8
Ginanap ni Jesucristo ang Buong Katuwiran
Pambungad
Si Jesucristo ay namuhay nang perpekto sa pamamagitan ng pagsunod sa kalooban ng Ama sa Langit sa lahat ng bagay. Pinatotohanan ng mga propeta sa panahong ito na “Bagaman [si Jesucristo] ay walang kasalanan, bininyagan siya upang [ganapin] ang buong katuwiran” (“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” Ensign o Liahona, Abr. 2000, 2). Tulad ng Tagapagligtas, ginaganap natin ang katuwiran kapag sinusunod natin ang mga ordenansa at tinutupad ang mga tipan ng walang hanggang ebanghelyo. Tatalakayin sa lesson na ito kung paano nagpasakop ang Tagapagligtas sa walang hanggang ebanghelyo at paano natin matutularan ang Kanyang halimbawa.
Mga Babasahin Tungkol sa Paksang Ito
-
Robert D. Hales, “The Covenant of Baptism: To Be in the Kingdom and of the Kingdom,” Ensign, Nob. 2000, 6–9.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Mateo 3:13–17; 2 Nephi 31:4–9
Ang bagbibinyag kay Jesucristo
Sabihin sa mga estudyante na isipin ang sumusunod na sitwasyon:
Sa pag-uusap ninyo ng kaibigan mo tungkol sa relihiyon, napag-usapan ninyo ang tungkol sa binyag. Pagkatapos mong ipaliwanag kung bakit tayo kailangang binyagan, itinanong ng kaibigan mo, “Nauunawaan ko na kailangang binyagan tayo para maging malinis mula sa kasalanan. Pero perpekto si Jesus; wala Siyang anumang kasalanan. Kaya bakit Siya bininyagan?”
Bigyan ang mga estudyante ng ilang sandali para pag-isipan ang tanong na ito, at pagkatapos ay anyayahan silang sagutin ito.
Matapos ang kaunting talakayan, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 3:13–17, o ipanood ang “The Baptism of Jesus” (2:55) mula sa The Life of Jesus Christ Bible Videos. (I-download at panoorin ang video bago magsimula ang klase.) Kung ipinanood mo ang video, sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa sa kanilang banal na kasulatan.
Pagkatapos mapanood ang video, itanong:
-
Anong dahilan ang ibinigay ni Jesus para sa pagbinyag sa Kanya? (Maaari mong isulat ang sumusunod na doktrina sa pisara: Bininyagan si Jesucristo upang ganapin ang buong katuwiran.)
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng bininyagan si Jesus upang “[ganapin ang] buong katuwiran”? (Mateo 3:15).
Upang matulungan ang mga estudyante na masagot ang tanong na ito, bigyan sila ng oras na maghanap sa kanilang banal na kasulatan. Maaari mong imungkahi sa kanila na isulat ang 2 Nephi 31:4–9 sa margin ng kanilang mga banal na kasulatan sa tabi ng Mateo 3:15. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 2 Nephi 31:5-6 para malaman ang itinanong ni Nephi. Matapos ang sapat na oras, ipaliwanag na sinagot ni Nephi ang tanong na ito sa 2 Nephi 31:7–9. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga talatang ito, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin ang mga paraan na ginanap ng Tagapagligtas ang buong katuwiran sa pamamagitan ng pagpapabinyag. Maaari mong imungkahi sa kanila na markahan ang nalaman nila. Kapag naibahagi na ng mga estudyante ang nalaman nila, isulat ang mga sumusunod na pahayag sa pisara:
(Paalala: Ang aktibidad na ito ay magbibigay ng pagkakataon sa mga estudyante na mapraktis ang paggawa ng listahan sa pag-aaral ng banal na kasulatan, na tutulong sa kanila na matukoy ang mahahalagang bagay na nilayong bigyang-diin ng manunulat ng banal na kasulatan.)
Ipaalala sa mga estudyante ang itinanong ni Nephi (tingnan sa talata 6). Pagkatapos ay itanong:
-
Isinasaalang-alang ang mga nakasulat sa pisara, paano nagbigay ng halimbawa ang binyag ni Jesucristo sa kung ano ang ibig sabihin ng maging matwid?
