“Lesson 17 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagtutulungan ng Mag-asawa Bilang Magkasama na May Pantay na Pananagutan,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang-Hanggang Pamilya (2022)
“Lesson 17 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang-Hanggang Pamilya
Lesson 17 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Pagtutulungan ng Mag-asawa Bilang Magkasama na May Pantay na Pananagutan
Sa pamilya, binigyan ng Panginoon ang kalalakihan at kababaihan ng “magkaiba ngunit parehong mahalagang papel [na] sinusuportahan ng mga papel na ito ang isa’t isa”(M. Russell Ballard, “Ang mga Sagradong Responisibilidd ng Pagiging Magulang,” Liahona, Mar. 2006, 29). Itinuro ng mga propeta na “sa mga banal na tungkuling ito, ang mga ama at ina ay may pananagutang magtulungan bilang magkasama na may pantay na pananagutan” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” SimbahanniJesucristo). Ang mga responsibilidad na ito ay tatalakayin nang mas malalim sa susunod na ilang lesson.
Bahagi 1
Paano ako tutulong bilang asawa na may pantay na pananagutan sa aming pamilya?
Matututuhan natin ang mahahalagang katotohanan tungkol sa ugnayan na nilayon ng Panginoon para sa mag-asawa mula sa paraan ng paglalarawan Niya sa paglikha kay Eva ayon sa nakatala sa aklat ni Moises.
Ang paglalarawan sa paglikha kay Eva mula sa tadyang ni Adan ay matalinghaga (tingnan sa Spencer W. Kimball, “The Blessings and Responsibilities of Womanhood,” Ensign, Mar. 1976, 71). Ipinaliwanag ni Russell M. Nelson ang isang posibleng simbolikong kahulugan ng tadyang:
Ang tadyang, na mula sa tagiliran ng katawan, ay nagpapahiwatig ng pagiging magkatuwang. Ang tadyang ay hindi nangangahulugang paghahari ni pagpapaalipin kundi pagiging magkasama na may pantay na pananagutan, gumagawa at namumuhay, nang magkatuwang. (“Lessons from Eve,” Ensign, Nob 1987, 87)
Itinuro ni Pangulong Linda K. Burton, dating Relief Society General President, ang sumusunod tungkol sa kahulugan ng katulong:
Ang katagang katulong ay “katuwang na akma, karapat-dapat, o nauukol sa kanya.” Halimbawa, ang dalawang kamay natin ay magkatulad ngunit hindi parehong-pareho. Sa katunayan, magkabaligtad ang mga ito, ngunit nagkakatulong ito at angkop sa isa’t isa. Sa pagtutulungan, mas malakas sila. (“Magkasama Tayong Aangat,” Liahona, Mayo 2015, 30)
Ang ilang kultura o personal na paniniwala at pag-uugali ay makahahadlang sa atin sa pagtulong bilang asawa na may pantay na pananagutan sa ating pamilya. Inilarawan ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan ang ilan sa mga sitwasyong ito at kung paano daigin ang mga ito:
May maling ideya ang ilang asawang lalaki sa Africa na nagpapahinga ang lalaki habang nagtatrabaho sa bahay ang babae o mga alipin lang ng lalaki ang kanyang asawa’t mga anak. Hindi ito nakalulugod sa Panginoon dahil hadlang ito sa uri ng relasyon ng pamilya na dapat manaig sa kawalang-hanggan at pinipigilan nito ang uri ng pag-unlad na dapat mangyari dito sa lupa kung nais nating maging karapat-dapat sa mga pagpapala ng kawalang-hanggan. Pag-aralan ang mga banal na kasulatan at makikita ninyo na sina Adan at Eva, ang una nating mga magulang, ang huwaran nating lahat, ay magkasamang nanalangin at nagtrabaho (tingnan sa Moises 5:1, 4, 10–12, 16, 27). Iyan dapat ang maging huwaran ng buhay natin sa pamilya—iginagalang ang isa’t isa at magkasamang nagtatrabaho nang may pagmamahal. (“Ang Kultura ng Ebanghelyo,” Liahona, Mar. 2012, 44)
Bahagi 2
Ano ang ibig sabihin ng mangulo o mamuno sa pamilya?
