“Lesson 10 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Bago at Walang Hanggang Tipan ng Kasal,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya (2022)
“Lesson 10 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya
Lesson 10 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Ang Bago at Walang Hanggang Tipan ng Kasal
Sa lesson 6, natutuhan natin na ang kasal ay inorden ng Diyos. Itinuro rin ni Pangulong Russell M. Nelson na ang selestiyal na kasal ay “ang pinakamataas at nagtatagal na uri ng kasal na maiaalok ng ating Tagapaglikha sa Kanyang mga anak,” na nagdudulot “ng mas malalaking posibilidad para sa kaligayahan kaysa sa iba pang ugnayan” (“Selestiyal na Kasal,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 92, 93). Habang pinag-aaralan mo ang materyal na ito, isipin ang sarili mong saloobin tungkol sa kasal na walang hanggan at kung ano ang magagawa mo para mamuhay nang karapat-dapat dito.
Bahagi 1
Bakit dapat kong sikaping maikasal nang pangwalang-hanggan?
Habang iniisip mo ang tungkol sa kasal ng mga taong kilala mo, maaaring maisip mo kung paano naiiba ang kasal sa templo mula sa kasal na sibil.
Naniniwala tayo na “ang banal na plano ng kaligayahan ng Diyos ang nagpapahintulot sa mga ugnayan ng mag-anak na magpatuloy sa kabilang buhay” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” ChurchofJesusChrist.org). Ang mga walang hanggang ugnayan ng pamilya ay ginawang posible ni Jesucristo. Itinuro ni Pangulong Nelson, “[Dahil sa] Pagbabayad-sala ni Jesucristo … naging totoo ang pagkabuhay na mag-uli para sa lahat at naging posible ang buhay na walang hanggan para sa mga nagsisisi sa kanilang mga kasalanan at tumatanggap at tumutupad ng mga kinakailangang ordenansa at tipan” (“Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 40). Sa mga huling araw, ipinanumbalik ng Panginoon ang awtoridad, mga ordenansa, at mga tipan na ginagawang posible na maging walang hanggan ang kasal.
Ang ibig sabihin ng salitang bago sa talata 2 ay naipanumbalik na ang tipan sa ating dispensasyon. Ang tipan ay walang hanggan din dahil ito ay walang hanggan at umiiral ito simula noon “bago pa ang pagkakatatag ng daigdig” (Doktrina at mga Tipan 132:5). Bahagi ito ng tipang ginawa ng Diyos kay Abraham at sa asawa niyang si Sara noong unang panahon.
Nalaman natin mula sa Bible Dictionary na “unang tinanggap ni Abraham ang ebanghelyo sa pamamagitan ng pagbibinyag (na tipan ng kaligtasan). Pagkatapos ay iginawad sa kanya ang mas mataas na pagkasaserdote, at pumasok siya sa tipan ng selestiyal na kasal (na siyang tipan ng kadakilaan), na nagbigay ng katiyakan na magkakaroon siya ng walang hanggang pag-unlad [hindi mabilang na angkan]” (Bible Dictionary, “Abraham, covenant of”).
Ipinangako ng Panginoon kay Abraham, “Pararamihin ko ang iyong binhi, na gaya ng mga bituin sa langit at mga buhangin sa baybayin ng dagat” (Genesis 22:17). Kabilang sa selestiyal na kasal ang pagpapala na “pagkakaroon ng anak sa … kaluwalhatiang selestiyal” (Joseph Smith, sa History, 1838–1856 [Manuscript History of the Church], volume D-1, 1551 [josephsmithpapers.org]).
Ipinangako pa ng Panginoon kay Abraham na lahat ng pagpapalang ito ay ibibigay sa kanyang angkan sa buhay na ito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 132:29–31; Abraham 2:6–11). Ang bahagi ng tipang Abraham na nauukol sa kasal na walang hanggan at walang hanggang pag-unlad ay pinaninibago sa bawat taong pumapasok sa “bago at walang hanggang tipan ng kasal” (Doktrina at mga Tipan 131:2). Sa madaling salita, sa pamamagitan ng ordenansa ng pagbubuklod ng kasal, pinangangakuan din tayo ng mga pagpapalang ibinigay kay Abraham.
Kapag ang isang lalaki at isang babae ay nabuklod sa templo, gumagawa sila ng mga sagradong tipan sa Diyos at sa isa’t isa. Kabilang dito ang mga tipan na manatiling tapat sa isa’t isa at sa Diyos, mamuhay nang katulad ni Cristo, tuparin ang lahat ng tipan ng ebanghelyo na kanilang ginawa, at magpakarami at kalatan ang lupa.
