Seminaries and Institutes
Lesson 19: Siya ay Nagbangon


19

Siya ay Nagbangon

Pambungad

“Nagbangon [si Jesucristo] sa libingan upang ‘maging pangunahing bunga ng nangatutulog’ (I Mga Taga Corinto 15:20). Bilang Nabuhay na Mag-uling Panginoon, dumalaw Siya sa mga taong minahal Niya noong nabubuhay pa Siya sa lupa” (“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” Ensign o Liahona, Abr. 2000, 3). Ang lesson na ito ay magtuturo ng doktrina at mga pangyayaring nauugnay sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Habang nadaragdagan ang pag-unawa at patotoo ng mga estudyante tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli, magkakaroon sila ng pananaw at pag-asa sa pagharap sa mga hamon ng buhay.

Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito

  • D. Todd Christofferson, “Ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 111–14.

  • Dallin H. Oaks, “Pagkabuhay na Mag-uli,” Liahona, Hulyo 2000, 14–16.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

I Mga Taga Corinto 15:12–29

Ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith (1805-1844), at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Propetang Joseph Smith

“Ang mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit; at ang lahat ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa ating relihiyon ay mga kalakip lamang nito” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 58).

Talakayin sa mga estudyante ang sumusunod na tanong:

  • Sa inyong palagay, bakit ang lahat ng iba pang mga alituntunin ng ebanghelyo ay “mga kalakip” sa kamatayan, libing, at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Isaias 25:8; Mosias 16:7–8; at Alma 33:22, at alamin kung ano ang ipinropesiya ng mga sinaunang propeta tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila.

Kopyahin ang sumusunod na chart sa pisara:

Dahil si Jesus ay bumangon mula sa mga patay, …

Kung si Jesus ay hindi bumangon mula sa mga patay …

I Mga Taga Corinto 15:20–28

Alma 11:43–45

I Mga Taga Corinto 15:12–19, 29

2 Nephi 9:8–10

Sabihin sa kalahati ng klase na pag-aralan ang mga scripture passage sa kaliwang hanay ng chart, at alamin ang mga pagpapalang natatanggap natin dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Sabihin sa natitirang kalahati ng klase na pag-aralan ang mga scripture passage sa kanang hanay, at alamin kung ano ang mangyayari kung hindi bumangon si Jesus mula sa mga patay. Matapos ang sapat na oras, tumawag ng mga boluntaryo na magpapaliwanag sa nalaman nila. Tulungan ang mga estudyante na ipahayag ang doktrina na itinuro sa mga scripture passage na ito sa pamamagitan ng pagtatanong ng mga sumusunod:

  • Ayon sa I Mga Taga Corinto 15:20, sinabi ni Apostol Pablo na si Jesus ang “pangunahing bunga ng nangatutulog.” Ano ang ibig sabihin ng pariralang ito? (Si Jesus ang unang nabuhay na mag-uli.)

Ipabasa muli sa mga estudyante ang I Mga Taga Corinto 15:22. Pagkatapos ay itanong:

  • Paano ninyo ibubuod ang pagpapalang matatanggap ng lahat ng tao dahil nabuhay na mag-uli si Jesucristo? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Dahil sa Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, lahat ng isinilang sa mundong ito ay mabubuhay na mag-uli.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga sumusunod na pahayag nina Pangulong Howard W. Hunter (1907–1995) at Pangulong Marion G. Romney (1897–1988) ng Unang Panguluhan:

Pangulong Howard W. Hunter

“Kung walang Pagkabuhay na Mag-uli, ang ebanghelyo ni Jesucristo ay magiging pagsasalaysay lamang ng mga kasabihan na puno ng karunungan at tila di-maipaliwanag na mga himala—ngunit mga kasabihan at himalang hindi hahantong sa tagumpay. Ang tunay na tagumpay ay nasa tunay na himala: sapagkat sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng sangkatauhan, ibinangon ng isang patay ang kanyang sarili upang mabuhay nang imortal. Siya ang Anak ng Diyos, ang Anak ng ating imortal na Ama sa Langit, at ang tagumpay niya sa pisikal at espirituwal na kamatayan ay ang mabuting balita na dapat ipahayag ng lahat ng Kristiyano” (Howard W. Hunter, “An Apostle’s Witness of the Resurrection,” Ensign, Mayo 1986, 16).

Pangulong Marion G. Romney

“‘Siya’y nagbangon; wala siya rito.’ (Marcos 16:6.) Ang mga salitang ito, napakalinaw sa kasimplihan nito, ay naghayag ng pinakamahalagang pangyayari sa naitalang kasaysayan” (Marion G. Romney, “The Resurrection of Jesus,” Ensign, Mayo 1982, 6).

