Institute
Lesson 28 Materyal ng Titser: Pagkakaroon ng Pag-asa sa Pagbuo ng Walang-Hanggang Pamilya


“Lesson 28 Materyal ng Titser Paghahanda para sa Klase: Pagkakaroon ng Pag-asa sa Pagbuo ng Walang-Hanggang Pamilya,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang-Hanggang Pamilya (2022)

“Lesson 28 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang-Hanggang Pamilya

Lesson 28 Materyal ng Titser

Pagkakaroon ng Pag-asa sa Pagbuo ng Walan-Hanggang Pamilya

Lahat tayo ay maaaring magkaroon ng pag-asa na makakaya nating bumuo ng isang walang-hanggang pamilya, anuman ang kalagayan ng ating pamilya. Ang lesson na ito ay tutulong sa mga estudyante na mas maunawaan na matutulungan sila ng Panginoon na magtagumpay sa pagbuo ng walang-hanggang pamilya. Magkakaroon din ang mga estudyante ng pagkakataong magbahagi at magpasiya kung paano nila mas maipamumuhay ang natutuhan at naranasan nila sa kursong Ang Walang-Hanggang Pamilya.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Nais ng Panginoon na tulungan tayong magtagumpay sa pagbuo ng mga walang-hanggang pamilya.

Paalala: Piliing mabuti ang opsiyon sa pagtuturo para sa unang bahagi ng lesson na lubos na magpapala sa iyong mga estudyante. Tiyaking mag-iwan ng mga 20 minuto para sa huling bahagi ng lesson.

Simulan ang lesson sa pagsasabi sa mga estudyante na isipin at isulat ang kanilang saloobin tungkol sa sumusunod na tanong:

  • Ano ang inaasam mo sa pagbuo ng walang-hanggang pamilya?

Pagkatapos ng sapat na oras, tumawag ng ilang estudyante na nais magbahagi ng mga saloobin nila.

Ipakita ang sumusunod na katotohanan mula sa pahayag ni Elder David A. Bednar sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda: “Sa tulong ng Panginoon, makalilikha kayo ng walang-hanggang pamilya” (“Isang Matibay na Dugtong” [pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Set. 10, 2017], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org).

Pumili ng isa sa mga sumusunod na aktibidad para matulungan ang mga estudyante na mapalalim ang kanilang pag-unawa sa katotohanang ito at ipabahagi sa kanila ang natutuhan nila habang naghahanda para sa klase:

Opsiyon 1

Ipaalala sa mga estudyante na sa aktibidad na “Isulat ang Iyong mga Naisip” sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda inanyayahan silang tumukoy ng isang halimbawa mula sa mga banal na kasulatan o sariling karanasan sa pamilya kung paano tinutulungan ng Panginoon ang mga nagtitiwala sa Kanya at humihingi ng Kanyang tulong. Iparebyu nang ilang minuto sa mga estudyante ang kanilang mga halimbawa at sagot sa mga tanong.

Pagpartner-partnerin o hatiin sa maliliit na grupo ang mga estudyante. Bigyan ng sapat na oras ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga halimbawa at sagot.

Kapag natapos na ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pangungusap: Laging alalahanin: . Bigyan ang bawat estudyante ng isang maliit na piraso ng papel at isang piraso ng tape. Sabihin sa mga estudyante na isulat kung paano nila kukumpletuhin ang pangungusap sa pisara para makabuo ng katotohanan batay sa natutuhan nila sa talakayan sa kanilang grupo na tutulong sa kanila na makadama ng pag-asa tungkol sa pagbuo ng isang walang-hanggang pamilya. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na i-tape ang kanilang mga papel sa paligid ng silid. (Kung maliit ang klase mo, maaari mong iakma ang aktibidad na ito sa pamamagitan ng pagsasabi sa mga estudyante na isulat sa pisara ang kanilang mga sagot.)

Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto na maglakad-lakad sa paligid ng silid at basahin ang isinulat ng bawat isa. Kapag natapos na ang mga estudyante, hikayatin silang isulat ang anumang karagdagang katotohanan na nais nilang alalahanin o impresyon na maaaring natanggap nila.

