Kabanata 17
Gawain sa Templo: Pagbaliking-loob ang Ating mga Puso sa Ating Pamilya at sa Panginoon
Kapag pumasok tayo sa bahay ng Panginoon nang karapat-dapat, tumatanggap tayo ng mga ordenansa na tutulong sa atin, sa ating mga ninuno, at mga inapo, na maghandang mamuhay sa piling ng Diyos magpakailanman.
Mula sa Buhay ni Wilford Woodruff
Nang ilaan ang Kirtland Temple noong Marso 27, 1836, nasa full-time na misyon si Wilford Woodruff sa katimugang Estados Unidos. Tatlong linggo pagkaraan noon nabalitaan niya ang nangyaring dedikasyon at isinulat niya sa journal niya na ang balita ay “napakaluwalhati.”1 Matapos makumpleto ang kanyang misyon, bumalik siya sa Kirtland na nakarating nang “naglalakad sa malakas na bagyo ng niyebe.” Isinulat niya, “Natanaw na namin ang templo ng Panginoon bago pa man namin narating ang bayan, at talagang nagalak ako sa tanawing iyon dahil iyon ang unang pagkakataon na makakakita ako ng bahay ng Panginoon na itinayo sa pamamagitan ng kautusan at paghahayag.”2
Ang pagmamahal ni Wilford Woodruff sa templo ay di kailanman nawala. Nakibahagi siya sa lahat ng gawain—mula sa pagtatayo hanggang sa dedikasyon at mula sa gawaing ukol sa family history hanggang sa ordenansa para sa mga patay. Nagalak din siya sa mga ordenansa sa templo na natanggap niya at ng kanyang mga kapamilya.
Madalas banggitin ni Pangulong Wilford Woodruff ang panahong tinanggap niya ang endowment. Nang madama ni Pangulong Joseph Smith na malapit nang magwakas ang kanyang ministeryo sa lupa, pinangasiwaan niya ang endowment ng Korum ng Labindalawang Apostol sa Nauvoo, kahit bago pa man makumpleto ang templo. Nagpatotoo si Pangulong Woodruff: “Unang ipinaalam sa akin ni Joseph Smith ang mismong mga ordenansang ibinibigay natin sa mga Banal sa mga Huling Araw sa kanilang mga endowment. Natanggap ko ang aking endowment sa pangangasiwa ni Joseph Smith.”3
Bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol at kalaunan bilang Pangulo ng Simbahan, nakibahagi si Wilford Woodruff sa patuloy na pagsisikap na magtayo ng mga templo. Tumulong siya sa mga gawain sa templo sa Nauvoo, Illinois, at sa mga templo sa apat na lungsod sa Utah: Logan, St. George, Manti, at Salt Lake City. Siya ang nag-alay ng mga panalangin ng dedikasyon sa mga templo sa Manti at Salt Lake City.
Ang Salt Lake Temple, na nakumpleto matapos ang 40 taon ng taos-pusong paggawa ng mga Banal, ay napakaespesyal para kay Pangulong Woodruff. Una niyang nakita ang templo nang detalyado sa isang pangitain bago marating ng mga Banal ang Salt Lake Valley.4 Apat na araw pagkarating sa lambak, naroon siya nang bigyang-inspirasyon si Pangulong Brigham Young na piliin ang pagtatayuan ng templo.5 Ilang taon bago makumpleto ang templo, napanaginipan niyang binigyan siya ng susi sa templo at tinagubilinan ni Pangulong Young na “papasukin sa templo ang lahat ng gustong maligtas.”6 Walang sawa niyang itinaguyod ang pagkumpleto sa templo, kahit sa panahon ng pagsubok at paguusig. At nang sa wakas ay matapos ang pagtatayo noong Abril 1893, sinunod niya ang tagubilin ni Brigham Young sa panaginip, na buuin ang tatlong linggong serbisyo para masigurong nagkaroon ng pagkakataong makadalo lahat ang mga Banal.