  • Sa palagay ninyo, bakit “pinakamahalagang pangyayari sa naitalang kasaysayan” ang Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas?

  • Ano ang naisip at nadama ninyo nang malaman ninyo na dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, lahat ng mga anak ng Ama sa Langit na isinilang sa mundo ay mabubuhay na mag-uli?

Ipaliwanag na tinutubos tayo ng Pagkabuhay na Mag-uli hindi lamang mula sa pisikal na kamatayan kundi pati na rin sa espirituwal na kamatayan. Kung walang pagkabuhay na mag-uli, lahat ng tao kalaunan ay magiging gaya ng diyablo (tingnan sa 2 Nephi 9:6–9).

Magpatotoo na ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ang lumubos sa Pagbabayad-sala at ginawang posible para sa mga anak ng Diyos na makabalik sa Kanyang kinaroroonan.

Mateo 28; Marcos 16; Lucas 24; Juan 20

Mga saksi sa nabuhay na mag-uling si Jesucristo

Bigyan ang mga estudyante ng sumusunod na chart bilang handout:

handout, Mga Pagpapakita ng Nabuhay na Mag-uli na si Jesucristo

Bagong Tipan

Reference

Mga Taong Binisita

Petsa o Oras

Lugar

Ano ang nangyari

Juan 20:11–18; Marcos 16:9

Mateo 28:1–10

Lucas 24:34; I Mga Taga Corinto 15:5

Marcos 16:12; Lucas 24:13–32

Marcos 16:14; Lucas 24:33, 36–49; Juan 20:19–23

Juan 20:26–29

Juan 21:4–23

Mateo 28:16–20; Marcos 16:15–18

Marcos 16:19–20; Lucas 24:50–53; Mga Gawa 1:9–11

I Mga Taga Corinto 15:6

I Mga Taga Corinto 15:7

Mga Gawa 7:55–56

Mga Gawa 9:4–6; I Mga Taga Corinto 9:1; 15:8

Apocalipsis 1:13–18

Mag-assign sa bawat estudyante ng isa o dalawang hanay sa chart. Sabihin sa kanila na pag-aralan ang mga scripture passage sa hanay na naka-assign sa kanila at tukuyin kung sino ang dinalaw ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Dahil limitado ang oras, hikayatin ang mga estudyante na magbahagi nang maikli. Pagkatapos ay talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Sa aktibidad na ito, ano ang nalaman ninyo tungkol sa maraming pagpapakita ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas at kung ano ang naranasan ng bawat tao?

  • Bukod sa mga scripture passage na ito, sino ang iba pang mga saksi na nakakita sa nabuhay na mag-uling si Jesucristo ang matatagpuan sa mga banal na kasulatan? (Maaaring mabanggit ng mga estudyante ang mga Nephita, o si Propetang Joseph Smith.)

  • Bakit mahalagang malaman na maraming saksi ang nakakita sa nabuhay na mag-uling Tagapagligtas? (Tiyaking nauunawaan ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Dahil maraming tao ang nakakita sa nabuhay na mag-uling si Jesucristo, maaari tayong magtiwala na Siya ay buhay at tayo rin ay mabubuhay na muli pagkatapos nating mamatay.)

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang mga doktrinang nakapaloob sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas at kung bakit, tulad ng itinuro ni Joseph Smith, na lahat ng iba pang mga alituntunin ay nakalakip sa kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pahayag.

Elder D. Todd Christofferson

“Kung totoong si Jesus ay literal na nabuhay na mag-uli, kung gayo’y isa Siyang banal na nilalang. Walang mortal ang may kapangyarihang buhayin ang kanyang sarili matapos mamatay. Dahil Siya ay nabuhay na mag-uli, hindi maaaring si Jesus ay naging isa lamang karpintero, guro, rabbi, o propeta. Dahil Siya ay nabuhay na mag-uli, si Jesus ay dapat maging Diyos, maging ang Bugtong na Anak ng Ama.

“Samakatwid, ang itinuro Niya ay totoo; ang Diyos ay hindi maaaring magsinungaling [tingnan sa Enos 1:6].

“Samakatwid, Siya ang Lumikha ng daigdig, tulad ng sinabi Niya, [tingnan, para sa halimbawa, ang 3 Nephi 9:15].

“Samakatwid, totoong may langit at impiyerno, tulad ng itinuro Niya [tingnan, para sa halimbawa, ang D at T 76].

“Samakatwid, may daigdig ng mga espiritu na pinuntahan Niya pagkamatay Niya [tingnan sa D at T 138].

“Samakatwid, paparito Siyang muli, tulad ng sabi ng mga anghel [tingnan sa Mga Gawa 1:10–11], at ‘maghahari … sa mundo’ [Mga Saligan ng Pananampalataya 1:10; tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Jesucristo,” sa ilalim ng subheading na “Paghaharing Milenyal ni Cristo”].

