“Lesson 4: Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Pamilya ang Sentro sa Plano ng Ama sa Langit” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya (2022)
“Lesson 4 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya
Lesson 4 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Ang Pamilya ang Sentro sa Plano ng Ama sa Langit
Ipinahayag ng mga makabagong propeta at apostol na “ang mag-anak ang sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” ChurchofJesusChrist.org). Naisip mo na ba kung paano nauugnay ang pamilya sa iba pang mahahalagang bahagi ng plano ng Ama sa Langit, tulad ng Paglikha, Pagkahulog nina Adan at Eva, at Pagbabayad-sala ni Jesucristo? Sa iyong pag-aaral, isipin ang maaaring kahulugan ng mga sumusunod na turo para sa iyong mga pinipiling gawin at inaasam para sa sarili mong pamilya.
Bahagi 1
Paano nakatulong ang Paglikha ng mundo at ang Pagkahulog nina Adan at Eva para maisakatuparan ang mga walang hanggang layunin ng Ama sa Langit para sa pamilya?
Itinuro ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang doktrina ng pamilya ay nagsimula sa mga magulang sa langit. Ang ating pinakamataas na mithiin ay maging katulad nila. (“The Eternal Family,” Ensign, Nob. 1996, 64)
Nang mangusap ang Diyos kay Moises sa bundok, ipinaliwanag Niya na ang Kanyang gawain at Kanyang kaluwalhatian ay “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Ang buhay na walang hanggan ay ang mabuhay sa piling ng Diyos, na ibig sabihin ay mabuhay magpakailanman bilang bahagi ng isang walang hanggang pamilya. Ito ang pinakadakilang kaloob na maibibigay Niya sa atin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 14:7).
Ang Paglikha ng mundo at ang Pagkahulog nina Adan at Eva ay mahahalagang bahagi ng plano ng Ama upang maisakatuparan ang mga walang hanggang layuning ito. Sa naunang kasaysayan ng Simbahan, ipinahayag ng Panginoon ang kahalagahan ng kasal at mga anak sa plano ng Diyos para sa mundo. At sa Aklat ni Mormon, ipinaliwanag ni Lehi sa kanyang anak ang mabuting dahilan sa Pagkahulog nina Adan at Eva.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson at ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Bagama’t kahanga-hanga at maringal, ang planetang Daigdig ay bahagi ng isang bagay na higit pang kahanga-hanga at maringal—ang dakilang plano ng Diyos. Sa simpleng pagbubuod, ang mundo ay nilikha para panahanan ng mga pamilya. (“The Creation,” Ensign, Mayo 2000, 85)
Ang Pagkahulog ay mahalagang bahagi ng banal na plano ng ating Ama sa Langit. Kung wala ito, wala sanang mortal na mga anak sina Adan at Eva, at wala sanang pamilya ng tao na daranas ng oposisyon at pag-unlad, kalayaang moral, at kagalakan ng pagkabuhay na mag-uli, pagtubos, at buhay na walang hanggan. (“Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Liahona, Mar. 2008, 35)
Bahagi 2
Paano ginawang posible ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang walang hanggang pamilya?
Sa Pagkahulog nina Adan at Eva, nagkaroon ng kasalanan at kamatayan sa mundo. Ang dalawang ito ang nagpahiwalay sa atin sa Diyos at sa posibilidad na magkaroon ng buhay na walang hanggan kasama ang ating pamilya.
Sa Aklat ni Mormon, inilarawan ni Lehi ang kamusmusan ni Jacob na puno ng paghihirap at kalungkutan dahil sa kanyang mga kapatid (tingnan sa 2 Nephi 2:1). Pumanaw rin si Lehi noong bata pa si Jacob. Sa kabila ng mga hamong ito sa pamilya, nakahanap si Jacob ng pag-asa sa kaalaman niya tungkol sa sakripisyong gagawin ni Jesucristo sa hinaharap upang tulungan tayong lahat at ang ating pamilya na makaligtas sa kamatayan at impiyerno.