Matapos ang dedikasyon ng Salt Lake Temple, binigyang-diin ni Pangulong Woodruff ang kahalagahan ng pamilya sa gawain sa templo. Sabi niya: “Sa pagkakataong ito nais naming matunton ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kanilang mga genealogy hanggang sa henerasyong kaya nilang marating, at mabuklod sa kanilang mga ama at ina. Ibuklod ang mga anak sa kanilang mga magulang, at pag-ugnay-ugnayin ang kawing hanggang sa henerasyong kaya nilang marating.”7 (Para mabasa ang kasaysayan sa likod ng turong ito, tingnan sa mga pahina xxxvii–xxxix sa pambungad ng aklat na ito.)
Noong 1894, pinamahalaan ni Pangulong Woodruff ang pagtatatag ng Genealogical Society of Utah, na humantong sa kasalukuyang pagsisikap ng Simbahan saan mang dako ng mundo na tulungan ang mga tao na hanapin ang kanilang mga ninuno. Isandaang taon mula noon, sinabi ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang mga pangyayayari sa makasaysayang taong iyon ang naging dahilan para ituring na iisang gawain ang family history at paglilingkod sa templo.”8 Ang mga pangyayaring ito ay bahagi ng patuloy na katuparan ng mga propesiya na “ang mga puso ng mga anak ay magbabalik-loob sa kanilang mga ama” (D at T 2:2; tingnan din sa Malakias 4:5–6).
Dahil sa maraming mahahalagang turo ni Pangulong Woodruff tungkol sa gawain sa templo, ito ang una sa dalawang Kabanata tungkol sa paksang ito sa aklat na ito. Nakatuon ang Kabanatang ito sa mga biyaya ng templo at sa walang hanggang katangian ng pamilya, at ang Kabanata 18 ay mas nakatuon sa mga patay.
Mga Turo ni Wilford Woodruff
Nakikibahagi tayo sa gawain sa templo nang may kagalakang mula sa langit, dahil alam nating tayo, ang ating mga inapo, at ating mga ninuno ay tinutulungan nito upang makapanirahan sa piling ng Diyos.
*Walang gawain na higit na lubos na interesado ang mga Banal sa mga Huling Araw kaysa sa pagtatayo at pagkumpleto ng mga templo.9
Kapag iniisip ko ang kapangyarihang nasa atin sa pagtatayo ng mga Templo sa pangalan ng Kataastaasang Diyos … at ang mga pribilehiyong nasa atin sa pagpunta sa mga Templong iyon at gawin ang kinakailangan para sa ating sariling kaligtasan at para na rin sa kaligtasan ng ating mga patay, nagagalak akong lubos, at nadaramang labis tayong biniyayaan.10
Alam ninyo ang kasaysayan ng mga Templong ito. Alam ninyo na ang mga Propeta [sina Joseph at Hyrum] ay pinatay, at iniutos ng Panginoon ang pagtatayo ng [Nauvoo] Temple sa kamay ng mga Banal bago sila itinaboy sa ilang. May tiyak na paghahayag na labis na nagbigay ng inspirasyon sa mga Elder ng Simbahan ng Diyos upang gawin iyon [tingnan sa D at T 124:25–41]. Nagtrabaho sila sa abot ng lahat ng makakaya nila, at natapos nila ang gawaing iyon. Nagpunta sila sa Templong iyon at tinanggap ang mga ordenansa at endowment bago sila umalis patungong ilang. Ang mga Templong ito na itinayo natin … ay nagsisilbing sagisag sa harap ng Diyos, mga anghel at mga tao, sa pananampalataya at mga gawa ng mga Banal sa mga Huling Araw.11
Malinaw na pinahahalagahan ng mga Banal sa mga Huling Araw ang mga biyayang matatamo sa pamamagitan ng gawaing ito sa templo. … Ang ating mga puso ay puno ng galak at hindi natin mapigilang purihin ang Diyos sa Kanyang kabutihan sa Kanyang mga tao sa pagtulot sa kanila, anuman ang pagsalungat at maraming suliraning dapat nilang harapin, na makapagtayo ng gayong mga gusali at ilaan ang mga ito ayon sa huwarang ibinigay Niya para sa mga sagradong paggamit nito.