“Samakatwid, may huling Paghuhukom at Pagkabuhay na Mag-uli para sa lahat [tingnan, para sa halimbawa, ang 2 Nephi 9:15].

“Dahil totoo ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo, ang mga pag-aalinlangan tungkol sa lubos na kapangyarihan, kaalaman, at kabaitan ng Diyos Ama—na ibinigay ang Kanyang Bugtong na Anak para matubos ang sangkatauhan—ay walang katotohanan. Ang mga pag-aalinlangan tungkol sa kahulugan at layunin ng buhay ay walang batayan. Katunayan, pangalan ni Jesucristo lamang ang daan para maligtas ang sangkatauhan. Ang biyaya ni Cristo ay totoo, na kapwa nagpapatawad at naglilinis sa nagsisising makasalanan. Tunay ngang ang pananampalataya ay higit pa sa imahinasyon o kathang-isip. May mahalagang katotohanan para sa lahat, at may layunin at di-nagbabagong mga pamantayang moral, tulad ng itinuro Niya.

“Dahil totoo ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo, ang pagsisisi sa anumang paglabag sa Kanyang batas at mga utos ay posible at dapat gawin agad. Ang mga himala ng Tagapagligtas ay totoo, tulad ng Kanyang pangako sa Kanyang mga disipulo upang gawin din nila iyon at ang mas dakila pang mga gawain [tingnan sa Juan 14:12]. … Dahil totoo ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo, hindi kamatayan ang ating wakas, at bagaman ‘magibang ganito ang [ating] balat, [g]ayon ma’y makikita [natin] ang Dios sa [ating] laman.’ [Job 19:26]” (“Ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 113, 114).

  • Paano inilarawan sa pahayag ni Elder Christofferson na napakahalaga ng Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas sa doktrina ng ipinanumbalik na ebanghelyo?

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan kung paano personal na makakapekto sa kanila ang katotohanan ng Pagkabuhay na Mag-uli, ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Elder Dallin H. Oaks

“Ang ‘buhay na pag-asa’ na ibinibigay sa atin ng pagkabuhay na mag-uli ang nagbibigay sa atin ng matibay na pananalig na hindi katapusan ng ating buhay ang kamatayan kundi isang kinakailangang hakbang lamang sa itinakdang pagbabagong-kalagayan mula sa pagiging mortal tungo sa kawalang kamatayan. Binabago ng pag-asang ito ang pananaw hinggil sa buhay sa lupa. …

“Nagdudulot sa atin ng lakas at magandang pananaw ang katiyakan ng pagkabuhay na mag-uli upang pagtiisan ang mga pagsubok sa buhay na kinakaharap ng bawat isa sa atin at ng mga mahal natin, katulad ng mga kakulangan sa pisikal, mental, o emosyonal na kasama natin sa pagsilang o nakuha habang nasa buhay sa lupa. Dahil sa pagkabuhay na mag-uli, batid natin na pansamantala lamang ang mga kakulangang ito!

“Nagdudulot din sa atin ng matinding dahilan ang katiyakan ng pagkabuhay na mag-uli upang sumunod sa mga utos ng Diyos habang nabubuhay sa lupa” (“Pagkabuhay na Mag-uli,” Liahona, Hulyo 2000, 15).

  • Bakit mahalaga sa bawat isa sa atin na magkaroon ng patotoo tungkol sa katotohanan ng Pagkabuhay na Mag-uli? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, magkakaroon tayo ng pag-asa at walang hanggang pananaw habang dumaranas tayo ng mga hamon at pagsubok sa buhay.)

  • Sa anong mga paraan nagdudulot ng pag-asa o kagalakan sa inyo o sa isang taong kakilala ninyo ang pagkaunawa sa Pagkabuhay na Mag-uli?

Ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong David O. McKay (1873–1970):

Pangulong David O. McKay

“Dalawa’t kalahating taon [na] itinaguyod at pinasigla ng presensya ni Cristo [ang mga Apostol]. Ngunit wala na siya ngayon. Naiwan silang mag-isa, at tila nalilito sila at walang magawa. …

“Ano ang dahilan at biglang nagbago ang mga disipulong ito at nagkaroon sila ng tiwala sa sarili, walang kinatatakutan, at naging magigiting na mangangaral ng Ebanghelyo ni Jesucristo? Ito’y dahil sa paghahayag na si Cristo ay nagbangon mula sa libingan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: David O. McKay [2004], 72).

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang taong kilala nila na maaaring mapalakas kapag narinig ang mensahe ng Pagkabuhay na Mag-uli. Hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng pagkakataon sa ibang araw na masabi nila ang nadarama at patotoo nila sa taong iyon.

Mga Babasahin ng mga Estudyante