“Lesson 11 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagpili ng Makakasama sa Kawalang-hanggan,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya (2022)
“Lesson 11 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya
Lesson 11 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Pagpili ng Makakasama sa Kawalang-hanggan
Ipinayo ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Mangyaring maging ‘sabik sa paggawa’ [Doktrina at mga Tipan 58:27] sa mga espirituwal na aktibidad at pakikihalubilo na akma sa inyong mithiing makasal sa templo” (“Pumili nang May Katalinuhan,” Liahona, Nob. 2014, 47). Habang pinag-aaralan mo ang materyal para sa lesson na ito, isipin kung paano makatutulong sa iyo ang pananampalataya sa Panginoon kapag hinanap, pinili, at minahal mo ang iyong makakasama sa kawalang-hanggan.
Paalala: Magkakaiba ang ibig sabihin ng pakikipagdeyt sa iba’t ibang kultura. Para sa layunin ng lesson na ito, ang pakikipagdeyt ay tumutukoy sa pag-uukol ng oras sa isang hindi mo kapareho ang kasarian, habang sinusunod ang mga pamantayan ng ebanghelyo at may layuning magkaroon ng ugnayan na kalaunan ay maaaring humantong sa pagpapakasal.
Bahagi 1
Paano makatutulong sa akin ang pagsampalataya sa Panginoon upang magkaroon ako ng ugnayan na maaaring humantong sa pagpapakasal?
Ang pakikipagdeyt ay maaaring napakaganda at mahirap. Binibigyan tayo nito ng mga pagkakataong makakilala ng iba, magkaroon ng mga bagong karanasan, at matuto ng mahahalagang aral tungkol sa ating sarili at mga ugnayan. Dahil sa kahalagahan ng pag-aasawa, hindi dapat ikagulat na maaaring makaranas tayo ng mga balakid habang nakikipagdeyt at naghahanda para sa pagpapakasal. Naranasan mo na ba, o ng isang taong kilala mo, ang alinman sa mga sumusunod na bagay na maaaring magpaliban o magpatigil sa pagsulong tungo sa kasal na walang hanggan?
-
Takot na mabigo o matanggihan
-
Pagkabalisa sa mga pakikihalubilo
-
Pagkawala ng oportunidad o mga inaasam
-
Kapaguran ng damdamin dahil sa nabigong mga relasyon
-
Kawalan ng katiyakan sa ekonomiya
-
Pagtuon lamang sa edukasyon o propesyon
-
Takot na magkaroon ng obligasyon
-
Pagkawala ng tiwala sa kasal
Habang naglilingkod sa Relief Society General Presidency, napansin ni Pangulong Julie B. Beck na maraming kabataan ang “binabalewala ang pagbubuo ng pamilya na walang hanggan. Hindi nakikita ng marami na ang pagbubuo ng mga pamilya ay nakabatay sa pananampalataya” (“Pagtuturo ng Doktrina tungkol sa Pamilya,” Liahona, Mar. 2011, 14; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Lubos na nagmamalasakit ang Panginoon sa iyong mga mararanasan sa paghahanap at pagpili ng makakasama sa kawalang-hanggan. Tutulungan Ka Niya kapag nanampalataya ka sa Kanya. Binigyang-diin ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano makaiimpluwensya ang ating pananampalataya sa Tagapagligtas sa pakikipagdeyt at pag-aasawa:
Maniwala na ang inyong pananampalataya ay may malakas na impluwensya sa inyong pag-iibigan, dahil talagang gayon nga ito. Mapanganib kapag inisip ninyo na walang kinalaman ang pakikipagdeyt sa inyong pagkadisipulo. Si Jesucristo, ang Ilaw ng Sanlibutan, ang tanging ilawan kung saan matagumpay ninyong makikita ang landas ng pagmamahal at kaligayahan. (“How Do I Love Thee?,” New Era, Okt. 2003, 8)
Ang pagsampalataya kay Jesucristo ay kinapapalooban ng paggawa ng mabuti. Nang turuan ng Panginoon ang isang grupo ng mga Banal sa mga Huling Araw na gustong malaman ang Kanyang kalooban para sa kanila, inaasahan Niyang gagamitin natin ang ating kalayaang kumilos nang may pananampalataya.
Si Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay nasa Unang Panguluhan, ay nagsabi kung paano tayo susulong nang may pananampalataya at pagtitiyaga:
Paano naman ang mga taong nawawalan ng pag-asa na makahanap ng makakasama sa kawalang-hanggan? Una, huwag sumuko. Pumunta sa mga aktibidad, makihalubilo sa mga tao, at gawin ang lahat ng makakaya mo. Alam ko na maaaring mahirap ang makipagdeyt. Ang matanggihan ay isa sa mga pinakamasakit na bagay na mararanasan natin. …
… Maghanap ng mga simpleng paraan na magkasama-sama. … Ang mithiin ay kilalanin ang isang tao at matutuhan kung paano magkaroon ng makabuluhang ugnayan sa hindi mo kapareho ang kasarian. (“The Reflection in the Water” [Church Educational System fireside para sa mga young adult, Nob. 1, 2009], ChurchofJesusChrist.org)
Ang mga pangako ng Diyos ay hindi laging natutupad nang kasimbilis ng o sa paraang inaasahan natin; dumarating ang mga ito ayon sa Kanyang panahon at paraan. … [Ngunit] ang mga pangako ng Panginoon, kung hindi man laging mabilis marahil, ay laging tiyak. (“Patuloy na Magtiyaga,” Liahona, Mayo 2010, 58)
Habang naglilingkod bilang miyembro ng Panguluhan ng Pitumpu, itinuro ni Elder Marlin K. Jensen ang tungkol sa isang mahalagang bahagi ng ugnayan na dapat taglayin ng kalalakihan at kababaihan sa pakikipagdeyt:
Ang pagkakaibigan ay … isang mahalaga at napakagandang bahagi ng panliligaw at pag-aasawa. Ang ugnayan ng isang lalaki at isang babae na nagsimula sa pagkakaibigan at pagkatapos ay humantong sa pag-iibigan at kalaunan ay pagpapakasal ay magiging walang hanggang pagkakaibigan. (“Friendship: A Gospel Principle,” Ensign, Mayo 1999, 64)
Bahagi 2
Anong mga katangian ang dapat kong hanapin at taglayin bilang paghahanda sa pag-aasawa?
