Institute
Lesson 24 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagtugon sa Kalusugan ng Pag-iisip nang May Pag-asa at Pagkahabag


“Lesson 24 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagtugon sa Kalusugan ng Pag-iisip nang May Pag-asa at Pagkahabag,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang-Hanggang Pamilya (2022)

“Lesson 24 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang-Hanggang Pamilya

dalawang babaeng magkayakap

Lesson 24 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Pagtugon sa Kalusugan ng Pag-iisip nang May Pag-asa at Pagkahabag

Ang ating mental at emosyonal na kalusugan ay nakaiimpluwensya sa ating mga iniisip, nadarama, pag-uugali, katatagan, at iba pa. Bagama’t sinisikap nating mapanatili ang mabuting kalusugan, maaari tayong makaranas ng mga problema sa kalusugan ng pag-iisip tulad ng pagkabalisa at depresyon. Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, isipin kung ano ang magagawa mo para lalo pang lumusog ang iyong pag-iisip. Isipin din kung paano ka magiging higit na katulad ng Tagapagligtas sa pakikipag-ugnayan mo sa iyong mga kapamilya at sa iba pa na maaaring nakararanas ng ganitong mga problema o maaaring naiisip ang pagpapakamatay.

Bahagi 1

Ano ang magagawa ko para mas mapangalagaan ko ang aking mental, emosyonal, at espirituwal na kalusugan?

Lahat tayo ay may mga araw o panahon na nakadarama tayo ng lungkot, stress, o pagkabalisa. Mahalagang pag-isipan kung ano ang nadarama natin at bakit natin nadarama iyon at gawin ang lahat ng ating makakaya upang madaig ang mga emosyong ito sa mabubuting paraan.

Sa paglalakbay ng Tagapagligtas sa buong lupain ng Israel, tiyak na naramdaman Niya ang mabigat na responsibilidad ng Kanyang ministeryo. Siya ay nagturo sa Kanyang mga Apostol at matiyaga sa kanilang mga kahinaan. Maraming tao ang naghanap sa Kanya para masaksihan ang Kanyang mga himala o para mapagaling. Ang Kanyang mga kaaway ay patuloy na naghanap ng mga pagkakataong pabulaanan at siraan Siya nang hayagan. Siya ay kinutya, inalipusta, tinanggihan, at ipinagkanulo. Tunay ngang Siya ay “isang taong nagdurusa, at sanay sa kalungkutan” (Isaias 53:3).

Madalas magtungo si Jesus sa mga lugar kung saan Siya maaaring mapag-isa at makausap ang Diyos (tingnan sa Mateo 14:22–23; Marcos 1:35; 6:31, 46; Lucas 5:16). Ang pagsunod sa Kanyang halimbawa ay magpapalakas sa ating mental, emosyonal, at espirituwal na kalusugan. (Paalala: Sa ilang sitwasyon ng matitinding problema sa kalusugan ng pag-iisip o pag-iisip na magpakamatay, mas mabuting may kasamang iba kaysa mag-isa.)

Itinanong ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol sa mga young adult:

Pangulong M. Russell Ballard

May panahon pa ba kayong mapag-isa at mag-isip-isip? …

… Habang mas [tumitindi], umiingay, at abala ang ating mundo, mas [nahihirapan] tayong madama ang Espiritu sa ating buhay. Kung wala kayong panahong mag-isip [nang] mabuti, maaari bang simulan ninyo ito ngayong gabi? (“Mapanatag at Malaman na Ako ang Diyos” [Church Educational System devotional para sa mga young adult, Mayo 4, 2014], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org)

isang young adult na nag-iisip
icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Humanap ng tahimik na lugar para pagnilayan ang iyong mental, emosyonal, at espirituwal na kalusugan sa pamamagitan ng pag-iisip ng mga sumusunod na tanong:

  1. Gumugugol ba ako ng oras araw-araw para palalimin ang aking kaugnayan sa Diyos? Aktibo ba akong naghahanap ng mga paraan para magkaroon ng mabubuting ugnayan sa pamilya at mga kaibigan? Regular ba akong nag-eehersisyo, kumakain ng masusustansyang pagkain, at natutulog nang sapat? Mayroon ba akong makabuluhang trabaho at naglalaan ng oras para sa makabuluhang paglilibang?

  2. Gaano ko pinangangalagaan ang aking emosyonal na kalusugan? Matutukoy ko ba kapag nadarama ko ng partikular na emosyong iyon at kung bakit? Mayroon ba akong mabubuting paraan para makayanan ang mga negatibong emosyon? Kapag nakadarama ako ng stress o pagkabalisa, mayroon ba akong mabubuting paraan para mapahinga at mapanatag ang aking isipan?

  3. Paano mapagpapala ang buhay ko kapag naghinay-hinay ako at pinagnilayan ko ang aking mental, emosyonal, at espirituwal na kalusugan?

Maaari mong pakinggan ang kantang “Slow Down” (6:07), na inawit ni Sissel at ng The Tabernacle Choir and Orchestra at Temple Square.

