Institute
Lesson 10 Materyal ng Titser: Ang Bago at Walang Hanggang Tipan ng Kasal


“Lesson 10 Materyal ng Titser: Ang Bago at Walang Hanggang Tipan ng Kasal,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya (2022)

“Lesson 10 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya

Lesson 10 Materyal ng Titser

Ang Bago at Walang Hanggang Tipan ng Kasal

Ang pagpasok at pagtupad sa “bago at walang hanggang tipan ng kasal” (Doktrina at mga Tipan 131:2) ay mahalaga para sa kadakilaan. Sa lesson na ito, magkakaroon ang mga estudyante ng pagkakataong ipaliwanag ang walang hanggang kahalagahan ng tipan ng kasal at kung bakit sila nagsisikap na maikasal nang pangwalang-hanggan. Pag-iisipan din nila kung ano ang kanilang magagawa para makapaghandang pumasok o tuparin ang kanilang mga tipan sa kasal.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Ang kasal na walang hanggan ay isang pakikipagtuwang sa Diyos.

Maaari mong simulan ang klase sa pag-anyaya sa ilang estudyante na ibahagi ang natutuhan nila mula sa pakikipag-usap sa isang taong nabuklod sa templo (tingnan sa paanyaya sa bahagi 1 ng materyal para sa paghahanda). (Paalala: Maaari mong kontakin ang isa o dalawang estudyante ilang araw bago magklase para itanong kung darating sila na handang ibahagi ang natutuhan nila mula sa kanilang mga pakikipag-usap.)

Maaari mong itanong sa mga estudyante kung may mga tanong sila tungkol sa tipan ng kasal o sa ordenansa ng pagbubuklod ng kasal. (Maaari mong iakma ang nilalaman ng lesson batay sa mga tanong ng mga estudyante. Tiyaking ang mga isasagot sa mga tanong ng mga estudyante ay may paggalang sa kasagraduhan ng templo.)

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Sagutin nang may pagsasaalang-alang ang mga tanong ng mga estudyante. Magpasalamat kapag handang magtanong ang mga estudyante. Mag-ukol ng oras na talagang pakinggan at unawain ang kanilang mga tanong at magbigay ng mga follow-up na tanong kung kinakailangan. Kung minsan maaaring angkop na sagutin nang direkta ang mga tanong, samantalang sa ibang pagkakataon mas mabuting tulungan ang mga estudyante na mahanap ang mga sagot sa sarili nilang mga tanong. Maaari mo ring anyayahan ang iba pang mga miyembro ng klase na sagutin ang mga tanong.

Sama-samang basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Parley P. Pratt ng Korum ng Labindalawang Apostol, kung saan inilarawan niya ang kanyang nadama nang malaman niya sa unang pagkakataon na ang kasal ay maaaring maging walang hanggan:

Larawan
Parley P. Pratt

Natutuhan ko [kay Propetang Joseph Smith] na maaari kong makasama ang mahal kong asawa sa panahong ito at sa buong kawalang-hanggan. … Sa kanya ko natutuhan na mapag-iibayo natin ang pagmamahal na ito, at mapalalakas at mapatitibay ito sa buong kawalang-hanggan; samantalang ang bunga ng ating walang hanggang ugnayan ay mga binhi na kasing dami ng bituin sa langit, o ng mga buhangin sa baybayin ng dagat. … Nagmahal ako noon, subalit hindi ko alam kung bakit. Subalit ngayon nagmahal ako—nang may kadalisayan—isang maganda at dakilang damdamin. (Autobiography of Parley P. Pratt, ed. Parley P. Pratt Jr. [1938], 297–98)

  • Paano maaaring makaapekto ang kaalaman na ang kasal ay maaaring maging walang hanggan sa ating mga pagpili at damdamin tungkol sa kasal sa buhay na ito?

Sama-samang rebyuhin ang Doktrina at mga Tipan 131:1–4, at alamin ang mga karagdagang katotohanang itinuro ni Joseph Smith tungkol sa kasal na walang hanggan. Pagkatapos ay maaari mong itanong sa mga estudyante kung ano ang tila pinakamahalaga para sa kanila sa scripture passage na ito. Maaari nilang matukoy ang mga katotohanang tulad nito: Ang kasal na walang hanggan ay kailangan upang matamo ang pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal. Ang mga pumapasok sa bago at walang hanggang tipan ng kasal ay magkakaroon ng walang hanggang pag-unlad.

  • Mula sa natutuhan ninyo sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda, paano nauugnay ang bago at walang hanggang tipan ng kasal kina Abraham at Sara? (Maaari mong tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ibinigay ng Panginoon ang pinakamahalagang pangakong ito kina Abraham at Sara, kabilang na ang pangako na magkakaroon sila ng walang hanggang pag-unlad [isang di-mabilang na angkan].)

  • Paano tayo matutulungan ng tipan ng kasal na maging katulad ng ating mga magulang sa langit?

Idispley ang kalakip na larawan na kumakatawan sa ugnayan ng tipan sa kasal. Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung ano ang itinuro ni Elder David A. Bednar tungkol sa diagram na ito (tingnan sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda).

Larawan
tipan sa kasal na inilarawan bilang tatsulok

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang kasal sa templo ay hindi lamang sa pagitan ng mag-asawa; ito ay pakikipagtuwang sa Diyos [tingnan sa Mateo 19:6]” (“Selestiyal na Kasal,” Liahona, Nob. 2008, 93).

