Kabanata 14
Pag-alaala sa Ating Espirituwal na Pamana
Ang mga kuwento tungkol sa mga pagsasakripisyo at pananampalataya ng mga naunang Banal sa mga Huling Araw ay makapagbibigay-inspirasyon sa atin na maging mas masigasig sa pagtupad sa ating mga tipan at pagtatayo ng kaharian ng Diyos.
Mula sa Buhay ni Wilford Woodruff
Sa pagtuturo sa mga miyembro ng Simbahan, madalas ulit-ulitin ni Pangulong Wilford Woodruff ang mga kuwento tungkol sa pananampalataya at tapang ng mga naunang Banal sa mga Huling Araw. Hinikayat niya ang mga tao noong kanyang henerasyon na patuloy na manampalataya, at hinikayat niya ang mga darating na henerasyon na sundin ang halimbawa ng kanilang mga ninuno—na “isaisip ang pagpapagal, alalahanin, at mga paghihirap na tiniis ng [kanilang] mga ninuno sa pagtatatag ng saligan ng Sion ng ating Diyos.”1 Sinabi niya: “Dahil sa awa ng [Diyos] kung kaya’t ginagabayan pa rin Niya tayo hanggang ngayon. Ang mga biyaya ng Diyos sa atin ay dumarami taun-taon, at nabiyayaan tayo nang higit pa sa karapat-dapat nating tanggapin, at magaganda ang payo at mga tagubilin na ibinigay sa atin. Umaasa ako na magiging matalino tayo. Huwag hayaang malimutan ang mahahalagang espirituwal na pangyayaring iyon na para bang mga kuwento lang ito na puro kasinungalingan, sa halip ay alamin ang katotohanan sa mga kuwento at maging handa sa lahat ng bagay na hihingin sa atin ng Panginoon.”2
Ang Kabanatang ito ay naglalaman ng salaysay ni Pangulong Woodruff tungkol sa apat na kaganapan na mahalaga sa kanyang personal na buhay at sa kasaysayan ng Simbahan: (1) Kampo ng Sion; (2) pagtupad sa utos ng Panginoon na magpulong sa lugar na kinatatayuan ng templo sa Far West, Missouri; (3) pagpapagaling ng mga may sakit sa Commerce, Illinois, at Montrose, Iowa; at (4) ang pagdating ng mga pioneer sa Salt Lake Valley. Ang mga salaysay na ito ay bahagi ng espirituwal na pamana ng bawat miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Mga Turo ni Wilford Woodruff
Kampo ng Sion
Noong 1833 ang mga Banal ng Diyos ay pinaalis sa Jackson County, Missouri, ng masasamang tao, patungo sa Clay County. … Sinunog ang kanilang mga bahay at sinira ang kanilang ari-arian, at sila’y pinalayas, na wala ni isang kusing at hikahos, patawid sa ilog [Missouri]. Ang Konseho [sa lugar na iyon] ay tumawag ng mga boluntaryo na pupunta sa Kirtland, 1600 kilometro ang layo, upang makipagkita kay Propetang Joseph at humingi ng payo tungkol sa nararapat gawin. Si Parley P. Pratt, kasama ang kanyang pamilya na salat na salat sa lahat ng bagay ng mundo, at si Lyman Wight, kasama ang kanyang asawa na nakahiga sa troso sa kakahuyan, katabi ang sanggol na tatlong araw ang edad, at walang pagkain, damit o bahay, ay nagboluntaryo na humayo para bisitahin ang Propeta ng Diyos. …
Nang dumating sina Elder Pratt at Wight sa Kirtland, ikinuwento nila kay Propetang Joseph ang hirap na dinanas nila, at nagtanong naman si Joseph sa Panginoon kung ano ang nararapat niyang gawin. Sinabi sa kanya ng Panginoon na humayo at tipunin ang lakas ng sambahayan ng Panginoon, ang mga kabataang lalaki at mga nasa katanghaliang-gulang, at lumakad at tubusin ang Sion. … Kagustuhan ng Diyos na makatipon sila ng hanggang 500 kalalakihan, subalit hindi sila aalis doon nang wala sa 100 ang bilang nila [tingnan sa D at T 103]. Nakatipon ang mga Banal ng Panginoon ng 205 kalalakihan, karamihan sa mga ito ay nagtipon sa Kirtland noong tagsibol ng 1834. … Kami’y binuo sa tig-sasampu na may kapitan sa bawat isa, at ang Propeta ng Diyos ang namuno sa grupong ito ng 205 kalalakihan ng Kampo ng Sion sa paglalakbay nang 1600 kilometro.
