Institute
Lesson 26 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagtukoy sa Pang-aabuso at Paggaling mula sa Pang-aabuso


“Lesson 26 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagtukoy sa Pang-aabuso at Paggaling mula sa Pang-aabuso,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang-Hanggang Pamilya (2022)

“Lesson 26 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang-Hanggang Pamilya

dalawang tao na magkayakap

Lesson 26 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Pagtukoy sa Pang-aabuso at Paggaling mula sa Pang-aabuso

Ang pang-aabuso ay isang mabigat na kasalanan. Nagbabala ang mga propeta at apostol na “ang mga taong … nang-aabuso ng asawa o anak … ay mananagot balang-araw sa harap ng Diyos” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” SimbahanniJesucristo.org). Sa pag-aaral mo ng lesson na ito, alamin kung paano mo matutukoy na nangyayari na ang pang-aabuso at kung paano mapapagaling ng Panginoon ang mga taong naapektuhan ng pang-aabuso.

Bahagi 1

Ano ang pang-aabuso?

Ang mga pagpili natin ay maaaring magkaroon ng iba’t ibang resulta para sa atin at sa iba. Ang nakalulungkot ay ginagamit nang hindi tama ng ilang tao ang kanilang kalayaang moral para abusuhin ang iba.

“Kadalasan ay walang isang kahulugan ang pang-aabuso na maaaring sumaklaw sa lahat ng sitwasyon. Sa halip, napakalawak ng antas ng bigat ng mga mapang-abusong pagkilos. Ang mga antas na ito ay nagsisimula sa paminsan-minsang paggamit ng masasakit na salita hanggang sa pagdudulot ng malubhang pinsala” (Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 38.6.2.4, SimbahanniJesucristo.org). Ang pang-aabuso ay maaaring mangyari sa pamamagitan ng kapabayaan o pagmamalupit sa iba sa pisikal, seksuwal, emosyonal, o pinansiyal na mga paraan.

Nakasaad sa isang materyal ng Simbahan:

Inaasahan ng Panginoon na gagawin natin ang lahat upang pigilan ang pang-aabuso at protektahan at tulungan ang mga biktima. Walang sinuman ang dapat magtiis sa mapang-abusong pag-uugali. …

… [Ang] mga biktima … [ay] hindi kailanman dapat sisihin sa masasamang ginawa ng iba—kahit sino pa ang umaabuso sa kanila. Ang biktima ay hindi nagkakasala. (Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Pang-aabuso,” SimbahanniJesucristo.org)

isang young adult na nakaupo nang mag-isa

Tinalakay ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ating responsibilidad bilang mga disipulo ni Jesucristo na iwasan ang pang-aabuso sa iba, lalo na sa mga miyembro ng ating pamilya:

Elder Jeffrey R. Holland

Kailangang doble ang pag-iingat natin bilang mga disipulo ng Panginoong Jesucristo. … Hindi tayo dapat gumamit ng anumang uri ng pang-aabuso o hindi matwid na kapangyarihan o imoral na pamimilit—pisikal o emosyonal o eklesiastikal o anumang iba pang uri. …

Sa napakaraming pagkakataon, ang matatapat na kalalakihan, kababaihan, at maging mga bata ay maaaring nagkakasala sa pagsasalita nang nakasasakit, maging mapanira, sa mga taong kadalasan ay ibinuklod sa kanila sa pamamagitan ng banal na ordenansa sa templo ng Panginoon. Bawat isa ay may karapatang mahalin, makadama ng kapayapaan, at maging ligtas sa tahanan. Pakiusap, sikapin nating panatilihin ang gayong kapaligiran doon. Ang pangako ng pagiging mapagpayapa ay na laging makakasama ninyo ang Espiritu Santo sa tuwina at dadaloy sa inyo ang mga biyaya “sa walang sapilitang pamamaraan” magpakailanman at walang katapusan [Doktrina at mga Tipan 121:46]. (“Hindi Gaya ng Ibinibigay ng Sanlibutan,” Liahona, Mayo 2021, 37; tingnan din sa Efeso 4:29–32)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Anong mga alituntunin ng ebanghelyo ang nilalabag kapag nangyayari ang pang-aabuso?

Bahagi 2

Paano ko matutukoy kung nangyayari ang pang-aabuso?

“May mga pangkaraniwang palatandaan na dapat manmanan kung paano kadalasang nagsisimula at nagpapatuloy ang pang-aabuso” (“Alamin ang mga Palatandaan ng Pang-aabuso,” SimbahanniJesucristo.org). Ang pagtukoy at pag-unawa sa mga palatandaang ito ay magbibigay ng pagkakataon na makagawa ang Panginoon sa pamamagitan mo na tutulong para matigil ang pang-aabuso o maiwasan ang mga sitwasyon na maaaring humantong sa pang-aabuso.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Pag-aralan nang ilang minuto ang resource na “Alamin ang mga Palatandaan ng Pang-aabuso” (SimbahanniJesucristo.org), at pumasok sa klase na handang ibahagi ang natutuhan mo.

isang young adult na humihingi ng tulong sa isang priesthood leader

Huwag balewalain ang bigat ng pang-aabuso sa iyong sarili o sa sinuman. “Kung inabuso ka o ang isang taong kilala mo, humingi agad ng tulong sa mga awtoridad, priesthood leader, child protective services, o adult protective services.” (“Nakaranas ka ba ng pang-aabuso? Makipag-usap Ngayon,” SimbahanniJesucristo.org). Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa pagrereport ng pang-aabuso, tingnan sa “Ano ang Dapat Kong Gawin Kung Alam Ko o May Hinala Ako na Inaabuso ang Isang Tao?” (SimbahanniJesucristo.org).