  • Paano makaiimpluwensya ang pag-unawa sa katotohanang ito sa mga pagpiling ginagawa ng mag-asawa?

Kung isa o mahigit pang mga tao sa klase mo ang nabuklod na sa templo, isiping itanong sa kanila kung handa silang ibahagi sa klase ang ilan sa kanilang nadarama tungkol sa pagbubuklod sa templo at kung ano ang kahulugan ng tipang iyon sa kanila. (Maaari mong tanungin ang mga estudyanteng ito bago magklase para magkaroon sila ng oras na maihanda ang kanilang sagot.)

Ipakita at sabay-sabay na basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson:

Larawan
Pangulong Thomas S. Monson

[Pinapayuhan ko kayo na panatilihin ang] walang hanggang pananaw. [Tiyakin na maikakasal kayo] sa templo sa hinaharap. Walang katulad ang tagpong napakatamis at napakasagrado sa araw ng inyong kasal. Doon mismo’y mababanaag ninyo ang selestiyal na kagalakan. Maging alisto; huwag tulutang agawin sa inyo ng tukso ang pagpapalang ito. (“Maging Isang Halimbawa,” Liahona, Mayo 2005, 6)

  • Bakit maaaring maghatid ng malalim na kagalakan at pagmamahal ang doktrina tungkol sa kasal na walang hanggan?

Maaari mong itanong sa sinumang estudyante na handang magpahayag kung bakit at paano sila nagsisikap na maikasal nang pangwalang-hanggan.

Ang kasal ay maaaring maging walang hanggan para sa mga taong tapat sa kanilang mga tipan.

Hatiin ang klase sa maliliit na grupo. Bigyan ang bawat grupo ng isang kopya ng kalakip na handout. Sabihin sa mga grupo na basahin ang sitwasyon at sama-samang talakayin ang mga tanong.

Kasal na Walang Hanggan

Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya—Lesson 10

Kaibigan mo ang isang mag-asawa sa inyong ward na hindi na dumadalo sa mga miting sa simbahan. Sa pakikipag-usap sa kanila, sinabi ng lalaki, “Huwag kang mag-alala na hindi kami nakakapagsimba ngayon. Nabuklod na kami sa templo, kaya OK lang kami. Magkakasama kami magpakailanman.”

  • Iniisip ang natutuhan mo mula sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda, ano ang hindi nauunawaan ng mag-asawang ito tungkol sa kinakailangang gawin upang maging walang hanggan ang kanilang kasal? (Maaari mong rebyuhin nang mabilisan ang bahagi 2.)

  • Anong mga katangian o pagpili ang nagtutulot sa isang tao na “[sumunod] sa … tipan”? (Doktrina at mga Tipan 132:19).

  • Paano tayo magiging higit na katulad ng Tagapagligtas sa pagtupad sa mga sagradong tipan at pangakong ginawa natin sa Diyos?

Kasal na Walang Hanggan

Larawan
handout ng titser

Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng natutuhan nila sa kanilang mga talakayan sa grupo. Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang kanilang mga komento, maaari mong ilista sa pisara ang ilan sa mga katotohanang binanggit nila. Maaaring kabilang sa mga katotohanang ito ang mga ideyang tulad ng sumusunod: Ang ating kasal ay maaari lamang maging walang hanggan kung ang mga ito ay isinagawa sa pamamagitan ng awtoridad ng Diyos at kung tutupad tayo sa tipan ng kasal. Ang Espiritu Santo (ang Banal na Espiritu ng Pangako) ay magpapatotoo sa Ama ng ating katapatan sa ating mga tipan sa kasal. Ang Tagapagligtas ang sakdal o perpektong halimbawa ng pagtupad sa mga pangako at mga tipan.

Magpatotoo na may pag-asa ang lahat na maikasal nang pangwalang-hanggan. Ginawang posible ng Tagapagligtas na tayong lahat ay makapagsisi, mapatawad, at gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan sa Kanya. Ipaalala sa mga estudyante na kahit ang mga taong hindi nagkaroon ng pagkakataong makapag-asawa sa buhay na ito ay maaaring mabuklod sa asawa sa kawalang-hanggan kung sila ay tapat.

Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tanong at sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa at isulat ang kanilang mga impresyon tungkol dito:

  • Gaano katapat ang hangarin kong maikasal sa templo? Anong mga pagpili ang magagawa ko ngayon na aayon sa hangaring iyon?

  • Paano ko mas matutularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pagtupad sa aking mga tipan? Paano ko magagamit ang Kanyang kapangyarihan upang tulungan akong gumawa at tumupad ng aking mga tipan?

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo tungkol sa mga katotohanang tinalakay sa lesson na ito, at hikayatin ang mga estudyante na ipamuhay ang natutuhan nila.

Para sa Susunod

Hikayatin ang mga estudyante na pag-aralan ang materyal sa paghahanda para sa susunod na lesson. Maaari mong ibigay ang mga sumusunod na tanong para mapag-isipan ng mga estudyante habang nag-aaral sila:

  • Sa paanong paraan ako tinutulungan ng Panginoon sa aking mga pagsisikap na makahanap ng makakasama sa kawalang-hanggan (o, para sa mga may-asawa, na magkaroon ng ugnayan na walang hanggan)?

  • Para sa akin, anong mga katangiang katulad ng kay Cristo ang pinakamahalagang taglay ng isang asawa at ng sarili ko?

Print