Habang sumasagot ang mga estudyante, tiyakin na natukoy at natalakay ang mga sumusunod na ideya (maaari mong ipalit ang mga ito sa nakasulat sa pisara):
Itanong sa klase:
-
Paano natin maipamumuhay ang halimbawa ng pagiging matwid ni Jesus sa sarili nating buhay?
Magpatotoo sa klase, na tulad natin, kailangang sundin ni Jesus ang lahat ng tuntunin at kondisyon sa plano ng Ama sa Langit. Ang Kanyang perpektong buhay ay isang huwaran na dapat nating pagsikapang tularan.
2 Nephi 31:10–21
Tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas
Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 31:10–12. Itanong sa klase:
-
Sa talata 10, anong paanyaya ang ibinigay ng Tagapagligtas sa ating lahat?
-
Ayon sa mga talatang ito, ano ang sinabi ni Jesus na dapat nating gawin upang masunod natin Siya?
Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang 2 Nephi 31:16–17. Pagkatapos ay itanong:
-
Ano pa ang dapat nating gawin para matularan ang halimbawa ng Tagapagligtas?
-
Ano ang ibig sabihin ng magtiis hanggang wakas at tularan ang “halimbawa ng Anak ng Diyos na buhay”? (talata 16). (Maaari mong bigyang-diin ang salitang gawin sa talata 17. Bigyang-diin din ang sumusunod na alituntunin: Kapag tinularan natin ang halimbawa ni Jesucristo, maaari nating maganap ang buong katuwiran, tulad ng ginawa niya.)
Ipaliwanag sa mga estudyante na ang mga banal na kasulatan na binasa nila sa 2 Nephi 31 ay naglalaman ng pangunahing katangian ng walang hanggang ebanghelyo, na itinatag ng Ama sa Langit bago pa nilikha ang daigdig.
Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang Mga Taga Roma 6:3–6, at hanapin ang mahahalagang salita o parirala na nagpapatunay na ang pagtulad sa halimbawa ni Jesucristo ay hindi lamang pagpapabinyag. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang nalaman nila.
Magbigay sa mga estudyante ng kopya ng sumusunod na pahayag ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang tahimik sa kanila. Sabihin sa kanila na isipin kung paano nakaimpluwensya ang sarili nilang binyag sa kanilang buhay.
“Kapag naunawaan natin ang ating tipan sa binyag at ang kaloob na Espiritu Santo, babaguhin nito ang ating buhay at tayo ay magiging lubos na tapat sa kaharian ng Diyos. Kapag naharap tayo sa mga tukso, kung makikinig tayo, paaalalahanan tayo ng Espiritu Santo na tayo ay nangako na ating “aalalahanin ang ating Tagapagligtas at susunod sa mga kautusan ng Diyos. …
“Kapag tinularan natin ang halimbawa ni Jesus, ipinapakita rin natin na tayo ay magsisisi at magiging masunurin sa mga kautusan ng ating Ama sa Langit. Nagpapakumbaba tayo nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu kapag natanto natin na nagkasala tayo at naghahangad ng kapatawaran sa ating mga kasalanan (tingnan sa 3 Ne. 9:20). Nakikipagtipan tayo na tataglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo at lagi Siyang aalalahanin. …
“… Dalangin ko na maunawaan ng bawat isa sa atin bilang mga miyembro ng Kanyang kaharian na ang ating binyag at kumpirmasyon ay ang pasukan sa Kanyang kaharian. Kapag pumasok tayo, nakikipagtipan tayo na magiging bahagi ng Kanyang kaharian—magpakailanman!” (“The Covenant of Baptism: To Be in the Kingdom and of the Kingdom,” Ensign, Nob. 2000, 7–8, 9).
Itanong sa mga estudyante ang sumusunod:
-
Paano nakatulong ang pagpapabinyag ninyo para matularan ang halimbawa ni Jesucristo sa pagganap ng buong katuwiran?
Bigyan ang mga estudyante ng ilang sandali na pag-isipan kung gaano kahusay nilang nagagawa ang mga pamantayan ng kabutihan na ipinakita ng Tagapagligtas sa Kanyang binyag. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti ang magagawa pa nila upang ipakita ang pagsunod sa Ama sa Langit.
Mga Babasahin ng mga Estudyante
-
Robert D. Hales, “The Covenant of Baptism: To Be in the Kingdom and of the Kingdom,” Ensign, Nob. 2000, 6–9.