Institute
Lesson 2 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Tungkulin ng mga Propeta sa Pagpapahayag ng Doktrina tungkol sa Walang Hanggang Pamilya


“Lesson 2 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Tungkulin ng mga Propeta sa Pagpapahayag ng Doktrina tungkol sa Walang Hanggang Pamilya,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya (2022)

“Lesson 2 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya

bantay na nasa isang sinaunang tore

Lesson 2 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Ang Tungkulin ng mga Propeta sa Pagpapahayag ng Doktrina tungkol sa Walang Hanggang Pamilya

Mapalad tayong mabuhay sa panahong muling tumawag ang Panginoon ng mga buhay na propeta upang gabayan at protektahan tayo. Paano ka natulungan ng mga propeta ng Panginoon na maunawaan ang doktrina tungkol sa walang hanggang pamilya? Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, isipin kung paano ka magkakaroon ng mas malakas na patotoo tungkol sa mga buhay na propeta at mas lubos na umasa sa kanilang mga salita sa iyong buhay.

Bahagi 1

Paano nakikita ang pagmamahal ng Diyos sa payo ng mga propeta?

Nang tawagin ng Panginoon si Ezekiel na maging propeta, inihambing Niya ang bagong tungkulin ni Ezekiel sa isang bantay. Noong unang panahon, ang mga bantay ay nakatayo sa ibabaw ng mga pader o ng mga tore upang tumulong sa pagprotekta sa mga lungsod, ubasan, o bukirin (tingnan sa “Mga Bantay sa Tore,” Liahona, Abr. 2016, 28). Dahil nakatayo sila sa mas mataas na lugar, nakikita nila ang mga bagay na hindi nakikita ng iba at nakapagbibigay sa tamang oras ng mga babala tungkol sa mga paparating na panganib.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Ezekiel 3:17–19, at isipin kung paano natutulad ang mga propeta ng Panginoon sa mga bantay sa tore.

bantay sa isang tore

Tinutulungan tayo ng mga propeta na makita ang mga bagay-bagay mula sa walang hanggang pananaw ng Diyos. Biniyayaan Niya sila ng banal na kaloob na espirituwal na paningin bilang mga tagakita. “[Nalalaman nila] ang mga bagay na nakalipas na, at gayon din ang mga bagay na mangyayari pa lamang,” (Mosias 8:17; tingnan din sa talata 15–16). Tinawag sila ng Panginoon upang maprotektahan tayo mula sa espirituwal at pisikal na panganib.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson ang sumusunod tungkol sa hangarin at responsibilidad ng mga bantay ng Panginoon:

Pangulong Russell M. Nelson

Nakikita at nadarama ng bawat isa sa mga apostol ng Panginoon ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak, lalo na para sa mga nahihirapan. …

Kung minsan, kami bilang mga lider ng Simbahan ay pinupulaan dahil mahigpit naming sinusunod ang mga batas ng Diyos, ipinagtatangol ang doktrina ng Tagapagligtas, at pinaglalabanan ang pamimilit ng lipunan sa ating panahon. Ngunit ang aming tungkulin bilang mga inordenang apostol ay “humayo sa buong daigdig upang ipangaral ang [Kanyang] ebanghelyo sa bawat nilikha” [Doktrina at mga Tipan 18:28]. Ibig sabihin niyan ay iniuutos sa amin na ituro ang katotohanan.

Sa paggawa nito, kung minsa’y inaakusahan kami na walang pagmamalasakit kapag itinuturo namin ang mga ipinagagawa ng Ama para matamo ang kadakilaan sa kahariang selestiyal. Ngunit hindi ba’t mas kawalang-malasakit ang hindi namin sabihin ang katotohanan—ang hindi ituro ang inihayag ng Diyos?

Kaya namin inihahayag ang katotohanan ay dahil lubos naming pinagmamalasakitan ang lahat ng anak ng Diyos. Maaaring hindi namin palaging sinasabi sa mga tao kung ano ang gusto nilang marinig. Ang mga propeta ay bihirang maging popular. Ngunit palagi naming ituturo ang katotohanan! (“The Love and Laws of God” [Brigham Young University devotional, Set. 17, 2019], 3, speeches.byu.edu)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Paano mo nadama ang pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ng mga babala, pagwawasto, at payo ng mga buhay na propeta?

