Institute
Lesson 12: Materyal ng Titser: Pangangalaga sa Pagsasama ng Mag-asawa


“Lesson 12 Materyal ng Titser: Pangangalaga sa Pagsasama ng Mag-asawa,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya (2022)

“Lesson 12 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya

Lesson 12 Materyal ng Titser

Pangangalaga sa Pagsasama ng Mag-asawa

Nais ng Panginoon na tulungan tayong magkaroon ng masaya at walang hanggang pagsasama ng mag-asawa. Gamit ang payo ng propeta at mga turo at halimbawa ni Jesucristo, malalaman ng mga estudyante ang mga paraan upang mapangangalagaan nila ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa sa kasalukuyan o sa hinaharap. Aanyayahan din ang mga estudyante na alamin ang mga paraan upang matapat na pumisan sa kanilang asawa.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mapangangalagaan natin ang pagsasama bilang mag-asawa kung ipamumuhay natin ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Umasang gagawin ng mga estudyante ang kanilang responsibilidad bilang mga mag-aaral. “Ang pagkakaroon ng layunin ay umiiral sa isang klase kung saan ang mga titser ay umaasa na gagawin ng mga estudyante ang kanilang responsibilidad bilang mag-aaral at tinutulungan sila sa paggawa nito at kung saan ang mga estudyante ay pinagkakatiwalaang mag-aambag sa makabuluhang paraan” (Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo: Isang Hanbuk para sa mga Titser at Lider sa Seminaries and Institutes of Religion [2012], 15).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda. Pagkatapos ay anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng mga halimbawa ng mag-asawa na kilala nila na masayang nagsasama.

Iayos ang mga estudyante sa maliliit na grupo, at magtalaga ng isang lider para sa bawat grupo. Bigyan ang bawat grupo ng kopya ng sumusunod na handout, sama-sama ninyong basahin ang mga instruksyon, at pagkatapos ay bigyan ang mga estudyante ng sapat na oras para makumpleto ang aktibidad. (Kung may oras pa, maaari mo pang anyayahan ang mga grupo na gumawa ng kanilang blog post o video sa oras ng aktibidad at ipabahagi ito sa klase.)

Mahahalagang Alituntunin sa Pangangalaga ng Isang Masaya at Walang Hanggang Pagsasama ng Mag-asawa

Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya,—Lesson 12

Isipin kunwari na magsusulat ang grupo ninyo ng blog post o gagawa ng isang video na tinatawag na “Mahahalagang Alituntunin sa Pangangalaga ng Isang Masaya at Walang Hanggang Pagsasama ng Mag-asawa.” Ang mga alituntunin para sa inyong blog post o video ay dapat kunin mula sa mga bahagi 1 at 2 ng materyal sa paghahanda o mula sa mga banal na kasulatan. Dahil hindi ninyo matatalakay ang bawat mahalagang punto sa inyong blog post o video, magpasiya kung alin ang limang pinakamahalagang paraan para makumpleto ang sumusunod na alituntunin: Mapangangalagaan ng mag-asawa ang masaya at walang hanggang pagsasama sa pamamagitan ng …

  • Halimbawa:

  • Mapangangalagaan ng mag-asawa ang masaya at walang hanggang pagsasama sa pamamagitan ng pagsunod sa halimbawa ng pagmamahal at matwid na pagsasakripisyo ng Tagapagligtas (tingnan sa Efeso 5:25, 28–31).

Ang mga sumusunod na tanong ay makatutulong sa inyo na magpasiya kung aling mga alituntunin ang isasama:

  • Bakit dapat isama ang alituntuning ito sa ating blog post o video? Sa paanong paraan nakatutulong ang pamumuhay ng alituntuning ito sa isang masaya at walang-hanggang pagsasama ng mag-asawa?

  • Nabanggit ba ng masayang mag-asawang nakausap natin ang alituntuning ito noong naghahanda tayo para sa klase? Kung nabanggit nila, ano ang ikinuwento nila tungkol dito?

Mahahalagang Alituntunin sa Pangangalaga ng Isang Masaya at Walang Hanggang Pagsasama ng Mag-asawa

handout ng titser

Matapos ang sapat na oras na matukoy at maisulat ng mga grupo ang limang alituntunin, sabihin sa kanila na isulat sa pisara ang kanilang tatlong nangungunang alituntunin (o ibahagi ang kanilang mga blog post o video). Matapos matukoy ang mga alituntunin, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila mula sa karanasang ito. Habang nagbabahagi sila, maaari mong itanong ang tulad ng sumusunod upang matulungan ang mga estudyante na kumilos nang makabuluhan at matwid.

  • Paano ninyo nakitang nagamit ang alituntuning ito sa inyong buhay? Ano ang naobserbahan ninyo?

