Institute
Lesson 19 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Sagradong mga Responsibilidad ng mga Ina


“Lesson 19 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Sagradong mga Responsibilidad ng mga Ina,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya (2022)

“Lesson 19 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya

isang ina na niyayakap ang kanyang anak

Lesson 19 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Ang Sagradong mga Responsibilidad ng mga Ina

Sinabi ni Pangulong Russell M.Nelson, “Hindi masusukat ang impluwensya ng kababaihan [na tumutupad ng mga tipan], hindi lamang sa mga pamilya kundi sa Simbahan ng Panginoon, bilang asawa, ina, at lola; bilang mga kapatid at tiya; bilang mga guro at lider; at lalo na bilang mga uliran at tapat na tagapagtanggol ng pananampalataya” (“Isang Pakiusap sa Aking mga Kapatid na Babae,” Liahona, Nob. 2015, 95–96). Habang pinag-aaralan mo ang materyal na ito, isipin ang impluwensya ng mabubuting kababaihan sa iyong buhay.

Bahagi 1

Paano nauugnay ang tungkulin ng mga ina sa lahat ng kababaihan?

Ang pagiging ina ay walang hanggan. Sa mundo, ang pagiging ina ay nauugnay sa pagiging babae simula noong paglikha kay Eva: “Tinawag na Eva ni Adan ang kanyang asawa dahil siya ang ina ng lahat ng nabubuhay; sapagkat sa gayon ko, ang Panginoong Diyos, tinawag ang una sa lahat ng babae, na napakarami” (Moises 4:26).

Isipin kung paano nauugnay ang tungkulin ng mga ina sa lahat ng kababaihan habang binabasa mo ang sumusunod na pahayag ni Sister Sheri L. Dew, dating tagapayo sa Relief Society General Presidency:

Sister Sheri L. Dew

Bagamat iniuugnay [natin]ang pagiging ina sa pagdadalantao lamang, sa wika ng Panginoon, ang salitang ina ay may iba’t ibang kahulugan. Sa dami ng mga salitang mapipili upang ilarawan ang kanyang tungkulin at pagkatao, tinawag ng Ama sa Langit at ni Adan si Eva na “ina ng lahat ng nabubuhay” [Moises 4:26]—at ito’y bago pa siya magdalantao. … Ang pagiging ina ay higit pa sa pagdadalantao. Ito ang diwa ng kung sino tayo bilang kababaihan. Inilalarawan nito kung sino tayo talaga, ang ating banal na katayuan at katangian, at ang natatanging kaugalian na ibinigay sa atin ng Ama. …

Bilang mga anak ng ating Ama sa Langit, at bilang mga anak na babae ni Eva, lahat tayo’y mga ina ngayon at noon pa man. (“Hindi Nga Ba Lahat Tayo’y mga Ina?,” Liahona, Ene. 2002, 96, 97)

babaeng nakangiti
icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Itinuro ni Pangulong Nelson na “bawat babae ay isang ina dahil sa kanyang walang-hanggan at banal na tadhana” (“Pakikibahagi ng Kababaihan sa Pagtitipon ng Israel,” Liahona, Nob. 2018, 68). Pag-isipang mabuti kung ano ang kahulugan ng pahayag na ito para sa iyo at sa kababaihan sa iyong buhay.

Bahagi 2

Paano tinutulungan ng Ama sa Langit ang kababaihan na magampanan ang kanilang sagradong responsibilidad na mag-aruga?

Itinalaga ng ating Ama sa Langit ang mga ina na maging “may pangunahing tungkulin na mag-aruga ng kanilang mga anak” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” simbahannijesucristo.org). Ipinaliwanag ni Pangulong Susan W. Tanner, dating Young Women General President, ang ibig sabihin ng mag-aruga:

Pangulong Susan W. Tanner

Ang [mag-aruga] ay magturo, magpaunlad, magpalaki, magpakain, at magpalusog. Sino ang hindi sisigaw sa galak sa ibinigay na napakadakilang tungkulin? (“Ang Aking Kaluluwa ay Nalulugod sa mga Bagay ng Panginoon,” Liahona, Mayo 2008, 82)

Biniyayaan ng Ama sa Langit ang Kanyang mga anak na babae ng “angking kakayahan na magmahal at mangalaga,” na makatutulong sa kababaihan na magampanan ang makapangyarihan at sagradong responsibilidad na ito (Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society [2011], 199).