… Ang payo at ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta ng Panginoon, at ang katuparan nito, at ang aming kagalakan at kalungkutan na may kaugnayan sa mga pangyayaring iyon, ay nangaukit sa aming mga puso gaya ng panulat na bakal at tingga sa bato, at ang kasaysayang ito ay mananatili sa lahat ng panahon at sa kawalang-hanggan.3
Ako ay nasa kampo ng Sion kasama ang Propeta ng Diyos. Nakita ko ang pakikitungo ng Diyos sa kanya. Nakita ko ang kapangyarihan ng Diyos sa kanya. Nakita ko na siya ay isang Propeta. Ang ipinakita sa kanya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos sa misyong iyon ay napakahalaga sa akin at sa lahat ng tumanggap ng kanyang mga tagubilin. Babanggit ako ng isang pangyayari. Kaunting oras na lang bago kami dumating sa Missouri, tinipon ni Joseph ang buong kampo. Nagpropesiya siya sa amin doon, at sinabi kung ano ang mangyayari sa amin. Sinabi niya sa amin ang dahilan kung bakit kami mapaparusahan. Sinabi niya: “Itinuturing akong bata ng ilan sa inyo. Hindi ninyo natatanto ang aking katayuan sa harap ng Panginoon. Subalit may parusang darating sa kampong ito.” Sinabi niya na darating ito sa amin sapagkat hindi siya sinunod sa kanyang mga payo. Isang oras pagkarating namin sa Missouri at itayo ang aming mga tolda …, isa-isang nagkasakit ang mga tao at sa loob lang ng ilang sandali isang dosena na sa kampo namin ang nakaratay dahil sa sakit na kolera. Nang makita ito ng Propeta ng Diyos, naawa siya sa kanila, at ipinatong nila ni Hyrum ang kanilang mga kamay kay Brother Carter. Siya ang unang lalaking nagkasakit, subalit nang gawin nila ito sila man ay biglang nagkasakit, at kailangan nilang parehong umalis sa kampo. Sinabi niya pagkatapos: “Sinabi ko na sa inyo ang mangyayari, at nang dumating ang karamdaman iniunat ko ang aking kamay para pigilan ito, at ako mismo ay halos magkasakit.” Ang misyong iyon ay lubos na kasiya-siya sa akin.4
Nang papalapit na kami sa Clay County, Missouri, ang mga naninirahan sa Jackson County ay lubhang nabahala, at isang barko na may sakay na labindalawang kalalakihan, ang tumawid sa Ilog Missouri patungo sa Liberty, Clay County. Tumawag sila ng miting sa mga naninirahan sa State House, at madamdaming nagsalita para galitin ang mga tao na humayo at wasakin ang kampo ng Mormon. Gayunpaman hindi ito ninais gawin ng mga taga Clay County. …
Gayunpaman, nakatipon na ang mga mandurumog sa Jackson County, mga hukbong nakasakay ng kabayo at impanteriya (infantry), na tumawid sa ilog patungo sa Clay County para salubungin kami at patayin. Nagkampo kami sa silangang bahagi ng Fishing River, at doon binalak nilang lusubin kami. Nagkampo kami sa gilid ng meetinghouse ng Baptist, sa maaliwalas na kalangitan na walang kaulap-ulap. Katatayo pa lamang ng aming mga tolda, nang dalawang lalaking nakasakay sa kabayo ang dumaan sa aming kampo, na nanumpa ng kasamaan. … Nang papunta na sila sa gawing silangan palabas ng kampo ay lumitaw ang maliit na ulap sa hilagang-kanluran, na lumatag na parang balumbon ng papel, at maya-maya ang buong kalangitan sa aming ulunan ay nalatagan ng maitim na ulap. Ilang sandali pa ay kumidlat, kumulog, bumuhos ang malakas na ulan, at bumagsak ang mga piraso ng ulang may yelo, ang ilan ay mismo sa aming kampo na may sukat na 2.5 sentimetro, na maya-maya pa’y tumakip sa lupa gaya ng puting mantel. Lahat kami ay nagtakbuhan papasok sa meetinghouse para sumilong. Si Propetang Joseph ang huling pumasok.5
Habang pumapasok na ipinapagpag ni Propetang Joseph ang tubig sa kanyang sombrero at damit, sinabi niyang, “Mga kasama, may kahulugan ito. Nasa bagyong ito ang Diyos.” Umawit kami ng papuri sa Diyos, at nahiga sa buong magdamag sa mga upuan nang nakasilong habang ang aming mga kaaway ay lantad sa nagngangalit na bagyo.6
Ang ilog, na natawid namin na halos hindi nabasa ang aming sapatos nang magkampo kami, ay tumaas nang anim na metro. Dahil dito, hindi kami nasalakay ng kaaway mula sa kanluran, at ang hukbong nakasakay ng kabayo, na nasa silangan, ay nagtakbuhan sa bahay-paaralan, o sa kahit saang masisilungan mula sa malalaking ulang may yelo na bumagsak sa kanila. Pinaalis ng ulang may yelo at bagyo ang kanilang mga kabayo, at nabulabog nang ilang kilometro sa loob ng kagubatan, na nakalagay ang siya (saddle) at kabisada (bridle) sa mga ito, at hindi nahanap sa loob ng maraming araw.7
Nabalitang sinabi ng kapitan ng hukbo sa bahay-paaralan na isa itong kakatwang bagay na kapag kakalabanin nila ang mga Mormon ay nagkakaroon ng ulang may yelo o iba pang bagay na humahadlang sa kanila sa paggawa nila ng kahit ano, gayunman hindi nila kinikilalang Diyos ang nakikipaglaban para sa amin.8
Nagpapasalamat kami na ang Panginoon ang nakipaglaban sa aming mga digmaan at iniligtas kami, at hindi na tinangka pa ng aming mga kaaway na salakayin kami.
