Institute
Lesson 19 Materyal ng Titser: Ang Sagradong mga Responsibilidad ng mga Ina


“Lesson 19 Materyal ng Titser: Ang Sagradong mga Responsibilidad ng mga Ina,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya (2022)

“Lesson 19 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya

Lesson 19 Materyal ng Titser

Ang Sagradong mga Responsibilidad ng mga Ina

Sinabi ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Walang tungkulin sa buhay na mas mahalaga at walang hanggan kaysa pagiging ina” (“Mga Anak na Babae ng Diyos,” Liahona, Mayo 2008, 108). Sa lesson na ito, ipaliliwanag ng mga estudyante ang walang hanggang katangian at kahalagahan ng pagiging ina at ng pag-aaruga sa iba. Tatalakayin nila kung paano ipinakita ng Tagapagligtas ang pag-aaruga. Magpapraktis din ang mga estudyante na ipaliwanag sa iba ang mga alituntunin tungkol sa pagiging ina.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Pagpasiyahan ang pacing ng lesson. Iwasang gumugol ng masyadong maraming oras sa unang bahagi ng lesson at pagkatapos ay mamadaliin ang natitirang bahagi nito. Habang naghahanda ka, tantiyahin ang oras na kakailanganin upang mahikayat ang mga estudyante na makibahagi sa bawat bahagi ng lesson gamit ang mga pamamaraan sa pagtuturo na pinili mo. Iakma ang mga pamamaraan kung kinakailangan batay sa mga pangangailangan at interes ng iyong mga estudyante.

Ang mga ina ay may sagradong responsibilidad na mag-aruga.

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson:

Larawan
Pangulong Russell M. Nelson

Noong nagtatrabaho ako bilang isang doktor, itinatanong sa akin kung minsan kung bakit ko pinili ang mahirap na trabahong ito. Tumutugon ako sa pagsasabi ng opinyon ko na ang pinakadakila at pinakabanal na gawain sa buhay na ito ay sa isang ina. At dahil wala sa akin ang opsiyon na iyan, naisip ko na maaaring ang pangangalaga sa maysakit ang pinakamalapit dito. …

Maraming taon na ang nakararaan naglabas ang Unang Panguluhan ng isang pahayag na nagkaroon ng matindi at walang hanggang impluwensya sa akin. “Ang pagiging ina,” isinulat nila, “ay malapit sa kabanalan. Ito ang pinakadakila at pinakabanal na paglilingkod na magagawa ng sangkatauhan. Siya na tumutupad sa banal na tungkulin at paglilingkod na ito ay inilalagay sa tabi ng mga anghel” [sa James R. Clark, comp., Messages of the First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints (1975), 6:178]. (“Our Sacred Duty to Honor Women,” Ensign, Mayo 1999, 38)

  • Ano ang tila pinakamahalaga para sa inyo sa pahayag na ito, at bakit?

  • Paano ninyo ipaliliwanag ang walang hanggang katangian ng tungkulin ng mga ina?

  • Paano nauugnay ang tungkulin ng mga ina sa lahat ng kababaihan, kabilang ang mga yaong hindi nagkaroon ng mga anak? (Kung kinakailangan, sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang mga pahayag nina Sister Sheri L. Dew at Pangulong Nelson sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda. Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang katotohanang tulad ng sumusunod: Bawat babae ay isang ina dahil sa kanyang walang-hanggan at banal na tadhana [tingnan sa Russell M. Nelson, “Pakikibahagi ng Kababaihan sa Pagtitipon ng Israel,” Liahona, Nob. 2018, 68].)

  • Ano ang kahulugan ng katotohanang ito para sa inyo at sa mga babaeng kilala ninyo?

Maaari kang magdala sa klase o magdispley ng mga larawan ng isang malusog na halaman at isang nalantang halaman.

Larawan
malusog na rosas
Larawan
nalantang rosas

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang maaaring ginawa sa malusog na halaman na hindi ginawa sa nalantang halaman.

  • Paano maihahambing ang pag-aalaga sa mga halaman sa pag-aaruga sa mga tao? (Kung kinakailangan, rebyuhin sa mga estudyante ang kahulugan ng pag-aaruga na ibinigay ni President Susan W. Tanner sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.)

Ipakita ang sumusunod na pahayag mula sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak: Ang mga ina ang may pangunahing tungkulin na mag-aruga sa kanilang mga anak. (tingnan sa simbahannijesucristo.org).

  • Anong mga kaloob ang ibinigay ng Ama sa Langit sa kababaihan upang tulungan silang magampanan ang sagradong responsibilidad na ito? (Bilang bahagi ng talakayan, maaari mong rebyuhin sa mga estudyante ang mga pahayag nina Sister Neill F. Marriott at Pangulong Henry B. Eyring sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.)