Itinuro ni Sister Neill F. Marriott, dating tagapayo sa Young Women General Presidency, na tutulungan ng Ama sa Langit ang Kanyang mga anak na babae sa kanilang pagsisikap na arugain at pangalagaan ang iba:

Sister Neill F. Marriott

Mga kapatid, lahat tayo ay naparito sa lupa na pinagkalooban ng damdaming-ina, nagbibigay-buhay at nangangalaga, dahil iyan ang plano ng Diyos. …

Kapag itinanong natin sa ating sarili, “Ano ang gagawin natin?” pagnilayan natin ang tanong na ito: “Ano ang patuloy na ginagawa ng Tagapagligtas?” Siya ay nangangalaga. Siya ay lumilikha. Siya ay naghihikayat ng pag-unlad at kabutihan. …

… Kapag hiniling natin sa Ama sa Langit na gawin tayong mga tagapagtayo ng Kanyang kaharian, dadaloy ang Kanyang kapangyarihan sa atin at malalaman natin kung paano mangalaga, at sa huli ay maging katulad ng ating mga magulang sa langit. (“Ano ang Gagawin Natin?,” Liahona, Mayo 2016, 11, 12)

Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan ang tungkol sa mga karagdagang kaloob na ibinigay ng Ama sa Langit sa kababaihan upang tulungan silang magampanan ang kanilang sagradong tungkulin na mag-aruga:

Pangulong Henry B. Eyring

Bilang mga anak na babae ng Diyos, likas at malaki ang inyong kakayahan na madama ang mga pangangailangan ng iba at magmahal. Dahil diyan, mas sensitibo kayo sa mga bulong ng Espiritu. Sa gayon ay magagabayan ng Espiritu ang inyong iniisip, sinasabi, at ginagawa para maaruga ang mga tao upang maibuhos sa kanila ng Panginoon ang kaalaman, katotohanan, at katapangan. (“Ang Kababaihan at ang Pag-aaral ng Ebanghelyo sa Tahanan,” Liahona, Nob. 2018, 59)

isang ina na nagdarasal kasama ang kanyang anak

Maaaring nag-aalala ang ilang kababaihan na hindi likas sa kanila ang maging lubos na mapag-aruga. Tulad ng lahat ng kaloob ng Diyos, ang pag-aaruga ay nangangailangan ng pagsasanay at tulong mula sa langit upang mataglay ito at angkop na magamit. Si Jesucristo ang perpektong halimbawa ng pag-aaruga. Tulad ng ipinakita Niya, ang pag-aaruga ay hindi palaging magkakapareho sa bawat sitwasyon. Siya ay maawain at di-sumusuko kapag tinutulungan Niya ang iba na umunlad.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Sa tulong ng Banal na Espiritu, ang kababaihan (at kalalakihan) ay maaaring matutong mag-aruga tulad ng ginagawa ng Tagapagligtas. Pumili ng isa o dalawa sa mga sumusunod na scripture passage na nagbibigay ng mga halimbawa ng pag-aaruga mula sa buhay ng Tagapagligtas. Alamin kung ano ang matututuhan mo mula sa Kanya tungkol sa pag-aaruga.

Ano ang iba pang mga halimbawa ng pag-aaruga ng Tagapagligtas sa iba na maiisip mo?

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Kailan kayo tumanggap ng magiliw na pag-aaruga na katulad ng kay Cristo mula sa isang babae? Isipin kung paano mo pagsisikapang mataglay sa iyong buhay ang katangiang ito na katulad ng kay Cristo.

Bahagi 3

Anong kaibhan ang nagagawa ng mga ina sa plano ng Ama sa Langit?

May ilang kababaihan na nag-aatubiling magkaroon ng mga anak. Ang pag-aatubili nila ay maaaring tumindi pa dahil sa mga opinyon ng lipunan na nagmamaliit o kumukutya sa kahalagahan ng pagiging ina. Isipin kung paano makatutulong sa iyo ang pag-unawa sa kahalagahan ng mga ina sa plano ng Ama sa Langit para hindi mo tanggapin ang mga ito o ang mga pag-uugali na may kaugnayan dito.

Ipinaliwanag ni Pangulong Nelson, “Kayong kababaihan ay pinili bago pa nilikha ang mundo na magsilang at mag-aruga ng mga anak ng Diyos; sa paggawa nito, niluluwalhati ninyo ang Diyos” (“Ano ang Pipiliin Ninyo?,” Liahona, Ene. 2015, 31).