Kinaumagahan (noong ika-22 ng Hunyo) ang paghahayag na iyon ay ibinigay, sa Fishing River, na nakatala sa Doktrina at mga Tipan, bahagi 105 [tingnan sa mga talata 9–14, kung kailan tinapos ng Panginoon ang orihinal na misyon ng kampo ng Sion]. Mula nang araw na iyon, lumambot ang puso ng mga tao sa Clay County, at nagpatuloy kami sa aming paglalakbay sa bayang iyon, at nagkampo sa huling pagkakataon …, kung saan nakaranas kami ng hirap bilang katuparan ng salita ng Panginoon sa pamamagitan ng bibig ni Joseph, ang Propeta. …
Matapos manatili nang ilang araw at isaayos ang Simbahan sa Clay County, bumalik si Propetang Joseph sa Kirtland kasama ang mga miyembro ng Kampo ng Sion na may mga pamilya na, subalit kami na wala pa, ay nanatili sa Missouri hanggang [kami] ay humayo sa ibang bahagi ng bansa upang ipangaral ang Ebanghelyo ni Cristo.9
Nang tawagin ang mga miyembro ng Kampo ng Sion, marami sa amin ang hindi pa kailanman nagkita; at hindi kami magkakakilala at marami ang hindi pa nakakita sa propeta. Kami’y ikinalat, tulad ng mais na ibinistay, sa buong bansa. Kami’y mga kabataang lalaki, at tinawag nang maaga para humayo at tubusin ang Sion, at anuman ang gawin namin ay dapat gawin nang may pananampalataya. Natipon kami mula sa iba’t ibang bayan sa Kirtland at humayo upang tubusin ang Sion, bilang katuparan sa utos ng Diyos sa amin. Tinanggap ng Diyos ang aming gawain tulad ng pagtanggap Niya sa mga ginawa ni Abraham. Marami kaming naisagawa, kahit maraming beses nang nagtanong ang mga nag-apostasiya at di-naniniwala ng, “Ano ang mga nagawa ninyo?” Nakamtan namin ang isang karanasan na hindi namin kailanman makakamtan sa ibang paraan. Nagkaroon kami ng pagkakataong makita ang mukha ng propeta, at naglakbay nang 160 kilometro na kasama siya, at nakita ang pagkilos ng Espiritu ng Diyos sa kanya, at ang mga paghahayag ni Jesucristo sa kanya at ang katuparan ng mga paghahayag na iyon.10
Ang naging karanasan [namin] sa paglalakbay sa Kampo ng Sion ay mas mahalaga kaysa ginto, at ang kasaysayan ng kampong iyon ay maipapasa hanggang sa huling henerasyon ng mga tao.11
Pagtupad sa utos ng Panginoon na magpulong sa lugar na kinatatayuan ng templo sa Far West, Missouri
Tala: Noong Abril 26, 1838, ipinahayag ng Panginoon sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith na ang mga namumunong lider ng Simbahan ay magsisimula na sa pagtatayo ng isang templo sa lungsod ng Far West, Missouri (tingnan sa D at T 115:7–10). Kanya ring iniutos sa kanila na “muling (simulan ang) paglalagay ng saligan” noong Abril 26, 1839, eksaktong isang taon mula noong araw na ibigay ang paghahayag na ito (tingnan sa D at T 115:11). Ipinaliwanag ni Wilford Woodruff na isang kautusan ang “ilagay ang batong panulok ng Templo.”12 Noong Hulyo 8, 1838, isinamo ni Propetang Joseph, “Ipakita mo sa amin ang inyong kalooban, O Panginoon, hinggil sa Labindalawa” (section heading, D at T 118). Bilang sagot, inihayag ng Panginoon na sa susunod na tagsibol, pupunta ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol sa Inglatera upang ipangaral ang ebanghelyo. Magkikita ang Korum sa pagtatayuan ng templo sa Far West sa Abril 26, 1839, na tanda ng pagsisimula ng misyong iyon. Hinirang nila sina Elder John Taylor, John E. Page, Wilford Woodruff, at Willard Richards upang punan ang bakante sa Korum ng Labindalawa. (Tingnan sa D at T 118:4–6.)
