Institute
Lesson 26 Materyal ng Titser: Pagtukoy sa Pang-aabuso at Paggaling mula sa Pang-aabuso


“Lesson 26 Materyal ng Titser: Pagtukoy sa Pang-aabuso at Paggaling mula sa Pang-aabuso,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang-Hanggang Pamilya (2022)

“Lesson 26 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang-Hanggang Pamilya

Lesson 26 Materyal ng Titser

Pagtukoy sa Pang-aabuso at Paggaling mula sa Pang-aabuso

Nagbabala ang mga propeta at apostol na “ang mga taong … nang-aabuso ng asawa o anak … ay mananagot balang-araw sa harap ng Diyos” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” SimbahanniJesucristo.org). Ang lesson na ito ay tutulong sa mga estudyante na mas maunawaan kung paano matutukoy at mahaharap ang mga sitwasyon ng pang-aabuso. Tatalakayin din ng mga estudyante ang kapangyarihan ni Jesucristo na nagbibigay ng paggaling sa lahat ng naapektuhan ng pang-aabuso.

Paalala: Maaaring may mga estudyante ka na naapektuhan ng pang-aabuso. Dahil sa sensitibo at mahirap na paksa ang pang-aabuso, ang ilang bahagi ng lesson na ito ay maaaring magdulot ng emosyonal na reaksyon mula sa mga estudyanteng biktima ng pang-aabuso, lalo na sa mga taong hindi nagkukuwento tungkol dito. Maaari mong ipaalam nang maaga sa mga estudyante na kung sinuman sa kanila ang hindi komportableng dumalo sa klase para sa lesson na ito, maaari silang makipag-usap sa iyo para sa iba pang gawain sa pag-aaral. Isipin ang isa pang makabuluhang karanasan sa pag-aaral at anyayahan sila na makibahagi rito sa labas ng klase.

Kung sa tingin mo ay kakausapin ka ng isang estudyante tungkol sa pang-aabuso na may kinalaman sa kanyang sarili o pamilya, dapat mong ipaliwanag na kailangan mong ireport ang mga paratang ng lahat ng uri ng pang-aabuso sa pamamagitan ng pagtawag sa help line o area legal counsel ng Simbahan. Maging matiyaga, sensitibo, mapagpanatag, at maunawain habang pinapatnubayan mo ang estudyante sa kanyang bishop o branch president para talakayin ang sitwasyon. Sunding mabuti ang mga lokal na batas tungkol sa mga responsibilidad at pananagutan sa pagrereport ng pang-aabuso.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo at Pag-aaral

Maging sensitibo sa mga pangangailangan at damdamin ng mga estudyante. Ang paraan ng pagtalakay mo at ng iyong mga estudyante sa pang-aabuso ay maaaring makadagdag sa sakit o magbigay ng pag-asa. Maaari mong talakayin sa mga estudyante kung bakit mahalagang maunawaan at maging sensitibo sa sakit at pagdurusang nararanasan ng mga biktima ng pang-aabuso. Habang iniisip mo kung paano mo pangungunahan ang talakayang ito, makatutulong sa iyo na basahin ang “Paano Ko Matutulungan ang Isang Taong Naabuso?” (SimbahanniJesucristo.org).

Ang mga nang-aabuso sa iba ay mananagot sa harap ng Diyos.

Ipakita ang sumusunod na pahayag mula sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”: Ang mga taong nang-aabuso ng asawa o anak ay mananagot balang-araw sa harap ng Diyos (tingnan din sa Apocalipsis 20:12–13; 2 Nephi 9:15–17).

Iparebyu nang ilang minuto sa mga estudyante ang mga bahagi 1 at 2 ng materyal sa paghahanda, at sabihin sa kanila na ibahagi ang mga tanong o impresyong natanggap nila habang pinag-aaralan nila ang mga bahaging ito. Kung kailangan, maaari mong itanong ang tulad ng mga sumusunod:

  • Ano ang pang-aabuso? Anong mga alituntunin ng ebanghelyo ang nilalabag kapag nangyayari ang pang-aabuso?

  • Anong mga babala at mungkahi ang pinakanapansin ninyo sa mga bahaging ito ng materyal sa paghahanda?

  • Ano ang naisip ninyo nang rebyuhin ninyo ang mga karaniwang palatandaan ng pang-aabuso?

  • Paano ligtas na makahihingi ng tulong ang isang taong nasa mapang-abusong sitwasyon? Kung may nalalaman kang pang-aabuso, paano mo ito ligtas na mairereport? (Maaari kang mag-ukol ng oras na tulungan ang mga estudyante na makahanap ng resources para sa pagrereport ng pang-aabuso. Tingnan, halimbawa, sa “Nakaranas ka ba ng pang-aabuso? Makipag-usap Ngayon” [SimbahanniJesucristo.org].)

Mapapagaling ni Jesucristo ang mga naabuso.

4:50

Maaari mong itanong ang mga sumusunod:

  • Sa paanong mga paraan dumarating ang paggaling mula sa pang-aabuso? (Kung kailangan, maaari ninyong rebyuhin ang pangalawang pahayag ni Elder Richard G. Scott sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda.)

  • Ano ang ibabahagi ninyo sa isang kaibigan na nahihirapan dahil sa mga epekto ng pang-aabuso? Ano ang ilang bagay na nagpapahirap sa paggaling mula sa pang-aabuso?

Magkakasamang basahin ang Isaias 61:1–3, at tukuyin ang mga katotohanan na maaaring maging makabuluhan sa biktima ng pang-aabuso (tingnan din sa 2 Nephi 2:1–2). Bukod sa iba pang mga katotohanan, maaaring matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Si Jesucristo ay may kapangyarihang pagalingin ang nasaktang puso at panatagin ang lahat ng nagdadalamhati.

  • Ano ang ginawa ninyo para makahingi ng kapanatagan, tulong, at paggaling mula sa Tagapagligtas, sa anumang kalagayan?

  • Paano pinalitan ng Tagapagligtas ang kawalang-pag-asa o kalungkutan ng kagandahan sa inyong buhay?

  • Ano ang makatutulong sa atin na maging matiyaga at tapat sa buong panahon na kinakailangan para gumaling?

Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto na isipin kung paano maaaring makaapekto ang mga turo sa lesson na ito sa kanilang buhay sa kasalukuyan. Hikayatin silang isulat ang anumang impresyon na maaaring natanggap nila.

Para tapusin ang lesson, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila tungkol sa ginagampanan ng Tagapagligtas sa pagtulong sa lahat ng naapektuhan ng pang-aabuso. Maaari mong ipanood ang video na “Ang Pangulo ng Kapayapaan” (2:32), na tinukoy sa bahagi 3 ng materyal sa paghahanda.

2:3

Para sa Susunod

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga paraan na nakita nila si Satanas at ang iba pa na kumikilos para sirain ang pamilya. Hikayatin ang mga estudyante, habang pinag-aaralan nila ang materyal sa paghahanda para sa susunod na lesson, na alamin ang mga ibinunga ng pagkakawatak-watak ng mga pamilya sa lipunan at isipin kung ano ang magagawa nila para maipagtanggol ang mga turo ng Panginoon tungkol sa pamilya.