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano naisusulong ng pagkakaroon ng mga anak ang plano ng ating Ama sa Langit:

Elder D. Todd Christofferson

Napakasagrado ng tungkulin ng babae sa paglikha ng buhay. Alam natin na ang ating pisikal na katawan ay may banal na pinagmulan [tingnan sa Moises 2:27] at na kailangan nating danasin kapwa ang pisikal na pagsilang at espirituwal na muling pagsilang upang matamo ang pinakamataas na selestiyal na kaharian ng Diyos [tingnan sa Moises 6:57–60]. Kaya nga napakahalaga ng tungkulin ng kababaihan (na kung minsan ay halos kanilang ikamatay) sa gawain at kaluwalhatian ng Diyos na “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” [Moises 1:39]. (“Ang Mabuting Impluwensya ng Kababaihan,” Liahona, Nob. 2013, 30)

isang ina na hinahagkan ang kanyang anak

Tungkol sa mga paraan kung paano pinagpapala ng kababaihan ang buhay sa pagtupad ng kanilang tungkulin bilang ina, itinuro ni Elder Christofferson:

Elder D. Todd Christofferson

Ang impluwensya ng isang ina ay hindi mapapantayan ng sinumang tao sa anupamang ugnayan. Sa kanyang mabuting halimbawa at aral, natututuhan ng kanyang mga anak na lalaki na igalang ang kababaihan at magkaroon ng disiplina at mataas na pamantayan ng moralidad sa kanilang buhay. Natututo ang kanyang mga anak na babae na linangin ang kanilang sariling kabutihan at manindigan sa tama, nang paulit-ulit, hindi man ito gusto ng nakararami. Ang pagmamahal at mataas na inaasahan ng ina ay humihikayat sa kanyang mga anak na mamuhay nang tama, maging responsable, pagbutihin ang pag-aaral at personal na pag-unlad, at patuloy na tumulong para sa kapakanan ng iba sa lipunang kanilang ginagalawan. (“Ang Mabuting Impluwensya ng Kababaihan,” 30)

Itinuro din ni Sister Marriott ang tungkol sa malakas na impluwensya ng mga ina:

Sister Neill F. Marriott

Naniniwala ako na ang ibig sabihin ng “maging ina” ay “magbigay-buhay.” Isipin ang maraming paraan na kayo ay nagbibigay-buhay. Maaaring ang ibig sabihin niyan ay nagbibigay kayo ng lakas ng loob sa taong nawalan ng pag-asa o espirituwal na buhay sa taong walang pananalig. Sa tulong ng Espiritu Santo, pinapanatag natin ang mga damdaming nasaktan, ang naapi, tinanggihan, at estranghero. Sa magigiliw ngunit mabibisang paraang ito, itinatayo natin ang kaharian ng Diyos. (“Ano ang Gagawin Natin?,” 11)

Seed of Faith [Binhi ng Pananampalataya], ni Jay Bryant Ward
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Ang salaysay ng Aklat ni Mormon tungkol sa mga kabataang mandirigma ay isang halimbawa ng katindihan ng magiging impluwensya ng mabubuting ina. Basahin ang Alma 56:45–48; 57:21–26, at alamin ang impluwensyang magagawa ng pagsisikap ng isang ina sa kanyang mga anak, sa lipunan, at sa mundo.

Habang binabasa mo ang sumusunod na patotoo na ibinahagi ni Pangulong Julie B. Beck, dating Relief Society General President, isipin ang impluwensya ng kababaihang kilala mo na tinutupad ang kanilang banal na misyon na mag-aruga:

Pangulong Julie B. Beck

Walang hangganan ang magagawa ng babaeng may puso ng isang ina. Napagbago ng mabubuting babae ang takbo ng kasaysayan at patuloy na gagawin ito, at ang impluwensiya nila’y lalaganap at lalong lalago magpasawalang-hanggan. Malaki ang pasalamat ko sa Panginoon dahil ipinagkatiwala niya sa kababaihan ang banal na misyon ng pagiging ina. (“‘Puso ng Isang Ina,’Liahona, Mayo 2004, 77)

icon, kumilos

Kumilos

Maaari kang sumulat at magpadala ng maikling liham ng pasasalamat sa isang ina o itinuturing na ina na ang pag-aaruga ay nagpala sa iyong buhay.