“Lesson 15 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Kautusan na Magpakarami at Punuin ang Lupa,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya (2022)
“Lesson 15 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya
Lesson 15 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Ang Kautusan na Magpakarami at Punuin ang Lupa
Ano ang mga inaasam o inaalala mo tungkol sa pagkakaroon ng mga anak? Habang pinag-aaralan mo ang sumusunod na materyal, manalangin na mapalalim ang iyong pang-unawa sa mga sagradong layunin na naisasakatuparan sa plano ng Ama sa Langit kapag pinipili ng mag-asawa na magkaroon ng mga anak. Isipin kung paano maaaring kumilos nang may pananampalataya ang mag-asawa na sundin ang banal na kautusang magpakarami at punuin ang lupa.
Bahagi 1
Ano ang layunin ng pagkakaroon ng mga anak sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit?
Isipin ang iba’t ibang opinyon na narinig mo sa mga tao tungkol sa pagkakaroon ng mga anak. Ibinahagi ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol ang pananaw ng isang ina:
Maraming tinig sa mundo ngayon ang nagbabale-wala sa kahalagahan ng pag-aanak o nagmumungkahing ipagpaliban o limitahan ang dami ng anak sa isang pamilya. Kamakailan ay ipinabasa sa akin ng mga anak kong babae ang blog na isinulat ng isang inang Kristiyano (hindi natin kasapi) na may limang anak. Sabi niya: “[Lumaki ako] sa kulturang ito, at napakahirap kumuha ng pananaw sa Biblia tungkol sa pagiging ina. … Ang pag-aaral ay inuuna kaysa pag-aanak. Siguradong inuuna rin ang paglalakbay sa iba’t ibang lugar. Inuuna rin ang paglabas sa gabi kapag ginusto. Inuuna ang pagpapaganda ng katawan sa gym. Inuuna ang trabahong inyong papasukan o inaasam na pasukan.” Idinagdag pa niya: “Ang pagiging ina ay hindi isang libangan, ito ay isang tungkulin. Hindi kayo nagpaparami ng mga anak dahil sa mas cute sila kaysa mga stamp. Hindi ito isang bagay na isisingit kapag may panahon kayo. Binigyan kayo ng Diyos ng panahon para dito” [Rachel Jankovic, “Motherhood Is a Calling (and Where Your Children Rank),” Hulyo 14, 2011, desiringgod.org]. (“Mga Anak,” Liahona, Nob. 2011, 28)
Matapos likhain ng Diyos sina Adan at Eva at ikasal at ibuklod sila sa bago at walang hanggang tipan ng kasal, binigyan Niya sila ng isang kautusan.
Binigyang-diin ng mga propeta sa mga huling araw, “Ang unang kautusan na ibinigay ng Diyos kina Adan at Eva ay tungkol sa kanilang posibilidad bilang mag-asawa na maging mga magulang. Ipinahahayag namin na ang kautusan ng Diyos na magpakarami at kalatan ang lupa ay nananatiling may bisa” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” simbahannijesucristo.org).
Isipin kung bakit kailangang muling pagtibayin ang kautusang ito sa ating panahon. Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan na “ang pinakamatinding pagsalungat ni Satanas ay nakatuon sa kung ano ang pinakamahalaga sa plano ng Diyos.” Kabilang sa pagsalungat na ito ang paghahangad na “pigilin ang pagkakaroon ng anak—lalo na ng mga magulang na magpapalaki ng mga bata sa katotohanan” (“Katotohanan at ang Plano,” Liahona, Nob. 2018, 27).
Binibiyayaan tayo ng ebanghelyo ni Jesucristo ng banal na pananaw tungkol sa kahalagahan ng mga anak (para sa halimbawa, tingnan sa Mga Awit 127:3 at Mateo 19:13–15). Itinuro ni Elder Andersen:
Dakilang pribilehiyo ng isang mag-asawang maaaring magkaanak ang maglaan ng mga mortal na katawan para sa mga espiritung anak ng Diyos. …
Kapag isinilang ang isang bata sa isang mag-asawa, tinutupad nila ang bahagi ng plano ng ating Ama sa Langit na magdala ng mga bata sa lupa. Sabi ng Panginoon, “Ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” [Moises 1:39]. Bago maging imortal, kailangan munang maging mortal. (“Mga Anak,” 28)
Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang pagkakaroon ng mga anak ay bahagi ng layunin ng mortalidad:
Ang layunin ng mortalidad ay maging higit na katulad ng Diyos sa pagtatamo ng pisikal na katawan, paggamit ng kalayaan, at pag-ako sa dati-rati’y mga tungkulin lamang ng ating mga magulang sa langit—ang papel ng asawang lalaki, maybahay, at magulang. …
… Ang isang mahalagang layon ng mortal na buhay ay para matularan natin mismo ang karanasang iyon sa pamilya, sa pagkakataong ito bilang mga magulang sa halip na bilang mga anak lamang. …
Nais ng [Ama sa Langit] na … sundin ang Kanyang unang utos na “magpakarami at kalatan [ang mundo]”—na hindi lamang para isakatuparan ang Kanyang plano kundi makasumpong din ng kagalakan na plano Niyang ibigay sa Kanyang mga anak. (“Ang mga Oportunidad at Responsibilidad ng mga CES Teacher sa Ika-21 Siglo” [isang gabi kasama ang General Authority, Peb. 26, 2016], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org)
Bahagi 2
Paano namin mapagpapasiyahan ng asawa ko kung kailan kami magkakaanak at kung ilang anak?
Ang mga mag-asawa ay nahaharap sa mahahalagang tanong kung kailan sila magkakaanak at kung ilang anak.