Nagtalaga ang Panginoon ng mga natatanging responsibilidad sa mga mag-asawa para sa kanilang pamilya na “pantay ang kahalagahan at importansya” (Quentin L. Cook, “Malaking Pagmamahal para sa mga Anak ng Ating Ama,” Liahona, Mayo 2019, 79). Ang ilan sa mga responsibilidad na ito ay tatalakayin sa susunod na mga lesson. Ngunit ang isang halimbawa ay ang sumusunod na sagradong responsibilidad na ibinigay ng Panginoon sa mga asawang lalaki at ama: “Sa plano ng Diyos, ang mga ama ang mangungulo sa kanilang mga mag-anak sa pagmamahal at kabutihan” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” SimbahanniJesucristo.org). Sa pagpanaw ng asawa o ama, ang asawa o ina ang mangungulo sa tahanan (tingnan sa Russell M. Nelson, “Mga Espirituwal na Kayamanan,” Liahona, Nob. 2019, 79).
Isipin kung paano makadadagdag ang mga sumusunod na turo sa iyong pagkaunawa kung paano mangungulo o mamumuno ang isang ama sa kanyang pamilya sa pagmamahal at kabutihan:
Ang pamumuno sa pamilya ay ang responsibilidad na tulungang gabayan ang mga miyembro ng pamilya na makabalik at manirahang muli sa piling ng Diyos. Ito ay naisasagawa sa pamamagitan ng paglilingkod at pagtuturo nang may kahinahunan, kaamuan, at dalisay na pagmamahal, na sinusunod ang halimbawa ni Jesucristo (tingnan sa Mateo 20:26–28). Kasama sa pamumuno sa pamilya ang pangunguna sa regular na panalangin ng pamilya, pag-aaral ng ebanghelyo, at iba pang mga aspekto ng pagsamba. Ang mga magulang ay magkasamang nagsisikap na magampanan ang mga responsibilidad na ito. (“Mga Magulang at mga Anak,” Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 2.1.3)
Itinuro ni Apostol Pablo ang tungkol sa responsibilidad ng isang lalaki na mamuno nang walang kasakiman nang sabihin niyang: “Ang asawang lalaki ang ulo ng asawang babae, gaya ni Cristo na ulo ng iglesya. … Mga asawang lalaki, mahalin ninyo ang inyu-inyong mga asawa, gaya ni Cristo na nagmahal sa iglesya, at ibinigay ang kanyang sarili alang-alang sa kanya” (Efeso 5:23, 25). Binigyang-diin ni Pangulong Ezra Taft Benson, matapos banggitin ang Efeso 5:23, kung paano naging perpektong halimbawa ang Tagapagligtas sa pamumuno:
Iyan ang huwarang susundin natin sa ating tungkuling mamuno sa tahanan. Hindi natin nakikita ang Tagapagligtas na namumuno nang mabagsik o malupit sa Simbahan. Hindi natin nakikita ang Tagapagligtas na tinatrato ang Kanyang Simbahan nang walang-galang o mapagpabaya. Hindi natin nakikita ang Tagapagligtas na namumuwersa o namimilit sa pagsasagawa ng Kanyang mga layunin. Hindi natin nakikita ang Tagapagligtas na gumagawa ng anuman maliban sa mga bagay na nagpapalakas, nagpapasigla, pumapanatag, at nagpapadakila sa Simbahan. Mga kapatid, taimtim kong sinasabi sa inyo, Siya ang huwarang kailangan nating sundin sa espirituwal na pamumuno natin sa ating mga pamilya. (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 227)
Sa isang inspiradong liham sa mga miyembro ng Simbahan, inilarawan ni Propetang Joseph Smith ang kahalagahan ng pagpapakita ng mga katangian na tulad ng kay Cristo kapag namumuno sa iba. Ang mga katangiang ito ay angkop sa pamumuno sa pamilya.
Bahagi 3
Paano magsasanggunian nang matwid ang mag-asawa sa pamumuno sa kanilang pamilya?
