Institute
Lesson 6 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang kasal sa pagitan ng Isang Lalaki at ng Isang Babae ay Inorden ng Diyos


“Lesson 6 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Kasal sa Pagitan ng Isang Lalaki at ng Isang Babae ay Inorden ng Diyos,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya (2022)

“Lesson 6 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya

magkasintahang bagong kasal na naglalakad sa labas ng templo

Lesson 6 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Ang Kasal sa Pagitan ng Isang Lalaki at ng Isang Babae ay Inorden ng Diyos

Ang pagpapahayag tungkol sa mag-anak ay nagsimula sa taimtim na pahayag na “ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at ng isang babae ay inorden ng Diyos” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” ChurchofJesusChrist.org). Naisip mo ba kung bakit patuloy na itinuturo ng mga propeta, apostol, at iba pang mga lider ng Simbahan ang katotohanang ito? Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, isipin kung paano makatutulong sa iyo ang pagsampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pananaw mo sa kasal.

Bahagi 1

Paano nakatutulong sa akin ang nalaman kong pananaw ng Ama sa Langit tungkol sa kasal upang maunawaan ko ang Kanyang plano para sa akin?

Nitong mga nakaraang taon, ang mga pananaw tungkol sa kasal ay nagbago sa maraming lipunan. Ano ang ilang opinyon na narinig mo kamakailan?

Kalaunan matapos maorganisa ang Simbahan, ninais ni Leman Copley na ipangaral ng mga missionary ang ebanghelyo sa mga miyembro ng kanyang dating relihiyon, ang Shakers. Hindi tinanggap ng Shakers ang kasal, sa halip ay naniwala sila sa isang buhay na walang asawa. Tinanong ni Propetang Joseph Smith ang Panginoon tungkol dito at sa iba pang mga paniniwala at nakatanggap siya ng paghahayag.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 49:15–16, at alamin kung ano ang ipinahayag ng Panginoon tungkol sa kasal.

Tulad ng pagkagamit sa talata 15, ang ibig sabihin ng inorden ay iniutos, itinatag, o itinalaga ng mas mataas na awtoridad (isulat ang kahulugang ito sa iyong banal na kasulatan). Binigyang-diin ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng kasal sa pagitan ng isang lalaki at ng isang babae nang ituro niya:

Elder D. Todd Christofferson

Ang pamilyang binuo ng isang lalaki at isang babaeng ikinasal ang pinakaakmang kalagayan upang magtagumpay ang plano ng Diyos—ang kalagayan para sa pagsilang ng mga anak, na darating na dalisay at walang-malay mula sa Diyos, at ang kapaligiran para sa pag-aaral at paghahandang kailangan nila para sa isang matagumpay na buhay sa mundo at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating. …

… Ang [Diyos] sa simula ay lumikha kina Adan at Eva sa Kanyang larawan, lalaki at babae, at pinag-isa sila bilang mag-asawa. … Taglay ng bawat tao ang banal na larawang iyan, ngunit marahil ay sa pag-iisandibdib ng lalaki at babae natin matatamo ang pinakabuong kahulugan ng paglikha sa atin sa larawan ng Diyos—lalaki at babae. Hindi natin mababago ni ng sinumang iba pang tao ang banal na orden na ito ng kasal. Hindi ito inimbento ng tao. Ang gayong kasal ay tunay ngang “mula sa itaas, mula sa Diyos” [tingnan sa Dietrich Bonhoeffer, Letters and Papers from Prison, ed. Eberhard Bethge (1953), 42–43] at mahalagang bahagi ng plano ng kaligayahan na tulad ng Pagkahulog at ng Pagbabayad-sala. (“Bakit Dapat Mag-asawa at Bumuo ng Pamilya,” Liahona, Mayo 2015, 52)

Ang kasal ayon sa batas ng Diyos ang pinakasagradong ugnayan na maaaring mamagitan sa isang lalaki at isang babae. Ipinaliwanag ni Pangulong Howard W. Hunter:

Pangulong Howard W. Hunter

Ang lalaki ay hindi ganap kung walang katuwang na babae. Ni hindi nila ganap na magagampanan ang layunin ng paglikha sa kanila kung wala ang isa [tingnan sa 1 Corinto 11:11; Moises 3:18]. Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at ng isang babae ay inorden ng Diyos [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 49:15–17]. Tanging sa pamamagitan lamang ng bago at walang hanggang tipan ng kasal nila matatamo ang kabuuan ng mga walang hanggang pagpapala [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 131:1–4; Doktrina at mga Tipan 132:15–19]. (“Being a Righteous Husband and Father,” Ensign, Nob. 1994, 49)

Ang mga pumapasok at tumutupad sa bago at walang hanggang tipan ng kasal ay makatatamo ng pinakamataas na antas ng kaluwalhatian sa kahariang selestiyal (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 131:1–4). Dito natin “matatamo ang kabuuan ng mga walang hanggang pagpapala,” na kilala rin bilang kadakilaan o buhay na walang hanggan. (Marami ka pang malalaman tungkol sa bago at walang hanggang tipan ng kasal sa lesson 10.)

magkasintahang bagong kasal na magkahawak-kamay

Alalahanin ang natutuhan mo sa mga nakaraang lesson tungkol sa katangian ng buhay na walang hanggan. Itinuro ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Robert D. Hales

Ang plano ng Ama ay naglalaan sa atin ng paraan para magtamo ng buhay na walang hanggan, ang buhay na natamo ng ating mga magulang sa langit. Sa plano, “ang babae ay di maaaring walang lalake, [ni] ang lalake ay di maaaring walang babae, sa Panginoon” [1 Corinto 11:11]. Kabilang sa pinakadiwa ng buhay na walang hanggan ang walang-hanggang kasal ng lalaki at babae, na mahalagang bahagi ng pagiging katulad ng ating mga magulang sa langit. (“Ang Plano ng Kaligtasan: Isang Sagradong Yaman ng Kaalaman na Gagabay sa Atin,” Liahona, Okt. 2015, 29)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Paano mo maipapaliwanag kung bakit ang kasal ng isang lalaki at ng isang babae ay inorden ng Diyos at mahalaga sa Kanyang walang hanggang plano?

Bahagi 2

Paano kung hindi ako nag-asawa sa buhay na ito o nagwakas ang pagsasama naming mag-asawa?

Dahil sa iba’t ibang sitwasyon, may mga taong hindi kailanman nakapag-asawa sa buhay na ito sa kabila ng kanilang mabubuting hangarin. Ang iba namang nag-asawa ay humantong sa paghihiwalay. Tinalakay ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan ang mga kalagayang ito nang ituro niya:

Pangulong Dallin H. Oaks

Ang ilang nakikinig sa mensaheng ito ay malamang na magsabing, “Paano naman ako?” Alam natin na maraming karapat-dapat at mabubuting Banal sa mga Huling Araw ang kasalukuyang walang magandang pagkakataon at mga bagay na kinakailangan para umunlad. Hindi pagkakaroon ng asawa, hindi pagkakaroon ng mga anak, kamatayan, at diborsyo na humahadlang at nagpapaantala sa katuparan ng mga pagpapalang ipinangako. … Ngunit ang mga kabiguang ito ay pansamantala lamang. Nangako ang Panginoon na sa mga kawalang-hanggan walang pagpapalang ipagkakait sa kanyang mga anak na sumusunod sa mga kautusan, na tapat sa kanilang mga tipan, at hinahangad yaong matwid. (“The Great Plan of Happiness,” Ensign, Nob. 1993, 75)

Bagama’t maaaring hindi lubos na maranasan sa buhay na ito ang ilang walang hanggang pagpapala, ang kaligayahan at katuparan ay madarama pa rin ng mga hindi nakapag-asawa. (Ang paksang ito ay tatalakayin pa sa susunod na lesson.) Lahat ng tao ay maaaring makaranas ng walang hanggang kagalakan at makabuluhang pag-unlad at makagagawa ng mga kontribusyon na kinakailangan ngayon bilang lubos na aktibong mga kabahagi ng plano at kaharian ng Diyos.

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Ano ang ibabahagi mo sa mga taong nakadarama na nawala sa kanila ang mga pagkakataon na magkaroon ng kaligayahan at buhay na walang hanggan dahil hindi sila nakapag-asawa?

