Institute
Lesson 13 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Banal na Kaloob at Sagradong Responsibilidad ng Seksuwal na Intimasiya


“Lesson 13 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Banal na Kaloob at Sagradong Responsibilidad ng Seksuwal na Intimasiya” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya (2022)

“Lesson 13 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya

isang bata-bata pang mag-asawa na magkatabing nakaupo

Lesson 13 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Ang Banal na Kaloob at Sagradong Responsibilidad ng Seksuwal na Intimasiya

Ang seksuwalidad ng tao ay isang sagradong kaloob na mahalaga sa plano ng kaligtasan. Gayunman, sa isang mundong puno ng seksuwal na mga imahen at magkakasalungat na mensahe, madaling mawalan ng katiyakan o malito sa kahulugan at layunin ng seksuwalidad. Sa iyong pag-aaral, hangaring mas maunawaan ang sagrado at mahalagang ginagampanan ng seksuwal na intimasiya sa plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit at isipin kung paano mapagpapala ng kaalamang ito ang iyong buhay.

Bahagi 1

Paano ako mapagpapala ng pag-unawa na ang seksuwal na intimasiya ay maaaring maging isang maganda at sagradong bahagi ng pag-aasawa?

Binigyan tayo ng ating Ama sa Langit ng mga seksuwal na hangarin at ng kapangyarihang lumikha ng buhay. Ipinaliwanag ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan, “Ang kapangyarihang lumikha ng mortal na buhay ang pinakadakilang kapangyarihang ibinigay ng Diyos sa kanyang mga anak” (“The Great Plan of Happiness,” Ensign, Nob. 1993, 74). Itinuro ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol at ni Sister Ruth Lybbert Renlund, “Ginagawang posible ng ating wastong pagpapahayag ng seksuwalidad na mailahad ang plano ng Diyos sa lupa at sa kawalang-hanggan, na nagpapagin-dapat sa atin na maging katulad ng ating Ama sa Langit.” (“Ang mga Banal na Layunin ng Seksuwal na Intimasiya,” Liahona, Ago. 2020, 16).

Sa plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit, “ang pisikal na intimasiya sa pagitan ng mag-asawa ay nilayong maging maganda at sagrado. Ito ay inorden ng Diyos para sa paglikha ng mga anak at sa pagpapadama ng pagmamahalan ng mag-asawa” (Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 38.6.5, ChurchofJesusChrist.org). Ipinaliwanag din ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang intimasiya ay … isa sa mga pangunahing pagpapahayag sa mortalidad ng ating banal na katangian at potensiyal at paraan ng pagpapatibay ng emosyonal at espirituwal na ugnayan ng mag-asawa” (“Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis,” Liahona, Mayo 2013, 42).

Ang seksuwal na intimasiya ay isang mahalagang paraan para mas mapalapit ang mag-asawa sa isa’t isa. Ang intimasiya ay maaari ding tumukoy sa intelektuwal, emosyonal, at espirituwal na pagiging malapit.

Sa halamanan ng Eden, nagsimulang malaman nina Adan at Eva ang kahalagahan ng intimasiya sa pagsasama ng mag-asawa.

Adan at Eva, ni Jay Bryant Ward
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Genesis 2:18, 21–24, at isipin kung paano ang kasal ay naglalayong pagkaisahin ang mag-asawa sa intelektuwal, emosyonal, espirituwal, at pisikal. (Paalala: Sa kontekstong ito, ang tadyang ay maaaring sumagisag sa pagkakalapit at pagiging magkatuwang; ang ibig sabihin ng pumipisan ay mangunyapit o manatiling malapit sa; at ang “isang laman” [talata 24] ay maaaring sumagisag sa intelektuwal, emosyonal, espirituwal, at seksuwal na pagsasama.)

Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod tungkol sa pagiging “isang laman” sa pag-aasawa:

Elder Jeffrey R. Holland

Ang intimasiya ay nakalaan para sa magkasintahang ikinasal sapagkat ito ang pinakadakilang simbolo ng lubos na pagsasama, ang kabuuan at pagsasama na inorden at itinakda ng Diyos. Mula pa sa Halamanan ng Eden, ang pagpapakasal ay talagang nangangahulugang ganap na pagsasama ng isang lalaki at isang babae—ng kanilang mga puso, inaasam, buhay, pag-ibig, pamilya, hinaharap, at lahat ng bagay. Sinabi ni Adan patungkol kay Eva na siya ay buto ng kanyang buto at laman ng kanyang laman, at na sila ay magiging “isang laman” sa kanilang buhay na magkasama [tingnan sa Genesis 2:23–24]. (“Personal Purity,” Ensign, Nob. 1998, 76)

mga kamay ng mag-asawa na ikinorte na parang puso
icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Paano mapagpapala ang mag-asawa kapag itinuring nila ang seksuwal na intimasiya bilang simbolo ng pagsasama ng “kanilang mga puso, inaasam, buhay, pag-ibig, pamilya, hinaharap, at lahat ng bagay”?

Bahagi 2

Paano nakadaragdag sa hangarin kong ipamuhay ang batas ng kalinisang-puri ang pagturing ko sa pisikal na katawan tulad ng pagturing dito ng Diyos?

Dahil sa maganda at sagradong tungkuling inorden ng Diyos na gagampanan ng seksuwal na intimasiya sa pagsasama ng mag-asawa, “[Iniutos Niya] na ang banal na kapangyarihang lumikha ng bata ay nararapat lamang gawin ng lalaki at babae, na ikinasal bilang mag-asawa ayon sa batas” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” ChurchofJesusChrist.org). Iniutos sa atin ng Panginoon na tayo’y maging matwid at malinis sa pag-iisip, hangarin, at kilos. Kabilang dito ang pag-iwas sa seksuwal na aktibidad bago ikasal at lubos na pagiging tapat sa asawa (tingnan sa Exodo 20:14; Alma 39:3–5; Doktrina at mga Tipan 59:6). Ang kautusang ito ay tinatawag na batas ng kalinisang-puri.

Mahalagang tandaan na ang ating katawan at espiritu ay magkasama. Itinuro ng Panginoon na “ang espiritu at ang katawan ang kaluluwa ng tao” (Doktrina at mga Tipan 88:15). Hinggil sa kaugnayan ng katawan at espiritu, itinuro ni Elder Holland:

Elder Jeffrey R. Holland

Ang katawan ay mahalagang bahagi ng [kaluluwa ng] tao. Ang katangi-tangi at napakahalagang doktrinang ito ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nagbibigay-diin kung bakit napakabigat ng kasalanang seksuwal. Ipinahahayag namin na ang taong ginagamit ang katawan ng iba na ibinigay ng Diyos nang walang basbas ng kasal ay pang-aabuso mismo sa kaluluwa ng taong iyon, paglapastangan sa pangunahing layunin at pinagmumulan ng buhay. (“Personal Purity,” 76)

Nagbigay si Apostol Pablo ng karagdagang paliwanag tungkol sa sagradong kaugnayan ng katawan at espiritu nang ituro niya na “gayunman ang katawan ay hindi para sa pakikiapid [seksuwal na gawain sa labas ng kasal], kundi para sa Panginoon, at ang Panginoon ay para sa katawan” (1 Corinto 6:13).

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang 1 Corinto 6:19–20, at alamin kung paano itinuturing ng Panginoon ang ating pisikal na katawan.

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Bakit mali na ituring ang seksuwal na intimasiya bilang isa lamang pisikal na karanasan na nilayong magbigay ng pisikal na kasiyahan?

Bahagi 3

Ano ang magagawa ko upang mas makaya kong ipamuhay ang batas ng kalinisang-puri?

Tulad ng lahat ng kautusan ng Diyos, ang batas ng kalinisang-puri ay nilayong maghatid sa atin ng higit na kapayapaan at kaligayahan. Halimbawa, ipinauunawa sa atin ng mga banal na kasulatan na ang pamumuhay ayon sa batas ng kalinisang-puri ay makapagdaragdag sa ating kumpiyansa sa harapan ng Diyos, magpoprotekta sa atin mula sa pagdurusa ng damdamin at pagkasira ng ugnayan, at mag-iiwas sa atin sa pagkawala ng patnubay ng Espiritu (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:45; Jacob 2:31–35; Doktrina at mga Tipan 42:23; 63:16). Ang pagsunod sa batas ng kalinisang-puri ay magpoprotekta rin sa atin sa pagkahawa sa nakapipinsalang sakit at magbibigay ng katiyakan na maisisilang ang mga anak sa mga magulang na ikinasal.

