Institute
Lesson 22 Materyal ng Titser: Palakihin ang mga Anak sa Kabutihan


“Lesson 22 Materyal ng Titser: Palakihin ang mga Anak sa Kabutihan,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya (2022)

“Lesson 22 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya

Lesson 22 Materyal ng Titser

Pagpapalaki ng mga Anak sa Kabutihan

“Ang mga magulang ay may banal na tungkuling palakihin ang kanilang mga anak sa … kabutihan” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” simbahannijesucristo.org). Ang lesson na ito ay tutulong sa mga estudyante na maunawaan kung ano ang magagawa nila para matulungan ang kanilang mga anak na matutuhan ang tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo. Aalamin din ng mga estudyante kung paano tutulungan ang mga mahal sa buhay na lumihis sa landas ng ebanghelyo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Gamitin ang kurikulum. Habang inihahanda mo ang bawat lesson, parehong rebyuhin nang may panalangin ang materyal ng titser at ang materyal sa paghahanda. Sa paggawa nito, matutulungan ka ng Espiritu Santo na maiangkop ang lesson sa pangangailangan ng mga estudyante. Maaari mong piliing gamitin ang lahat o ang ilan sa mga mungkahi sa pagtuturo, o maaari mong ibuod ang ilang bahagi ng lesson at iangkop ang mga iminungkahing ideya ayon sa mga pangangailangan at kalagayan ng iyong mga estudyante.

Iniutos ng Panginoon sa mga magulang na palakihin ang kanilang mga anak sa liwanag at katotohanan.

Maaari mong simulan ang lesson sa pagsasabi sa mga estudyante na pag-isipan ang mga impluwensya sa ating panahon na maaaring magpahirap sa pagpapalaki ng mga anak na maging malakas sa espirituwal. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga naisip.

Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang Doktrina at mga Tipan 68:25, 28 at 93:40 at sumulat ng isang pangungusap na nagbubuod, gamit ang sarili nilang mga salita, kung ano ang inaasahan ng Ama sa Langit sa mga magulang. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang isinulat nila. Matapos ibahagi ng mga estudyante ang kanilang buod, ipakita ang sumusunod na pahayag mula sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak:Ang mga magulang ay may banal na tungkuling palakihin ang kanilang mga anak sa kabutihan.

  • Bakit mahalaga para sa mga magulang na maging “pangunahing mga guro at halimbawa ng ebanghelyo” sa kanilang mga anak? (Tad R. Callister, “Mga Magulang: Ang Pangunahing mga Guro ng Ebanghelyo sa Kanilang mga Anak,” Liahona, Nob. 2014, 32). (Maaari mong iparebyu sa mga estudyante ang mga pahayag nina President Tad R. Callister at President Joy D. Jones sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.)

  • Sa paanong paraan tinatangka ni Satanas na ilihis ang mga magulang sa sagradong tungkuling ito? (Maaari mong banggitin ang ilan sa mga paraan na nakasaad sa huling dalawang talata ng bahaging “Ang mga Pag-atake ng Kaaway sa Pamilya” sa artikulong “Ang mga Sagradong Responsibilidad ng Pagiging Magulang” ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol [Liahona, Mar. 2006, 10–17].)

  • Ano ang maaaring gawin ng mga pamilya para magawa nang palagian ang pagdarasal ng pamilya, pag-aaral ng mga banal na kasulatan ng pamilya, at home evening?

Magkakasamang rebyuhin ang pahayag ni Sister Cheryl A. Esplin sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.

  • Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na “maitanim ang doktrina sa kanilang mga puso na nagiging bahagi na ito ng kanilang pagkatao”? (“Turuan ang Ating mga Anak na Umunawa,” Liahona, Mayo 2012, 10). Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na madama ang Espiritu Santo at matuto sa Kanya?

  • Paano nakatulong sa inyo ang isang magulang o itinuturing na magulang, sa salita o halimbawa, upang makilala at masunod ang Tagapagligtas? (Maaari ninyong magkakasamang rebyuhin ang 2 Nephi 25:26 at ang mga pahayag nina Elder Neil L. Andersen at President Joy D. Jones sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.)