Nang ibigay ang paghahayag [noong 1838], lahat ay payapa at tahimik sa Far West, Missouri, ang lungsod kung saan naninirahan ang maraming Banal sa mga Huling Araw. Gayunman, bago dumating ang panahong matupad ito, itinaboy ang mga Banal ng Diyos sa Estado ng Missouri papunta sa Estado ng Illinois, sa utos ni Gobernador Boggs. Isinumpa ng mga taga Missouri na kung ang lahat man ng ibang paghahayag ni Joseph Smith ay natupad, ang isang paghahayag na iyon ay hindi. Nakasaad dito ang araw at lugar kung saan magpapaalam ang Labindalawang Apostol sa mga Banal, upang magmisyon sa kabilang ibayo ng dagat, at sinabi ng grupo ng mandurumog sa Missouri na titiyakin nilang hindi iyon mangyayari…
Nang malapit na ang katuparan ng kautusang ito ng Panginoon, si Brigham Young ang Pangulo ng Labindalawang Apostol; si [Thomas] B. Marsh, na senior na Apostol, ay nag-apostasiya. Ipinatawag ni Brother Brigham ang Labindalawa na noon ay nasa Quincy, Illinois, para alamin ang saloobin nila tungkol sa pagpunta sa Far West, upang tuparin ang paghahayag. Si Propetang Joseph at ang kanyang kapatid na si Hyrum, sina Sidney Rigdon, Lyman Wight at Parley Pratt ay nakabilanggo sa Missouri, nang panahong iyon; subalit si Amang Joseph Smith [Sr.], ang Patriarch, ay nasa Quincy, Illinois. Naisip niya at ng iba pa na naroon na hindi mabuting tangkain naming maglakbay, dahil malalagay sa malaking panganib ang aming buhay. Inakala nilang tatanggapin na ng Panginoon ang hangarin lamang namin na gawin ito nang hindi namin ito ginagawa. Subalit nang tanungin ni Pangulong Young ang Labindalawa kung ano ang saloobin namin sa paksang ito, kaming lahat, na nagkakaisa, ay sinabing nagsalita na ang Panginoong Diyos, at dapat tayong sumunod. Bahala na ang Panginoon na pangalagaan ang Kanyang mga tagapaglingkod, at susundin namin ang kautusan, o kaya’y mamamatay na sinisikap gawin ito.
Upang lubos na maunawaan ang panganib na haharapin ng Labindalawang Apostol sa paglalakbay na ito, dapat alalahanin ng aking mga mambabasa na si Lilburn W. Boggs, ang gobernador ng Estado ng Missouri, ay naghayag na kailangang lisanin ng lahat ng Banal sa mga Huling Araw ang Estado dahil kung hindi, silang lahat ay papatayin. Ang Far West ay nasakop ng mga militia, na mga inorganisa lamang ng mandurumog. Napilitan ang mga mamamayan na isuko ang kanilang mga sandata; lahat ng namumunong kalalakihan [ng Simbahan] na nahuhuli ay ikinukulong. Ang natitirang mga Banal—kalalakihan, kababaihan at mga bata—ay nagsitakas sa abot ng kanilang makakaya palabas sa Estado para iligtas ang kanilang buhay. Iniwan nila ang kanilang mga bahay, lupain at iba pang ari-arian na hindi nila madadala, na kinuha naman ng masasamang tao. Sa katunayan, binabaril nila ang mga baka at baboy ng mga Banal kapag nakikita nila ang mga ito, at ninakaw sa kanila ang halos lahat ng bagay na mahawakan nila. Walang awang pinagmalupitan ang mga Banal sa mga Huling Araw at tiniis nila ang nakapangingilabot na pangaabuso. Nahirapang mabuti ang marami sa kanila na lumabas ng Estado, lalo na ang mga kilalang kalalakihan; sapagkat maraming lalaki sa Estadong iyon noong panahong iyon na kung kumilos ay para bang iniisip nilang hindi masamang bumaril ng isang “Mormon” dahil para lang silang bumaril ng asong ulol. …
Dahil determinado kaming isakatuparan ang hinihingi ng paghahayag, … nagsimula kaming maglakbay papuntang Far West …
Noong umaga ng ika-26 ng Abril, 1839, sa kabila ng mga pagbabanta ng aming mga kaaway na hindi matutupad ang paghahayag sa araw na ito, at sa kabila ng sampung libong Banal na napalayas na sa Estado sa utos ng gobernador, at kahit nasa kamay ng aming mga kaaway si Propetang Joseph at ang kanyang kapatid na si Hyrum Smith, kasama ang iba pang namumunong kalalakihan, na nakakadena at nakakulong, nagpunta kami sa pagtatayuan ng templo sa lungsod ng Far West, at nagpulong, at tinupad ang paghahayag at kautusang ibinigay sa amin, at nagsagawa ng maraming bagay sa konsehong ito. …
Nagpaalam kami sa ilang natirang mga Banal na nanatili sa bakuran ng templo para tingnan ang pagtupad namin sa paghahayag at mga kautusan ng Diyos. Umalis na kami sa Far West, sa Missouri, at bumalik sa Illinois. Naisakatuparan namin ang misyon nang walang isa mang asong naggalaw ng kanyang dila sa amin [tingnan sa Exodo 11:7], o ni isa mang nagsabing, “Bakit kayo narito?”