6:7

Bahagi 2

Ano ang maaari kong gawin para mas maunawaan ang karanasan sa pagkakaroon ng mga problema sa kalusugan ng pag-iisip?

Sa panahon ng ministeryo ng Tagapagligtas sa lupa, pinagaling Niya ang mga tao mula sa lahat ng uri ng karamdaman (tingnan sa Mateo 4:23). Ipinahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan, “Tiyak kabilang sa pagpapagaling na ito ang mga maysakit sa damdamin, kaisipan o espiritu” (“Pinagpapahinga Niya ang Nangabibigatang Lubha,” Liahona, Nob. 2006, 6).

Healing Hands [Mga Kamay na Nagpapagaling], ni Adam Abram

Tulad ng nabanggit kanina, lahat tayo ay may mga sandali o araw na nakadarama tayo ng panghihina, lungkot, o pagkabalisa. Kung nahihirapan tayo sa mga ito o nakakaramdam ng katulad nito sa mahabang panahon, o kung ang mga damdaming ito ay nakahahadlang na sa ating pang-araw-araw na buhay, mahalagang humingi ng tulong (tingnan sa “Paano ko malalaman kung nahihirapan lang ako sa buhay o may problema na ako sa kalusugan ng pag-iisip?,” SimbahanniJesucristo.org).

Bagama’t ang pagkakasala ay maaaring maging sanhi ng pagdurusa ng isipan, damdamin, at espiritu, hindi natin dapat isipin na nagmula ang lahat ng problemang iyan sa kasalanan o kawalan ng pananampalataya. Ang ilan sa pinakamatatapat na anak ng Panginoon ay dumaranas ng mga problema sa kalusugan ng pag-iisip, tulad ng matinding pagkabalisa o matinding depresyon. Bagama’t hindi natin nalalaman ang lahat tungkol sa karamdaman sa pag-iisip, alam natin na kumplikado ito. Ang karamdaman sa pag-iisip ay maaaring iugnay sa mga chemical imbalance sa utak, genetic at mga sanhing dulot ng kapaligiran, trauma, pinsala sa utak, o substance abuse. Sa ating panahon, “isa sa apat na tao ang naaapektuhan ng mental at emosyonal na karamdaman sa ilang bahagi ng kanilang buhay” (Bonnie L. Oscarson, “5 Resources to Help Youth Facing Emotional and Mental Illness,” Nob. 21, 2017, ChurchofJesusChrist.org).

Kung nakararanas kayo ng karamdaman sa pag-iisip, ang pag-aayuno at pagdarasal para mapanatag, paghingi ng mga basbas ng priesthood, at pagdalo sa templo ay kadalasang nagdudulot ng lakas at paggaling. Kung minsan, maaaring magtagal ang karamdaman. Kung mangyayari ito, dapat ninyong malaman na hindi naging walang kabuluhan ang inyong mga pagsisikap (tingnan sa 2 Corinto 12:7–10). Binabantayan kayo ng Panginoon at pababanalin Niya ang karanasang ito para sa inyong ikabubuti (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 122:7).

Isipin kung paano ka masusuportahan ng mga sumusunod na alituntunin sa iyong pagsisikap na mapanatili o mapalakas ang kalusugan ng iyong pag-iisip:

  • Manatiling nakatuon sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Lalo na kapag mahirap madama ang Kanilang impluwensya, piliing kumilos nang may pananampalataya sa Kanila. Isipin ang mga pagkakataon na nadama mo ang Kanilang impluwensya. Tandaan na laging makatutulong ang Tagapagligtas dahil Siya ay “nagpakababa-baba sa lahat ng bagay” (Doktrina at mga Tipan 88:6). Lubos Niyang nauunawaan ang kawalan ng pag-asa at kabiguan ng mga taong dumaranas ng karamdaman sa pag-iisip. Nagpatotoo ang propetang si Alma na nalalaman ni Jesucristo “ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan” (Alma 7:12).

  • Sabihin sa mga mahal mo sa buhay ang nararanasan mo. Ang paglilihim sa karamdaman sa pag-iisip ay makadaragdag sa nararamdamang pag-iisa at makahahadlang sa iyo sa pagtanggap ng kinakailangang tulong, maging ng tulong na nagliligtas ng buhay. Ang ipaunawa sa iba ang nararanasan mo ay magdaragdag sa kakayahan nilang suportahan ka.

  • Humingi ng tulong sa mahuhusay na propesyonal na doktor. Ipinayo ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Jeffrey R. Holland

Kung patuloy na nakadarama ng depresyon, humingi ng payo sa mahuhusay na tao na may sertipiko sa pagsasanay, propesyonal, at mabubuti ang pinahahalagahan. Maging tapat sa kanila tungkol sa nangyayari sa inyo at mga paghihirap ninyo. (“Parang Basag na Sisidlan,” Liahona, Nob. 2013, 41)

Kung may mga kapamilya ka o may kilala kang iba pa na may karamdaman sa pag-iisip, isipin kung paano rin makatutulong sa iyo ang pag-unawa sa mga alituntuning ito para suportahan sila.