Maaaring maunawaan nang mali ang kahulugan ng “pamumuno sa pamilya.” Halimbawa, may ilang tao na mali ang pagkaunawa sa wika ng mga banal na kasulatan tulad ng Genesis 3:16 (sinabi ng Panginoon kay Eva na si Adan ay “mamumuno” sa kanya), at inakala nila na ang kahulugan nito ay maaaring maghari-harian o maging mapanupil ang isang asawang lalaki, na hindi tama. Ang tagubilin na ito mula sa Panginoon ay tungkol sa responsibilidad ng isang asawang lalaki na mamuno sa pagmamahal at kabutihan. Tulad ng itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley hinggil sa kahulugan ng pariralang ito, “responsibilidad ng asawang lalaki sa pamumuno ang maglaan, magprotekta, magpalakas at mangalaga sa asawa” (“Daughters of God,” Ensign, Nob. 1991, 99; tingnan din sa Spencer W. Kimball, “The Blessings and Responsibilities of Womanhood,” Ensign, Mar. 1976, 72).
Hinggil sa di-matwid na pamumuno o panunupil ng mga asawang lalaki, itinuro ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol:
May kultura ba kayo sa inyong tahanan kung saan ang asawang lalaki ay dominante, naghahari-harian, at gumagawa ng lahat ng mahahalagang desisyon para sa pamilya? Ang paraang iyan ay kinakailangang baguhin nang sa gayon ang mag-asawa ay magtutulungan bilang magkasama na may pantay na pananagutan at gagawa ng mga desisyon nang nagkakaisa para sa kanilang sarili at kanilang pamilya. Walang pamilya ang mananatiling magkakasama kapag may takot at pamimilit; na humahantong sa pagtatalu-talo at paghihimagsik. Pagmamahal ang pundasyon ng isang masayang pamilya. (“Removing Barriers to Happiness,” Ensign, Mayo 1998, 86)
Nang may pagpapakumbaba, paggalang, at kabaitan, ang mag-asawa ay dapat magsanggunian sa paggawa ng mga desisyon para sa kanilang pamilya. Itinuro ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Sa family council, ang mga mag-asawa, na may pantay na pananagutan, ang gumagawa ng mahahalagang desisyon. Sila ang nagpapasiya kung paano tuturuan at didisiplinahin ang mga anak, paano gugugulin ang pera, saan sila titira, at maraming iba pang desisyon sa pamilya. Magkasama nila itong ginagawa matapos humingi ng patnubay sa Panginoon. (“Tanglaw Ko ang Diyos,” Liahona, Mayo 2015, 64)
Pag-isipan ang sumusunod na karagdagang mahahalagang katotohanang ito na may kaugnayan sa pagsasanggunian ng mag-asawa at paghihikayat ng pagtutulungan ng mag-asawa bilang magkasama na may pantay na pananagutan:
-
Ang mag-asawa ay dapat “magkasama” sa paggawa ng mga desisyon (L. Whitney Clayton, “Pagsasama ng Mag-asawa: Magmasid at Matuto,” Liahona, Mayo 2013, 84).
-
Ang mga asawang babae ay kinakailangang “magsalita bilang ‘isang tumutulong at ganap na katuwang’ [Spencer W. Kimball, “Privileges and Responsibilities of Sisters,” Ensign, Nob. 1978, 106] sa pakikiisa [nila] sa [kanilang] asawa sa pamumuno sa [kanilang] pamilya” (Russell M. Nelson, “Isang Pakiusap sa Aking mga Kapatid na Babae,” Liahona, Nob. 2015, 97).
-
Ang mag-asawa ay may “pantay na kapangyarihan na tumanggap ng paghahayag para sa kanilang pamilya” (Quentin L. Cook, “Malaking Pagmamahal para sa mga Anak ng Ating Ama,” Liahona, Mayo 2019, 79).
-
Ang mga magulang ay maaaring magdaos ng mga family council kasama ang kanilang mga anak para magsanggunian nang magkakasama tungkol sa mga desisyon o problema na may kinalaman sa buong pamilya (tingnan sa M. Russell Ballard, “Mga Family Council,” Liahona, Mayo 2016, 63–65).