Institute
Lesson 1 Materyal ng Titser: Pag-aaral ng Doktrina tungkol sa Walang Hanggang Pamilya


“Lesson 1 Materyal ng Titser: Pag-aaral ng Doktrina tungkol sa Walang Hanggang Pamilya,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya (2022)

“Lesson 1 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya

Lesson 1 Materyal ng Titser

Pag-aaral ng Doktrina tungkol sa Walang Hanggang Pamilya

Ang doktrina tungkol sa pamilya ay nauugnay sa ating lahat. Sa lesson na ito, aanyayahan ang mga estudyante na suriin ang pagtitiwala nila sa karunungan ng Ama sa Langit at sa Kanyang plano para sa mga pamilya. Pag-iisipan din ng mga estudyante kung ano ang magagawa nila upang makatulong sa pagkakaroon ng isang kapaligiran na may pagmamahal na tulad ng kay Cristo, pagiging sensitibo, at may paggalang kapag tinatalakay ang doktrina tungkol sa pamilya.

Paalala: Kung maaari, kontakin ang mga estudyante na nagrehistro para sa kursong ito bago ang kanilang unang araw ng klase at anyayahan sila na pag-aralan ang materyal sa paghahanda para sa unang lesson. Tiyakin na ang lahat ng iba pang estudyante ay may kopya ng materyal sa paghahanda bago ka magsimula ng klase. Sa inyong talakayan sa klase, gamitin ang materyal sa paghahanda upang makita ng mga estudyante kung paano ito tutulong sa kanila na maghanda para matuto at mapagyaman ang natutuhan nila. Huwag mag-atubiling mag-ukol ng 5 hanggang 10 minuto sa simula ng lesson na ito para makilala ang isa’t isa at malugod na batiin ang mga estudyante sa kurso.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Mapagkakatiwalaan natin ang perpektong pagmamahal at karunungan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

Bilang pambungad sa kursong ito, maaari mong ipakita sa mga estudyante ang nilalaman o syllabus para sa unang kalahati ng kurso. Upang maging mas pamilyar sa mga pangangailangan ng iyong mga estudyante, sabihin sa kanila na sumulat sa iyo ng maikli tungkol sa kung aling mga paksa sila pinakainteresado o gusto nilang mas maunawaan pa, nang hindi binabanggit ang kanilang pangalan. Maaari mo rin silang anyayahang isulat ang anumang tanong na inaasam nilang masagot ng kursong ito para sa kanila. Kolektahin ang kanilang mga sagot at isaalang-alang ang mga ito habang naghahanda ka para sa mga lesson sa hinaharap.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Alamin ang mga pangangailangan at interes ng mga estudyante. Mararamdaman ng mga estudyante ang mas matinding hangaring matuto kapag nadama nila na ginawa ang mga lesson upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan at interes. Bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na maipahayag ang kanilang mga interes at tanong tungkol sa pamilya. Batay sa mga tugon ng mga estudyante, sundin ang Espiritu upang malaman kung kailan bibigyang-diin at tatalakayin ang kanilang mga interes at tanong sa buong panahon ng kursong ito.

Maaari mong itanong ang mga sumusunod:

  • Sino ang ilang taong pinagkakatiwalaan ninyo, at bakit?

  • Ano ang ipagkakatiwala ninyo sa mga taong ito?

Hatiin ang klase sa grupo na may tig-tatatlong estudyante. Bigyan ang bawat grupo ng kopya ng sumusunod na handout, at sabihin sa kanila na sundin ang mga instruksyon.

Pagtitiwala sa Ama sa Langit at kay Jesucristo

Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya—Lesson 1

Anyayahan ang bawat miyembro ng grupo na basahin ang isa sa mga sumusunod na scripture passage, at alamin ang mga katotohanan tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na makatutulong sa atin na magtiwala sa Kanila: 2 Nephi 26:24; Mosias 4:9; at Isaias 55:8–9. Pagkatapos ay talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang matututuhan natin tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo mula sa mga scripture passage na ito? Paano nakaimpluwensya sa inyo ang mga katotohanang natuklasan ninyo sa inyong hangaring magtiwala sa Kanila?

  • Kailan ninyo naranasan o nasaksihan ang kahalagahan ng pagtitiwala sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Pagtitiwala sa Ama sa Langit at kay Jesucristo

Larawan
handout ng titser

Ipaliwanag na isa sa mga pinakadakilang katibayan ng pagmamahal at karunungan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ay ang doktrina tungkol sa walang hanggang pamilya. Ang pagtitiwala natin sa Kanila at sa plano ng Ama ay makatutulong sa atin na suriin ang mga magkakaibang pananaw ng mundo tungkol sa mga bagay na may kaugnayan sa pamilya.