Bawat Banal sa mga Huling Araw na nag-iisip nang tama tungkol sa bagay na ito ay napupuno ng kagalakang mula sa langit dahil sa ginawa ng Diyos para sa ating henerasyon. Biniyayaan tayo, tulad ng ginawa Niya, ng bawat pamamaraan upang ihanda tayo, ang ating mga inapo at ating mga ninuno para sa daigdig na iyon na walang hanggan pagkatapos ng buhay natin dito. Ang mga Banal sa mga Huling Araw, sa katunayan, ay mga taong lubos na kinalulugdan, at ang pagpuri sa Diyos ay dapat magmula sa bawat puso at tao sa ating lupain para sa dakilang awa at kabutihang ipinakita Niya sa atin. Pinangakuan Niya tayo ng mga natatanging bagay, at tinutupad Niya ang mga ito hanggang sa kasalukuyan. Tayo ang magiging pinakawalang utang-na-loob at di mararapat na tao na nabuhay kung, matapos makatanggap ng gayong kagila-gilalas na pagpapakita ng Kanyang kabutihan, ay magkukulang tayo sa sigasig o pagsunod at katapatan sa Kanya at sa Kanyang dakilang adhikain.12
Nais nating ipagpatuloy ang mga templong ito. Nais nating mapuno ang mga ito ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nais nating patuloy na magpunta roon ang ating mga kapatid upang tubusin ang mga patay at pagpalain ang mga buhay.13
Mula sa Panalangin ng Dedikasyon ng Salt Lake Temple. O Panginoon, masidhi at di-maipaliwanag ang nadarama namin sa pagkakumpleto ng sagradong bahay na ito. Itulot po ninyong tanggapin ang ikaapat na templong ito na naitayo sa mga bundok na ito sa tulong ninyo sa inyong mga pinagtipanang anak. Sa nakaraang panahon tunay na binigyang-inspirasyon ninyo ng inyong banal na Espiritu ang inyong mga tagapaglingkod, mga Propeta, na magsalita tungkol sa mga huling araw kung kailan ang bundok ng bahay ng Panginoon ay dapat na maitatag sa taluktok ng mga bundok, at maging mataas sa mga burol [tingnan sa Isaias 2:2; Mikas 4:2]. Salamat sa inyo na nagkaroon kami ng maluwalhating pagkakataon na makapag-ambag sa katuparan ng mga pangitaing ito ng inyong sinaunang mga tagakita, at kayo ay nagpakaabang tulutan kaming makibahagi sa dakilang gawain.14
Sa pamamagitan ng gawain ng family history at mga ordenansa sa templo, ibinubuklod tayo sa ating mga pamilya, na nagiging kawing na nagdurugtong sa pagitan ng mga henerasyon.
Ang mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo ay may kapangyarihan at bisa matapos ang kamatayan; pagsasama-samahin nito ang mga lalaki at kanilang asawa at mga anak bilang isang buong pamilya at pag-iisahin silang muli sa mga daigdig na walang katapusan. … Sa mga Banal sa mga Huling Araw ang mga ordenansa ng pagbubuklod ay naipahayag na, at magkakabisa matapos ang kamatayan, at, tulad ng sinabi ko, ay pag-iisahing muli ang kalalakihan at kababaihan nang walang hanggan bilang isang buong pamilya. Iyan ang dahilan kung bakit bahagi ng ating relihiyon ang mga alituntuning ito, at sa pamamagitan ng mga ito ang mga mag-asawa, magulang at anak ay pag-iisahing muli hanggang sa maiugnay ang bawat henerasyon mula kay Amang Adan. Hindi natin matatamo ang kaganapan ng selestiyal na kaluwalhatian kung wala ang ordenansang ito ng pagbubuklod.15
Mga kapatid, ang kaluwalhatian ng lahat ng ito ay, na kapag nagawa natin ito makakasama natin ang ating pamilya—ating ama at ina, ating mga kapatid, ating asawa at mga anak—sa pagsisimula ng pagkabuhay na muli, sa samahan ng pamilya ng selestiyal na daigdig, upang mabuhay nang walang hanggan at magpakailanman. Sinusulit nito ang lahat ng maisasakripisyo ko o ninyo sa iilang taon na ginugugol natin sa buhay na ito.16
Hayaang [mabuklod] ang bawat lalaki sa kanyang ama; at pagkatapos gagawin niya ang eksaktong sinabi ng Diyos nang ipahayag Niya na isusugo Niya ang propetang si Elias sa mga huling araw [tingnan sa Malakias 4:5–6]. Nagpakita ang propetang si Elias kay Joseph Smith at sinabi sa kanya na dumating na ang araw kung kailan dapat nang isagawa ang alituntuning ito [tingnan sa D at T 110:13–16]. Hindi nabuhay nang matagal si Joseph Smith para magsabi pa tungkol sa mga bagay na ito. Inialay niya ang kanyang buhay sa gawaing ito bago siya pinatay para sa salita ng Diyos at patotoo kay Jesucristo. Sinabi niya sa atin na dapat na may kawing na nag-uugnay sa lahat ng dispensasyon at sa gawain ng Diyos sa pagitan ng mga henerasyon [tingnan sa D at T 128:18]. Ito ang higit na nasa isipan niya kaysa iba pang paksang ibinigay sa kanya.
