Institute
Lesson 14 Materyal ng Titser: Paglutas sa Paggamit ng Pornograpiya


“Lesson 14 Materyal ng Titser: Paglutas sa Paggamit ng Pornograpiya,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya (2022)

“Lesson 14 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya

Lesson 14 Materyal ng Titser

Paglutas sa Paggamit ng Pornograpiya

Matutulungan tayo na maprotektahan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo laban sa laganap na impluwensya ng pornograpiya. Sa lesson na ito, aanyayahan ang mga estudyante na tukuyin kung ano ang maaari nilang gawin upang matanggap ang banal na tulong na ito. Pag-iisipan din ng mga estudyante kung paano nila hahangarin ang kapangyarihan ng Panginoon na pagalingin sila mula sa mga epekto ng paggamit ng pornograpiya.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Ang pag-unawa sa ating banal na identidad at layunin ay tutulong sa atin na mapaglabanan ang pornograpiya.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Panatilihing madama ang diwang positibo at puno ng pag-asa sa lesson. Ang diwang ipadarama habang tinatalakay ninyo ng mga estudyante ang mga turo ng ebanghelyo ay makaiimpluwensya sa pag-uugali at mararanasan sa klase ng iba pang mga estudyante. Mahalagang talakayin ang mga paksang tulad ng pornograpiya sa paraang iniisip ang kaseryosohan nito nang hindi nagpapahiya. Ang diwang ipadarama sa lesson ay makatutulong sa mga tao na ang buhay ay negatibong naapektuhan ng pornograpiya upang makadama sila ng pag-asa sa nagpapagaling na kapangyarihan ni Jesucristo.

Ipakita ang sumusunod na pahayag at tanong, at anyayahang sumagot ang mga estudyante:

Dumarami ang gumagamit ng pornograpiya. Anong mga dahilan ang ibinibigay ng ilang tao para mapangatwiranan ang paggamit ng pornograpiya?

(Maaaring banggitin ng mga estudyante ang ilan sa mga sumusunod: Nakaugalian na ito; hindi ko ito mapigilan; hindi nito nasasaktan ang iba; natural lang ito; ito ay paglilibang lamang; iminumungkahi ng ilang pag-aaral na makatutulong ito para maging maalam sa seksuwalidad at mapaganda ang paikipagrelasyon.)

  • Ano ang itinuro ng Panginoon tungkol sa paglaban sa pornograpiya? (Maaari mong patingnan sa mga estudyante ang mga turo sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda. Bilang bahagi ng talakayan, maaari mong ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mateo 5:28 o Doktrina at mga Tipan 63:16.)

  • Ano ang mga nakapipinsalang epekto ng pornograpiya sa mga gumagamit nito at sa kanilang mga pamilya?

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Tad R. Callister noong naglilingkod siya sa Panguluhan ng Pitumpu:

Larawan
Elder Tad R. Callister

Sa isang training session kamakailan para sa mga General Authority, itinanong ito: “Paano natin matutulungan ang mga nahihirapang paglabanan ang pornograpiya?”

Tumayo si Elder Russell M. Nelson at sumagot, “Ituro sa kanila ang kanilang identidad at layunin.” (“Our Identity and Our Destiny” [Brigham Young University Education Week devotional, Ago. 14, 2012], speeches.byu.edu)

Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang pag-unawa sa ating banal na identidad at layunin ay makatutulong sa atin na mapaglabanan ang paggamit ng pornograpiya.

  • Paano makatutulong sa atin ang pag-unawa sa banal na identidad at layunin natin at ng iba upang mapaglabanan natin ang paggamit ng pornograpiya? Ano ang magagawa natin upang mas maunawaan ang ating identidad at layunin?

  • Anong iba pang mga alituntunin, gawi, o resources ang nakatulong sa inyo na protektahan ang inyong sarili mula sa pornograpiya? (Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na gamitin ang natutuhan nila mula sa bahagi 2 ng materyal sa paghahanda.)

Mapagagaling ni Jesucristo ang mga tao mula sa mga epekto ng pornograpiya.

Kung maaari, idispley ang larawan ng babaeng dinudugo na inaabot ang Tagapagligtas, na matatagpuan sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda. Sabihin sa isang estudyante na muling ikuwento ang karanasan ng babaeng ito na nakatala sa Lucas 8:43–48.

  • Kung kayo ang nasa sitwasyon ng babaeng ito, ano ang madarama ninyo pagkaraan ng maraming taon ng inyong paghihirap?

