Seminaries and Institutes
Lesson 9: Ang Malaking Impluwensya ng Tagapagligtas


9

Ang Malaking Impluwensya ng Tagapagligtas

Pambungad

Sa “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” ipinahayag ng mga lider ng Simbahan: “Iniaalay namin ang aming patotoo tungkol sa katotohanan ng hindi mapapantayang buhay [ng Tagapagligtas] at ang walang hanggang kapangyarihan ng Kanyang dakilang mapagbayad-salang sakripisyo. Walang sinuman ang nakapagbigay ng gayong makahulugang impluwensiya sa lahat ng nabuhay na at sa lahat ng mabubuhay pa sa mundo” (Ensign o Liahona, Abr. 2000, 2). Ipapakita ng lesson na ito na hindi mapapantayan ang Tagapagligtas dahil, bukod sa iba pang mga kadahilanan, Siya ay walang kasalanan at lubos na mapagpakumbaba sa Ama sa Langit. Sa pag-aaral ng tungkol sa Kanyang pakikipag-usap sa babaing Samaritana sa tabi ng balon, makikita rin ng mga estudyante ang malakas na impluwensya Niya sa sinuman na magbubukas ng kanilang puso sa Kanya.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mateo 4:1–11; II Mga Taga Corinto 5:21; Sa Mga Hebreo 2:17–18; 4:15–16; Doktrina at mga Tipan 20:22

Si Jesus Cristo ay namuhay nang walang kasalanan

Simulan ang klase sa pagsulat sa pisara ng aking sariling kalooban at kalooban ng Diyos. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 6:38, at sabihin sa iba pang mga estudyante na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ilan ang “aking sariling kalooban” na ipinasya ni Jesus. Sabihin sa mga estudyante na isipin nang tahimik kung ilang pasiya ang ginawa nila kamakailan na maikakategorya bilang “aking sariling kalooban” at ilan ang maikakategorya bilang “kalooban ng Diyos.”

Sabihin sa mga estudyante na matapos mabinyagan, si Jesus ay tinukso ni Satanas na gawin ang mga bagay na maaaring maikategorya bilang “aking sariling kalooban.” Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Mateo 4:1–11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano pinaglabanan ni Jesucristo ang mga tukso. (Ipaalam sa mga estudyante na nilinaw sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Mateo 4:1–11 na ang Espiritu, hindi si Satanas, ang nagdala kay Jesus sa taluktok ng templo [tingnan sa mga talata 5] at pagkatapos ay sa isang mataas na bundok [tingnan sa talata 8]. Matapos dalhin ng Espiritu si Jesus sa mga lugar na ito, dumating ang diyablo para tuksuhin siya.)

  • Ano ang napansin ninyo tungkol sa mga isinagot ng Tagapagligtas sa mga tukso ni Satanas?

  • Ano ang natutuhan ninyo sa mga halimbawa ng Tagapagligtas sa mga talatang ito?

  • Paano natutulad ang mga tuksong kinaharap ng Tagapagligtas sa mga tuksong kinakaharap natin sa ating buhay?

Ipakita at basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong David O. McKay (1873–1970), na nagsalita tungkol sa mga tuksong kinaharap ni Jesus sa ilang:

Pangulong David O. McKay

“Ngayon, halos bawat tuksong dumarating sa inyo at sa akin ay isa sa mga anyong iyon. Ikategorya ang mga ito, at makikita ninyo na sa ilalim ng isa sa tatlong kategoryang iyon, halos lahat ng tuksong nagpaparumi sa inyo at sa akin, gaano man ito kaliit, ay kinakaharap natin bilang (1) tukso sa hilig o pita; (2) pagpapatangay sa kapalaluan at uso at karangyaan ng mga taong malayo sa mga bagay na ukol sa Diyos; o (3) pagbibigay-kasiyahan sa silakbo ng damdamin, o sa paghahangad sa mga kayamanan ng mundo, o kapangyarihan sa mga tao” (“Unspotted from the World,” Ensign, Ago. 2009, 27).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Sa Mga Hebreo 2:17–18; 4:15–16. Ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 20:22. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at pansinin ang anumang pagkakatulad ng dalawang scripture passage. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Bakit kinakailangang maranasan ni Jesus ang mga tukso?

