“Lesson 8 Materyal ng Titser: Pagsisikap na Maunawaan ang Pagkaakit sa Kaparehong Kasarian at Mahalin ang Ating mga Kapatid na LGBT,” Materyal ng Titser para sa Walang-Hanggang Pamilya (2022)
“Lesson 8 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang-Hanggang Pamilya
Lesson 8 Materyal ng Titser
Pagsisikap na Maunawaan ang Pagkaakit sa Kaparehong Kasarian at Mahalin ang Ating mga Kapatid na LGBT
Bilang mga disipulo ni Jesucristo, inaanyayahan tayo na “manguna sa pagpapahayag ng pagmamahal, habag, at paglilingkod” sa mga taong nakararanas ng pagkaakit sa kaparehong kasarian o tinatawag na bakla, lesbiana o tomboy, o bisexual (Quentin L. Cook, “Let Us Be at the Forefront” [video], ChurchofJesusChrist.org). Sa lesson na ito, magkakaroon ang mga estudyante ng pagkakataong matukoy, matalakay, at maipamuhay ang mga katotohanan ng ebanghelyo na makatutulong sa kanila na tumugon nang may pagmamahal, pagtanggap, at paggalang sa mga nakararanas ng pagkaakit sa kaparehong kasarian o tinatawag na LGBT.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Iniutos ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo na mahalin ang isa’t isa tulad ng pagmamahal Niya sa atin.
Sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na isang young adult na nagngangalang Jean ang dumalo sa institute class na ito sa unang pagkakataon. Nang malaman ni Jean na ang tatalakaying paksa ay tungkol sa pagkaakit sa kaparehong kasarian, agad siyang naging balisa at gustong umalis, dahil tinatawag siyang lesbiana. Talakayin kung bakit kaya nabalisa si Jean at ano ang magagawa ng mga miyembro ng klase para tulungan siya at ang iba na madama na walang dapat ipangamba sa talakayang ito.
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Mateo 22:37–39 at Juan 13:34–35, at alamin kung bakit mahalaga sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na mahalin ang ating kapwa. Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Iniuutos sa atin na mahalin ang isa’t isa tulad ng pagmamahal ni Jesucristo sa atin.
-
Bakit mahalagang mahalin ng mga disipulo ni Jesucristo ang iba tulad ng pagmamahal Niya?
-
Sa paanong mga paraan ipinakita ni Jesucristo ang perpektong pagmamahal Niya noong Kanyang mortal na ministeryo? (Bilang bahagi ng talakayan, ipaalala sa mga estudyante na ang pagmamahal sa iba ay hindi nangangahulugan na dapat tayong sumang-ayon o mag-endorso ng mga pag-uugali na labag sa mga kautusan ng Diyos. Magiliw na itinuro ng Tagapagligtas ang doktrina ng Kanyang Ama nang buong tapang at kalinawan.)
-
Paano tayo magagabayan ng halimbawa ng pagmamahal ng Tagapagligtas sa ating talakayan tungkol sa pagkaakit sa kaparehong kasarian?
Maaari tayong tumugon sa mga nakararanas ng pagkaakit sa kaparehong kasarian nang may kabaitan, pagtanggap, at paggalang.
Hatiin ang klase sa maliliit na grupo. Ipaliwanag na sa loob ng ilang minuto ay tatalakayin ng bawat grupo ang isang sitwasyon na kinapapalooban ng pagkaakit ng isang tao sa kaparehong kasarian. Ipaliwanag na ang sitwasyong ito ay katulad ng mga karanasan sa tunay na buhay ng ilang miyembro ng Simbahan. Upang matulungan ang mga estudyante na ibatay ang kanilang mga talakayan sa mga alituntunin ng ebanghelyo, maaari mong sabihin sa bawat miyembro ng grupo na rebyuhin muna ang isa sa mga bahagi sa materyal sa paghahanda.
Matapos marebyu ng mga estudyante ang kanilang mga bahagi, bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng handout na matatagpuan sa katapusan ng lesson na ito. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang sitwasyon at pagkatapos ay talakayin ang mga kasunod na tanong sa kanilang grupo.
Matapos talakayin nang maraming oras ng mga estudyante ang sitwasyon at mga tanong, anyayahan sila na ibahagi ang natutuhan o nadama nila sa kanilang talakayan. Kapag nagbahagi na ang mga estudyante ng kanilang mga ideya, maaari kang magtanong ng mga bagay na makatutulong sa kanila na mapalalim ang kanilang pang-unawa sa paksang ito. Narito ang ilang halimbawa ng mga follow-up na tanong:
-
Paano nakaimpluwensya ang kaalaman/katotohanan/alituntuning iyan …
-
Kailan mo nadama/nakita/naranasan …
-
Ano ang halimbawa ng …
-
Paano ka kikilos nang may pananampalataya sa …
Pagkatapos ng talakayan, itanong sa mga estudyante kung may mga tanong o alalahanin sila tungkol sa pagkaakit sa kaparehong kasarian na hindi nasagot.
Upang matulungan ang mga estudyante na ipamuhay ang natutuhan nila, maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tanong at anyayahan ang mga estudyante na pumili ng isa o mahigit pa na nauugnay sa kanila. Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan ang kanilang tanong (o mga tanong) at isulat ang anumang impresyon na maaaring matanggap nila.
-
Ano ang kailangan kong baguhin tungkol sa paraan ko na mag-isip at kumilos para mapakitunguhan ko ang lahat ng tao, kabilang ang mga nakararanas ng pagkaakit sa kaparehong kasarian, nang may higit na pagmamahal, pagtanggap, at paggalang? Paano ako makaaasa sa Tagapagligtas habang ginagawa ko ang mga pagbabagong ito?
-
Bilang isang taong nakararanas ng pagkaakit sa kaparehong kasarian, paano ako matutulungan ng pagtutuon sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo na mamuhay nang may higit na pag-asa at kaligayahan? Kung hindi ko pa naibahagi ang aking karanasan sa sinuman, sino ang mahihingan ko ng tulong? (Paalala: Kung magpapasiya kang talakayin ang nadarama mong pagkaakit sa kaparehong kasarian, mapanalanging pag-isipan kung kanino mo sasabihin ito at kung paano mo ibabahagi ang aspetong ito ng iyong karanasan sa buhay na ito.)
Para sa Susunod
Sabihin sa mga estudyante na habang pinag-aaralan nila ang materyal sa paghahanda para sa lesson 9 ay mag-ukol din sila ng kaunting oras sa pag-aaral tungkol sa kanilang mga ninuno sa FamilySearch.org o sa Family Tree app. Hikayatin silang pag-isipan ang mga pagpapalang ipinangako sa mga taong tumutulong sa kanilang mga ninuno na tumanggap ng nakapagliligtas na mga ordenansa sa templo.