. Talakayin ang sumusunod na tanong:
-
Kung pinasimulan ni Jesus ang bagong tipan, ano ang tipang pinalitan nito?
Ang sumusunod na impormasyon ay magbibigay ng kaalaman o konteksto na makatutulong sa inyong talakayan: Noong unang panahon, nang si Jehova ay nakipagtipan sa mga anak ni Israel, itinuro sa kanila ni Moises ang mga salita ni Jehova at nakipagtipan ang mga tao na sundin ang mga salitang iyon. Pagkatapos niyon ay nag-alay si Moises ng isang hain na hayop, kinuha ang dugo nito at iniwisik sa mga tao, na nagsasabing, “Narito ang dugo ng tipan, na ipinakipagtipan ng Panginoon sa inyo.” (Tingnan sa Exodo 24:3–8.) Tinukoy ni Jesus ang pahayag ni Moises nang ituro Niya na pasisimulan Niya ang bagong tipan sa mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pagtitigis ng Kanyang dugo (tulad ng pagwiwisik ng dugo ng mga hayop na sumasagisag sa pakikipagtipan noon ng anak ni Israel kay Jehova). Nang ipakita ni Jesus ang saro ng alak sa Kanyang mga Apostol, ipinahiwatig Niya ang katuparan ng lumang tipan at ang pagsisimula ng bagong tipan (tingnan sa Sa Mga Hebreo 9:12–15). Ang Batas ni Moises (ang lumang tipan), sa maraming paraan, ay isang dakilang propesiya tungkol sa Mesiyas. Si Jesucristo ang katuparan ng propesiyang iyan (tingnan sa 2 Nephi 11:4; Jacob 4:5; Alma 34:13–14), lalo na sa aspetong natamo Niya ang pinakadakilang layunin ng batas na iyon sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.
-
Saan tayo itinutuon ng pag-aalay ng dugo sa luma at bagong tipan? (Sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa pagtigis ng Kanyang dugo para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan.)
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Ang sakrament ay ang ordenansang pumalit sa mga pag-aalay ng dugo at mga sinunog na mga hain ng batas ni Moises, at kasama nito ang pangako ng [Tagapagligtas]: ‘At sinuman ang lalapit sa akin na may bagbag na puso at nagsisising espiritu, siya ay bibinyagan ko ng apoy at ng Espiritu Santo’ (3 Nephi 9:20)” (“Ang Sakrament Miting at ang Sakrament,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 19).
-
Paano ninyo ibubuod ang katotohanang tinalakay natin tungkol sa Huling Hapunan? (Kapag sumagot na ang mga estudyante, bigyang-diin na tinupad ni Jesucristo ang lumang tipan, at pinasimulan Niya ang bagong tipan sa pamamagitan ng sakramento.)
Lucas 22:14–20; 3 Nephi 18:7, 11
Tinutulungan tayo ng sakramento na maalaala ang Tagapagligtas
Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Ipabasa sa bawat magkapartner ang Lucas 22:19–20 at 3 Nephi 18:7, 11. Sabihin sa kanila na tumukoy ng isa pang dahilan (bukod pa sa pagpapasimula ng bagong tipan) kung bakit pinasimulan ng Tagapagligtas ang sakramento. Talakayin ang mga sumusunod na tanong:
-
Anong dahilan ang ibinigay ng Tagapagligtas sa pagpapasimula ng sakramento? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Kapag nakikibahagi tayo ng sakramento dapat nating alalahanin ang Tagapagligtas.)
-
Bakit mahalaga na pagsikapan nating maalaala ang Tagapagligtas habang tumatanggap tayo ng sakramento?
-
Kung hindi natin maaalaala ang Tagapagligtas at ang ginawa Niya para sa atin, ano pa ang kabuluhan ng sakramento?
Maaari mong bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng kalakip na handout na naglalaman ng ilang bahagi ng mensahe ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang handout. Matapos ang sapat na oras, talakayin ang mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang ipapayo ninyo sa isang tao na nahihirapang magtuon ng isipan sa Tagapagligtas at sa Kanyang sakripisyo kapag binabasbasan at ipinapasa ang sakramento? (Kapag nakasagot na ang mga estudyante, maaari mong ipaliwanag na kapag naghahanap tayo ng mga pagkakataon na isipin ang buhay at ministeryo ng Tagapagligtas sa linggong ito, mas madali para sa atin na magtuon sa Kanya kapag binabasbasan at ipinapasa ang sakramento sa araw ng Linggo.)
-
Anong mga pagpapala ang naramdaman ninyo kapag sinisikap ninyong alalahanin ang Tagapagligtas at ang Kanyang Pagbabayad-sala kapag tumatanggap kayo ng sakramento?