Ang makaranas ng seksuwal na damdamin ay normal. Mahalagang matutuhan kung paano ituon ang damdaming ito sa mga paraang pinahihintulutan ng Panginoon. Kahit napakabuti ng iyong intensyon, maaaring may mga pagkakataon na natutukso kang magpatangay sa iyong seksuwal na mga hangarin. Kapag natutukso ka, bumaling sa Panginoon at “hindi niya ipahihintulot na kayo’y tuksuhin nang higit sa inyong makakaya” (1 Corinto 10:13; tingnan din sa Alma 13:28).

Larawan ni Cristo, ni Heinrich Hofmann

Tandaan, “Si Jesucristo… [ay] nakaaalam ng kahinaan ng tao at kung paano masasaklolohan sila na natutukso” (Doktrina at mga Tipan 62:1). Sa paghingi mo ng tulong sa Panginoon, hangarin ang Kanyang patnubay hinggil sa mga praktikal na hakbang na magagawa mo upang “pigilin ang lahat ng iyong silakbo ng damdamin; upang mapuspos ka ng pagmamahal” (Alma 38:12).

Itinuro ni Sister Wendy W. Nelson, maybahay ni Pangulong Russell M. Nelson:

Sister Wendy W. Nelson

Personal na kadalisayan ang susi sa tunay na pag-ibig. Kapag mas dalisay ang inyong pag-iisip at damdamin, salita at gawa, mas kakayanin ninyong magbigay at tumanggap ng tunay na pag-ibig. …

… Gawin ang lahat para mapanatiling dalisay ang inyong isipan, damdamin, pananalita, at kilos. Anyayahan ang Espiritu na gabayan kayo. Tutulungan Niya kayo! …

… Ang totoo, kapag mas dalisay kayo, mas kasiya-siya ang intimasiya ninyong mag-asawa. (“Pag-ibig at Pag-aasawa” [pandaigdigang debosyonal para sa mga Young Adult, Ene. 8, 2017], ChurchofJesusChrist.org)

Ibinigay ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod na payo sa mga indibiduwal na lumalalim ang pagtitinginan:

Elder Neil L. Andersen

Alam ninyo na mayroon kayong matitinding pisikal na damdamin at silakbo ng damdamin na kailangang kontrolin at supiling mabuti. … Itakda ang inyong mga limitasyon. Itimo nang malalim ang mga limitasyong iyon sa lahat ng inyong ginagawa nang magkasama, upang hindi kayo lumampas dito o kaya’y maisantabi ninyo habang nakadarama kayo ng matinding damdamin para sa isa’t isa. (“Complete Honesty, Unselfish Humility” [Brigham Young University–Idaho devotional, Peb. 14, 2017], byui.edu)

isang magkasintahang nag-uusap

Kung nalabag mo ang batas ng kalinisang-puri, tandaan na sa pamamagitan ng iyong pananampalataya kay Jesucristo at tapat na pagsisisi, mapapatawad ka ng Panginoon at gagawin kang malinis na muli (tingnan sa Isaias 1:16–18; Doktrina at mga Tipan 58:42–43). Kakailanganin mo ring kausapin ang iyong bishop o branch president. Siya ay may awtoridad na tulungan kang malutas ang kasalanan sa Panginoon, at makapagbibigay siya sa iyo ng karagdagang tulong at suporta.

icon, isulat

Isulat ang Iyong mga Naisip

Itala sa isang notebook o note-taking app ang mga limitasyon o hangganan na iyong itinakda, o kailangang itakda, upang mapanatili ang kadalisayan ng puri para sa iyong sarili at sa mga kadeyt mo. Kung may asawa ka, anong mga hangganan ang naitakda mo upang matiyak na mananatili kang lubos na tapat sa iyong asawa?