Institute
Lesson 17 Materyal ng Titser: Pagtutulungan ng Mag-asawa Bilang Magkasama na May Pantay na Pananagutan


“Lesson 17 Materyal ng Titser: Pagtutulungan ng Mag-asawa Bilang Magkasama na May Pantay na Pananagutan,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang-Hanggang Pamilya (2022)

“Lesson 17 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang-Hanggang Pamilya

Lesson 17 Materyal ng Titser

Pagtutulungan ng Mag-asawa Bilang Magkasama na May Pantay na Pananagutan

Mula noong panahon nina Adan at Eva, nilayon ng Panginoon na magtulungan ang mag-asawa bilang magkasama na may pantay na pananagutan. Pinagtibay muli ng mga buhay na propeta ang alituntuning ito sa ating panahon. Sa lesson na ito, magkakaroon ang mga estudyante ng pagkakataong ipaliwanag ang mga turo ng ebanghelyo tungkol sa pagtutulungan ng mag-asawa bilang magkasama na may pantay na pananagutan at pamumuno sa pamilya. Aanyayahan din ang mga estudyante na alamin kung ano ang magagawa nila ngayon para magtulungan bilang mag-asawa na may pantay na pananagutan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Ang mag-asawa ay nilayong magtulungan bilang magkasama na may pantay na pananagutan.

Maaari mong simulan ang lesson sa pagpapakita o pamamahagi ng mga kopya ng sumusunod na pahayag ni Pangulong Jean B. Bingham, Relief Society General President. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang pahayag, at alamin kung paano hinahangad ng kaaway na sirain ang pagsasama ng mag-asawa at pamilya.

Larawan
Pangulong Jean B. Bingham

Alam ni Lucifer na kung masisira niya ang pagkakaisa na nararamdaman ng mga kalalakihan at kababaihan, kung malilito niya tayo tungkol sa ating banal na kahalagahan at mga pinagtipanang tungkulin, magtatagumpay siya sa pagsira ng mga pamilya, na siyang pinakamahalagang bahagi ng kawalang-hanggan.

Nag-uudyok si Satanas ng pagkukumpara na paraan niya para makalikha ng pakiramdam na pagiging mas nakatataas o mas nakabababa, at maitago ang walang-hanggang katotohanan na ang mga likas na pagkakaiba ng mga kalalakihan at kababaihan ay ibinigay ng Diyos at parehong pinahahalagahan. … Ang kanyang mithiin ay maudyukan sila na magkumpitensya kung sino ang mas maimpluwensya sa halip na ikatuwa ang mga natatanging kontribusyon ng mga kalalakihan at kababaihan na bubuo sa isa’t isa at makaaambag sa pagkakaisa. (“Nagkakaisa sa Pagsasakatuparan ng Gawain ng Diyos,” Liahona, Mayo 2020, 60–61)

  • Anong mga problema ang maaaring mangyari sa pagsasama ng mag-asawa kung pakiramdam ng asawang lalaki o asawang babae ay mas nakatataas o mas nakabababa siya kaysa sa kanyang asawa?

Rebyuhin ang Moises 3:18, 21–23 sa mga estudyante, at itanong:

  • Ano ang matututuhan natin sa paraan ng paglalarawan ng Panginoon sa pisikal na paglikha kay Eva, tulad ng nakatala sa salaysay na ito? (Kung kinakailangan, ituon ang pansin ng mga estudyante sa mga paliwanag ng mga lider ng Simbahan tungkol sa scripture passage na ito sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda. Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang isang katotohanan na tulad ng sumusunod: Sa pagsasama ng mag-asawa, nilayon ng Ama sa Langit na magtulungan ang mag-asawa bilang magkasama na may pantay na pananagutan.)