Sa aking mga pagdarasal, ipinahayag sa akin ng Panginoon na tungkulin kong sabihin sa buong Israel na sundin ang alituntuning ito, at bilang pagtupad sa paghahayag na iyon, ipinaalam ko ito sa mga tao … nais naming matunton mula ngayon ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kanilang mga genealogy hanggang sa henerasyong kaya nilang marating, at mabuklod sa kanilang ama at ina. Ibuklod ang mga anak sa kanilang mga magulang, at pag-ugnay ugnayin ang kawing na ito hanggang sa henerasyong kaya nilang marating.17
Mula sa panalangin ng dedikasyon ng Salt Lake Temple: *Ama naming nasa langit, inilalaan namin sa inyo ang mga altar na inihanda namin para sa inyong mga tagapaglingkod upang matanggap nila ang kanilang mga biyayang maibuklod. Inilalaan namin ang mga ito sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, sa pinakabanal na ngalan ninyo, at hinihiling namin sa Inyo na pabanalin ang mga altar na ito, upang ang lahat ng papasok dito ay madama ang kapangyarihan ng Espiritu Santo, at matanto ang kabanalan ng mga tipang ginawa nila. At idinadalangin namin na ang aming tipan at kasunduang ginawa sa Inyo at sa isa’t isa ay mapatnubayan ng inyong Espiritu Santo, na may kasagraduhang masunod namin at tanggapin ninyo, at na ang lahat ng mga biyayang ipinangako ay madama ng lahat ng banal na pupunta sa mga altar na ito, sa pagsisimula ng pagkabuhay na muli ng mga ganap. …
O kayong Diyos ng aming mga amang sina Abraham, Isaac, at Jacob, na inyong ikinalulugod na tawagin na kanilang Diyos, pinasasalamatan namin kayo nang lubos dahil sa ipinahayag ninyo ang mga kapangyarihan kung saan ang mga puso ng mga Banal ay pinagbabalik-loob sa kanilang mga ama at ang mga puso ng ama sa kanilang mga anak, nang ang mga anak na lalaki ng tao, sa lahat ng kanilang mga henerasyon ay gawing kabahagi ng mga kaluwalhatian at galak ng kaharian ng langit. Pagtibayin sa amin ang espiritu ni Elias, ang dalangin namin sa inyo, nang sa gayo’y matubos namin ang aming mga patay at iugnay ang aming mga sarili sa aming mga ama na nagsipanaw na, at bukod pa riyan ay tiyaking ang aming mga patay ay magsisibangon sa pagsisimula ng pagkabuhay na muli nang kaming naninirahan sa mundo ay mabigkis sa kanilang nananahan sa langit. Salamat sa inyo alangalang sa kanilang nakatapos ng kanilang gawain sa mortalidad, at gayundin sa amin, kung kaya’t nabuksan ang mga bilanggguan, upang ipahayag ang kalayaan sa mga bihag, at luwagan ang gapos ng naroong mga nakagapos. Pinupuri namin kayo dahil ang aming mga ama, mula sa huli pabalik sa una, sa simula’t simula pa, ay maibubuklod sa amin ng di mapapatid na kawing, na pinag-ugnay ng Banal na Priesthood, at na bilang isang malaking pamilyang pinag-isa sa inyo at pinatibay ng inyong kapangyarihan ay sama-sama kaming tatayo sa inyong harapan, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng nagbabayad-salang dugo ng Inyong Anak ay mailayo kami sa lahat ng kasamaan, maligtas at mapabanal, madakila at maluwalhati.18
Dapat nating espirituwal na ihanda ang ating mga sarili para matanggap ang mga biyaya ng paglilingkod sa templo.