Nakagawa ka na ba ng listahan ng mga katangiang inaasam mo sa isang asawa? Habang nagdedeyt, mahalagang gumugol ng maraming oras na magkasama ang isang lalaki at isang babae para malaman ang mga katangian, personalidad, at pinahahalagahan ng isa’t isa. Ipinayo ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Kapag nagdeyt kayo, alamin ang lahat ng kaya ninyong alamin tungkol sa isa’t isa. Kilalanin ang pamilya ng isa’t isa hangga’t maaari. Magkatugma ba ang inyong mga mithiin? Pareho ba ang damdamin ninyo tungkol sa mga kautusan, sa Tagapagligtas, sa priesthood, sa templo, sa pagiging magulang, sa mga calling sa Simbahan, at sa paglilingkod sa iba? Namasdan na ba ninyo ang isa’t isa kapag may problema, tumutugon sa tagumpay at kabiguan, nilalabanan ang galit, at hinaharap ang mga dagok sa buhay? Sinisiraan ba ng kadeyt ninyo ang iba o pinupuri sila? Ang kanya bang ugali, pananalita, at kilos ay kaya ninyong pakibagayan araw-araw? (“Pagtugon sa mga Hamon ng Mundo Ngayon,” Liahona, Nob. 2015, 45–46)
Ang higit na mahalaga ay taglayin mo ang mga katangiang inaaasam mong taglayin ng iyong asawa. Tungkol dito, ipinayo ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ilang kabataan ang tila gumagawa ng shopping list ng mga katangian na gusto nila sa isang asawa at sinusuri ang kanilang potensyal: “Nasa iyo ba ang lahat ng mga katangiang hinahanap ko?” Kung nais ninyong magkaroon ng asawang makakasama ninyo nang walang-hanggan na mayroong partikular na mga espirituwal na katangian, kung gayon ay sikapin ninyo na magkaroon ng mga katangiang iyon sa inyong sarili. Pagkatapos ay maaakit sa inyo ang isang taong may ganoong mga katangian. (Sa “Understanding Heavenly Father’s Plan,” ChurchofJesusChrist.org; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 88:40)
Noong naglilingkod sa Relief Society General Presidency, itinuro rin ni Sister Carole M. Stephens:
Pag-aralan ang buhay ng Tagapagligtas at sikaping maging higit na katulad Niya. Kung magkakaroon kayo ng mga katangiang tulad ng kay Cristo sa inyong buhay at sisikaping maging higit na katulad ng Tagapagligtas, magiging mas handa kayo na maging isang asawa. (Face to Face with Elder Holland, Sister Stephens, and Elder Hallstrom [pandaigdigang brodkast para sa young single adult, Mar. 8, 2016], facetoface.ChurchofJesusChrist.org)
Bagama’t mahalaga para sa atin na magkaroon ng mga katangiang tulad ng kay Cristo at hanapin ang mga ito sa mapapangasawa natin sa hinaharap, kailangan nating iwasang magkaroon ng di-makatotohanang mga inaasahan sa ating sarili at sa iba. Tulad ng itinuro ni Elder Hales, “Walang nagpapakasal sa atin sa perpekto; nagpapakasal tayo sa may potensyal” (“Pagtugon sa mga Hamon ng Mundo Ngayon,” 46).
Bahagi 3
Paano ko maipapasiya kung sino ang aking pakakasalan?
Ang pagpili kung sino ang pakakasalan ay dapat isang desisyong pinag-isipang mabuti at may inspirasyon. Ibinahagi ni Pangulong Thomas S. Monson ang isang payo na nakita niyang nakakuwadro sa tahanan ng kanyang tiya at tiyo: “Piliin ang iyong iibigin; ibigin ang iyong pinili” (“Kapangyarihan ng Priesthood,” Liahona, Mayo 2011, 68).
Maaaring makatulong na maunawaan na hindi tayo naghahanap ng nag-iisang itinakdang iibigin. Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball, “‘Ang tinatawag na ‘soul mates’ ay kathang-isip lamang at isang ilusyon” (“Oneness in Marriage,” Ensign, Okt. 2002, 42). Ipinaliwanag ni Elder Hales na kapag gumagawa tayo ng mahahalagang desisyon sa buhay, kabilang na ang tungkol sa kasal, “inaasahan ng Ama sa Langit na gagamitin natin ang ating kalayaan, pag-aaralan ang sitwasyon sa ating isipan ayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo, at ipagdarasal ang desisyong iyan sa Kanya” (“Ang Espiritu Santo,” Liahona, Mayo 2016, 105).
Nais ng Panginoon na pag-ukulan ng mga tao ng matinding pagsisikap at pag-iisip ang pagpapasiya kung sino ang pakakasalan at hangarin ang nagpapatibay na paghahayag tungkol sa desisyon. Ang mga ito at ang iba pang mga alituntunin ng pagtanggap ng paghahayag ay itinuro kay Oliver Cowdery noong mga unang araw ng Pagpapanumbalik.