Tinawid namin ang Mississippi River sakay ng bapor, pumasok sa Quincy noong ika-2 ng Mayo at lahat ay nagalak sa pagdating muli sa aming pamilya nang payapa at ligtas.13
Pagpapagaling ng mga may sakit sa Commerce, Illinois, at Montrose, Iowa
Bago kami magsimula sa aming misyon sa Inglatera [noong 1839], kinailangan naming isaayos ang aming pamilya. Isang lugar na tinatawag na Commerce, na sa huli’y pinangalanang Nauvoo, ang napiling lugar na titirhan ng aming mga tao.
Lumisan ako sa Quincy, kasama si Brother Brigham Young at ang aming pamilya noong ika-15 ng Mayo, at dumating sa Commerce [noong] ika-18. Pagkainterbyu ni Joseph ay tinawid na namin ang ilog [Mississippi] sa Montrose, Iowa. Ako at si Pangulong Brigham Young kasama ang aming pamilya, ay inokupahan ang isang silid na mga labing-apat na talampakang kuwadrado ang sukat. Sa wakas nakakuha ng isa pang silid si Brother Young. … Lumipat naman si Brother Orson Pratt at ang kanyang pamilya sa silid na kinaroroonan ng aming pamilya.
Habang nakatira ako sa kabin na ito sa lumang gusali, naranasan namin nang isang araw ang kapangyarihan ng Diyos na kasama si Propetang Joseph. Maraming nagkasakit noong panahong iyon at ipinagamit ni Joseph ang kanyang tahanan sa Commerce sa mga maysakit, at nagtayo ng tolda sa kanyang bakuran at tumira roon mismo. Ang malaking bilang ng mga Banal na pinalayas sa Missouri, ay nagtipon sa Commerce; subalit walang matuluyan, at nanirahan na lang sa mga bagon, tolda, at bakuran. Samakatwid marami ang nalantad sa sakit. Pinagsilbihan ni Joseph ang mga maysakit, hanggang sa manghina siya at halos magkasakit na rin.
Noong umaga ng ika-22 ng Hulyo, 1839, bumangon siyang pinag- iisipang mabuti ang sitwasyon ng mga Banal ng Diyos sa kanilang kaapihan at paghihirap, at nanalangin siya sa Panginoon, at napasakanya ang kapangyarihan ng Diyos. At tulad ni Jesus na pinagaling ang mga maysakit na nakapaligid sa Kanya noong Kanyang panahon, pinagaling din ni Joseph, ang Propeta ng Diyos, ang lahat sa pagkakataong ito. Pinagaling niya ang nasa kanyang bahay at bakuran; tapos, kasama si Sidney Rigdon at ang ilan sa Labindalawa, pumaroon siya sa mga maysakit na nakahiga sa pampang ng ilog, at inutusan sila sa malakas na tinig, sa pangalan ni Jesucristo, na bumangon at gumaling, at lahat sila’y gumaling. Nang mapagaling niya ang lahat ng maysakit sa silangang bahagi ng ilog, tinawid nila ang Mississippi River sakay ng bangka patungo sa kanlurang bahagi, sa Montrose, kung saan kami naroon. Ang unang bahay na pinasok nila ay ang kay Pangulong Brigham Young. Nakaratay siya sa sakit sa oras na iyon. Pumasok ang Propeta sa kanyang bahay at pinagaling siya, at lahat sila’y magkakasamang lumabas. Sa pagdaan nila sa aking pinto, sinabi ni Brother Joseph: “Brother Woodruff, sumunod ka sa akin.” Ganitong salita lamang ang binanggit ng sinuman sa grupo mula noong oras na lisanin nila ang bahay ni Brother Brigham hanggang sapitin namin ang pampublikong gusali, at pumasok sa bahay ni Brother [Elijah] Fordham. Isang oras nang naghihingalo si Brother Fordham, at inakala naming huling sandali na niya ang bawat minuto.
Nadama ko ang kapangyarihan ng Diyos na pumupuspos sa kanyang Propeta.