  • Bakit mahalagang maunawaan natin na naranasan ni Jesucristo ang gayon ding uri ng mga tukso na nararanasan natin ngayon?

Sabihin sa mga estudyante na isa sa mga layunin ng lesson ngayon ay ipakita ang hindi mapapantayang buhay ng Tagapagligtas. Sabihin sa klase kung paano ipinakita ng mga scripture passage na napag-aralan na sa lesson ang isang aspeto sa hindi mapapantayang buhay ng Tagapagligtas. (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Si Jesucristo ay namuhay sa isang buhay na hindi mapapantayan dahil hindi Siya kailanman nagpatukso at nagkasala.)

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Howard W. Hunter (1907–95), at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

President Howard W. Hunter

“Mahalagang alalahanin na si Jesus ay maaaring magkasala, na maaari sana siyang sumuko, na maaari sanang mabigo ang plano ng buhay at kaligtasan, ngunit siya ay nanatiling tapat. Kung walang posibilidad na maaari siyang matukso ni Satanas, wala sanang magiging tunay na pagsubok, wala sanang tunay na tagumpay bilang resulta nito. … Siya ay perpekto at walang kasalanan, hindi dahil sa kailangang gawin ito, kundi dahil gusto niyang gawin ito at determinado siyang gawin ito” (“The Temptations of Christ,” Ensign, Nob. 1976, 19).

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Lucas 22:42, 44 at ang 3 Nephi 11:11, at maghanap ng isang katangian ni Jesucristo na isa pang halimbawa ng Kanyang hindi mapapantayang buhay. (Dapat matukoy ng mga estudyante ang pagsunod ng Tagapagligtas sa kalooban ng Ama.)

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994), at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Pangulong Ezra Taft Benson

“Pinagdusahan Niya ang mga pasakit ng lahat ng tao sa Getsemani upang sa gayon ay hindi na sila magdusa kung sila ay magsisisi.

“Tiniis Niya ang paghamak at mga pang-iinsulto ng Kanyang mga kaaway nang walang reklamo o paghihiganti.

“At, sa huli, tiniis Niya ang pambubugbog at matinding kahihiyan sa krus. At pagkatapos lamang niyon ay kusa Siyang nagpasakop sa kamatayan. …

“Siya ay lubos na masunurin sa ating Ama sa Langit” (“Jesus Christ: Our Savior and Redeemer,” Ensign, Nob. 1983, 7, 8).

Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit, bakit kinakailangan na walang anumang bahid ng kasalanan si Jesus at lubos na masunurin sa kalooban ng Ama sa Langit? (Maaaring makapagbigay ang mga estudyante ng iba-ibang sagot, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Kinakailangan sa plano ng kaligtasan ang lubos na pagsunod ni Jesus upang maisagawa ang Pagbabayad-sala.)

  • Paano nakaimpluwensya sa inyong pananampalataya kay Jesucristo ang nalaman ninyo na Siya ay walang bahid ng anumang kasalanan at masunurin sa kalooban ng Ama sa Langit? (Kapag nakasagot na ang mga estudyante, bigyang-diin na matatamo natin ang lakas na daigin ang tukso at maging masunurin kapag tinularan natin ang halimbawa ni Jesucristo na sundin ang kalooban ng Ama sa halip na sundin ang sarili nating kalooban.)

Juan 4:1–29

Ang malaking impluwensya ng Tagapagligtas

Isulat sa pisara o ipakita ang sumusunod na pangungusap mula sa “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” (Ensign o Liahona, Abr. 2000, 2):

“Walang sinuman ang nakapagbigay ng gayong makahulugang impluwensiya sa lahat ng nabuhay na at sa lahat ng mabubuhay pa sa mundo.”

Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti ang pahayag na ito sa pamamagitan ng pagtatanong ng sumusunod:

  • Alin sa mga katangian ni Jesucristo ang nagbigay sa Kanya ng gayong kalakas na impluwensya sa lahat ng taong nabuhay at mabubuhay pa lamang?