Isipin ang kahulugan ng larawang ito na nauugnay sa tipan ng kasal na walang hanggan. Hinggil sa tipang ito ng mag-asawa, itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang Panginoong Jesucristo ang sentro sa tipan ng kasal. Pansinin ninyo kung paano nakaposisyon ang Tagapagligtas sa pinakaitaas na bahagi ng tatsulok na ito, at ang babae at lalaki ay nasa magkabilang sulok sa ibaba. Isipin ngayon kung ano ang mangyayari sa pagsasama ng lalaki’t babae habang pareho silang unti-unting “lumalapit kay Cristo” at nagsisikap na maging “ganap sa Kanya” (Moroni 10:32). Dahil at sa pamamagitan ng Manunubos, nagkakalapit ang lalaki’t babae sa isa’t isa. (David A. Bednar, “Mahalaga ang Kasal sa Kanyang Walang Hanggang Plano,” Liahona,, Hunyo 2006, 86)
Bahagi 2
Anong mga pagpili ang kailangan kong gawin para maging walang hanggan ang aking kasal?
Inihayag ng Panginoon na kung ang isang lalaki at isang babae ay hindi ikinasal ayon sa Kanyang batas (pagpasok sa bago at walang hanggang tipan ng kasal) at sa pamamagitan ng Kanyang awtoridad, ang kanilang kasal ay “walang bisa kapag sila ay patay na” (Doktrina at mga Tipan 132:15). Gayunman, ang mabuklod lamang sa templo ay hindi rin isang garantiya na magiging walang hanggan ang kasal.
Maaaring napansin mo sa talata 19 na ang mga kasal sa templo ay dapat “ibinuklod … ng Banal na Espiritu ng pangako” upang maging walang hanggan. Natutuhan natin mula sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan na ang Espiritu Santo ang Banal na Espiritu ng Pangako (Mga Gawa 2:33). Pinagtitibay Niya na [katanggap-tanggap] sa Diyos ang mabubuting gawa, mga ordenansa, at tipan ng mga tao. Sumasaksi ang Banal na Espiritu ng Pangako sa Ama na ang makapagliligtas na mga ordenansa ay naisagawa nang maayos at naingatan ang mga tipang kasama nito” (“Banal na Espiritu ng Pangako,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org).
Kapag ang mag-asawa ay “susunod sa … tipan” (Doktrina at mga Tipan 132:19) ang Espiritu Santo, sa Kanyang tungkulin bilang Banal na Espiritu ng Pangako, ay pagtitibayin sa Diyos na tinupad nila ang kanilang mga tipan, at ang kanilang kasal ay magiging walang hanggan. Upang “[makasunod] sa … tipan,” dapat tapat na sundin ng mag-asawa ang mga tuntunin at kondisyon ng kanilang mga tipan sa pagbubuklod. Itinuro ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng pagtupad sa mga tipang ito:
Tulad ng itinuro sa banal na kasulatang ito [Doktrina at mga Tipan 132:19], ang walang hanggang bigkis ay hindi lamang nangyayari dahil sa mga tipan sa pagbubuklod na ginagawa natin sa templo. Ang pag-uugali natin sa buhay na ito ang magpapasiya kung ano ang mangyayari sa atin sa lahat ng darating na kawalang-hanggan. Upang matanggap ang mga pagpapala ng pagbubuklod na ipinagkaloob sa atin ng Ama sa Langit, kailangan nating sundin ang mga kautusan at magsikilos tayo sa paraang nanaisin ng ating mga pamilya na makasama tayo sa kawalang-hanggan. (“The Eternal Family,” Ensign, Nob. 1996, 65)
Sa pagsisikap na maging pinakamabubuting tao na maaari nating kahinatnan at tuparin ang ating mga tipan, makaaasa tayo sa halimbawa ni Jesucristo. Tulad ng itinuro ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo ang ating dakilang Halimbawa pagdating sa paggawa at pagtupad sa mga pangako at mga tipan. Pumarito siya sa mundo na nangangakong gagawin ang kalooban ng Ama. Itinuro Niya ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa salita at sa gawa. Nagbayad-sala Siya para sa ating mga kasalanan upang mabuhay tayong muli. Tinupad Niya ang bawat isa sa Kanyang mga pangako.
… Ang pagtupad sa mga pangako ay hindi gawi; ito ay isang katangian ng pagiging disipulo ni Jesucristo. …
Ang tanong ko ngayon ay, tinutupad ba natin ang ating mga pangako at tipan o kung minsan ba ay hindi tapat na pangako ang mga ito, kaswal na ginawa kung kaya’t madaling baliin? (“Pagtupad sa Ating mga Pangako at Tipan,” Ensign o Liahona, Nob. 2019, 53, 54)