Institute
Lesson 3 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Ating Banal na Katangian at Tadhana


“Lesson 3 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Ating Banal na Katangian at Tadhana,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya (2022)

“Lesson 3 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya

babaeng nakatingala sa mga puno

Lesson 3 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Ang Ating Banal na Katangian at Tadhana

Ang ilan sa pinakamahahalagang tanong natin sa buhay ay may kaugnayan sa ating pinagmulan at tadhana—kung sino talaga tayo at kung ano ang ating potensiyal. Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, isipin kung paano mo tinitingnan ang iyong sarili at kung paano mo tinatrato ang iba. Paano maaaring mabago ito kung lagi mong inaalala ang iyong banal na katangian at tadhana?

Bahagi 1

Sino ako?

Itinuro ni Propetang Joseph Smith, “Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katangian ng Diyos, hindi nila nauunawaan ang kanilang sarili” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 46). Ang mga banal na kasulatan ay nagbibigay ng malakas na patotoo kung sino ang Diyos at kung ano ang ating kaugnayan sa Kanya.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Mga Gawa 17:29, Mga Hebreo 12:9, at 1 Juan 3:2, at alamin kung sino ang Diyos at kung ano ang matututuhan natin tungkol sa kaugnayan natin sa Kanya.

Ganito ang itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay miyembro ng Unang Panguluhan, tungkol sa ating kaugnayan sa Diyos:

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

Tayo ay nilikha ng Makapangyarihang Diyos. Siya ang ating Ama sa Langit. Tayo ay Kanyang literal na mga espiritung anak. Nilikha tayo mula sa sagradong materyal na napakabanal at dalisay, kung kaya’t likas sa pagkatao natin ang kabanalan.

Gayunman, dito sa lupa, napupuno ng kasamaan, kasalanan, at karumihan ang ating mga iniisip at ikinikilos. Ang karumihan at kasamaan ng makamundong daigdig ay dinurungisan ang ating kaluluwa, kaya nahihirapan tayong makilala at maalala ang ating tunay na pinagmulan at layunin.

Ngunit hindi mababago ng lahat ng ito ang ating tunay na pagkatao. Ang kabanalan ng ating likas na pagkatao ay nananatili. (“Papasanin Ka Niya sa Kanyang Balikat at Iuuwi,” Liahona, Mayo 2016, 104)

0:30

Pinagtibay ng mga propeta at mga apostol na “lahat ng tao—lalaki at babae—ay nilalang sa larawan ng Diyos. Bawat isa ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit” (“Ang Mag-Anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” ChurchofJesusChrist.org). Isipin kung paano makadaragdag ang mga sumusunod na turo sa iyong pagkaunawa tungkol sa iyong mga magulang sa langit:

Lahat ng lalaki at babae ay kawangis ng Ama at Ina ng lahat ng tao at literal na mga anak ng Diyos. …

Ang tao, bilang espiritu, ay isinilang sa mga magulang na nasa langit, at inaruga hanggang sa sumapit sa sapat na gulang sa mga walang hanggang mansiyon ng Ama, bago pumarito sa mundo sa temporal [pisikal] na katawan. (“Gospel Classics: The Origin of Man,” Ensign, Peb. 2002, 29, 30)

Sinabi ni Pangulong Harold B. Lee, “Nalilimutan natin na mayroon tayong Ama sa Langit at Ina sa Langit na mas nag-aalala, marahil, kaysa sa ating ama at ina sa lupa, at ang mga kapangyarihan mula sa langit ay patuloy tayong tinutulungan kapag ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya” [Harold B. Lee, “The Influence and Responsibility of Women,” Relief Society Magazine, Peb. 1964, 85]. (Gospel Topics, “Mother in Heaven,” topics.ChurchofJesusChrist.org)

Itinuro rin ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Una at pinakamahalaga sa lahat, kayo ay espiritung anak ng Diyos at mananatiling gayon” (“Children of Heavenly Father” [Brigham Young University devotional, Mar. 3, 2020], 2, speeches.byu.edu). Itinuro ni Pangulong Uchtdorf na “dapat mabago” ng katotohanan na tayo ay literal na mga anak ng Diyos “ang pananaw natin sa ating sarili, sa ating mga kapatid, at sa buhay mismo” (“Apat na Titulo,” Liahona, May 2013, 58).

icon, isulat

Isulat ang Iyong mga Naisip

Sa iyong notebook o note-taking app, sagutin ang isa o higit pa sa mga sumusunod na tanong:

  • Paano makaaapekto ang pagkaunawa natin sa ating banal na katangian sa pananaw natin sa ating sarili at sa pagtrato natin sa iba? Kailan ka nagkaroon ng karanasan kung saan hindi mo pinansin ang nakasasakit na ginawa o asal ng isang tao at nakita ang kanilang banal na katangian?