I Mga Taga Corinto 11:27–30; 3 Nephi 18:28–29; 20:8–9
Ang pagtanggap ng sakramento nang karapat-dapat ay nagpapanibago ng ating mga tipan
Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik at paghambingin ang I Mga Taga Corinto 11:27–30 at 3 Nephi 18:28–29; 20:8–9. Sabihin sa kanila na tukuyin ang babala na ibinigay tungkol sa sakramento. Pagkatapos ay itanong:
-
Bakit hindi makabubuting tumanggap ng sakramento nang hindi karapat-dapat?
Makatutulong na ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Elder John H. Groberg ng Pitumpu, na nagpaliwanag kung ano ang ibig sabihin nang tumanggap ng sakramento nang karapat-dapat:
“Kung hangad nating magpakabuti (na ibig sabihin ay magsisi) at walang restriksyong ibinigay sa atin ang ating priesthood leader, kung gayon, sa aking opinyon, tayo ay karapat-dapat. Gayunpaman, kung wala tayong layunin na magpakabuti, kung wala tayong hangaring sundin ang patnubay ng Espiritu, dapat nating itanong: Karapat-dapat ba tayong tumanggap ng sakramento, o kinukutya natin ang pinakalayunin ng sakramento, na siyang paraan upang matanggap ang kapatawaran at pag-unlad?” (“The Beauty and Importance of the Sacrament,” Ensign, Mayo 1989, 38).
-
Ano ang mga pagpapala para sa mga taong tumatanggap ng sakramento nang karapat-dapat? (tingnan sa 3 Nephi 20:8–9). (Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na kung tatanggap tayo ng sakramento nang may panalangin at pagsisisi, makatatanggap tayo ng kapatawaran ng mga kasalanan, tulad noong bininyagan tayo.)
Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Kung wala ang ilang probisyon para sa karagdagang paglilinis matapos ang ating binyag, bawat isa sa atin ay hindi magiging karapat-dapat sa mga bagay na espirituwal. Hindi mapapasaatin ang patnubay ng Espiritu Santo, at sa huling paghuhukom tayo ay ‘itatakwil magpakailanman’ (1 Ne. 10:21). Dapat nating pasalamatan nang lubos ang Panginoon sa paglalaan ng isang paraan para sa bawat miyembrong nabinyagan sa Kanyang Simbahan na malinis nang palagian mula sa masamang epekto ng kasalanan. Ang sakramento ay mahalagang bahagi ng paraang iyan” (“The Aaronic Priesthood and the Sacrament,” Ensign, Nob. 1998, 38).
-
Ayon kay Elder Oaks, bakit mahalagang bahagi ng ordenansa ng ebanghelyo ang sakramento?
Ibahagi ang karagdagang pahayag na ito ni Elder Oaks:
“Tayo ay inuutusang magsisi sa ating mga kasalanan at lumapit sa Panginoon nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu at tumanggap ng sakramento bilang pagtupad sa mga tipan nito. Kapag pinapanibago natin ang ating mga tipan sa binyag sa ganitong paraan, pinapanibago ng Panginoon ang nakalilinis na epekto ng ating binyag. Sa ganitong paraan tayo ay malilinis at mapapasaatin sa tuwina ang Kanyang Espiritu. Ang kahalagahan nito ay makikita sa utos ng Panginoon na tumanggap tayo ng sakramento tuwing linggo (tingnan sa D at T 59:8–9)” (“The Aaronic Priesthood and the Sacrament,” Ensign, Nob. 1998, 38).
Maaari mong ipaliwanag na kapag tumatanggap tayo ng sakramento nang karapat-dapat “pinapanibago natin ang lahat ng ginawa nating tipan sa Panginoon” (Delbert L. Stapley, sa Conference Report, Oct. 1965, 14; idinagdag ang italics; tingnan din sa L. Tom Perry, “Habang Aming Tinatanggap Itong Sakrament,” Ensign o Liahona, Mayo 2006, 41).
Ipabasa sa mga estudyante ang Lucas 22:15. Pagkatapos ay itanong:
-
Kung may magtanong sa inyo kung bakit sa palagay ninyo ay gustung-gusto ni Jesus na gugulin ang Paskua kasama ang Kanyang mga Apostol, paano ninyo ito sasagutin? Anong patotoo ang ibabahagi ninyo?
Magpatotoo na kapag naaalaala natin si Jesucristo at ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, at kapag tumanggap tayo ng sakramento nang karapat-dapat, pinapanibago natin ang ating mga tipan sa Diyos. Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan nang mabuti kung paano mag-aalay ang bawat isa sa kanila ng “bagbag na puso at nagsisising espiritu” kapag tumatanggap sila ng sakramento. Hikayatin sila na gawing regular na espirituwal na karanasan ang ordenansa ng sakramento.
Mga Babasahin ng mga Estudyante
-
Mateo 26:26–28; Lucas 22:17–20; I Mga Taga Corinto 11:27–30; 3 Nephi 18:1–11, 28–29; 20:8–9; Doktrina at mga Tipan 20:75–79.
-
Dallin H. Oaks, “Ang Sakrament Miting at ang Sakrament,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 17–20.