Bigyan ang mga estudyante ng kopya ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” (ChurchofJesusChrist.org), o sabihin sa kanila na i-access ito online. Sabihin sa mga estudyante na pumili ng ilang talata na babasahin at markahan ang mga parirala na naglalarawan sa mga pagpapala at kagalakang nais ng Ama sa Langit para sa kanila at sa kanilang pamilya. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang minarkahan nila at kung bakit nila ito minarkahan.

  • Paano nakaayon ang inyong mga hangarin para sa inyong pamilya sa mga hangarin ng Ama sa Langit para sa inyong pamilya?

  • Ano ang kahalagahan ng pagtitiwala sa karunungan at walang-hanggang pananaw ng Ama sa Langit at ni Jesucristo kaysa sa karunungan at pananaw ng mundo?

Magpatotoo o anyayahan ang mga estudyante na magpatotoo tungkol sa karunungan at mga naisin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa ating pamilya sa kasalukuyan at sa hinaharap.

Maaari tayong magkaroon ng pagmamahal at paggalang sa loob ng klase.

Idispley ang larawan ng iyong pamilya. Ibahagi ang ilang bagay na gusto mo tungkol sa iyong pamilya at ang ilang bagay kung bakit naiiba ang kalagayan ng iyong pamilya.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pahayag ni Elder Neil L. Andersen sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.

  • Ano ang pinakanapansin ninyo tungkol sa itinuro ni Elder Andersen? (Maaari mong tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na katotohanan: Dahil magkakaiba ang lahat ng pamilya, kailangan nating talakayin ang huwaran ng Panginoon para sa mga pamilya nang maingat at sensitibo.)

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ng pagmamahal, pagiging sensitibo, at pagiging mahabagin ng Tagapagligtas sa iba na may mahihirap na problema sa personal na buhay o sa pamilya. (Ang mga halimbawa ay matatagpuan sa bahaging “Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?” ng materyal sa paghahanda.)

Maaari mong bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto na isulat ang kanilang mga naisip sa sumusunod na tanong:

  • Ano ang magagawa ko para matulungan ang iba na madama na minamahal at iginagalang sila habang tinatalakay ang tungkol sa pamilya at iba pang mga sensitibong paksa? (Kung pinag-aralan ng mga estudyante ang bahagi 2 ng materyal sa paghahanda, maaaring naitala na nila ang ilan sa mga naisip nila tungkol sa tanong na ito. Maaari mo silang bigyan ng oras na rebyuhin ang isinulat nila.)

Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang ilan sa mga isinulat nila.

Sa sarili mong mga salita, maaari mong ipaliwanag na sa buong kursong ito tatalakayin ng mga estudyante ang maraming katotohanan na nangangailangan ng tulong ng Espiritu Santo upang maunawaan ang mga ito. Dahil magkakaiba ang mga kalagayan ng bawat isa at ng bawat pamilya, kakailanganin ng mga estudyante ang personal na paghahayag upang maunawaan kung paano ipamumuhay ang mga turo. Dahil ang ilan sa ating pinakamatitinding damdamin ay nauugnay sa ating pamilya, ang kakayahan nating matuto mula sa isa’t isa at sa Espiritu ay nangangailangan ng isang kapaligiran na may pagmamahal, pagiging sensitibo, at paggalang na tulad ng kay Cristo. Sabihin sa mga estudyante na gawin ang kanilang responsibilidad upang makatulong sa pagkakaroon ng gayong kapaligiran.

Maaari mong tapusin ang klase sa pagpapakita sa mga estudyante kung paano maa-access ang materyal sa paghahanda. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano makatutulong ang kanilang indibiduwal na pag-aaral ng materyal sa paghahanda bago magklase upang matutuhan nang mas malalim ng buong klase ang doktrina tungkol sa pamilya. Anyayahan sila na lubos na maghanda para sa bawat klase.

Para sa Susunod

Hikayatin ang mga estudyante sa kanilang pag-aaral para sa susunod na klase na alamin kung bakit patuloy na matibay na naniniwala ang mga lider ng Simbahan ng Panginoon sa doktrina tungkol sa pamilya na nakasaad sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak, bagama’t maaaring salungat sa doktrinang ito ang mga popular na opinyon.

Print