Institute
Lesson 23 Materyal ng Titser: Kapag Naantala ang mga Pagpapala ng Kasal na Walang Hanggan o Pagkakaroon ng mga Anak


“Lesson 23 Materyal ng Titser: Kapag Naantala ang mga Pagpapala ng Kasal na Walang Hanggan o Pagkakaroon ng mga Anak,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya (2022)

“Lesson 23 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang-Hanggang Pamilya

Lesson 23 Materyal ng Titser

Kapag Naantala ang mga Pagpapala ng Kasal na Walang Hanggan o Pagkakaroon ng mga Anak

Maraming miyembro ng Simbahan ang may matwid na hangarin na matanggap ang mga pagpapala ng kasal na walang hanggan o pagkakaroon ng mga anak na naantala o nahadlangan. Sa lesson na ito, tatalakayin ng mga estudyante kung paano sila kikilos nang may pananampalataya kay Jesucristo kung haharapin nila ang ganitong uri ng mga hamon. Matutukoy din ng mga estudyante kung ano ang maaari nilang gawin para maramdaman nilang kabilang sila sa kanilang ward o branch, anuman ang kalagayan ng kanilang pamilya.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Maaari nating piliing manampalataya kay Jesucristo kapag naantala ang mga ninanais na pagpapala.

Ipakita at basahin nang magkakasama ang pahayag ni Elder Neil L. Andersen sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda. Maaari mong i-highlight o ilista sa pisara ang mga kalagayang binanggit niya na hindi laging tugma sa mga huwarang itinuro sa pahayag tungkol sa pamilya.

  • Sa inyong palagay, bakit patuloy na itinuturo ng mga lider ng Simbahan ang mga huwaran ng buhay may-pamilya kung hindi nararanasan ng karamihan sa mga miyembro ng Simbahan ang mga huwarang ito sa kasalukuyan? (Maaari mong banggitin ang pahayag ni Sister Sharon Eubank sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.)

Idispley ang larawan nina Abraham at Sara mula sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda, at sabihin sa mga estudyante na ibuod ang mga pagpapalang naantala o hindi natupad sa buhay nina Abraham at Sara.

Sabihin sa mga estudyante na basahing muli ang Mga Hebreo 11:8, 11–13 nang mag-isa, at hanapin ang mga parirala na nagtatampok sa pananampalataya nina Abraham at Sara. Ipabahagi sa ilang estudyante ang nahanap nila.

  • Paano makatutulong ang halimbawa nina Abraham at Sara sa mga miyembro ng Simbahan sa panahong ito na ang pananampalataya ay sinusubok kapag naantala o hindi natupad ang mga ipinangakong pagpapala sa buhay na ito? (Matapos ibahagi ng mga estudyante ang kanilang mga naisip, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kapag tapat tayo sa Panginoon at nagtiwala sa Kanyang panahon, matatanggap natin ang Kanyang mga ipinangakong pagpapala sa buhay na ito o sa kawalang-hanggan.)

Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na ang pagtanggap ng mga ipinangakong pagpapala ay kadalasang hindi tungkol sa pagiging matwid kundi tungkol sa panahon ng Panginoon. Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Jeffrey R. Holland

May mga pagpapalang dumarating kaagad, ang ilan ay huli na, at ang ilan ay hindi dumarating hangga’t wala pa tayo sa kabilang buhay; ngunit para sa mga tumatangap sa ebanghelyo ni Jesucristo, dumarating ang mga ito. Iyan ay personal kong pinatototohanan. (“An High Priest of Good Things to Come,” Ensign, Nob. 1999, 38)

Maaari mong talakayin ang ilan sa mga sumusunod na tanong upang matulungan ang mga estudyante na mas mapalalim ang kanilang pagkaunawa tungkol sa alituntunin na nasa pisara:

  • Paano maaaring patuloy na sumampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang mga turo tungkol sa pamilya ang mga miyembro ng Simbahan na nakararanas ng isa sa mga kalagayang binanggit ni Elder Andersen (sa kanyang pahayag sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda, na tinukoy kanina sa bahaging ito)?

  • Anong mga karanasan o mga turo ang nagpatibay sa inyong tiwala na tutuparin ng Panginoon ang Kanyang mga pangako kahit naantala ang mga ninanais na pagpapala? (Sabihin sa mga estudyante na tingnan ang isinulat nila bilang tugon sa aktibidad na “Isulat ang Iyong mga Naisip” sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.)

  • Kailan kayo sumulong nang may pananampalataya sa Panginoon, o ang isang kakilala ninyo, nang maantala ang isang pagpapalang may kaugnayan sa pag-aasawa o pagkakaroon ng mga anak? Ano ang nalaman mo tungkol sa Panginoon mula sa karanasang iyan?

Bilang bahagi ng talakayan, maaari mong ibahagi ang sumusunod na kuwento tungkol sa isang young single adult na ibinahagi ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:

Larawan
Pangulong Dallin H. Oaks

Nakatanggap ako ng liham mula sa isang babaeng nag-aaral sa Harvard University. Napahanga ako sa nakasulat dito.

Sabi niya, “Ako’y 26 na taong gulang lamang at nakadama ng lungkot sa pagiging single.”