Nang pumasok kami sa bahay, lumapit si Brother Joseph kay Brother Fordham, at hinawakan ito sa kanang kamay; at sa kanyang kaliwang kamay hawak naman niya ang kanyang sombrero.
Nakita niyang nakatitig sa kawalan si Brother Fordham, at hindi ito makapagsalita at walang malay.
Nakita niyang nakatitig sa kawalan si Brother Fordham, at hindi ito makapagsalita at walang malay. Pagkahawak niya sa kamay nito, tiningnan niya ang mukha ng naghihingalong lalaki at sinabing: “Brother Fordham, nakikilala mo ba ako?” Sa una’y hindi siya sumagot; pero nakita naming lahat ang epekto ng Espiritu ng Diyos na napasakanya.
Muli niyang sinabi: “Elijah, nakikilala mo ba ako?”
Pabulong na sumagot si Brother Fordham ng, “Oo!”
Sinabi naman ng Propeta, “Nananampalataya ka ba na gagaling ka?”
Ang sagot, na mas malinaw kaysa dati, ay: “Baka huli na ang lahat. Kung nakarating ka sana nang mas maaga, marahil gagaling ako.”
Para siyang isang taong nagising sa pagkakatulog. Ito’y pagkakatulog sa kamatayan.
Sinabi ni Joseph: “Naniniwala ka ba na si Jesus ang Cristo?”
“Oo, naniniwala ako, Brother Joseph,” ang sagot niya.
Pagkatapos ay nagsalita nang malakas ang Propeta ng Diyos, tulad ng sa kamarhalikaan ng Panguluhang Diyos: “Elijah, inuutusan kita, sa pangalan ni Jesus ng Nazaret, na bumangon ka at gumaling!”
Ang mga salita ng Propeta ay hindi tulad ng mga salita ng tao, kundi tulad ng tinig ng Diyos. Sa tingin ko’y parang nayanig ang bahay mula sa kinatatayuan nito.
Napabangon bigla si Elijah Fordham sa kanyang higaan tulad ng taong bumangon mula sa mga patay. Gumanda ang kulay ng kanyang mukha, at siya’y masiglang-masigla.
Ang kanyang mga paa ay … nabebendahan. Inalis niya ito sa kanyang mga paa, nakalat ang laman na gamot, at humingi ng damit na maisusuot niya. Humingi siya ng tinapay at gatas, at kinain ito, at nagsumbrero at sumunod sa amin sa daan, para bisitahin ang iba pang maysakit.
Maaaring itanong ng mga di-naniniwala: “Hindi ba pandaraya ito?”
Kung mayroon mang pandaraya sa isipan ng di-naniniwala, tiyak na wala kay Elijah Fordham, ang naghihingalong lalaki, ni sa mga taong naroon na kasama niya, sapagkat mga ilang minuto pa ay malamang na nasa daigdig na siya ng mga espiritu, kung hindi siya napagaling. …
Pagkaalis namin sa bahay ni Brother Fordham, pumunta kami sa bahay ni Joseph B. Noble, na mahinang-mahina na at malala na ang sakit. Nang pumasok kami sa bahay, hinawakan ni Brother Joseph ang kanyang kamay, at inutusan siya, sa pangalan ni Jesucristo, na bumangon at gumaling. Bumangon siya at kaagad gumaling.
Habang nangyayari ito, ang masasamang tao sa lugar … ay nabahala, at sinundan kami sa loob ng bahay ni Brother Noble.
Bago sila dumating doon, hiniling ni Brother Joseph na manalangin si Brother Fordham.
Habang nagdarasal siya, pumasok ang mga mandurumog, kasama ang lahat ng masasamang espiritu.
Pagkapasok nila, si Brother Fordham, na nananalangin, ay nahilo at bumagsak sa sahig.
Nang makita ni Joseph ang masasamang tao sa loob ng bahay, tumayo siya at pinaalis ang masasamang taong iyon pati ang mga kampon nilang diyablo. Pagkatapos ay kaagad nahimasmasan si Brother Fordham at tinapos ang kanyang panalangin.
Ipinakikita nito ang magagawa ng masasamang espiritu sa katawan ng tao. Maliligtas lamang ang mga Banal mula sa kapangyarihan ng diyablo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.