Bago kayo pumunta sa Templo, … manalangin kayo nang sarilinan. Ihandog ang inyong dalangin sa Panginoon at ipanalangin na hindi lamang mapatawad ang inyong mga kasalanan, kundi mapasainyong lahat ang Espiritu ng Diyos, at ang patotoo ng Panginoong Jesucristo; nang ang Espiritu ng Diyos ay mapasa mga taong magtitipon sa Templo. …
Nais kong gawin ito ng mga Banal, na hinihiling na ang papasok sa Templo ay papasok nang may dalisay na puso, at na mapasakanila ang Espiritu ng Diyos, nang sila mismo ay matuwa, nang madama nilang lahat ang impluwensya ng kapangyarihang iyon.19
Ang bawat miyembro ng Simbahan na itinuturing na karapatdapat pumasok sa sagradong bahay na iyon ay ituturing na may alam sa mga alituntunin ng Ebanghelyo. Maipapalagay natin na alam ng bawat isa ang kanyang tungkulin sa Diyos at sa kanyang kapwa. Dapat tandaan ng bawat isa ang payo na dapat tayong mapuno ng pagmamahal at pagmamalasakit sa ating mga kapatid. At sa gayon sa sandaling iyon, hindi pagdududahan ninuman ang lubos na kahalagahan na bawat miyembro ng kongregasyon ay panatag sa piling ng lahat ng kanyang mga kapatid sa Diyos. Sa ano pang paraan natin maaasahang matamo ang mga biyayang ipinangako Niya maliban sa pagsunod sa mga utos kung saan ang mga biyayang iyon ang gantimpala!
Ang kalalakihan at kababaihan ba na lumalabag sa batas ng Diyos, o ang mga di sumusunod sa Kanyang mga utos, ay makaaasa na ang pagpunta lamang sa Kanyang banal na bahay … ay sapat na upang marapat nilang tanggapin, at magiging dahilan para matanggap nila ang Kanyang biyaya?
Palagay ba nila ay madali nang balewalain ang pagsisisi at pagwawaksi ng kasamaan?
May lakas ba sila ng loob, kahit sa isip lang, na pagbintangan ang Ama sa kawalang-katarungan at pagkiling, at ipalagay na hindi siya maingat sa pagsasakatuparan ng Kanyang sariling mga salita?
Walang alinlangan na walang sinumang nagsasabing kabilang sa kanyang mga tao ang nag-iisip ng gayong bagay.
Kung gayon dapat lang na ang mga di karapat-dapat ay huminto na sa pag-asa na mabibiyayaan sila sa pagdalo sa mga templo habang nananatili silang marumi dahil sa kasalanang di pinagsisihan, at habang ang galit o maging ang di pagpapatawad ay nasa puso nila laban sa kanilang mga kapatid.
