Institute
Lesson 4: Materyal ng Titser: Ang Pamilya ang Sentro sa Plano ng Ama sa Langit


“Lesson 4: Materyal ng Titser: Ang Pamilya ang Sentro sa Plano ng Ama sa Langit” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya (2022)

“Lesson 4 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya

Lesson 4 Materyal ng Titser

Ang Pamilya ang Sentro sa Plano ng Ama sa Langit

Ang pamilya ang sentro sa plano ng Ama sa Langit para sa ating walang hanggang tadhana. Sa lesson na ito, magkakaroon ang mga estudyante ng pagkakataong ipaliwanag kung paano itinutulot ng Paglikha ng mundo, Pagkahulog nina Adan at Eva, at Pagbabayad-sala ni Jesucristo na mabuo at umunlad ang mga walang hanggang pamilya. Aanyayahan din ang mga estudyante na suriin ang kanilang personal na pagsisikap sa pagbuo at pagpapatatag ng sarili nilang walang hanggang pamilya.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Ang Paglikha ng mundo at ang Pagkahulog nina Adan at Eva ay nagtulot sa mga pamilya na mabuo at umunlad.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Magtatag ng kaugnayan at layunin. Ang simulan ang lesson sa paggamit ng isang nauugnay na tanong, sitwasyon, o problema ay maaaring humantong sa paglahok ng mga estudyante sa talakayan sa lesson at paghahanap ng karagdagang kaalaman. Makatutulong din ito sa kanila na makita kung paano nagbibigay ng mga sagot at payo ang mga turo ng mga banal na kasulatan at makabagong lider ng Simbahan na gagabay sa kanila sa mga sitwasyon sa tunay na buhay. Kapag nauunawaan ng mga estudyante ang kaugnayan ng pinag-aaralan nila sa kanilang sariling sitwasyon sa buhay, sila ay karaniwang mas nahihikayat na matuto at ipamuhay ang mga turo ng ebanghelyo.

Hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo, at mag-assign ng isang lider para sa bawat grupo. Idispley o bigyan ang bawat grupo ng kopya ng sumusunod na sitwasyon at mga tanong. (Isipin kung paano mo maiaangkop ang sitwasyong ito kung kinakailangan upang maging mas nauugnay sa inyong kultura at sa buhay ng iyong mga estudyante.)

Habang nagsasaliksik online para sa isang assignment sa klase, nakakita si Rachel ng ilang artikulo na nagsasabing ang “tradisyonal na pamilya” (ikinasal na isang lalaki at isang babae na may mga anak) ay hindi na kailangan sa lipunan. Sa klase pagkaraan ng ilang araw, natanto ni Rachel na nag-iisa lang siyang nagsisikap na ipagtanggol ang kahalagahan ng tradisyonal na pamilya. Hindi gaanong prayoridad o hindi lubos na prayoridad ng marami sa kanyang mga kaklase ang kasal o pagkakaroon ng mga anak. Para sa kanila, ang pag-aasawa at pagkakaroon ng mga anak ay sagabal sa tagumpay ng bawat indibiduwal. Ang karanasang ito ay nag-iwan kay Rachel ng ilang nakababagabag na tanong at damdamin.

  • Sa inyong palagay, bakit ganito ang nadarama ng ilang tao tungkol sa kasal at pamilya?

  • Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa mga pamilya at sa plano ng Ama sa Langit na makatutulong kay Rachel? (Kung kinakailangan, maaari ninyong rebyuhin ang bahagi 1 ng materyal sa paghahanda upang makatulong sa talakayan.)

Matapos ang sapat na oras na matalakay ng mga estudyante ang sitwasyon, sabihin sa kanila na ilista sa pisara ang ilan sa mga katotohanang natalakay nila. Pagbatayan at gamitin ang mga katotohanang ito sa buong lesson.

Maaari mong ipabigkas o ipabasa sa isang estudyante ang Moises 1:39 at pagkatapos ay sabihin sa klase na ipaliwanag kung ano ang itinuturo ng talatang ito tungkol sa mga layunin ng plano ng Ama sa Langit. Kung kinakailangan, itanong sa mga estudyante kung paano nila ipaliliwanag ang “buhay na walang hanggan” at kung paano nauugnay ang layuning iyan sa pamilya. (Tingnan ang unang bahagi sa materyal sa paghahanda para makatulong sa pagpapaliwanag.)

Nililikha ni Jehova ang Mundo, ni Walter Rane
Paglisan sa Halamanan ng Eden, ni Joseph Brickey

Maaari mong ipakita ang mga larawan na kumakatawan sa Paglikha at Pagkahulog nina Adan at Eva. Iparebyu sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 49:15–17 at 2 Nephi 2:22–23. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Paano nakatulong ang Paglikha ng mundo para maisakatuparan ang mga walang hanggang layunin ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak? (Maaaring katulad ng sumusunod ang mga sagot ng mga estudyante: Ang mundo ay nilikha upang maglaan ng lugar kung saan ang mga anak ng Diyos ay maaaring isilang sa mga pamilya at umunlad nang magkakasama.)