Ang kasong ito ni Brother Noble ang pinakahuling pagpapagaling nang araw na iyon. Ito ay napakadakilang araw ng pagpapakita ng kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng kaloob na pagpapagaling simula nang itatag ang Simbahan.14
Ang pagdating ng mga pioneer sa Salt Lake Valley
Tala: Noong Abril 1834, narinig ni Wilford Woodruff si Propetang Joseph Smith na nagpropesiya: “Libu-libong Banal sa mga Huling Araw ang magtitipun-tipon sa Rocky Mountains at doon bubuksan nila ang pinto para sa pagtatatag ng Ebanghelyo sa mga Lamanita, na tatanggapin ang Ebanghelyo at kanilang endowment at mga pagpapala ng Diyos. Pupunta ang mga taong ito sa Rocky Mountains; doon sila ay magtatayo ng mga templo sa Kataastaasan.”15 Bilang katuparan ng propesiyang ito, nagsimulang manirahan ang mga Banal sa Salt Lake Valley makaraan ang 13 taon, matapos silang usigin at palayasin sa iba’t ibang lugar. Si Elder Woodruff, na noo’y miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay kasama ng unang grupo ng mga pioneer na naglakbay patungo sa kanilang bagong lupang pangako. Nilisan nila ang Winter Quarters, Nebraska, noong 1847 at dumating sa Salt Lake Valley noong Hulyo 1847.
Noong ika-22 [ng Hulyo 1847] sina Orson Pratt, [George] A. Smith at pitong iba pa ay pumunta sa lambak, iniwan ang kampo nila na susunod at aayusin ang kalsada. Si Pangulong Young ay may sakit, inilagay ko siya sa ginawang higaan sa aking karwahe, at nagkampo kami kasama ang malaking bilang ng grupo. …
Noong ika-24, pinatakbo ko ang aking karwahe, sakay si Pangulong Young na nakahiga rito, patungo sa lambak, habang kasunod ang naiwang grupo. Nang matanaw namin nang lubusan ang lambak, ipinihit ko ang aking karwahe, na nakaharap sa kanluran, at bumangon si Pangulong Young sa kanyang higaan at pinagmasdan ang lugar. Habang nakatingin sa tanawing nasa harapan namin, natuon ang kanyang kaisipan sa pangitain nang ilang minuto. Nakita na niya ang lambak noon sa pangitain, at sa pagkakataong ito nakita niya ang kaluwalhatian ng Sion at ng Israel sa hinaharap, tulad ng dapat mangyari, na itinatag sa mga lambak ng mga bundok na ito. Nang matapos na ang pangitain, sinabi niya, “Sapat na ito. Ito ang tamang lugar. Magpatuloy ka.” Kaya’t tumuloy ako sa pinagkakampuhan na naitayo na ng mga nauna sa amin.
Nang dumating kami sa lupain, nagsimula nang mag-araro ang mga kapatid. Nagdala ako ng 35 litro ng patatas, at nagpasiyang hindi ako kakain o iinom hangga’t hindi ko naitatanim ang mga ito. Naitanim ko ang mga ito sa lupa nang ala-una, at ang mga ito, kasama ng mga patatas na itinanim ng ibang kapatid, ang naging pundasyon ng pananim na patatas ng Utah sa hinaharap.
Kinagabihan, kasama sina Heber C. Kimball, [George] A. Smith at E. T. Benson, pinatakbo ko ang karwahe patungo sa City Creek [Canyon] para maghanap ng troso. Habang naroon kami kumulog nang kumulog, at halos umulan sa buong lambak. …
Noong umaga ng ika-28, … nagdaos ng konseho si Pangulong Young kasama ang Labindalawa, at naglakad-lakad sa gawing itaas ng aming pinagkakampuhan. Tumigil siya, itinuktok ang kanyang baston at sinabi, “Dito itatayo ang Templo ng ating Diyos.” Ito ang sentro ng pagtatayuan ng Templo [ng Salt Lake].16
Pinagpala kami ng Diyos, pinagpala niya ang lupa, at ang aming gawain sa pagbubungkal at pagtatanim sa lupa ay lalong nanagana. … Ito’y tigang, mapanglaw, puno ng mga tipaklong, kriket at coyote, at ang mga bagay na ito ang tila tanging likas na produkto ng lupa. Nagtrabaho kami sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin, sa paglinang ng lupa. Halos lahat ng pang-araro ay nabali namin sa unang araw. Kailangan naming ayusin ang mga daluyan ng tubig para mabasa ang lupa, at kailangan naming matutuhang patubuin ang kahit ano. Nagpupunta ang dayuhan sa Salt Lake City at nakikita ang aming taniman, at ang mga puno sa aming kalsada, at iniisip niyang, napakasagana at napakaganda ng lugar na ito. Hindi niya naisip na, sa loob ng dalawampu o dalawampu’t apat na taon, halos bawat punong nakikita niya, ayon sa edad ng mga ito, ay kailangang diligin nang dalawang beses isang linggo sa buong tag-init, dahil kung hindi ang mga ito ay matagal nang namatay noon pa man. Kailangan naming magkaisa sa mga bagay na ito, at pinagpala naman ng Panginoon ang aming mga gawain, at ang awa niya ay napasa mga taong ito.17