Sa paksang ito, sa palagay namin, marami pa ang maaaring masabi. Sa pagsisikap na masunod ang tila lalong mahalagang bagay ng kautusan, may posibilidad na ang kahalagahan ng diwang ito ng pagmamahal at kabaitan at pag-ibig sa kapwa ay digaanong mabigyang-halaga. …
. … Bago pumasok sa templo upang humarap sa Panginoon …, dapat nating alisin sa ating sarili ang bawat masakit at di-mabuting nadama natin sa bawat isa, na hindi lamang ang ating maliliit na pinag-aawayan ang huminto, kundi maalis mismo ang sanhi ng mga ito, at bawat damdaming nag-uudyok o nagpapanatili sa mga ito ay dapat alisin. Dapat nating ipagtapat ang ating mga kasalanan sa isa’t isa, at humingi ng tawad sa isa’t isa; na tayo ay sasamo sa Panginoon na madama ang pagsisisi, at, matapos matamo ito, ay sundin ang mga pag-uudyok nito; nang sa ating pagpapakumbaba sa harapan Niya at paghingi ng tawad sa isa’t isa, ibibigay natin ang pagmamahal at pagpaparayang iyon sa mga humihingi ng kapatawaran na siya naman nating inaasahan sa Langit.
Sa gayon pupunta tayo sa banal na lugar na may mabuting puso at kaluluwang handa sa ipinangakong lakas! Sa gayon ang ating mga pagsamo, na di ginagambala ng pagtatalu-talo ay nagkakaisang makararating sa pandinig ni Jehova at ibababa ang mga piling biyaya ng Diyos ng Kalangitan! …
… Hinihikayat namin ang [bawat miyembro ng Simbahan] na hangarin ang pakikisama ng kanilang mga kapatid, at ang kanilang buong tiwala at pagmamahal; higit sa lahat hangaring kamtan ang pakikisama at pakikiisa ng Espiritu Santo. Hayaang hangarin at pahalagahang mabuti ng pinakamaliit o pinakahamak na pamilya ang Espiritung tulad ng ginagawa ng mga miyembro ng pinakamataas na organisasyon at korum. Hayaang pumasok sa puso ng mga kapatid, mga magulang, at mga anak ng sambahayan, maging sa puso ng Unang Panguluhan at Labindalawa. Hayaang payapain at palambutin nito ang lahat ng di pagkakasundo ng mga miyembro ng Stake Presidency at High Council, maging sa pagitan ng mga magkakapit- bahay na naninirahan sa iisang ward. Hayaang pag-isahin nito ang bata at matanda, lalaki at babae, mga miyembro at lider, mga tao at Priesthood nang may pasasalamat at kapatawaran at pagmamahal, nang madama [natin] na natutuwa sa atin ang Panginoon, at nang tayong lahat ay makalapit sa harapan Niya na may malinis na budhi sa harapan ng mga tao. Sa ganitong paraan walang di mabibigyan ng mga biyayang ipinangako sa mga tapat sumamba sa Kanya. Ang matamis na bulong ng Banal na Espiritu ay ibibigay sa kanila at ang mga yaman ng Kalangitan, ang pakikipagugnayan ng mga anghel, ay idaragdag paminsan-minsan, dahil ang Kanyang pangako ay natupad at hindi magkukulang!20
Mula sa panalangin ng dedikasyon ng Salt Lake Temple: Ama naming nasa Langit, kayo na tagalikha ng langit at lupa, at lahat ng bagay na naroroon, kayong Pinakamaluwalhati, ganap ang awa, pag-ibig, at katotohanan; kaming inyong mga anak, na pumunta sa araw na ito sa inyong harapan at sa bahay na itong itinayo namin sa pinakabanal ninyong pangalan, ay mapagpakumbabang sumasamo sa pamamagitan ng nagbabayad-salang dugo ng Inyong Bugtong na Anak. Nawa ang aming mga kasalanan ay di na maalala pa laban sa amin magpakailanman, kundi ang aming mga dalangin ay umabot sa inyo at malayang marating ang inyong luklukan, nang kami’y marinig sa inyong banal na tirahan. At nawa’y masiyahan kayong pakinggan ang aming dalangin, sagutin ang mga ito ayon sa inyong walang katapusang dunong at pagmamahal, at itulot na ibigay sa amin ang mga biyayang hinihingi namin, nang labis-labis pa, yamang kami’y naghahangad nang may dalisay na puso at buong layunin na gawin ang inyong kagustuhan at luwalhatiin ang inyong pangalan. …
