Institute
Lesson 15 Materyal ng Titser: Ang Kautusan na Magpakarami at Punuin ang Lupa


“Lesson 15 Materyal ng Titser: Ang Kautusan na Magpakarami at Punuin ang Lupa,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya (2022)

“Lesson 15 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya

Lesson 15 Materyal ng Titser

Ang Kautusan na Magpakarami at Punuin ang Lupa

Ipinahayag ng mga propeta na ang kautusan ng Ama sa Langit na magpakarami at punuin ang lupa ay iniuutos pa rin ngayon. Sa lesson na ito, tatalakayin ng mga estudyante ang kahalagahan at kagalakan ng pagkakaroon ng mga anak. Tatalakayin din nila kung paano gumawa ng mga desisyong nakasalig sa pananampalataya tungkol sa kung kailan magkakaanak at kung ilang anak. Magkakaroon ang mga estudyante ng pagkakataong suriin ang kanilang pananampalataya sa Diyos at ang kanilang pagsunod sa Kanyang kalooban hinggil sa kautusang ito.

Paalala: Bago magklase, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isumite ang mga tanong nila tungkol sa paksa ng lesson na ito sa pamamagitan ng text, email, online survey, o iba pang paraan. Gamitin ang mga tanong ng mga estudyante at ang patnubay ng Espiritu para malaman kung ano ang mas pagtutuunan ng pansin sa lesson na ito. Mag-isip ng mga paraan na magagamit mo ang mga tanong ng mga estudyante sa kanilang talakayan. Halimbawa, maaari mong palitan ang ilan sa mga tanong na ginamit sa talakayan ng grupo (tingnan ang handout sa ibaba) ng mga katulad na tanong na isinumite ng iyong mga estudyante.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Ang kautusan ng Diyos na magpakarami at punuin ang lupa ay iniuutos pa rin ngayon.

Maaari kang magdispley ng larawan ng isang sanggol. Sabihin sa mga estudyante na magsabi ng isang salita na maaaring gamitin ng isang tao para ilarawan ang nadarama ng mga tao tungkol sa mga sanggol, at ilista sa pisara ang mga salitang binanggit ng mga estudyante. (O, para mas masubok ang kakayahan nila, maaari mong sabihin sa mga estudyante na magsulat ng mga salitang naglalarawan sa loob ng 30 segundo sa abot ng kanilang makakaya at pagkatapos ay sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga isinulat.) Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang saloobin nila kung bakit naisip nila ang mga salitang iyon.

  • Ano ang mga inuuna ng ilang mag-asawa bago magkaanak? (Kung kinakailangan, maaari mong ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang unang pahayag ni Elder Neil L. Andersen sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.)

Magkakasamang basahin ang Genesis 1:27–28, at sabihin sa mga estudyante na maaari nilang markahan ang unang kautusan na ibinigay ng Ama sa Langit kina Adan at Eva. Pagkatapos ay magkakasamang basahin ang ikaapat na talata ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” (simbahannijesucristo.org), at pansinin kung paano naaangkop sa atin ngayon ang unang kautusang ito.

  • Paano ninyo ipaliliwanag ang mga layuning natupad sa plano ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga anak ng mga mag-asawa? (Kung kinakailangan, iparebyu sa mga estudyante ang pangalawang pahayag ni Elder Andersen at ang pahayag ni Pangulong M. Russell Ballard sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda. Bilang bahagi ng talakayan, bigyang-diin ang sumusunod na katotohanan: Kapag nagkaroon ang mag-asawa ng anak sa mundo, tinutupad nila ang bahagi ng plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit.)

Maaari mong ipaalala sa mga estudyante ang ipinagawa sa kanila na kumausap ng isang taong may mga anak (tingnan sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda). Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang natutuhan nila. (Maaari mong kontakin ang isa o dalawang estudyante ilang araw bago magklase para anyayahan silang pumasok na handang ibahagi sa klase ang kanilang saloobin.)

Hatiin ang klase sa maliliit na grupo at magtalaga ng isang lider para sa bawat grupo. Bigyan ang bawat grupo ng kopya ng sumusunod na handout, at sabihin sa mga estudyante na sundin ang mga instruksyon sa handout.

Paggawa ng mga Desisyong Nakasalig sa Pananampalataya tungkol sa Pagkakaroon ng mga Anak

Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya—Lesson 15

Basahin ang mga sumusunod na alalahanin na ipinahayag ng ilang young adult:

  1. Sa huli kong pagbubuntis, nakaranas ako ng ilang komplikasyong medikal na maaaring mangyari muli kapag nagdalang-tao ako. Kaya nagpasiya kaming mag-asawa na huwag nang magkaroon pa ng mga anak. Nakokonsensya ako dahil dalawa lang ang anak namin pero lahat ng kapatid ko ay may mas malaking pamilya.

  2. Plano naming mag-asawa na magkaanak kalaunan, pero gusto pa naming maglakbay at maranasan ang iba pa bago kami magkaanak. OK lang ba na hindi muna magkaanak?