Bahagi 2

Paano nagpapatunay ang pagpapahayag tungkol sa mag-anak na ang mga propeta ng Panginoon ay gumaganap bilang mga bantay sa panahong ito?

Noong Setyembre 23, 1995, sa pangkalahatang pulong ng Relief Society, inilahad ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Bago gawin ito, ipinaliwanag niya kung bakit nadama ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol na kailangang ilabas ang pagpapahayag na ito:

Pangulong Gordon B. Hinckley

Dahil sa dami ng tusong pangangatwiran na ipinapasa bilang katotohanan, sa dami ng panlilinlang na may kinalaman sa mga pamantayan at pinahahalagahan, sa dami ng pang-aakit at panggaganyak na gawin ang mga kasalanang unti-unting lumalaganap sa mundo, nadama namin na kailangan kayong bigyang-babala. Bilang karagdagan dito, kami ng Unang Panguluhan at ng Kapulungan ng Labindalawang Apostol ay nagpapalabas ngayon ng isang pahayag sa Simbahan at sa daigdig bilang pagpapahayag at muling pagpapatibay sa mga pamantayan, doktrina, at gawaing may kinalaman sa pamilya na paulit-ulit na binabanggit ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag ng simbahang ito sa buong kasaysayan nito. (“Stand Strong against the Wiles of the World,” Ensign, Nob. 1995, 100)

nakakuwadrong mga larawan ng pamilya at ang pagpapahayag tungkol sa mag-anak

Ang sumusunod na sipi mula sa talambuhay ni Pangulong Nelson ay naglalarawan kung ano ang ipinakita ng Panginoon sa Kanyang mga Apostol na humantong sa pagbuo ng pagpapahayag tungkol sa mag-anak:

Isang araw noong 1994, nag-ukol ng isang araw ang Korum ng Labindalawang Apostol sa silid na kanilang pinagpupulungan sa Salt Lake Temple at tinalakay ang mga isyung nauugnay sa pamilya. Pinag-usapan nila ang lahat tungkol sa talamak na pornograpiya hanggang sa iba’t ibang batas na laban sa pamilya na posibleng ipatupad. Hindi na ito bagong paksa, ngunit nang araw na iyon umikot ang buong agenda sa napakahalagang paksang ito.

Nirepaso ng Labindalawa ang doktrina at mga patakaran, isinasaalang-alang ang mga bagay na hindi mababago—doktrina—at ang mga maaaring mabago—mga patakaran. Tinalakay nila ang mga isyu na malamang na lumitaw, kabilang na ang pilit na isinusulong ng lipunan na kasal ng mga taong magkapareho ng kasarian at mga karapatan ng mga transgender. “Ngunit hindi pa riyan natatapos ang nakinita naming mangyayari,” paliwanag ni Elder Nelson. “Nakinita namin ang iba’t ibang komunidad na pinipilit na tanggalin ang lahat ng pamantayan at limitasyon sa seksuwal [na mga aktibidad]. Nakinita namin ang kalituhan sa mga kasarian. Nakinita naming mangyayari ang lahat ng ito.”

Ang mahabang talakayang ito, kabilang na ang iba pa sa nakaraang mga araw, ay humantong sa konklusyon na dapat maghanda ang Labindalawa ng dokumento, marahil maging ng pagpapahayag, na bumabalangkas sa pamantayan ng Simbahan ukol sa pamilya at ilahad ito sa Unang Panguluhan para mapag-isipan. (Sheri Dew, Insights from a Prophet’s Life: Russell M. Nelson [2019], 208)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Ano ang pinakamahalaga sa iyo sa pahayag ni Pangulong Hinckley at sa salaysay tungkol kay Pangulong Nelson? Sa pagpapalabas ng pagpapahayag tungkol sa mag-anak, paano ito naglalarawan ng tungkulin ng mga propeta bilang mga bantay sa tore?