Tinalakay ni Elder Andersen ang kahalagahan ng pagsangguni sa Panginoon sa paggawa ng mga desisyong ito:
Kung kailan mag-aanak at kung ilang anak ay desisyon na ng mag-asawa at ng Panginoon. Sagrado ang mga desisyong ito—mga desisyong dapat gawin nang may taimtim na panalangin at malaking pananalig. …
Mga kapatid, huwag nating husgahan ang isa’t isa sa sagrado at pribadong responsibilidad na ito. (“Mga Anak,” 28, 30)
Maaaring hindi magkaroon ng mga anak ang ilang tao na tapat na nagnanais na magkaroon ng mga anak sa buhay na ito. Tungkol dito, itinuro ni Elder Andersen:
Ang pagkakaroon ng mga anak ay isang paksang makasasakit din sa damdamin ng mabubuting magkasintahan na nagpakasal at nalaman na hindi sila magkakaroon ng mga anak na kanilang pinanabikan o ng mag-asawang planong magkaroon ng malaking pamilya ngunit kaunti lang ang naging anak.
Hindi natin laging maipapaliwanag ang mga paghihirap natin sa buhay. Kung minsan ay parang hindi patas ang buhay—lalo na kapag ang pinakamalaking hangarin natin ay sundin ang mismong utos ng Panginoon. Bilang lingkod ng Panginoon, tinitiyak ko sa inyo na ang pangakong ito ay matutupad: “Ang matatapat na miyembro na hindi natanggap ang mga pagpapala ng walang-hanggang kasal at hindi naging magulang sa buhay na ito nang dahil sa sitwasyon sa kanilang buhay ay matatanggap ang lahat ng ipinangakong pagpapala sa kawalang-hanggan, kapag tinupad nila ang mga tipang ginawa nila sa Diyos” [Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 38.1.4, simbahannijesucristo.org]. (“Mga Anak,” 30)
Bahagi 3
Paano nakaiimpluwensya sa ating pagpili ang pag-unawa natin sa kasagraduhan ng buhay sa plano ng Diyos?
Sa pamamagitan ng mga buhay na propeta, binigyang-diin ng Panginoon ang kasagraduhan ng buhay ng tao at ang karapatan ng lahat ng bata, kabilang ang mga hindi pa isinisilang:
Pinagtitibay namin ang kabanalan ng buhay at ang kahalagahan nito sa walang hanggang plano ng Diyos. …
… Ang mga anak ay may karapatang isilang sa loob ng bigkis ng kasal at palakihin ng isang ama at isang ina na gumagalang nang buong katapatan sa pangakong kanilang ginawa nang sila ay ikasal. (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”)
Hinggil sa kasagraduhan ng buhay, itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
Walang sinumang makakayakap sa isang walang-malay na sanggol, makakatitig sa magagandang matang iyon, makakahawak sa munting mga daliri, at makakahalik sa pisngi ng sanggol nang hindi nakadarama ng matinding paggalang sa buhay at sa ating Manlilikha. Ang buhay ay nagmula sa buhay. Hindi ito nagkataon lang. Ito ay kaloob ng Diyos. (“Aborsiyon: Pagsalakay sa Walang Kalaban-laban,” Liahona, Okt. 2008, 19)
Ang pagpapahayag tungkol sa mag-anak ay nagsalita laban sa iba’t ibang gawain na tanggap na ngayon ng maraming tao, tulad ng aborsiyon at pagkakaroon ng mga anak nang hindi kasal. Hinggil sa aborsiyon, sa maraming bahagi ng mundo, ang gawaing ito ay tanggap na, at milyun-milyong aborsiyon ang ginagawa taun-taon.
Ang mga lider ng Simbahan ay nagbigay ng sumusunod na tagubilin tungkol sa aborsiyon o pagpapalaglag:
Iniutos ng Panginoon, “Huwag kayong … pumatay, ni gumawa ng anumang bagay na tulad nito” (Doktrina at mga Tipan 59:6). Ang Simbahan ay hindi sumasang-ayon sa pagpapalaglag para sa personal o panlipunan na kaginhawaan. Ang mga miyembro ay hindi dapat sumailalim, magsagawa, gumawa ng paraan para magkaroon, magbayad, pumayag, o maghikayat ng pagpapalaglag. Ang tanging posibleng eksepsyon ay kapag:
Ang pagbubuntis ay bunga ng sapilitang panggagahasa o puwersahang seksuwal na relasyon sa pagitan ng magkakamag-anak o incest.
Nasuri ng mapagkakatiwalaang doktor na nanganganib ang buhay o kalusugan ng ina.
Nasuri ng mapagkakatiwalaang doktor na may malulubhang depekto ang sanggol sa sinapupunan kaya hindi rin mabubuhay ang sanggol matapos isilang.
Ang mga eksepyong ito ay hindi kaagad magbibigay-katwiran sa pagpapalaglag. Ang pagpapalaglag ay isang seryosong bagay at ito ay dapat isaalang-alang lamang matapos sumangguni ang mga taong responsable sa desisyong ito sa kanilang mga bishop at tumanggap ng banal na kumpirmasyon sa pamamagitan ng panalangin. (Pangkalahatang Hanbuk, 38.6.1)
Pinipili ng ilang hindi kasal na magulang ang aborsiyon dahil dama nila na hindi nila maibibigay sa kanilang anak ang “ligtas, mapag-aruga, at [matibay] na ugnayan” na kakailanganin niya. Sa sitwasyong ito, ang pag-aampon ay maaaring maging “isang di-makasarili at mapagmahal na pasiyang nagpapala sa bata, sa tunay na mga magulang, at sa mga magulang na umampon sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan” (Aborsiyon: Pagsalakay sa Walang Kalaban-laban, Liahona, Okt. 2008, 19).