Itinuro ni Pangulong Julie B. Beck, dating General Relief Society President, at ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan kung paano maaaring maging walang hanggan ang mga pamilya dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo:
Dahil sa Pagbabayad-sala [ni Jesucristo] sama-samang mabubuklod nang walang hanggan ang pamilya. Tinutulutan nito ang mga pamilya na magkaroon ng walang hanggang pag-unlad at maging sakdal. Ang plano ng kaligayahan, na tinatawag ding plano ng kaligtasan, ay isang planong nilikha para sa mga pamilya. (“Pagtuturo ng Doktrina tungkol sa Pamilya,” Liahona, Mar. 2011, 12)
Batid ng ating mapagmahal na Ama sa Langit ang nilalaman ng ating puso. Ang Kanyang layunin ay bigyan tayo ng kaligayahan (tingnan sa 2 Nephi 2:25). Kaya nga ibinigay Niya bilang regalo ang Kanyang Anak para gawing posible ang kagalakang mabigkis sa pamilya na nagpapatuloy magpakailanman. Dahil kinalag ng Tagapagligtas ang mga gapos ng kamatayan, tayo ay mabubuhay na mag-uli. Dahil nagbayad-sala Siya para sa ating mga kasalanan, kung mananampalataya tayo at magsisisi, maaari tayong maging marapat para sa kahariang selestiyal, kung saan ang mga pamilya ay ibinibigkis ng pagmamahal magpakailanman. (“Ang Pag-asa ng Walang-Hanggang Pagmamahal sa Pamilya,” Liahona, Ago. 2016, 4)
Bahagi 3
Gaano kasentro ang pamilya sa iyong plano?
Ipinaliliwanag ang pagiging sentro ng pamilya sa kawalang-hanggan, itinuro ni Elder L. Tom Perry ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang buong teolohiya ng ating ipinanumbalik na ebanghelyo ay nakasentro sa mga pamilya at sa bago at walang-hanggang tipan ng kasal. …
Naniniwala rin tayo na ang matibay na mga tradisyonal na pamilya ay … mga pangunahing yunit ng kawalang-hanggan at ng kaharian at pamahalaan ng Diyos.
Naniniwala tayo na ang organisasyon at pamahalaan ng langit ay isasalig sa mga pamilya at kamag-anak. (“Bakit Mahalaga ang Kasal at Pamilya—sa Lahat ng Dako ng Mundo,” Liahona, Mayo 2015, 41)
Dahil sa kahalagahan ng pamilya sa plano ng Ama sa Langit, asahan na natin na sasalungatin ni Satanas ang ating mga pagsisikap na bumuo ng pamilya at patatagin ito. Ang pagkaunawa natin sa plano ng Ama sa Langit ay makatutulong sa atin na makita ang mga panlilinlang ni Satanas. Itinuro ni Elder Hales:
Walang-hanggang pananaw ang tumutulong sa ating mga desisyon at gawain sa araw-araw. Pinatatatag nito ang ating isipan at kaluluwa. Kapag napapaligiran tayo ng mga mapanghikayat at maling opinyon na may epekto sa kawalang-hanggan, tayo ay matatag at di-natitinag. …
Ang kasal at pamilya ay patuloy na inaatake dahil alam ni Satanas na mahalaga ang mga ito sa pagtatamo ng buhay na walang hanggan—kasinghalaga ng Paglikha, Pagkahulog, at Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Dahil nabigong wasakin ang alinman sa mga pundasyong iyon ng plano, hinangad ni Satanas na wasakin ang ating pag-unawa at kaugalian sa pagpapakasal at pagpapamilya. (“Ang Plano ng Kaligtasan: Isang Sagradong Yaman ng Kaalaman na Gagabay sa Atin,” Liahona, Okt. 2015, 28, 29)