  • Ano ang matututuhan ng mga naghahangad na mapagaling mula sa mga epekto ng pornograpiya mula sa halimbawa ng babaeng ito? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kapag masigasig tayong lumalapit sa Panginoon nang may pananampalataya, matutulungan Niya tayong gumaling mula sa mga epekto ng paggamit ng pornograpiya.)

  • Bakit mahalagang lumapit kay Jesucristo sa ating mga pagsisikap na paglabanan ang paggamit ng pornograpiya o makayanan ang sakit na dulot ng paggamit ng ibang tao ng pornograpiya?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson na matatagpuan sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda.

  • Ano ang nagagawang kaibhan kapag handang gawin ng isang tao ang anumang kailangan upang mapagaling ng Panginoon?

Maaari mong ipaliwanag na maaari nating sikaping matiyagang tulungan ang iba na nagdurusa sa mga epekto ng pornograpiya at unawain ang kanilang pinagdaraanan kung paano ito uunawain ni Cristo. Basahin nang sabay-sabay ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:

Larawan
Pangulong Dallin H. Oaks

Narito naman ang maikling payo kung paano natin pakikitunguhan ang mga taong nabitag ng pornograpiya. Kailangan nating lahat ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Kailangan ng mga may problema sa pornograpiya ang ating habag at pagmamahal habang sinusunod nila ang mga alituntunin at hakbang sa paghulagpos dito. Huwag sana ninyo silang husgahan. Hindi sila masama o wala nang pag-asa. Sila ay mga anak na lalaki at babae ng ating Ama sa Langit. Sa pamamagitan ng wasto at lubos na pagsisisi, sila ay maaaring maging malinis, dalisay, at karapat-dapat sa bawat tipan at pagpapala ng templo na ipinangako ng Diyos. (“Paghulagpos mula sa Bitag ng Pornograpiya,” Liahona, Okt. 2015, 37)

Hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo. Pumili ng isang lider para sa bawat grupo, at bigyan ang bawat lider ng kopya ng sumusunod na handout. Sabihin sa mga estudyante na sundin ang mga panuto sa handout.

Pagtulong sa Isang Tao na Gumaling mula sa mga Epekto ng Pornograpiya

Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang Hanggang Pamilya—Lesson 14

Sama-samang rebyuhin ang mga sumusunod na sitwasyon, at pumili ng isa na tatalakayin:

  1. Ipinagtapat ng isang roommate na nakapanood siya ng pornograpiya sa unang pagkakataon.

  2. Kagabi, ang kasintahan ng isang kaibigan ay nagtapat sa kaniya na ito ay nahihirapang paglabanan ang paggamit ng pornograpiya.

  3. Palaging nanonood ng pornograpiya ang isang kaibigan at maraming beses na niyang tinangkang tumigil ngunit hindi niya ito magawa, kahit pa sa palagay niya ay nagawa na niya ang lahat para tigilan ito.

  4. Ibinahagi sa iyo ng isang kaibigan na nahihirapan ang kanyang asawa na paglabanan ang pornograpiya at hindi niya alam kung paano ito tutulungan. Sinisira nito ang pagsasama nilang mag-asawa at nalulungkot siya.

Talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Isipin kunwari na lumapit sa iyo ang taong ito para humingi ng tulong. Gamit ang natutuhan mo sa pag-aaral ng materyal sa paghahanda at sa bahaging “Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?” anong payo ang ibibigay mo sa taong ito?

  • Paano magagamit ng taong ito ang tulong ng Panginoon sa sitwasyong ito?

Pagtulong sa Isang Tao na Gumaling mula sa mga Epekto ng Pornograpiya

Larawan
handout ng titser

Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang isa o dalawang estudyante na ibahagi ang natutuhan o nadama nila sa kanilang talakayan sa grupo.

Maaari mong bigyan ng oras ang mga estudyante na pag-isipan at itala ang kanilang mga sagot sa isa sa mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang magagawa ko para matamo ang kapangyarihan ng Panginoon na proteksyunan ako mula sa pornograpiya at matanggap ang Kanyang tulong upang gumaling ako mula sa mga epekto nito?

  • Paano ko matutulungan nang may pagmamahal ang isang taong nahihirapan sa mga epekto ng pornograpiya?

Tapusin ang lesson sa pagtiyak sa mga estudyante na totoo ang mga alituntuning tinukoy sa lesson.

Para sa Susunod

Maaari mong ipakita sa mga estudyante ang aktibidad sa talakayan sa katapusan ng bahagi 1 ng materyal sa paghahanda para sa susunod na lesson at hikayatin silang simulang isipin kung sino ang maaari nilang kausapin para sa aktibidad na ito.

Print