  • Paano mapalalalim ng buhay at halimbawa ng Tagapagligtas ang inyong pag-unawa sa alituntuning ito?

  • Kung wala kayong asawa, ano ang ilang paraan na maipamumuhay ninyo ang alituntuning ito upang matulungan kang maghanda para sa isang masayang buhay may-asawa?

  • Kung may asawa kayo, paano humahantong sa higit na kaligayahan ang pagsasabuhay ng alituntuning ito sa pagsasama ninyo ng inyong asawa?

Pagkatapos ng makabuluhang talakayan, sabihin sa mga estudyante na magsulat ng isang partikular na gagawin nila upang maghanda para sa masayang pagsasama ng mag-asawa o mas mapangalagaan ang kanilang pagsasama.

Ang mag-asawa ay dapat pumisan sa isa’t isa.

14:54
Pangulong Russell M. Nelson

Sa paglalakbay namin ng mga Kapatid sa buong mundo, kung minsan ay nakababahala ang mga nakikita namin. Sa eroplano kamakailan, nakaupo ako sa likod ng isang mag-asawa. Halatang mahal ng babae ang asawa niya. Habang hinahagod ang batok nito nakita ko ang singsing-pangkasal niya. Niyayapos niya ito at humihilig sa balikat ng asawa, sa kagustuhang makapiling ito.

Sa kabila nito, mukhang walang pakialam sa kanya ang asawang lalaki. Nakatuon lang siya sa laro sa electronic game player. Sa buong paglalakbay, aliw na aliw siya sa laruang iyon. Kahit minsan ay hindi niya tiningnan, kinausap, o inunawang sabik ang kanyang asawa sa pagsuyo.

Dahil hindi niya ito pinapansin gusto kong sumigaw ng: “Dumilat ka, lalaki! Di mo ba nakikita? Tingnan mo! Mahal ka ng asawa mo! Kailangan ka niya!”

Wala na akong iba pang nalaman tungkol sa kanila. Di ko na sila nakita mula noon. Siguro sobra lang ang pag-aalala ko. At malamang, kung nalaman ng lalaking ito ang pag-aalala ko para sa kanila, baka maawa pa siya sa akin dahil hindi ko alam laruin iyong nilalaro niya. (“Pangangalaga sa Kasal,” 36)

  • Ano ang nakababagabag sa pag-uugali ng lalaki sa sitwasyong ito?

  • Anong mga bagay ang maaaring maging hadlang sa pag-uugnayan ng mag-asawa sa isa’t isa at pangangalaga sa kanilang pagsasama?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 42:22. Bigyang-diin na dapat mahalin ng mag-asawa ang isa’t isa nang buong puso at pumisan sa isa’t isa. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na sagutin ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na tanong upang matulungan silang palalimin ang kanilang pag-unawa sa alituntuning ito.

  • Ano ang ibig sabihin ng pumisan sa inyong asawa at “wala nang iba”? (Doktrina at mga Tipan 42:22). (Maaari ninyong rebyuhin ang pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda.) Bakit matinding pagpapakita ng pagmamahal ang pagpisan?

  • Sa paanong mga paraan maaaring masubok ang katapatan sa pagsasama ng mag-asawa (katapatan sa inyong asawa)? Paano mapoprotektahan ng mag-asawa ang kanilang sarili laban sa anumang uri ng pagtataksil sa kanilang pagsasama? (Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na rebyuhin ang mga pahayag nina Elder L. Whitney Clayton at Pangulong Nelson sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda.)

  • Paano makapagbabalanse at makapaglalaan ng oras para sa kanilang mga personal na interes ang mag-asawa habang maayos na pinangangalagaan at pinananatili ang lubos na katapatan sa kanilang pagsasama?

Bigyan ang mga estudyante ng oras na maisulat ang kanilang mga sagot sa sumusunod na tanong, na inanyayahan silang pagnilayan sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda:

  • Anong mga pagbabago ang kailangan mong gawin ngayon para maging mas handa kang pumisan sa iyong mapapangasawa o mas lubos na pumisan sa iyong asawa kung may asawa ka na?

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa hangarin at kapangyarihan ng Panginoon na tulungan tayong magkaroon ng masaya at walang hanggang pagsasama ng mag-asawa kapag ginawa natin ang lahat ng ating makakaya.

Para sa Susunod

Sabihin sa mga estudyante na mapanalanging pag-aralan ang materyal sa paghahanda para sa susunod na lesson, na tungkol sa maganda at sagradong kaloob na seksuwal na intimasiya. Hikayatin ang mga estudyante na pumasok sa klase na handang magsalita nang tapat at magalang tungkol sa kaloob na ito at kung paano ito mapoprotektahan.