Sabihin sa mga estudyante na isa sa mga taong ito na naimpluwensyahan nang malaki ni Jesus noong Kanyang mortal na ministeryo ay isang Samaritana. Tulungan ang mga estudyante na gamitin ang mga tulong sa pag-aaral sa kanilang mga banal na kasulatan para makahanap ng impormasyon tungkol sa mga Samaritano ( Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Samaritano, Mga”; scriptures.lds.org). Ibuod ang Juan 4:1–8, at ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Juan 4:9. Ipaliwanag kung paano nahayag sa sagot ng babae kay Jesus ang pagkapoot na nadarama ng mga Judio at Samaritano sa isa’t isa noong panahong iyon. Pagkatapos ay ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Juan 4:10–15. Matapos ang sapat na oras, itanong ang mga sumusunod:

  • Paano ninyo mailalarawan ang pag-uusap ni Jesus at ng babae?

  • Ano ang iniaalok ni Jesus sa kanya?

Sabihin sa isang estudyante na basahin nang malakas ang Juan 4:16–19 habang tahimik na sumasabay sa pagbasa ang klase at inilalarawan sa isipan ang maaaring reaksyon nila kung sila ang babaeng kausap. (Paalala: Ang paglalarawan sa isipan ay makatutulong upang maging mas malinaw at makatotohanan ang mga pangyayari sa banal na kasulatan.) Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Ano ang maaaring maisip ninyo kung kayo ang babaeng Samaritana? Bakit?

  • Ano ang katibayan na naimpluwesyahan siya ni Jesus? (Bigyang-diin ang pagkakasunud-sunod ng titulong itinawag ng babae sa Kanya: “Judio” [talata 9]; “Ginoo” [mga talata 11, 15]; at pagkatapos ay “propeta” [talata 19].)

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Juan 4:20–29. Sabihin sa klase na tukuyin ang mga titulo para sa Tagapagligtas sa mga talata 25 at talata 29. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na mag-isip sandali bago sagutin ang sumusunod na tanong:

  • Ano ang ginawa ng Tagapagligtas sa maikling panahong ito upang mabago ang pananaw ng babae tungkol sa Kanya, mula sa pagtawag ng “Judio” (talata 9) ay naging “ang Cristo” (talata 29)? (Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang napansin nila sa mga scripture passage na ito. Maaaring kabilang sa mga sagot ang mga sumusunod: Nagpakita Siya ng paggalang sa kanya, itinuro Niya ang doktrina sa kanya, nagturo Siya sa paraang magpapatotoo sa kanya ang Espiritu Santo, inihayag Niya ang ilang pribadong bagay tungkol sa kanya, at nakatuon ang pansin Niya sa kanya.)

  • Ano ang itinuturo sa inyo ng tala tungkol sa Tagapagligtas at sa babaeng Samaritana hinggil sa nadarama ng Tagapagligtas tungkol sa inyo at ang impluwensya Niya sa inyo?

  • Paano ninyo nakita ang impluwensya ng Tagapagligtas sa inyong buhay o sa buhay ng isang taong kilala ninyo? Ano ang epekto ng impluwensya ng Tagapagligtas sa inyo?

  • Ano ang ipapangako ninyo na gagawin upang mas mahiwatigan ninyo ang impluwensya ng Tagapagligtas sa inyong buhay at tulutan ang Kanyang impluwensya na baguhin kayo?

Magpatotoo na kapag ibinaling natin ang ating buhay sa Tagapagligtas, magkakaroon Siya ng malaking impluwensya sa atin. Ang pinakamalaking impluwensya ng Tagapagligtas ay nangyayari kapag inanyayahan natin ang kapangyarihan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo para linisin tayo, iangat tayo, at baguhin tayo. Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipang mabuti ang magagawa nila upang maipakita ang kanilang pasasalamat sa Tagapagligtas para sa Kanyang impluwensya sa kanilang buhay. Hikayatin sila na gawin ang nadama nila.

Mga Babasahin ng mga Estudyante