  • Ano ang ilang halimbawa mula sa buhay ng Tagapagligtas na nagpapakita na naunawaan Niya ang banal na katangian ng iba? Paano mo Siya mas matutularan sa paraan ng pagtrato mo sa iba?

Maghandang ibahagi sa klase ang iyong mga naisip.

Bahagi 2

Ano ang magagawang kaibhan ng kaalamang ako ay anak ng Diyos?

Isipin ang sumusunod na pahayag ni Sister Michelle D. Craig, tagapayo sa Young Women General Presidency:

Sister Michelle D. Craig

Kapag mas nauunawaan ninyo ang inyong tunay na identidad at layunin, nang may matatag na pag-unawa, mas maiimpluwensyahan nito ang lahat sa inyong buhay. (“Mga Matang Makakakita,” Liahona, Nob. 2020, 16)

Ang karanasan ni Moises matapos makipag-usap sa Diyos nang harapan at malaman ang kanyang banal na katangian ay naglalarawan ng lakas na maibibigay ng kaalamang ito sa atin.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Moises 1:3–6, 12–16, at alamin kung paano nabigyan ng lakas si Moises sa pamamagitan ng pagtanggap sa kanyang banal na katangian.

Napaglabanan ni Moises si Satanas, ni Joseph Brickey

Napaglabanan ni Moises ang mga tukso ni Satanas

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Pag-isipang mabuti kung paano nakatulong na nauunawaan mo ang iyong banal na pinagmulan at katangian upang mapaglabanan ang mga kasinungalingan at tukso ng kaaway.

Bahagi 3

Ano ang aking banal na tadhana?

toddler na natututo nang maglakad

Isipin kung gaano karami na ang natutuhan at pag-unlad mo sa nakalipas na 10 taon. Bilang anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang sa langit, mayroon kang kahanga-hangang kakayahan upang umunlad. Sa katunayan, mayroon kang banal na tadhana. (Tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” ChurchofJesusChrist.org.)

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Roma 8:16–17, at alamin ang itinuro ni Apostol Pablo tungkol sa ating banal na tadhana.

Ang kasamang tagapagmana ay isang tao na tumatanggap ng pantay na mana kasama ang iba pang mga tagapagmana. Bilang bugtong at nag-iisang perpektong Anak ng Ama sa Langit, karapatan ni Jesucristo na manahin ang lahat ng mayroon ang Ama. Ang mga masunurin at tumatanggap ng buong pagpapala ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay magmamana rin ng lahat ng mayroon ang Ama (tingnan sa Roma 8:14–18; Galacia 3:26–29; Doktrina at mga Tipan 93:21–22). Ang ibig sabihin nito ay may potensiyal tayong lahat na maging katulad ng ating Ama sa Langit.

Si Pangulong Russell M. Nelson ay tumulong sa pagpapaliwanag ng ibig sabihin ng banal na tadhana:

Pangulong Russell M. Nelson

Dapat tayong maghanda para sa ating banal na tadhana—kaluwalhatian, kawalang-kamatayan, at buhay na walang hanggan. Ang mga dakilang pagpapalang ito ay maaaring mapasaatin, sa pamamagitan ng ating katapatan. (“The Creation,” Ensign, Mayo 2000, 86)

Sa susunod na mga lesson, marami ka pang malalaman kung paano ginawang posible ni Jesucristo na matamo natin ang ating banal na tadhana bilang mga tagapagmana ng buhay na walang hanggan. Tulad ng itinuro ni Pangulong Uchtdorf, ginagawa ito nang paisa-isang hakbang:

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

Nakakita na tayong lahat ng isang lumalaking sanggol na natututong lumakad. Maliit ang kanyang hakbang at pagewang-gewang ang lakad. Natutumba siya. Pinagagalitan ba natin siya dahil doon? Siyempre hindi. Anong klaseng ama ang magpaparusa sa isang sanggol sa pagtumba nito? Tayo ay naghihikayat, natutuwa, at pumupuri, dahil sa bawat maliit na hakbang, ang anak ay lalong nakakatulad ng kanyang mga magulang.

… Kumpara sa kasakdalan ng Diyos, tayong mga mortal ay hindi naiiba sa mga sanggol na pagewang-gewang sa paglakad. Ngunit nais ng ating mapagmahal na Ama sa Langit na maging higit na katulad Niya tayo, at … iyan din dapat ang ating walang-hanggang mithiin. Nauunawaan ng Diyos na hindi natin mararating iyan kaagad kundi sa paisa-isang hakbang lamang. (“Apat na Titulo,” Liahona, Mayo 2013, 58)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Paano binago ng pahayag ni Pangulong Uchtdorf ang pagkaunawa mo sa iyong mga hakbang na pagewang-gewang na katulad ng sa isang toddler? Paano mo maaanyayahan ang Panginoon na tulungan kang patuloy na sumulong?