Bahagi 3

Paano makatutulong sa akin ang pagsampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo upang madaig ko ang takot at makadama ng kagalakan sa pag-aasawa?

Isipin ang mga tanong o alalahanin mo o ng mga tao sa paligid mo tungkol sa pag-aasawa. Tinalakay ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol ang isang dahilan kung bakit ipinagpapaliban ng ilang tao ang pag-aasawa:

Elder Quentin L. Cook

Ipinagpapaliban ng ilan ang pag-aasawa hanggang sa makatapos ng pag-aaral at magkaroon ng trabaho. Kahit tanggap na ng lahat sa mundo, ang pangangatwirang ito ay hindi nagpapakita ng pananampalataya, taliwas sa payo ng mga makabagong propeta, at hindi tugma sa tamang doktrina. (“Pumili nang May Katalinuhan,” Liahona, Nob. 2014, 47)

isang young adult na minamasdan ang paglubog ng araw

Madalas na pinatitindi ng kaaway ang takot, pangangatwiran ng tao, o pagkalito na makahahadlang sa mga tao na mag-asawa. May mga taong nakararanas ng takot bago ikasal o sa pagsasama ng mag-asawa dahil nasaksihan nila ang mga problemang dulot ng diborsyo. (Sa susunod na mga lesson, matututuhan mo ang mga alituntunin na makatutulong sa iyo na mapatibay ang pagsasama ninyong mag-asawa at maiwasan ang diborsyo.)

Ano ang makatutulong sa iyo upang magkaroon ka ng kumpiyansa sa pagpapakasal?

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Mga Kawikaan 3:5–6; 2 Timoteo 1:7; at Doktrina at mga Tipan 6:36. Isipin kung paano maiaangkop ang mga turong ito sa pananaw mo tungkol sa kasal.

Itinuro ni Pangulong Jean B. Bingham, Relief Society General President:

Pangulong Jean B. Bingham

Kung minsan ay takot tayong magtiwala dahil hindi natin maunawaan ang lubos na pagmamahal at hangarin ng Diyos na tulungan tayo. Ngunit kapag pinag-aralan natin ang plano ng Ama sa Langit at misyon ni Jesucristo, mauunawaan natin na ang tanging hangad Nila ay ang ating walang-hanggang kaligayahan at pag-unlad [tingnan sa Moises 1:39]. (“Upang ang Inyong Kagalakan ay Malubos,” Liahona, Nob. 2017, 86)

Kapag nagpakasal ang mga indibiduwal at habang patuloy na nananampalataya ang mag-asawa, patuloy silang gagabayan at pagpapalain ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Itinuro ni Elder Hugh W. Pinnock habang naglilingkod bilang miyembro ng Pitumpu, “Ang Diyos ay lubos na sumusuporta sa pagsasama [nina Adan at Eva] bilang mag-asawa, at siya ay nag-aalala at sumusuporta rin sa bawat pagsasama ng mag-asawa sa panahong ito” (“Making a Marriage Work,” Ensign, Set. 1981, 37). Nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na tulungan kang magtagumpay sa pagbuo ng walang hanggang pagsasama ng mag-asawa.

icon, isulat

Isulat ang Iyong mga Naisip

Sinabi ni Pangulong Bonnie H. Cordon, Young Women General President, “Kailangang itanong ng bawat isa sa atin: Paano ako mananatiling nakatuon at hindi nananalig sa aking sariling kaunawaan? Paano ko makikilala at masusunod ang tinig ng Tagapagligtas samantalang nakatutukso ang mga tinig ng mundo? Paano ko mapapatibay ang tiwala ko sa Tagapagligtas?” (“Tumiwala Ka sa Panginoon at Huwag Kang Manalig sa Iyong Sariling Kaunawaan,” Liahona, Mayo 2017, 6). Isulat ang mga naisip mo tungkol sa mga tanong ni Pangulong Cordon na iniuugnay ang mga ito sa pag-aasawa. Isipin din kung may anumang bagay na nakapipigil sa iyo sa pagsisikap (o mas masigasig na paghahangad) mo na maikasal nang walang hanggan.