Bahagi 3

Paano ko tatanggapin at susundin nang tapat ang mga salita ng mga propeta ng Panginoon?

babaeng nagsusulat habang nanonood ng pangkalahatang kumperensya

Sa Kanyang sariling bayang Nazaret, ang Tagapagligtas ay hindi tinanggap nang ipahayag Niya na Siya ang ipinangakong Mesiyas. Bilang tugon sa maraming pagdududa, sinabi ng Tagapagligtas, “Walang propetang tinatanggap sa kanyang sariling bayan” (Lucas 4:24).

Gayon din, sa ating panahon pinipili ng ilang tao na hindi tanggapin ang mga propeta ng Panginoon. Kung minsan, maaaring nahihirapan ka ring maunawaan o sundin ang mga payo at turo ng mga makabagong propeta.

Sa araw na inorganisa ang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, nakatanggap si Propetang Joseph Smith ng paghahayag mula sa Panginoon na naglalaman ng isang kautusan at mga pangako sa mga miyembro ng Kanyang Simbahan.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 21:4–6 (pansinin na ang mga talatang ito ay tumutukoy kay Propetang Joseph Smith at, maaari ring ipatungkol sa kasalukuyang Pangulo ng Simbahan ng Panginoon). Alamin kung paano tinatanggap ng mga miyembro ng Simbahan ang mga salita ng propeta at ang mga pagpapalang ipinangako ng Panginoon kapag ginawa natin ito. Ang isang interpretasyon ng talatang ito ay kapag “payayanigin [ng Panginoon] ang kalangitan para sa inyong ikabubuti,” Siya ay magbibigay ng mga paghahayag at pagpapala, ibubuhos ang mga ito sa mga sumusunod sa Kanyang mga buhay na propeta.)

ipinapakita ng mga miyembro ang kanilang boto ng pagsang-ayon

Isipin kung ano ang ibig sabihin ng tanggapin ang mga salita ng Panginoon sa pamamagitan ng mga propeta “nang buong pagtitiis at pananampalataya” (talata 5). Isipin din ang mga pagpapalang ipinangako sa paggawa nito. Ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng maraming salaysay tungkol sa mga taong pinipiling magtiis at manampalataya sa mga salita ng mga propeta. Pumili ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na scripture passage upang pag-aralan:

  • 1 Nephi 2:11–16 (Nilisan ni Nephi ang Jerusalem ayon sa tagubilin ng propetang si Lehi)

  • 1 Mga Hari 17:8–24 (Ang balo ng Zarefta ay tumugon sa kahilingan ng propetang si Elijah noong panahon ng taggutom)

  • 2 Mga Hari 5:9–14 (Si Naaman, ang taga-Siria, ay naghangad na mapagaling sa ketong sa pamamagitan ng propetang si Eliseo)

icon, isulat

Isulat ang Iyong mga Naisip

Pinag-iisipan ang iyong nabasa, isulat ang iyong mga sagot sa mga tanong na ito sa isang notebook o note-taking app:

  1. Ano ang matututuhan mo mula sa pagsisikap ng tao na tanggapin ang mga salita ng propeta nang may pagtitiis at pananampalataya?

  2. Bakit maaaring mahirap tanggapin at sundin ang mga salita ng propeta ng Panginoon sa ganitong mga sitwasyon?

  3. Ano ang natutuhan mo tungkol sa Panginoon sa pamamagitan ng ipinagawa Niya sa taong binasa mo?

Habang naglilingkod bilang tagapayo sa Young Women General Presidency, binigyang-diin ni Sister Carol F. McConkie:

Sister Carol F. McConkie

Sa mga pamantayan ng mundo, ang pagsunod sa propeta ay maaaring hindi gusto ng lahat, salungat sa pulitika, o hindi tanggap ng lipunan. Ngunit ang pagsunod sa propeta ay laging tama. (“Mamuhay Ayon sa mga Salita ng mga Propeta,” Liahona, Nob. 2014, 78)

Magkakaroon tayo ng kumpiyansa sa pagsunod sa mga propeta ng Panginoon.