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Pag-isipan kung paano mo magagamit ang mga turo sa bahaging ito para protektahan ang iyong sarili at maging kasangkapan ng Panginoon sa pagprotekta sa iba mula sa pang-aabuso.

Bahagi 3

Paano ako maaaring gumaling kung naabuso ako?

Ang mga biktima ng pang-aabuso ay dumaranas ng malalim na sugat sa damdamin. Ang sakit at trauma na naranasan nila ay maaaring humantong sa mga problema sa mental, emosyonal, espirituwal, at pisikal.

Nagbabala si Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder Richard G. Scott

Kung kayo ay naabuso, pipilitin ni Satanas na paniwalain kayo na wala nang solusyon. … Ang kanyang paraan ay gawin ang lahat ng makakaya niya para maihiwalay kayo mula sa inyong Ama at Kanyang Anak. Huwag ninyong hayaang makumbinsi kayo ni Satanas na hindi kayo matutulungan. (“Upang Mapaghilom ang Mapangwasak na mga Bunga ng Pang-aabuso,” Liahona, Mayo 2008, 41)

Ang Dalubhasang Manggagamot, si Jesucristo, ay makapagbibigay ng pag-asa at lubos na paggaling sa lahat ng anak ng Diyos. Itinuro pa ni Elder Scott:

Elder Richard G. Scott

Ang kalayaang pumili ay napakahalagang bagay sa plano ng kaligayahan ng ating Ama sa Langit. Naunawaan Niya na hindi gagamitin nang tama ng ilan sa Kanyang mga espiritung anak ang kalayaang pumili, na magdudulot ng mabibigat na problema sa iba. Ang ilan ay sisirain pa ang sagradong pagtitiwala na ibinigay sa kanila, tulad ng isang ama o miyembro ng pamilya na nang-aabuso ng batang walang malay. Dahil ang ating Ama sa Langit ay talagang makatarungan, dapat mayroong paraan para makayanan ang nakapanlulumong ibubunga ng hindi mabuting paggamit ng kalayaang pumili kapwa sa biktima at nambibiktima. Ang paghilom na iyan na nagdudulot ng katiwasayan ay mangyayari sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Kanyang Pinakamamahal na Anak, si Jesucristo, upang itama ang yaong hindi makatwiran. Ang pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang kapangyarihang magpagaling ay nagbibigay sa inabuso ng paraan na makayanan ang mga kalunus-lunos na bunga na dulot ng kasamaan ng iba. …

Ang paghilom ay maaaring magsimula sa isang maalalahaning bishop o stake president o mahusay na propesyonal na tagapayo. Kung may bali kayo sa binti, hindi kayo magpapasiyang operahan ito mismo [ng inyong sarili]. Makahihingi rin ng tulong sa mga propesyonal ang nakaranas ng matinding pang-aabuso. Maraming paraan para masimulan ang paggaling, ngunit tandaan na ang ganap na paggaling ay nagmumula sa Tagapagligtas, ang Panginoong Jesucristo, ang ating Panginoon at Manunubos. Manampalataya na ang Kanyang perpekto, walang hanggang Pagbabayad-sala ay mapaghihilom ang inyong pagdurusa mula sa mga bunga ng pang-aabuso. (“Upang Mapaghilom ang Mapangwasak na mga Bunga ng Pang-aabuso,” 40, 42)

si Jesucristo na yakap ang isang lalaking pinagaling Niya

Nagsalita ang propetang si Isaias tungkol sa misyon at kapangyarihan ng Tagapagligtas na magpagaling.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Isaias 61:1–3, at alamin ang pag-asang ibinibigay ni Jesucristo sa sinumang dumanas ng pang-aabuso.

Upang mas maunawaan ang pariralang “putong na bulaklak sa halip na mga abo” (talata 3), makatutulong na malaman na tradisyon ng mga Israelita ang magbuhos ng abo sa kanilang mga ulo sa panahon ng kalungkutan o kawalan ng pag-asa. Nangako ang Panginoon na papalitan ng putong na bulaklak ang mga abong ito, o korona o panakip sa ulo na napakaganda. Ang mga sumasampalataya kay Jesucristo ay mararanasan ang sagradong kaloob na ito na paggaling at pagmamahal.

Maaari mong panoorin ang video na “Ang Pangulo ng Kapayapaan” (2:32), at isipin kung paano makatutulong si Jesucristo sa pagbibigay ng kapayapaan sa mga biktima ng pang-aabuso.

2:3

Pinatotohanan ni Pangulong Jean B. Bingham, Relief Society General President:

Pangulong Jean B. Bingham

Anuman ang ipinagdusa natin, [si Jesucristo] ang pinagmumulan ng paggaling. Ang mga taong nakaranas ng anumang uri ng pang-aabuso … ay mapapagaling lahat ng Manunubos ng sanlibutan. Gayunman, hindi Siya darating nang walang paanyaya. Dapat tayong lumapit sa Kanya at tulutan Siyang gawin ang Kanyang mga himala. (“Upang ang Inyong Kagalakan ay Malubos,” Liahona, Nob. 2017, 86)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Ano ang nagawa mo para makahingi ng kapanatagan, tulong, at paggaling mula sa Tagapagligtas, sa anumang kalagayan? Ano ang makatutulong sa iyo na maging matiyaga at tapat sa buong panahon na kinakailangan para gumaling?