Matapos magkuwento pa sa kanyang liham, sinabi niya sa huli: “Noong naglalakad ako pauwi mula sa trabaho isang hapon, isang taon na ang nakalipas, ibinuhos ko ang aking puso sa Diyos, na sinasabi sa Kanya na ang pinakahangarin ko ay ang maging asawa at ina. Bigla akong napatigil sa aking pagdarasal nang madama ko sa aking puso’t isipan ang isang matinding impresyon at damdamin. Ang impresyon ay mali ako. Ang dapat na pinakahangarin ng puso ko ay maging disipulo ni Jesucristo at ang pangalawa ay maging asawa at ina. Nagbago ang pananaw ko sa buhay mula noon. Binago ko ang prayoridad ko. Alam ko na magiging akin ang lahat ng pagpapalang ipinangako sa akin, ngunit mangyayari ito sa panahon ng Panginoon at hindi sa panahong nais ko.” Napakagandang pananaw! (Facebook, Hulyo 11, 2016, facebook.com/dallin.h.oaks)

Sabihin sa mga estudyante na isulat kung ano ang magagawa nila para patuloy na manampalataya kay Jesucristo habang naghihintay sila na matanggap ang mga pagpapala ng pamilya na ninanais nila.

Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na hingin ang patnubay at suporta ng Panginoon para matutuhan kung paano magtamo ng kagalakan, katuparan, at pag-unlad ngayon, anuman ang kalagayan ng kanilang pamilya.

Bawat miyembro ng Simbahan ay mahalagang bahagi ng katawan ni Cristo.

Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang 1 Corinto 12:12–27, at alamin kung ano ang itinuturo sa atin ng analohiya ni Apostol Pablo tungkol sa Simbahan at sa mga miyembro nito.

  • Anong mga katotohanan ang matututuhan natin mula sa analohiyang ito? (Kabilang sa mga katotohanan na maaaring matukoy ng mga estudyante, tiyaking mabigyang-diin ang sumusunod na katotohanan: Bawat miyembro ng Simbahan ay kailangan at makagagawa ng mahalagang kontribusyon sa Simbahan.)

Upang matulungan ang mga estudyante na pag-isipan kung paano ibibilang ang iba at piliing ibilang ang kanilang sarili sa mga kaganapan sa Simbahan, maaari mong ibahagi ang sumusunod na sitwasyon (o i-adjust ang sitwasyon kung naaangkop para mas umugnay sa iyong mga estudyante):

Kamakailan ay nakipagdiborsyo si Victoria. Ipinagtapat niya sa iyo na pakiramdam niya ay hindi na siya nababagay sa Simbahan. Mag-isa siyang nakaupo sa mga pulong ng simbahan at nadaramang hindi siya kabilang sa mga talakayan ng Relief Society na may kaugnayan sa kasal at pamilya. Nagtanong siya kung may maiaambag ba siyang anuman sa kanyang ward sa kanyang kasalukuyang sitwasyon.

Maaari mong pagpartner-partnerin ang mga estudyante at ipakita ang mga sumusunod na tanong. Sabihin sa isang estudyante mula sa bawat magkapartner na pag-isipan kung paano niya sasagutin ang mga tanong ni Victoria mula sa pananaw nito. Sabihin sa isa pang estudyante na pag-isipan ang isa pang set ng mga tanong mula sa pananaw ng isang tao sa ward ni Victoria. Pagkatapos ng ilang minuto, sabihin sa mga estudyante na talakayin sa isa’t isa ang kanilang mga sagot.

Victoria

Miyembro ng Ward

Pakiramdam ko ay hindi ako kabilang. Ano ang maaari kong gawin para mas madamang kabilang ako?

Paano ko masusuportahan si Victoria sa kanyang kasalukuyang sitwasyon?

Ano ang ilang natatanging pananaw at kontribusyon na maidaragdag ko sa aking ward?

Ano ang maaari kong gawin para mas maunawaan si Victoria at maipadama sa kanya na siya ay pinahahalagahan at kabilang sa aming ward?

Ano ang magagawa ko para matulungan ako ng Tagapagligtas na maunawaan at madama ang aking kahalagahan at lugar sa Kanyang Simbahan?

Paano ko mas maipadarama sa mga miyembro ng ward na dumaranas ng mga sitwasyong tulad ng pagiging isang single adult, pagiging single parent, o pagiging may-asawa ngunit hindi magkaroon ng mga anak na kabilang sila sa Simbahan?

Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase kung ano ang natutuhan nila mula sa aktibidad na ito.

Bigyan ng oras ang mga estudyante na maisulat at maiplano kung paano sila kikilos ayon sa kanilang mga impresyon para masuportahan ang mga kapwa miyembro ng Simbahan, anuman ang sitwasyon ng kanilang pamilya. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga partikular na miyembro ng kanilang ward o branch na masusuportahan nila.

Maaari mong tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa walang-maliw na pagmamahal at suporta ng Ama sa Langit para sa mga taong mahirap ang sitwasyon ng pamilya. Magpatotoo rin na lahat ng miyembro sa Simbahan ng Panginoon ay kailangan at makagagawa ng makabuluhang kontribusyon.

Para sa Susunod

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga taong kilala nila na dumaranas ng mga hamon sa kalusugan sa pag-iisip o sa emosyon. Hikayatin ang mga estudyante na basahin ang materyal sa paghahanda para sa susunod na lesson na isinasaisip ang mga indibiduwal na ito. Maaari mo ring hikayatin ang mga estudyante na magkaroon ng oras para masuri ang sariling kalusugan sa pag-iisip.

Print