Kapag may isang taong nagsabi sa iyo ng problema niya sa kalusugan ng pag-iisip, makinig nang may pagmamahal at huwag manghusga. Tulad ng itinuro ni Sister Reyna I. Aburto ng Relief Society General Presidency:

Sister Reyna I. Aburto

Ang pakikinig nang may pagmamahal ay isa sa mga pinakadakilang kaloob na maibibigay natin, at makatutulong tayo na pasanin o pawiin ang mabibigat na ulap na nagpapahirap sa ating mga mahal sa buhay at mga kaibigan [tingnan sa Roma 2:19; 13:12] nang sa gayon, sa pamamagitan ng ating pagmamahal, muli nilang madama ang Espiritu Santo at ang liwanag na nagmumula kay Jesucristo. (“Sa Dilim at Liwanag, Aking Panginoon, Manatili!,” Liahona, Nob. 2019, 58)

isang tao na hawak ang mga kamay ng isa pang tao
icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Isipin kung paanong ang pagnanais na mas maunawaan ang mga problema sa kalusugan ng pag-iisip ay makadaragdag sa iyong pagtitiyaga at pagkahabag para sa mga yaong nakararanas ng mga ito. Maaari mong panoorin ang video na “Parang Basag na Sisidlan” (11:36), na naglalahad ng personal na salaysay tungkol sa mga taong namuhay nang may karamdaman sa pag-iisip, gayundin ng payo ni Elder Holland.

11:36

Bahagi 3

Ano ang maaari kong gawin para mapigilan ang pagpapakamatay o matulungan ang mga nawalan ng mahal sa buhay dahil sa pagpapakamatay?

Ang matitinding problema sa kalusugan ng pag-iisip ay kabilang sa mga panganib na sanhi ng pagpapakamatay. “Hindi naman nais mamatay ng karamihan sa mga taong nagtatangkang magpakamatay; nais lamang nila ng ginhawa mula sa pisikal, mental, emosyonal, o espirituwal na sakit na nararanasan nila” (“Paano Mapipigilan ang Pagpapakamatay at Pagbangon Matapos Mawalan ng Isang Mahal sa Buhay,” SimbahanniJesucristo.org).

isang young adult na nakatalungko

Kung naiisip mo o ng isang taong kilala mo na magpakamatay, humingi kaagad ng tulong. Maaaring kabilang dito ang pagpunta sa isang emergency room sa ospital o pagtawag sa libreng crisis help line. (Maghanap ng mga link sa mga help line sa iba’t ibang dako ng mundo sa “Kailangan mo ng tulong? Makipag-usap Ngayon,” SimbahanniJesucristo.org.)

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Mosias 18:8–9, at isipin kung paano ka magagabayan ng scripture passage na ito sa pagtulong sa mga yaong nahihirapan sa mga problema sa kalusugan ng pag-iisip o nag-iisip na magpakamatay. (Matapos basahin ang scripture passage na ito, maaaring makatulong sa iyo na basahin ang artikulo na “Paano Tutulungan ang Isang Taong May Mabigat na Pinagdaraanan” sa SimbahanniJesucristo.org.)

Kapag nagpakamatay ang isang tao, makadarama tayo ng matinding pagdadalamhati. Sinabi ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol na maaaring abutin ng mahabang panahon para gumaling matapos mawalan ng isang taong nagpakamatay. Pagkatapos ay ibinigay niya ang sumusunod na payo:

Elder Dale G. Renlund

Sikapin lang na makayanan ang susunod na araw at pagkatapos ay ang susunod at ang susunod pa. … Tutulungan tayo ng Panginoon. … Nariyan Siya araw-araw. (“*Grieving after a Suicide” [video], ChurchofJesusChrist.org)

2:7

Si Jesucristo ay may ganap na pang-unawa, pagdamay, at pagmamahal. Maaari at dapat nating ipaubaya sa Kanyang mga kamay ang paghatol. Itinuro ni Pangulong Ballard:

Pangulong M. Russell Ballard

Mangyari pa, hindi natin alam ang buong dahilan sa bawat pagpapakamatay. Tanging ang Panginoon ang nakakaalam ng mga detalye, at siya ang hahatol sa lahat ng ginawa natin dito sa lupa.

Kapag hahatulan na niya tayo, pakiramdam ko ay isasaalang-alang niya ang lahat ng bagay: ang ating mga namanang katangian at kemikal na komposisyon, ang kalagayan ng ating pag-iisip, ang ating katalinuhan, ang mga turong natanggap natin, ang mga tradisyon ng ating mga ninuno, ang ating kalusugan, at iba pa. (“Suicide: Some Things We Know, and Some We Do Not,” Ensign, Okt. 1987, 8)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Isipin kung ano ang magagawa mo para mapigilan ang pagpapakamatay.

1:43