Lumalapit kami sa inyong harapan nang may galak at pasasalamat, nang may masiglang espiritu at pusong puno ng pagpuri dahil hinayaan Ninyong makita namin ang araw na ito, na apatnapung taon naming inasam, pinaghirapan, pinagsikapan, at ipinagdasal, kung kailan mailalaan namin sa Inyo ang bahay na ito na itinayo namin sa maluwalhati Ninyong pangalan. Isang taon ang nakalipas inilagay namin ang huling bato na sumisigaw ng Hosana sa Diyos at sa Kordero. At ngayon inilalaan namin ang buong templo sa Inyo, kasama ang lahat ng nakapaloob dito, nang ito’y maging banal sa Inyong paningin; nang ito’y maging bahay ng panalangin, bahay ng papuri at pagsamba; nang ang inyong banal na kaluwalhatian ay maparito; nang ang inyong banal na presensya ay patuloy na narito; nang ito ay maging tirahan ng inyong pinakamamahal na Anak, ang aming Tagapagligtas; nang ang mga anghel na nakatayo sa Inyong harapan ay maging banal na mga sugo na dadalaw dito, hatid sa amin ang Inyong mga hiling at kagustuhan, nang ito’y mapabanal at mailaan sa lahat ng bahaging banal para sa Inyo, na Diyos ng Israel, ang Pinakamakapangyarihang Pinuno ng sangkatauhan. At idinadalangin namin sa Inyo na madama ng lahat ng taong papasok dito sa Inyong bahay ang kapangyarihan, at mahikayat na kilalanin na Kayo ang nagpabanal nito, na ito ay tahanan Ninyo, isang lugar ng Inyong kabanalan.21
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Isipin ang mga ideyang ito habang pinag-aaralan ninyo ang Kabanata o naghahanda para magturo. Para sa karagdagang tulong, tingnan ang mga pahina v–x.
-
Paano sumagot si Elder Wilford Woodruff nang marinig niya ang dedikasyon ng Kirtland Temple at nang makita niya ang templo sa unang pagkakataon? (Tingnan sa pahina 189.) May ganoon din ba kayong karanasan na angkop ibahagi?
-
Sa anong paraan ipinakita ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kanilang interes sa mga templo? (Tingnan sa mga pahina 191–93.) Bakit kailangan nating “maging lubos na interesado” sa gawain sa templo?
-
Rebyuhin ang unang talata sa pahina 191. Sa paanong paraan ninyo nakikitang “iisang gawain” ang paglilingkod sa templo at pagsasaliksik ng family history? (Tingnan sa mga pahina 193–96.) Paano nakatulong sa inyo ito para mabaling ang inyong puso sa inyong mga ninuno at inapo?
-
Bakit kailangan natin ang ordenansa ng pagbubuklod upang “matamo ang kaganapan ng kahariang selestiyal”? (Tingnan sa mga pahina 193; tingnan din sa D at T 131:1–4.)
-
Tingnang mabuti ang buong Kabanata, hanapin ang mga pahayag tungkol sa mga ugnayan ng pamilya. Ano ang matututuhan natin sa mga turong ito? Paano nakaiimpluwensya ang pang-unawa natin sa bahay ng Panginoon sa nadarama natin tungkol sa ating sariling mga tahanan?
-
Sa paanong paraan kayo nabibiyayaan at ang inyong pamilya sa pagpunta sa templo? Paano matuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na igalang ang templo at maghandang tanggapin ang mga ordenansa sa templo?
-
Ang mga pahina 196–91 ay naglalaman ng ilan sa mga payo ni Pangulong Wilford Woodruff para tulungan ang mga Banal sa paghahanda para sa paglalaan ng Salt Lake Temple. Paano makatutulong sa atin ang payong ito sa tuwing papasok tayo sa templo?
-
Ano ang ilan sa mga alituntuning itinuro sa panalangin ng dedikasyon ng Salt Lake Temple? (Tingnan sa mga pahina 193, 195–96, 198–99.) Isiping mabuti o pag-usapan kung paano makatutulong sa atin ang mga salita sa panalangin sa pagsisikap nating gawin ang gawain sa templo at family history.
Mga Kaugnay na Banal na Kasulatan: Awit 24:3–5; Mateo 16:18–19; D at T 27:9; 97:10–17; 109; 110; 138:46–48