Ipaliwanag na si Jesucristo ang perpektong halimbawa ng pag-aaruga. Iparebyu sa mga estudyante ang mga scripture passage na napag-aralan nila sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda, at alamin kung ano ang matututuhan nila tungkol sa pag-aaruga mula sa halimbawa ng Tagapagligtas. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga naiisip.

Ang mga ina ay may sagrado at mahalagang ginagampanan sa plano ng Diyos.

Anyayahan ang mga babae sa klase na sagutin ang sumusunod na tanong:

  • Ano ang mga naiisip, nadarama, o inaalala ninyo tungkol sa pagiging ina?

Pagkatapos ay itanong sa klase ang mga sumusunod:

  • Anong mga pag-uudyok sa ating lipunan ang maaaring madama ng isang babae na may kaugnayan sa pagiging ina?

  • Anong mga pagkakaiba ang nakikita ninyo sa pananaw ng ilang tao sa pagiging ina at sa pananaw ng Diyos sa pagiging ina? (Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang mga pahayag nina Pangulong Nelson at Elder D. Todd Christofferson sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda. Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang isang katotohanan tulad ng sumusunod: Ang pagkakaroon at pag-aaruga ng mga anak ng Diyos ay mahalaga sa gawain at kaluwalhatian ng Diyos.)

  • Bakit mahalaga ang pagkakaroon ng mga anak (hangga’t maaari) at pag-aaruga ng mga anak sa plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit?

Magpakita ng isang larawan ng mga kabataang mandirigma. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa pananampalataya ng mga kabataang lalaking ito (tingnan sa Alma 56:45–48; 57:21–26).

Larawan
Dalawang Libong Kabataang Mandirigma, ni Arnold Friberg
  • Ano ang naging impluwensya ng mga ina ng mga kabataang mandirigma sa buhay ng kanilang mga anak at sa kaligtasan ng bansang Nephita?

Bilang paghahanda para sa klase, inanyayahan ang mga estudyante na magbigay ng maikling liham sa kanilang ina o itinuturing na ina na nagpala sa kanilang buhay. Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi kung paano nakaimpluwensya sa kanilang buhay ang mga babaeng binigyan nila ng liham. O, kung karamihan sa mga estudyante ay hindi sumulat, maaari mo silang anyayahang mag-ukol ng ilang minuto sa pagsulat ng text message o email sa oras ng klase.

Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa sa mga sumusunod na halimbawa na naglalarawan ng mga opinyon o pag-uugali na maaari nilang makita sa social media. Sabihin sa kanila na magsulat ng sagot na sa palagay nila ay epektibong makatutugon sa pahayag na ito. (Kung ang mga estudyante ay may halimbawa ng totoong pangyayari sa buhay na mas gusto nilang gamitin, sabihin sa kanila na gamitin ang halimbawang iyon.) Hikayatin ang mga estudyante na gamitin ang natutuhan nila sa kanilang pag-aaral ng materyal sa paghahanda at mula sa personal na karanasan, at ibahagi rin ang kanilang patotoo, sa pagsulat ng kanilang sagot.

  • Itinuturing ng isang kaibigan na pagsasayang ng tunay na potensyal ng isang babae ang pagiging ina, sinasabing ang pagpiling magkaroon ng pamilya sa halip na magtrabaho ay maglilimita sa magagawa at maisasakatuparan ng isang babae sa buhay.

  • Nadama ng isang kaibigan na hindi siya pinahahalagahan—nadama niya na ang ginagawa niya para sa kanyang mga anak ay hindi mahalaga at hindi siya gaanong mahusay na ina.

  • Isang kaibigan ang nag-aalala, “Paano kung hindi pala ako ang klase ng tao na mapag-aruga? Paano ako magiging uri ng ina na nais ng Panginoon na maging ako?”

  • Isang kaibigan ang nakadama ng matinding kalungkutan dahil hindi sila magkaanak ng kanyang asawa.

Pagkatapos magkaroon ng sapat na oras ang mga estudyante, anyayahan ang ilan sa kanila na gustong magbahagi ng kanilang mga isinulat.

Para tapusin ang lesson, maaari mong sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang magagawa nila para magampanan ang kanilang sagradong tungkulin bilang mga ina o suportahan ang kababaihang malapit sa kanila sa tungkuling ito. Hikayatin ang mga estudyante na magtiwala sa tulong ng Panginoon habang ginagawa nila ang mga pagsisikap na ito. Magpatotoo, o anyayahan ang isang estudyante na magpatotoo, tungkol sa kahalagahan ng pagiging ina sa plano ng Ama sa Langit.

Para sa Susunod

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga tungkulin ng mga ama habang pinag-aaralan nila ang materyal sa paghahanda para sa lesson 20. Maaaring magsulat ang mga estudyante ng maikling liham ng pasasalamat sa kanilang ama o itinuturing na ama na nagpala sa kanilang buhay.

Print