“Lesson 20 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Sagradong mga Responsibilidad ng mga Ama,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya (2022)
“Lesson 20 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya
Lesson 20 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Ang Sagradong mga Responsibilidad ng mga Ama
Itinalaga ng Ama sa Langit sa Kanyang mga anak na lalaki ang mga responsibilidad na “[mangulo] sa kanilang mga mag-anak sa pagmamahal at kabutihan at … maglaan para sa mga pangangailangan sa buhay at kaligtasan ng kanilang mga mag-anak” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” simbahannijesucristo.org). Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, pag-isipan kung paano ka napagpala sa pamamagitan ng mga ama at ng iba pang kalalakihan na nagsikap na gampanan ang sagradong mga responsibilidad na ito.
Paalala: Sa lesson na ito, magtutuon tayo sa responsibilidad na magprotekta. Ang mga paksa tungkol sa tungkuling mangulo at maglaan ay tinalakay na sa nakaraang mga lesson.
Bahagi 1
Paano matutularan ng kalalakihan ang halimbawa ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa kanilang mga pagsisikap bilang mga ama?
Habang naglilingkod sa Relief Society General Presidency, nagsalita si Pangulong Linda K. Burton tungkol sa ilang hamon na kinakaharap ng kalalakihan:
Napakahirap siguro sa mga pinagtipanang kalalakihan na mabuhay sa isang mundo na hindi lamang minamaliit ang kanilang mga banal na tungkulin at responsibilidad kundi naghahatid din ng maling mensahe tungkol sa kahulugan ng maging “tunay na lalaki.” Ang isang maling mensahe ay “Tungkol itong lahat sa akin.” Nasa kabilang dulo ng timbangan ang nakahihiya at nangungutyang mensahe na hindi na kailangan ang mga asawang lalaki at ama. Nakikiusap ako na huwag ninyong pakinggan ang mga kasinungalingan ni Satanas! Tinalikuran na niya ang sagradong pribilehiyo na maging asawa o ama. Dahil naiinggit siya sa mga taong may sagradong papel na hindi niya kailanman magagampanan, hangad niyang gawin “ang lahat ng tao … [na] kaaba-abang katulad ng kanyang sarili” [2 Nephi 2:27]! (“Magkasama Tayong Aangat,” Liahona, Mayo 2015, 30)
Mapaglalabanan natin ang mga maling mensahe tungkol sa pagiging ama sa pamamagitan ng pagtingin sa Ama sa Langit bilang perpektong halimbawa ng pagiging mabuting ama. Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang nagpakita ng sakdal at banal na pagkaama ay ang ating Ama sa Langit. Kasama sa Kanyang pag-uugali at mga katangian ang saganang kabutihan at sakdal na pagmamahal. Ang kanyang gawain at kaluwalhatian ay ang pag-unlad, kaligayahan, at buhay na walang hanggan ng Kanyang mga anak [tingnan sa Moises 1:39]. Ang mga ama sa makasalanang mundong ito ay hindi maikukumpara sa Kamahalang nasa Kalangitan, ngunit sa abot ng kanilang makakaya, pinagsisikapan nilang tularan Siya, at tunay ngang masigasig sila sa Kanyang gawain. Sila ay pinagkalooban ng pambihira at mahinahong pagtitiwala. (“Mga Ama,” Liahona, Mayo 2016, 94)
Natututuhan din natin ang mga alituntunin ng pagiging mabuting ama mula sa halimbawa ni Jesucristo. Kapag tayo ay espirituwal na isinilang na muli, Siya ang nagiging Ama ng ating bagong buhay (tingnan sa Mosias 5:7; Eter 3:14; Doktrina at mga Tipan 25:1).
Bahagi 2
Paano makatutulong ang pagiging mapagmahal at lubos na nakatuong ama sa pagprotekta sa kanilang pamilya?
Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang responsibilidad ng isang ama na protektahan ang kanyang pamilya ay kinabibilangan ng pagprotekta sa pisikal at espirituwal:
Umaasa ang Diyos at ang Kanyang mga propeta sa mga ama hindi lamang sa pagtataguyod ng kanilang pamilya kundi sa pangangalaga rin sa kanila. Laganap sa mundong ginagalawan natin ang lahat ng uri ng panganib. Ang pisikal na proteksyon laban sa mga panganib na likas o likha ng tao ay mahalaga. Nakapalibot din sa atin ang mga panganib sa moralidad, na nakakaharap ng ating mga anak sa murang edad pa lamang. Mahalaga ang [ginagampanan] ng mga ama sa pangangalaga sa kanilang mga anak laban sa gayong mga patibong. (“Ang mga Sagradong Responsibilidad ng Pagiging Magulang,” Liahona, Mar. 2006, 14)
Bilang karagdagan sa mga paraan ng pagprotekta ng mga ama sa kanilang mga anak, itinuro ni Pangulong Howard W. Hunter:
Pinoprotektahan ng isang mabuting ama ang kanyang mga anak sa pamamagitan ng pag-uukol ng kanyang panahon at lubos na pagtutuon sa kanilang mga aktibidad at responsibilidad sa lipunan, pag-aaral, at sa espirituwal. Ang magiliw na pagpapakita ng pagmamahal at pagmamalasakit sa mga anak ay responsibilidad din ng ama tulad ng ina. Sabihin sa mga anak ninyo na mahal ninyo sila. (“Being a Righteous Husband and Father,” Ensign, Nob. 1994, 51)
Ang pagiging isang mapagmahal at lubos na nakatuong ama ay nangangailangan ng kusa at patuloy na pagsisikap. Isipin kung ano ang matututuhan mo sa sumusunod na halimbawa ni Pangulong Russell M. Nelson:
Ang trabaho ko ay suportahan ang aking asawa at mga anak, hindi ang kabaliktaran nito. … Kapag nasa bahay na kayo, pagtuunan ang inyong pamilya. Huwag nang isipin o pagtuunan pa ang nangyari sa maghapon. Ibigay sa kanila ang 100 porsiyento ng inyong atensyon kapag kasama ninyo sila. Madalas kong sabihin sa sarili ko, “Huwag kang pumasok sa bahay na iyan, Russell, kung hindi mo mapagpapala ang buhay ng iyong mga anak at asawa.” (Sa Vivian S. Lee, “Elder Russell M. Nelson, M.D., ’47,” Good Notes (blog), University of Utah Health, Set. 12, 2014, uofuhealth.utah.edu/notes)
Ang positibong impluwensya ng isang ama sa kanyang mga anak ay maaaring magkaroon ng napakagandang epekto sa kanilang pag-unlad. Halimbawa, nakasaad sa pagsasaliksik na ang isang amang mapagmahal at palaging nariyan ay:
-
Makapaghihikayat ng pagkakaroon ng paggalang sa sarili, pagpipigil sa sarili, kakayahang makayanan ang stress, at pag-unawa at pagkilala sa kasarian (dito, tinutukoy ang biological sex sa pagsilang) sa kanyang mga anak na lalaki at babae.
-
Makapagpapaibayo ng katatagan ng loob at kumpiyansa sa sarili sa kanyang mga anak at mas tumitibay ang kanilang ugnayan.
-
Makababawas sa paglaganap ng kahirapan, krimen, at paggamit ng droga sa mga bata. (Tingnan sa James E. Faust, “Mga Ama, Ina, Kasal,” Liahona, Ago. 2004, 3–7; tingnan din ang mga reperensya na binanggit sa artikulong ito.)
Ang nagpoprotektang impluwensya ng isang ama ay lubos na kumukumpleto sa mahalagang pag-aaruga ng isang ina. Bilang magkasama na may pantay na pananagutan sa pamilya, ang mga ina ay may responsibilidad rin na protektahan ang kanilang pamilya. Ang mag-asawa ay maaaring magtulungan at magsanggunian habang ginagampanan nila ang sagradong tungkuling ito.
Ang tungkulin ng mga ama at ang sagradong responsibilidad na magprotekta ay para sa lahat ng anak na lalaki ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng kanilang banal na walang hanggang katangian at tadhana. Bagama’t una sa lahat ay ginagampanan ng kalalakihan ang responsibilidad sa kanilang pamilya, magagampanan din nila ang responsibilidad na ito sa iba pang mga sitwasyon. Isipin ang mga halimbawa ni Jetro sa kanyang manugang na si Moises (tingnan sa Exodo 18) at si Helaman sa mga kabataang mandirigma (tingnan sa Alma 56–57). Anong iba pang mga halimbawa sa mga banal na kasulatan ang maiisip mo?
Bahagi 3
Paano makatutulong sa mga ama ang banal na paghahayag at kapangyarihan ng priesthood para maprotektahan nila ang kanilang pamilya?
Mula sa karanasan ni Jose ng Nazaret, matututuhan natin ang isang mahalagang alituntunin kung paano protektahan ang ating pamilya.
Ang paghahayag ay makatutulong din sa mga ama sa ating panahon para maprotektahan at mapagpala ang kanilang pamilya. Tulad ng ipinayo ni Pangulong Ballard, “Dapat hangarin lagi ng mga ama ang patnubay ng Espiritu Santo para malaman nila ang dapat gawin at sabihin, at malaman din kung ano ang hindi dapat gawin at sabihin (“Ang mga Sagradong Responsibilidad ng Pagiging Magulang,” 14).
Ang kalalakihan na mga disipulo ni Jesucristo na tumutupad sa mga tipan ay may isa pang sagradong kaloob na magagamit nila para protektahan ang kanilang pamilya. Sa pagsasalita sa kalalakihan, itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tungkol sa kaloob na ito:
Taglay ninyo ang kapangyarihan ng priesthood mula mismo sa Panginoon para protektahan ang inyong tahanan. May mga panahon na lahat ng tumatayong kalasag sa pagitan ng inyong pamilya at ng kasamaan ng kaaway ay siyang magiging kapangyarihang iyon. (“Ang Kapangyarihan ng Priesthood,,” Liahona, Mayo 2010, 9)
Itinuro ni Pangulong Nelson sa kalalakihan kung paano nila palalakasin ang kanilang kapangyarihan ng priesthood para maprotektahan ang kanilang pamilya:
Gawing mahalagang bahagi ng inyong buhay ang pagtutuon sa araw-araw na pagsisisi nang sa gayon ay magamit ninyo ang priesthood nang may mas malakas na kapangyarihan kaysa noon. Ito lamang ang tanging paraan na mapapanatili ninyong espirituwal na ligtas ang inyong sarili at ang inyong pamilya sa mahihirap na araw na darating. (“Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay,” Liahona, Mayo 2019, 69)