Institute
Lesson 9 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagbubuklod ng mga Pamilya para sa Kawalang-hanggan


“Lesson 9 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagbubuklod ng mga Pamilya para sa Kawalang-hanggan,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya (2022)

“Lesson 9 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya

isang pamilya na nakatingin sa templo

Lesson 9 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Pagbubuklod ng mga Pamilya para sa Kawalang-hanggan

Ipinangako ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang inyong pagsamba sa templo at paglilingkod doon para sa inyong mga ninuno ay [magpapala sa inyo] ng karagdagang personal na paghahayag at kapayapaan at patitibayin ang inyong pangako na manatili sa landas ng tipan” (“Habang Tayo ay Sama-samang Sumusulong,” Liahona, Abr. 2018, 7). Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, isipin kung ano ang magagawa mo upang mas lubos na maunawaan ang mga pagpapalang ito para sa iyong sarili at kung paano mo matutulungang mapagsama-sama ang walang hanggang pamilya ng Diyos sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga ordenansa sa templo para sa iyong mga yumaong ninuno.

Bahagi 1

Sa anong mga paraan ako pinalalakas ng mga ordenansa at tipan ng priesthood?

Ang katotohanan na “ang mag-anak ang sentro ng plano ng [Ama sa Langit]” ay may ilang matinding implikasyon (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” ChurchofJesusChrist.org). Itinuro ni Pangulong Joseph F. Smith ang tungkol sa isa sa mga implikasyong ito:

Pangulong Joseph F. Smith

Dapat magkaroon ng pagbubuklod at ng pagsasama-sama ng mga magulang at mga anak at mga anak at mga magulang hanggang ang buong pamilya ng Diyos ay nagkabuklod-buklod, at lahat sila ay magiging isang pamilya ng Diyos at ng Kanyang Cristo. (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith [2011], 487)

Ipinahayag ng mga propeta sa mga huling araw kung paanong ang “pagbubuklod” na ito ng bawat pamilya—at sa huli ang pamilya ng Diyos—ay maaaring mangyari: “Ang mga sagradong ordenansa at tipan na makukuha sa mga banal na templo ang nagbibigay ng pagkakataon sa mga tao upang makabalik sa kinaroroonan ng Diyos at upang ang mga mag-anak ay magkasama-sama sa walang hanggan” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”).

Ang mga sagradong ordenansa at tipang ito ng priesthood ay higit pa sa simpleng mga gawaing dapat tapusin. Sa pamamagitan ng mga ordenansa at tipang ito, nais ng Diyos na bigyan tayo ng kapangyarihan na maging higit na katulad Niya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:19–22) at karapat-dapat sa buhay na walang hanggan sa piling Niya at ng ating pamilya.

ang Panama City Panama Temple

Ang Panama City Panama Temple

Hinggil sa kapangyarihan ng mga ordenansa at tipan sa templo, itinuro ni Pangulong Nelson:

Pangulong Russell M. Nelson

Ang [pinakamithiin na pinagsisikapan] ng bawat isa sa atin ay [ang] mapagkalooban ng kapangyarihan sa bahay ng Panginoon, mabuklod bilang mga pamilya, [maging] tapat sa mga tipang ginawa sa templo upang maging karapat-dapat sa pinakadakilang kaloob ng Diyos—ang buhay na walang-hanggan. Ang mga ordenansa ng templo at mga tipang ginawa ninyo ang susi sa pagpapalakas ng inyong buhay, pagsasama ninyong mag-asawa at pamilya, at ng kakayahan ninyong labanan ang mga pagsalakay ng kaaway. (“Habang Tayo ay Sama-samang Sumusulong,” 7)

Kalaunan ay sinabi niya:

Yaong mga tumanggap ng endowment sa bahay ng Panginoon ay tumatanggap ng kaloob na kapangyarihan ng priesthood ng Diyos dahil sa bisa ng kanilang tipan, at ng kaloob na kaalaman upang malaman kung paano gagamitin ang kapangyarihang iyon. …

… Tuwing karapat-dapat kayong naglilingkod at sumasamba sa templo, aalis kayong nasasakbitan ng kapangyarihan ng Diyos at ang Kanyang mga anghel ay “ma[nga]ngalaga” sa inyo [Doktrina at mga Tipan 109:22]. (“Mga Espirituwal na Kayamanan,” Ensign o Liahona, Nob. 2019, 77, 78)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Sa paanong mga paraan nabigyang-kakayahan o napalakas ka at ang iyong pamilya ng mga ordenansa at tipan ng priesthood?

Bahagi 2

Ano ang epekto sa buhay ko ng paggawa ng family history at pagsasagawa ng mga ordenansa sa templo para sa aking mga yumaong ninuno?

Ipinangako ng Panginoon na ipadadala ang propetang si Elijah sa mga huling araw upang ipanumbalik ang awtoridad na kailangan upang ang mga pamilya ay magkasama-sama sa kawalang-hanggan.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Malakias 4:5–6, at pansinin ang magiging epekto ng pagparito ni Elijah sa mundo.

Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith na ang salitang [ibabaling] na ginamit sa talata 6 “ay dapat isalin na pagbigkisin, o pagbuklurin” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 554). Bahagi ng propesiya ni Malakias na nakatala sa mga talatang ito ay natupad sa Kirtland Temple noong Abril 3, 1836. Noong araw na iyon, nagpakita ang propetang si Elijah kina Joseph Smith at Oliver Cowdery at iginawad sa kanila ang mga susi ng pagbubuklod ng Melchizedek Priesthood (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:13–16). Sa bisa ng awtoridad na ito, ang mga ordenansang isinagawa sa mundo ay magpapatuloy hanggang kamatayan at “[magkakaroon] ng bisa sa kahariang selestiyal ng Diyos” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Fielding Smith [2013], 249).

isang pamilya na naglalakad sa labas ng templo

Isipin ang mga paraan na pinagpala ka ng pagpapanumbalik ng mga susi ng pagbubuklod. Sa pamamagitan ng mga susing ito, ang mga mag-asawa, gayundin ang mga magulang at mga anak, ay maaaring magkasama-sama magpakailanman. Mahimalang binuksan din ng mga susing ito ang mga pagkakataong makapaglingkod sa templo para sa ating mga yumaong ninuno.

Itinuro ng Panginoon kay Joseph Smith at sa iba pang mga naunang miyembro ng Simbahan ang kahalagahan ng pagsasagawa ng mga ordenansa para sa kanilang mga yumaong ninuno sa templo.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 128:15, at alamin kung paano nauugnay ang ating kaligtasan sa kaligtasan ng ating mga ninuno.

Sa pagtuklas sa ating mga yumaong ninuno at pagsasagawa ng mga ordenansa sa templo para sa kanila, tayo ay nagiging higit na katulad ng Tagapagligtas. Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley kung paano tayo nagiging mga tagapagligtas para sa mga miyembrong iyon ng pamilya:

Pangulong Gordon B. Hinckley

Kung paanong inialay ng ating Manunubos ang Kanyang buhay bilang sakripisyo para sa lahat ng tao, at dahil doo’y naging ating Tagapagligtas, gayon din naman tayo, kahit paano, ay nagiging mga tagapagligtas ng mga nasa kabila ng tabing, kapag kinakatawan natin sila sa templo. Wala silang paraan para makasulong kung walang gagawa nito para sa kanila sa daigdig. (“Pangwakas na Mensahe,” Ensign o Liahona, Nob. 2004, 105)

Isipin kung paano mo ibinibigay ang iyong sarili kapag nakikibahagi ka sa family history at naglilingkod sa templo.

Nangangako ang Panginoon sa atin ng mahahalagang pagpapala kung pipiliin nating makibahagi sa sagradong gawaing ito.

3:11
icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Sa iyong palagay, bakit kinakailangan ang kaligtasan ng ating mga ninuno para sa ating sariling kaligtasan at kasakdalan? Aling mga pagpapalang nauugnay sa paglilingkod sa templo at family history ang pinakakailangan mo ngayon mismo?

Bahagi 3

Paano ko maibubuklod ang aking pamilya at matutulungan ang Ama sa Langit sa pagbubuklod ng Kanyang pamilya sa pamamagitan ng mga ordenansa sa templo?

tinatalakay ng isang young adult ang family history sa kanyang lolo

Sabik ang ating Ama sa Langit na tulungan kang mabuklod ang iyong pamilya at lahat ng Kanyang pamilya sa pamamagitan ng mga ordenansa sa templo. Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang isang kaloob na ibinibigay ng Ama sa Langit para suportahan tayo sa sagradong gawaing ito:

Elder David A. Bednar

Itinuro ni Elder Russell M. Nelson na ang Diwa ni Elijah ay “impluwensya ng Espiritu Santo na nagpapatotoo sa likas na kabanalan ng pamilya” (“A New Harvest Time,” Ensign, Mayo 1998, 34). Ang kakaibang impluwensyang ito ng Espiritu Santo ay naghihikayat sa mga tao na tukuyin, idokumento, at [pahalagahan] ang kanilang mga ninuno at kapamilya—kapwa noon at ngayon.

Ang Diwa ni [Elijah] ay [umaantig] sa mga miyembro at hindi miyembro ng Simbahan. (“Ang mga Puso ng mga Anak ay Magbabalik-loob,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 25)

3:33
icon, kumilos

Kumilos

Ang FamilySearch.org at ang FamilySearch Family Tree app ay magagandang lugar para makibahagi sa mga pagsisikap na “tukuyin, idokumento, at [pahalagahan]” ang inyong mga yumaong ninuno (David A. Bednar, “Ang mga Puso ng mga Anak ay Magbabalik-loob,” 25). (Ang FamilySearch Family Tree app ay matatagpuan sa app store sa iyong electronic device.) Mag-ukol ng oras na maging pamilyar o gamitin ang isa sa mga resources na ito. Maaari kang gumawa ng iyong family tree, magdagdag ng mga alaala at larawan ng mga miyembro ng pamilya, tukuyin ang mga ordenansa ng ebanghelyo na kailangang matanggap ng mga yumaong ninuno, mag-index ng mga rekord upang matukoy ng iba ang kanilang mga ninuno, at marami pang iba. Kung kinakailangan, kontakin ang temple and family history consultant sa inyong ward o branch para tulungan ka.