Iparebyu sa mga estudyante ang isinulat nila bilang tugon sa prompt na “Isulat ang Iyong mga Naisip” sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda. Anyayahan ang ilang estudyante na gustong magbahagi ng isinulat nila. Hikayatin ang mga estudyante na isulat ang anumang karagdagang ideya o impresyon na naisip nila habang nagkaklase.

Dapat nating mahalin at ipagdasal ang mga miyembro ng pamilya na lumihis sa landas ng ebanghelyo.

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano kaya ang pakiramdam kung pinili ng isa sa kanilang mga anak na lisanin ang landas ng ebanghelyo. Kung maaari, ipanood ang video ng Aklat ni Mormon na “Inanyayahan ni Lehi ang Kanyang Pamilya na Kumain ng Bunga ng Punungkahoy” (1 Nephi 8:12–18)” (3:23). (Kung hindi mo maipapanood ang video, idispley ang kalakip na larawan at magkakasamang basahin ang 1 Nephi 8:12–18.) Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang maaaring nadama ni Lehi tungkol sa magkakaibang tugon ng kanyang mga kapamilya sa kanyang paanyaya na kumain ng bunga ng punungkahoy ng buhay. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga naisip.

Larawan
si Lehi at ang bunga ng punungkahoy ng buhay
  • Ano ang iba pang mga halimbawa mula sa mga banal na kasulatan tungkol sa mabubuting magulang na may anak o mga anak na lumihis sa landas ng ebanghelyo? Ano ang matututuhan ninyo mula sa mga ginawa ng mga magulang na ito na gagabay sa gagawin mo sa mga miyembro ng pamilya na maaaring malihis?

Magkakasamang rebyuhin ang pahayag ni Elder Ulisses Soares sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda.

  • Ano ang matututuhan natin mula kay Elder Soares tungkol sa gagawin natin kapag tumalikod ang isang miyembro ng pamilya sa landas ng ebanghelyo? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung ang isang miyembro ng pamilya ay tumalikod sa landas ng ebanghelyo, dapat natin siyang patuloy na mahalin at ipagdasal at humingi ng tulong sa Panginoon.)

  • Kailan ninyo nakitang sinunod ng mga miyembro ng pamilya ang mga turo ni Elder Soares? Ano ang naging epekto ng ginawa nila?

Maaari mong basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:

Larawan
Pangulong Henry B. Eyring

Para sa ilan, tila malabo o naglalaho pa nga ang pag-asang matamo ang walang-hanggang kagalakang iyan. Ang mga magulang, anak, at kapatid ay maaaring nakagawa na ng mga pagpili na hindi [magpapamarapat] sa kanila sa buhay na walang hanggan. …

Minsa’y pinayuhan ako ng isang propeta ng Diyos na nagbigay sa akin ng kapayapaan. Nag-alala ako na baka maging imposible para sa aming pamilya na magkasama-sama magpakailanman dahil sa mga pagpili ng iba. Sabi niya, “Maling problema ang ipinag-aalala mo. Mamuhay ka lang nang marapat para sa kahariang selestiyal, at ang mga sitwasyon ng pamilya ay magiging mas maganda kaysa inaakala mo.” (“Ang Pag-asa ng Walang-Hanggang Pagmamahal sa Pamilya,” Liahona, Ago. 2016, 4, 5)

  • Paano makapagbibigay ng pag-asa at kapanatagan ang turong ito sa mga tao na may mga mahal sa buhay na lumihis sa landas ng ebanghelyo?

Maaari mong tapusin ang lesson sa pagpapatotoo na handa ang Panginoon na tulungan tayo habang sinisikap nating palakihin ang ating mga anak sa kabutihan.

Para sa Susunod

Pag-isipan ang sumusunod na pahayag ni Elder Andersen:

Larawan
Elder Neil L. Andersen

Maraming bata at matatanda na tapat at totoo sa ebanghelyo ni Jesucristo, kahit na ang kanilang nararanasan sa kasalukuyan ay hindi akma sa pagpapahayag [tungkol] sa mag-anak. (“Ang Mata ng Pananampalataya,” Liahona, Mayo 2019, 36)

Sabihin sa mga estudyante na, sa pag-aaral nila ng materyal para sa susunod na lesson, alamin ang mga turo na maaaring magpala sa mga pamilya o indibiduwal na kilala nila na ang kasalukuyang mga karanasan sa pamilya ay maaaring hindi ang inaasahan nila.