  3. Gusto naming mag-asawa na magkaroon na ng mga anak. Hindi lang namin sigurado kung handa na kami. Hindi pa namin kaya sa ngayon ang mga gagastusin. Paano namin malalaman kung kailan ang tamang panahon?

Pumili ng isa sa mga alalahaning ito na pagtutuunan ng inyong grupo, at talakayin ang mga tanong sa ibaba:

  • Paano naging makatwiran ang alalahaning ito?

  • Paano ninyo magagamit ang natutuhan ninyo sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda para tulungan ang isang taong may ganitong alalahanin?

  • Anong iba pang mga salaysay mula sa mga banal na kasulatan o mga turo ng mga lider ng Simbahan ang makatutulong sa isang taong may ganitong alalahanin sa kanyang pagsisikap na sumulong nang may pananampalataya sa Diyos?

Paggawa ng mga Desisyong Nakasalig sa Pananampalataya tungkol sa Pagkakaroon ng mga Anak

Larawan
handout ng titser

Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang isa o dalawang estudyante na magbahagi ng natutuhan nila sa kanilang talakayan sa grupo. Kung hindi ito nabanggit ng mga estudyante, ipaalala sa kanila ang payo na ibinigay sa Alma 37:37, at ipakita ang sumusunod na alituntunin: Kapag sumangguni ang mag-asawa sa Panginoon at nanampalataya sa Kanya, gagabayan Niya sila sa kanilang mga desisyon tungkol sa pagkakaroon ng mga anak.

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na itanong ang anumang katanungang mayroon sila tungkol sa kautusang magkaroon ng mga anak. (Maaaring natipon mo ang ilan sa mga tanong ng mga estudyante bago magklase na maitatampok at matatalakay mo rito.) Maaari ka ring pumili ng alinman sa mga sumusunod na tanong na sa palagay mo ay makatutulong sa iyong mga estudyante na mapalalim ang kanilang pang-unawa tungkol sa paksang ito at talakayin ninyo ang mga ito sa klase:

  • Bakit mahalaga sa mag-asawa na sumangguni sa Ama sa Langit tungkol sa kung kailan magkakaanak at kung ilang anak?

  • Sa anong mga paraan ninyo nakita na sumusulong nang may pananampalataya ang mga taong kilala ninyo nang matuklasan nila na hindi sila magkakaroon ng mga anak (o ng kasindami ng mga anak na ninanais nila)?

  • Bakit mahalaga na hindi natin hinuhusgahan ang iba sa kanilang mga desisyon tungkol sa kung kailan nila gustong magkaroon ng mga anak at kung ilang anak?

Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na tanong at bigyan ang mga estudyante ng oras na maisulat ang kanilang mga ideya tungkol sa isa o dalawa na napili nila:

  • Ano ang mga personal na paniniwala at damdamin ko tungkol sa pagkakaroon ng mga anak?

  • Anong mga pagbabago, kung mayroon man, ang kailangan kong gawin upang mas lubos na maiayon ang aking kalooban sa pananaw ng Panginoon hinggil sa pagkakaroon ng mga anak?

  • Paano ko maipagtatanggol ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga anak?

  • Paano ko madaragdagan ang aking tiwala na susuportahan kaming mag-asawa ng Panginoon sa pagsunod sa kautusan na magkaroon ng mga anak ayon sa Kanyang kalooban?

Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na gustong magbahagi ng isinulat nila.

Pinagtibay ng Panginoon ang kasagraduhan ng buhay.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pagpapahayag tungkol sa mag-anak sa simula ng bahagi 3 ng materyal sa paghahanda.

  • Ano ang itinuturo sa atin ng pahayag na ito tungkol sa ating Ama sa Langit at sa nais Niya para sa Kanyang mga anak? (Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan kung paano nakaapekto ang mga katotohanang ito na nalaman nila sa kanilang hangarin na magkaroon ng mga anak.)

Ipaalala sa mga estudyante na ang pahayag na ito mula sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak ay sumasalungat sa ilang gawain na tinatanggap na ngayon ng maraming tao, tulad ng aborsiyon.

  • Paano mo magagamit ang nalalaman mo tungkol sa plano ng Diyos para ipaliwanag kung bakit ang “pagpapalaglag para sa personal o panlipunan na kaginhawaan” ay salungat sa kalooban ng Diyos? (Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 38.6.1, simbahannijesucristo.org).

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang magagawa nila para maitaguyod at maprotektahan ang kasagraduhan ng buhay ng tao.

Maaari mong tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa mga katotohanang natukoy ng mga estudyante sa lesson na ito.

Para sa Susunod

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang sumusunod na tanong: Anong mga turo ni Jesucristo ang nagdulot sa iyo ng lubos na kagalakan sa iyong buhay ngayon?

Hikayatin ang mga estudyante na isaisip ang tanong na ito habang pinag-aaralan nila ang materyal sa paghahanda para sa susunod na lesson.

Print