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang katotohanang ito, maaari mong idispley ang ilang aytem na nakagagawa ng isang bagay kapag ipinagpares. Maaaring kabilang sa mga aytem na ito ang dalawang talim ng isang gunting, isang tinidor at isang kutsilyo, isang instrumentong musikal na nangangailangan ng dalawang component para matugtog (tulad ng biyolin), isang pares ng sapatos o guwantes, isang pares ng ear bud o headphone, at iba pa. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang mangyayari kung isa lang sa magkapares ang gagamitin nila para magawa ang kanilang gawain.

  • Paanong katulad ng mga aytem na ito ang mag-asawang nagtutulungan?

  • Anong mga pagpapala ang maaaring dumating sa pagsasama ng mag-asawa kung isinasaalang-alang at sinusuportahan ng mag-asawa ang isa’t isa bilang magkasama na may pantay na pananagutan?

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Pahalagahan ang mga sagot ng mga estudyante sa mga positibong paraan. Kapag sumagot ang isang estudyante, pahalagahan ito sa positibong paraan. Maaaring ito ay simpleng pagsasabi ng “salamat” o pagbibigay ng komento sa sagot. Ang paggawa nito ay makatutulong sa mga estudyante na madama na pinakikinggan at pinahahalagahan sila. Ang positibong tugon na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maging mas komportable sa pagbabahagi ng mga sagot, ideya, at karanasan sa hinaharap.

Ipaalala sa mga estudyante na nabasa nila sa materyal sa paghahanda na nagtalaga ang Panginoon ng mga natatanging responsibilidad sa mga mag-asawa para sa kanilang pamilya na “pantay ang kahalagahan at importansya” (Quentin L. Cook, “Malaking Pagmamahal para sa mga Anak ng Ating Ama,” Liahona, Mayo 2019, 79). Itinuro rin ng mga propeta na “sa mga banal na tungkuling ito, ang mga ama at ina ay may pananagutang magtulungan bilang magkasama na may pantay na pananagutan” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa MundoSimbahanniJesucristo).

Maaari mong banggitin na tatalakayin ang ilan sa mga responsibilidad na ito sa susunod na mga lesson. Ngunit para masimulan na matalakay ang isang halimbawa, ipakita ang sumusunod na katotohanan: “Sa plano ng Diyos, ang mga ama ang mangungulo sa kanilang mga mag-anak sa pagmamahal at kabutihan” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”).

Ipaalala sa mga estudyante na tinukoy sa Doktrina at mga Tipan 121:41–43 ang ilang katangian na tulad ng kay Cristo na maiuugnay sa matwid na pamumuno sa pamilya. Iparebyu sa mga estudyante ang scripture passage na ito at kung ano ang isinulat nila bilang tugon sa aktibidad na “Isulat ang Iyong mga Naisip sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang isinulat. Pagkatapos ay itanong ang sumusunod:

  • Anong mga halimbawa ng pagtutulungan ng mag-asawa bilang magkasama na may pantay na pananagutan at matwid na pamumuno sa pamilya ang nakita o narinig na ninyo?

Dapat magsanggunian ang mga mag-asawa sa paggawa ng mga desisyon para sa kanilang pamilya.

Ang sumusunod na sitwasyon ay nilayong tulungan ang mga estudyante na masuri ang kanilang pagkaunawa tungkol sa pagtutulungan ng mag-asawa bilang magkasama na may pantay na pananagutan at pamumuno sa pamilya. (Isipin kung paano mo maiaangkop ang sitwasyong ito para maglarawan ng inyong kultura o matugunan ang anumang partikular na mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.)

Rebyuhin ang sumusunod na sitwasyon, bilang klase o sa maliliit na grupo, at talakayin ang mga tanong sa katapusan ng handout.

Kuwento nina Nicolas at Elena

Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang-Hanggang Pamilya—Lesson 17

Sina Nicolas at Elena ay maligayang nagsasama bilang mag-asawa sa loob ng 10 taon at tatlo ang anak nila. Kapwa nila gustong maitatag ang kanilang pamilya sa pundasyon ni Jesucristo at ng Kanyang ebanghelyo, at nagsisikap ang bawat isa na gampanan ang kanilang mga responsibilidad sa pamilya na itinalaga ng Diyos.