  • Paano nakatulong ang Pagkahulog nina Adan at Eva para maisulong ang mga layunin ng Ama at tulutan ang mundo na “matupad ang layunin ng kanyang pagkakalikha”? (Doktrina at mga Tipan 49:16). (Maaaring magbigay ang mga estudyante ng iba’t ibang sagot, kabilang ang paglalahad ng katotohanang tulad nito: Dahil sa Pagkahulog, sina Adan at Eva ay makapagsisilang ng mga anak at ang kanilang mga inapo ay maaaring umunlad tungo sa buhay na walang hanggan.)

  • Paano makaiimpluwensya ang pagkaunawa sa mga layuning ito ng Paglikha at Pagkahulog sa ating mga pagsisikap na iprayoridad at patatagin ang sarili nating walang hanggang pamilya?

Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, ginawang posible ni Jesucristo ang mga walang hanggang pamilya.

Maikling ipatalakay sa buong klase ang sumusunod na tanong:

  • Ano ang ginagampanan ng Tagapagligtas at ng Kanyang Pagbabayad-sala para maging posible ang mga walang hanggang pamilya? (Maaari mong rebyuhin ang 2 Nephi 9:6–8, 10, 18 upang matulungan ang mga estudyante na matukoy na sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, si Jesucristo ay nagbigay ng paraan upang madaig ng mga anak ng Ama sa Langit ang kasalanan at kamatayan.)

Idispley ang sumusunod na pahayag ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Pangulong M. Russell Ballard

Ang mahalagang elementong nag-uugnay sa lahat—na saligan ng plano ng Diyos at ng sarili nating tadhana at ng lahat ng iba pa—ay ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Ginagawang posible ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo ang lahat, kabilang, ngunit hindi limitado, ang mapagmahal, mapag-aruga, at walang-hanggang kasal at pamilya. (M. Russell Ballard, “Ang mga Oportunidad at Responsibilidad ng mga CES Teacher sa Ika-21 Siglo” [gabing kasama ang isang General Authority, Peb. 26, 2016], ChurchofJesusChrist.org)

Iparebyu sa mga estudyante ang isinulat nila bilang tugon sa mga tanong sa katapusan ng bahagi 2 ng materyal sa paghahanda. (Kung kinakailangan, bigyan ang mga estudyante ng oras na maisulat o madagdagan ang kanilang mga sagot.) Ipabahagi sa ilang estudyante ang kanilang isinulat. Maaari mo ring ibahagi ang iyong nadarama.

Upang matulungan ang mga estudyante na kumilos ayon sa natutuhan nila ngayon, pumili ng isa o gawin ang lahat ng sumusunod na ideya—alinman ang lubos na makatutulong sa iyong mga estudyante.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pahayag ni Elder Robert D. Hales sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda.

  • Sa anong mga paraan ninyo nakikita na inaatake ni Satanas ang kasal at pamilya sa ating panahon?

Sabihin sa mga estudyante na mag-ukol ng isa o dalawang minuto upang mapag-isipan kung paano maaaring atakihin ni Satanas ang sarili nilang kasal at pamilya (sa kasalukuyan at hinaharap). Hikayatin din sila na pagnilayan at isulat ang kanilang nadarama tungkol sa kung paanong ang pagkakaroon ng walang hanggang pananaw ay makatutulong sa kanila na iprayoridad at protektahan ang kanilang pamilya.

Bigyan ang mga estudyante ng oras na pag-isipan pa ang mga sumusunod na tanong mula sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda at isulat ang mga impresyong maaari nilang matanggap:

  • Paano mo magagawang mas sentro ng iyong buhay ang iyong pamilya?

  • Paano mo maaanyayahan ang kapangyarihan ng Panginoon sa iyong mga pagsisikap na bumuo o patatagin ang sarili mong walang hanggang pamilya?

Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang ilang estudyante na gustong magbahagi. Hikayatin ang mga estudyante na kumilos ayon sa nadarama nila.

Para sa Susunod

Isiping rebyuhin sandali sa mga estudyante ang natutuhan nila sa unang apat na lesson ng kurso. Maaari mong imungkahi na sa susunod na magklase kayo, bibigyan mo sila ng pagkakataong ibahagi kung ano ang nagawa na nila sa kanilang pamilya o sa iba. Sabihin sa mga estudyante na habang sila ay naghahanda para sa susunod na klase na pag-isipang mabuti kung paano maaaring makaapekto sa kanilang pamilya at sa plano ng Diyos para sa kanila ang mga pagpiling ginagawa nila para sa kanilang sariling pisikal na katawan.