Institute
Lesson 11 Materyal ng Titser: Pagpili ng Makakasama sa Kawalang-hanggan


“Lesson 11 Materyal ng Titser: Pagpili ng Makakasama sa Kawalang-hanggan,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya (2022)

“Lesson 11 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya

Lesson 11 Materyal ng Titser

Pagpili ng Makakasama sa Kawalang-hanggan

Nais ng Panginoon na tulungan tayo sa ating mga pagsisikap na makahanap ng makakasama sa kawalang-hanggan. Sa lesson na ito, ipaliliwanag ng mga estudyante kung paano sila mananampalataya kay Jesucristo sa pagsisikap nilang bumuo ng ugnayan sa mga miyembro na hindi nila pareho ng kasarian at magpakasal. Aanyayahan din ang mga estudyante na pumili ng mga katangiang tulad ng kay Cristo na mapagsisikapan nilang taglayin na tutulong sa kanila na maghanda para sa kasal na walang hanggan o maging mas nararapat sa kasal na walang hanggan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Inaasahan ng Panginoon na kikilos tayo nang may pananampalataya sa Kanya kapag naghahanap tayo ng makakasama sa kawalang-hanggan.

Hatiin ang klase sa tatlong grupo, at magtalaga ng lider sa bawat grupo. Bigyan ang bawat estudyante ng bahagi 1 ng sumusunod na sitwasyon at ng mga sumusunod na tanong. Sabihin sa mga estudyante na sama-samang basahin nang malakas ang sitwasyon at talakayin ang mga tanong. (Kung posible, maaari mong ipadala ang bahagi 1 ng sitwasyon sa mga estudyante bago magklase para mabasa at mapag-isipan nila ito.)

Paalala: Mag-isip ng mga paraan na maiaangkop mo ang sitwasyon para mas maiugnay ito sa mga kalagayan, tanong, o kultura ng mga estudyante.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Ang mga talakayan sa maliliit na grupo ay makatutulong sa mga estudyante na matuto nang mas malalim. Ang maliliit na grupo ay nagtutulot sa mas maraming estudyante na aktibong makibahagi sa mga talakayan. Ang pagkakaroon ng pagkakataong magbahagi sa maliliit na grupo ay makapagbibigay rin ng kumpiyansa sa mas mahiyaing mga estudyante. Maaari kang magtalaga ng isang group leader, na magbibigay ng malinaw na mga instruksyon kung ano ang inaasahang gagawin ng mga estudyante, magtatakda ng limitasyon sa oras, mag-aanyaya sa bawat miyembro na makibahagi, at maghihikayat sa mga estudyante na maging handa na ibahagi ang natutuhan nila.

Sitwasyon, Bahagi 1

Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya—Lesson 11

Si Luis ay halos dalawang taon nang nakauwi mula sa misyon. Dahil inaalala niya ang pagtataguyod sa magiging pamilya niya balang araw, nagpasiya siyang magtrabaho nang part time habang nag-aaral. Limitado ang kanyang oras, ngunit masaya siyang dumadalo sa lingguhang klase sa institute at inuuna ito. Tumitingin paminsan-minsan si Luis sa social media at naglalaro ng mga games sa bus o bago magklase. Kaunti pa lang ang nakikilala niyang mga dalaga mula nang makauwi siya. Sinabi niya sa kanyang pamilya na sa palagay niya ay mas magandang makatapos muna siya ng pag-aaral bago niya seryosohing pag-isipan ang pag-aasawa. Iniisip niya na kung itinakda na makakapag-asawa siya, mangyayari iyon.

Si Emma ay dumadalo sa klase ng institute na dinadaluhan din ni Luis ngunit hindi pa niya ito nakikilala. Karaniwang nakaupo siya sa tabi ng kanyang mga kaibigan at bihirang makipag-usap sa iba. Wala siyang interes na makipagkilala at makipagdeyt sa sinumang lalaki. Nag-aalala siya na kung magsisimula siya ng bagong relasyon, matatapos din ito, tulad ng nangyari sa kanyang dating mga relasyon. Pagod na ang kanyang damdamin at hindi pa niya kayang pumasok sa isa na namang relasyon. Nakatapos na siya ng pag-aaral isang taon na ang nakararaan at may full-time na trabaho. Nag-aalala siya na baka hindi na niya makilala ang kanyang tunay na mamahalin o hindi na siya mabubuklod sa templo at iniisip kung dapat ba siyang makipagdeyt sa isang hindi miyembro ng Simbahan.

Matapos basahin nang sama-sama ang sitwasyon, talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang masasabi ninyo sa mga alalahanin nina Luis at Emma?

  • Isinasaisip ang natutuhan natin mula sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda, anong payo ang maaaring makatulong kay Luis? Anong payo ang maaaring makatulong kay Emma?

  • Kung hindi pa ninyo natatalakay ang mga sumusunod na scripture passage sa inyong grupo, sama-samang basahin ang mga ito at talakayin kung paano ito maiuugnay kina Luis at Emma: Mga Kawikaan 3:5–6; 2 Nephi 22:2; Doktrina at mga Tipan 58:26–28. Paano ninyo nagamit o paano kayo mananampalataya sa Panginoon sa inyong mga pagsisikap na makahanap ng makakasama sa kawalang-hanggan?