Sa paglalakbay ng mga pioneer, papunta rito [sa Salt Lake Valley], kailangan naming pumarito sa pamamagitan ng pananampalataya; wala kaming nalalaman sa bayang ito, subalit hangad naming pumunta sa mga bundok. Bumuo si Joseph ng isang grupo para pumunta rito, bago siya namatay. Nakita na niya ang mga bagay na ito, at naunawaan nang lubos ang mga ito. Inihayag ng Diyos sa kanya ang hinaharap ng Simbahan at Kahariang ito, at sinasabihan siya, palagi, na ang gawaing nilalagyan niya ng pundasyon ay magiging walang hanggang kaharian— mananatili magpakailanman. Pinamunuan ni Pangulong Young ang mga pioneer sa bayang ito. Nanampalataya siya na itataguyod kami ng Panginoon. Ang lahat ng naglakbay papunta rito nang panahong iyon ay may ganitong pananampalataya. Nasa amin ang Espiritu ng Diyos, ang Espiritu Santo ay nasa amin; at ang mga Anghel ng Panginoon ay nasa amin at pinagpapala kami. Ang lahat, at higit pa sa inaasahan namin, sa pagdating dito, ay natupad, ayon sa ipahihintulot ng panahon.18
Kami, bilang mga pioneer at mga tao ng Diyos, ay tinutupad ang propesiya at gumagawa ng kasaysayan. … Ang aming buong buhay, kasaysayan at paglalakbay ay nabanggit ng mga sinaunang propeta. Sa pagdating ng mga Pioneer sa tigang na disyertong ito, at sumunod sa kanila ang mga Banal para tuparin ang mga propesiya na ang ilang ay mamumulaklak na gaya ng rosas [tingnan sa Isaias 35:1], aanihin ang ating butil sa tabi ng lahat ng maliliit na ilog at sapa, at gagamitin ang abeto, pino, ang puno, upang pagandahin ang dako ng santuario ng Diyos, at gagawin ang dako ng kanyang mga paa na maluwalhati [tingnan sa Isaias 60:13]. … Gawin natin ang ating mga tungkulin at itatag ang Sion at kaharian ng Diyos hanggang sa ito’y maging perpekto sa harap ng langit at lupa. Huwag biguin ang mga nagsugo sa atin, ni ang mga taong nakakita sa atin sa pamamagitan ng pangitain at paghahayag. Sa halip ay tapusin natin at tuparin ang ating destinasyon sa ikalulugod ng ating Ama sa Langit, ng kanyang mga anghel, at ng lahat ng mabubuting tao.19
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Isaisip ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang Kabanatang ito o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan sa mga pahina v–x.
-
Rebyuhin ang mga puna ni Pangulong Woodruff sa pahina 147. Bakit dapat nating matutuhan ang tungkol sa mga sinaunang Banal sa mga Huling Araw? Paano natin matitiyak na ang kanilang mga kuwento ay hindi “malilimot na parang mga kuwento na puro kasinungalingan lamang”? Paano natin mapangangalagaan ang mga kuwento ng buhay ng ating sariling mga ninuno?
-
Sa paanong paraan nakinabang si Wilford Woodruff sa kanyang mga karanasan sa Kampo ng Sion? (Tingnan sa mga pahina 148–52.) Sa palagay ninyo paano nakatulong ang mga karanasang ito sa kanya na maghanda sa pamumuno sa Simbahan kinalaunan sa kanyang buhay? Sa paanong paraan nakatulong sa paghahanda ninyong maglingkod ang inyong mga karanasan?
-
Bakit nadama ng mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol na dapat silang pumunta sa pagtatayuan ng templo sa Far West, Missouri? (Tingnan sa mga pahina 152–55.) Ano ang matututuhan natin sa kuwentong ito?
-
Ano ang natutuhan ninyo sa kuwento tungkol sa pagpapagaling kay Elijah Fordham at sa iba pa? (Tingnan sa mga pahina 156–60.) Paano makatutulong ang kuwentong ito sa mga maytaglay ng Melchizedek Priesthood kapag naghahanda sila na basbasan o pagalingin ang maysakit?
-
Ano ang itinuturo ng paglalakbay ng mga pioneer sa Salt Lake Valley tungkol sa pananampalataya? Anu-ano ang iba pang alituntunin ng ebanghelyo na nakikita ninyo sa buhay ng mga sinaunang pioneer? (Tingnan sa mga pahina 160–63.)
-
Sino ang ilang makabagong pioneer sa inyong pamilya? sa inyong komunidad o bansa? Ano ang nagawa ng mga taong ito at natawag silang pioneer?
-
Sa paanong paraan ibinabahagi ng lahat ng miyembro ng Simbahan ang espirituwal na pamana ng mga sinaunang Banal sa mga Huling Araw?
Mga Kaugnay na Banal na Kasulatan: Santiago 5:14–15; Alma 15:1–12; Eter 12:6; D at T 42:44–48; 103; 105; 115; 118; 136