Tulad ng iba pang mag-asawa, may hindi pinagkakasunduan sina Nicolas at Elena. Kadalasang nagtatalo sila tungkol sa pera. Nagtatrabaho nang full time si Nicolas sa labas ng bahay. Naaalagaan ni Elena ang kanilang mga anak at naaasikaso ang kanilang tahanan nang full time, bukod pa sa paminsan-minsang pagtatrabaho. Naniniwala si Nicolas sa tungkulin niyang mamuno sa tahanan, gayundin dahil siya ang mas kumikita nang malaki sa pamilya, siya ang dapat na magpapasiya kung paano gugulin ang kanilang pera. Naramdaman ni Elena na siya ang dapat mas masunod sa mga desisyon na may kinalaman sa mga anak nila dahil mas nakakasama niya ang mga ito kaysa kay Nicolas. Kung minsan noon, nang hindi sinasabi kay Nicolas, ginugugol niya ang kanilang pera sa paraang gusto niya.

Kamakailan ay pinag-usapan nina Nicolas at Elena kung ano ang gagawin sa perang naimpok nila. Gusto ni Nicolas na bumili ng sasakyan para mas madali siyang makarating sa trabaho at magamit ito sa pamamasyal ng pamilya. Gustong gamitin ni Elena ang pera para dalhin ang kanilang mga anak sa bakasyon sa pagbisita sa mga kamag-anak at magkasamang magsaya bago magsilakihan ang mga bata.

Nabalisa sina Nicolas at Elena sa pagtatalo nila, ngunit kailangan nilang magdesisyon.

  • Ano sa palagay ninyo ang pinakamalaking hamon na kinakaharap nina Nicolas at Elena sa pagpapasiya kung ano ang gagawin sa pera?

  • Ano sa palagay ninyo ang kailangan nilang mas maunawaan tungkol sa pagtutulungan ng mag-asawa bilang magkasama na may pantay na pananagutan at sa pamumuno na may kaugnayan sa paggawa ng mga desisyon para sa kanilang pamilya? (Tingnan sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda.)

  • Kung kayo si Nicolas o Elena, paano ninyo kakausapin ang inyong asawa para magsanggunian kayo tungkol sa desisyong ito sa paraang tulad ng kay Cristo?

Kuwento nina Nicolas at Elena

Larawan
handout ng titser

Matapos ang sapat na oras na matalakay ng mga estudyante ang sitwasyon, maaari mong itanong:

  • Paano mapagpapala ng magkakasamang pagsasanggunian sa kabutihan ang mga mag-asawa at kanilang mga anak?

Para tapusin ang lesson, ipakita ang mga sumusunod na tanong, at bigyan ang mga estudyante ng sapat na oras para tahimik na pagnilayan at isulat ang anumang impresyong matatanggap nila.

  • Anong ugali, katangian, o gawain na tulad ng kay Cristo ang mapagbubuti o mapalalakas ko para matulungan ako na mapag-ibayo ang pagtutulungan naming mag-asawa bilang magkasama na may pantay na pananagutan? Paano ko hihingin ang tulong ng Panginoon sa aking mga pagsisikap?

Para sa Susunod

Sabihin sa mga estudyante na ang malaking inaalala kadalasan ng mga mag-asawa kapag iniisip nila ang kanilang pamilya at mga anak ay kung paano sila makapaglalaan para sa kanilang mga pangangailangang pinansiyal. Hikayatin ang mga estudyante na pag-aralan nang may panalangin ang materyal sa paghahanda para sa susunod na lesson at pakinggan ang mga pahiwatig na maaaring makatulong sa kanila na gumawa ng matatalinong pasiya hinggil sa pananalapi at maging mas self-reliant.

Print