Sitwasyon, Bahagi 1

Larawan
handout ng titser

Matapos na sapat na matalakay ng mga estudyante ang sitwasyon at mga tanong, anyayahan ang ilan sa kanila na ibahagi ang natutuhan o nadama nila sa kanilang mga talakayan. Sa pagbabahagi ng mga estudyante maaari mo silang tulungang matukoy ang mga katotohanang tulad ng sumusunod: Ang pananampalataya kay Jesucristo ay tutulong sa atin na magkaroon ng tapang at tiyaga sa ating mga pagsisikap na makahanap ng makakasama sa kawalang-hanggan. Inaasahan ng Diyos na gagamitin natin ang ating kalayaang pumili upang isulong ang Kanyang plano. Maaari mong isulat sa pisara ang mga katotohanang natukoy ng mga estudyante.

Ang pagkakaroon ng mga katangiang tulad ng kay Cristo at paghahangad ng paghahayag ay tutulong sa atin sa paghahanda sa pag-aasawa.

Bigyan ang bawat estudyante ng bahagi 2 ng sitwasyon. Sabihin sa kanila na basahin ito at talakayin sa kanilang grupo ang mga sumusunod na tanong.

Sitwasyon, Bahagi 2

Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya—Lesson 11

Pagkatapos ng lesson sa institute tungkol sa walang hanggang kasal, kapwa nadama nina Luis at Emma na gumawa ng ilang pagbabago at magtiwala sa Panginoon. Pagdating ni Luis sa klase sa institute nang sumunod na linggo, umupo siya sa tabi ni Emma at nagpakilala. Hindi nagtagal ay naging magkaibigan sila. Nagplano sila ng maraming aktibidad na nagtutulot sa kanila na mag-ukol ng oras sa isa’t isa at malaman ang tungkol sa isa’t isa. Kalauna’y nagkaroon sila ng matinding damdamin para sa isa’t isa.

Gayunman, may ilang alalahanin si Emma. May listahan siya ng mga katangiang gusto niya sa isang asawa. Taglay ni Luis ang marami sa mga katangiang ito, ngunit hindi lahat.

Nagsimula ring kabahan si Luis. Mahal ni Luis si Emma, ngunit sa nakita niyang pagpapawalang-bisa sa kasal ng kanyang mga magulang, natatakot siyang magkamali sa pagpili ng pakakasalan. Masusi niyang pinag-isipan ang lahat ng nalaman niya tungkol kay Emma mula sa marami nilang pag-uusap at naranasan nang magkasama. Nadarama niya na ang kanilang mga mithiin ay magkaayon at nais niyang hilingin kay Emma na pakasalan siya, ngunit napakaraming bagay ang hindi pa niya alam. Nanalangin si Luis na mabigyan ng palatandaan kung si Emma ba ang tamang piliin. Hanggang ngayon, wala pang nangyayari.

  • Pag-isipan ang natutuhan mo mula sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda. Ano ang maaaring makatulong kay Emma sa paraan niya ng paghahanap sa isang potensyal na mapapangasawa? Anong mga problema ang makakaharap natin kung napakababa o napakataas ng mga inaasahan natin sa isang potensyal na mapapangasawa?

  • Ano ang maaaring makatulong kay Luis upang maunawaan niya ang tungkol sa mga ikinatatakot niya? Ano ang maaaring makatulong sa kanya upang maunawaan niya ang tungkol sa pagtanggap ng paghahayag? (Maaari ninyong rebyuhin ang bahagi 3 ng materyal sa paghahanda.)

  • Anong mga aktibidad o karanasan ang makatutulong sa dalawang tao na maging magkaibigan at malaman pa ang tungkol sa mga katangian, personalidad, at pinahahalagahan ng bawat isa? Ano ang isa o dalawang katangian ng Tagapagligtas na inaasam ninyong taglayin bilang paghahanda sa pag-aasawa o sa pagpapatuloy ng inyong pagsasama bilang mag-asawa?

Sitwasyon, Bahagi 2

Larawan
handout ng titser

Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng natutuhan nila sa kanilang mga talakayan.

Rebyuhin ang alinman sa mga materyal sa bahagi 2 at 3 ng materyal sa paghahanda na maaaring mapakinabangan ng mga estudyante. Maaari mong tukuyin ang mga sumusunod na katotohanan: Nagpapakasal tayo sa may potensyal, hindi sa perpekto. Kung umaasa ka na taglay ng isang makakasama mo sa kawalang-hanggan ang ilang espirituwal na katangian, sikaping taglayin mo mismo ang mga ito. Kung hihingin natin ang patnubay ng Panginoon sa ating mga desisyon, mangungusap Siya ng kapayapaan sa ating isipan at madarama natin kapag tama ang ating mga pagpili.

Kung may mga estudyante sa klase mo na may asawa, maaari mong anyayahan ang isa o dalawa sa kanila na ibahagi ang kanilang mga karanasan sa alinman sa mga katotohanang ito. Kung may-asawa ka, maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan. Patotohanan ang hangarin ng Panginoon na tulungan ang mga estudyante sa kanilang pagsisikap na makahanap ng makakasama sa kawalang-hanggan.

Maaari mong itanong sa mga estudyante kung may mga tanong sila na may kaugnayan sa lesson ngayon. Kung mayroon, mag-ukol ng kaunting oras na talakayin ang kanilang mga tanong sa klase. Pagkatapos ay bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto sa pagtatapos ng klase na itala ang anumang impresyong nadama nila tungkol sa sarili nilang mga sitwasyon. Sabihin sa kanila na alamin kung paano sila patuloy na mananampalataya sa Panginoon sa kanilang pakikipagdeyt o sa kung ano ang maaaring kailangan nilang gawin para mas manampalataya sa Kanya.

Para sa Susunod

Sabihin sa mga estudyante na maghanda para sa susunod na klase sa pamamagitan ng pag-aaral ng materyal sa paghahanda at pagtatanong sa isang mag-asawa na masayang nagsasama kung paano nila pinangangalagaan at pinananatiling matatag ang kanilang pagsasama.

Print