Opsiyon 2

Ipaliwanag na maaaring nahihirapan ang ilan sa atin na makadama ng pag-asa tungkol sa pagbuo ng walang-hanggang pamilya dahil hindi tayo nakaranas ng mga huwaran ng mabuting pamilya sa ating sariling pamilya.

  • Ano ang matututuhan natin mula sa karanasan ng propetang si Abraham na makapagbibigay sa atin ng pag-asa? (Hikayatin ang mga estudyante na alalahanin ang natutuhan nila tungkol kay Abraham sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda. Isiping sabay-sabay na basahin ang Abraham 1:2. Pagkatapos ay tulungan ang mga estudyante na matukoy ang katotohanang tulad ng sumusunod: Maaari tayong magsilbing daan para sa ating pamilya at piliin ang kabutihan anuman ang kalagayan ng ating pamilya.)

  • Sino, kung mayroon man, ang naging kasangkapan sa pagsisimula (o pagpapatuloy) ng mga huwaran ng mabuting pamilya sa inyong pamilya? Ano ang nagawang kaibhan ng mga desisyon ng taong ito sa inyong buhay?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pangatlo at panglimang talata sa pahayag ni Elder David A. Bednar sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.

  • Paano kayo matutulungan ng Panginoon na “mapatibay ang [inyong] kawing at marahil ay maibalik pa ang naputol na mga dugtong”? (“Isang Matibay na Dugtong”). (Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot sa tanong na ito sa halip na talakayin ang mga ito sa klase.)

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga tanong na sinabi sa kanila na pag-isipan nila hinggil sa mga huwaran ng pamilya na sisimulan, ipagpapatuloy, o ititigil (tingnan sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda). Hikayatin ang mga estudyante na isulat ang anumang ideya o impresyong natanggap nila.

Napagpapala tayo sa pagninilay ng tungkol sa natutuhan natin at pagpaplano ng mga paraan para ipamuhay ito.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Bigyan ang mga estudyante ng oras na makapagnilay. Makahahanap ang mga estudyante ng mas malalim na layunin at kahulugan sa kanilang pag-aaral kapag nag-uukol sila ng oras na pagnilayan kung paano naimpluwensyahan ng mga katotohanan ng ebanghelyo ang kanilang isipan, puso, at buhay. Ang paghikayat sa mga estudyante na pag-isipan kung paano nila ipamumuhay ang natutuhan at nadama nila ay makatutulong para mapalalim ang kanilang pagbabalik-loob.

Isiping ipakita ang isang kopya ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” (SimbahanniJesucristo.org). Ipaalala sa mga estudyante ang pagkakataon nila sa kursong ito na pag-aralan ang mga turo tungkol sa pamilya nang may walang-hanggang pananaw.

Idispley ang mga pamagat ng lesson mula sa kursong ito, o sabihin sa mga estudyante na tingnan ang mga ito sa kanilang mga device. Bigyan ng oras ang mga estudyante na rebyuhin ang mga pamagat ng lesson para matulungan silang pagnilayan ang natutuhan, nadama, at naranasan nila sa buong kursong ito. Pagkatapos ay anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang saloobin nila. Maaari ka ring magtanong ng tulad ng mga sumusunod para makatulong na mas mapalalim ang talakayan:

  • Paano nakaimpluwensya ang kursong ito sa inyong pag-unawa at patotoo sa mga turo ng Panginoon tungkol sa kasal at pamilya?

  • Ano ang isa sa mga pinakamahalagang natutuhan ninyo sa kursong ito?

  • Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa buong kursong ito? Paano napalakas ang inyong ugnayan sa Kanila?

Para tapusin ang lesson na ito, maaari mong ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pahayag ni Pangulong M. Russell Ballard sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda. Maaaring makatulong na ipakita ang mga sumusunod na tanong at bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto para maisulat ang kanilang mga naisip o impresyon tungkol dito:

  • Paano maiiba ang iyong buhay dahil sa natutuhan at naranasan mo sa kursong ito? Paano ka magiging higit na katulad ni Jesucristo?

Maaari mong anyayahan ang sinumang estudyante na gustong magbahagi ng kanilang patotoo tungkol sa kahalagahan ng pamilya sa plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit, kung may oras pa. Maaari mo ring ibahagi ang sarili mong patotoo. At hikayatin ang mga estudyante na patuloy na mag-enroll sa institute.