“Lesson 24 Materyal ng Titser: Pagtugon sa Kalusugan ng Pag-iisip nang May Pag-asa at Pagkahabag,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang-Hanggang Pamilya (2022)
“Lesson 24 Materyal ng Titser,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang-Hanggang Pamilya
Lesson 24 Materyal ng Titser
Pagtugon sa Kalusugan ng Pag-iisip nang May Pag-asa at Pagkahabag
Ang mga problema sa kalusugan ng pag-iisip ay maaaring maging mahalagang bahagi ng ating mortal na karanasan. Sa lesson na ito, magkakaroon ang mga estudyante ng pagkakataong matukoy kung paano nila mapalalakas ang kanilang mental at emosyonal na kalusugan. Pag-iisipan din ng mga estudyante kung paano sila tutugon nang may higit na pagkahabag sa mga kapamilya at sa iba pa na maaaring makaranas ng mga problema sa kalusugan ng pag-iisip o sa mga sitwasyong may kinalaman sa pagpapakamatay.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Tinutulungan natin ang ating sarili at ating pamilya kapag sinisikap nating mapanatili at mapalakas ang kalusugan ng ating pag-iisip.
Ipakita ang mga sumusunod na sangguniang banal na kasulatan: Job 6:1–3; 1 Nephi 18:17–18; Alma 26:26–27. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang isa sa mga scripture passage na ito at hanapin ang mga problema sa mental o emosyonal na kalusugan ng mga indibiduwal. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nahanap nila. Habang nagbabahagi ang mga estudyante, maaari mong isulat sa pisara ang kanilang mga sagot.
-
Anong iba pang uri ng mga problema at kalagayan ang maaaring makaapekto nang negatibo sa mental o emosyonal na kalusugan natin? (Ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)
-
Bakit maaaring makatulong na malaman na ang pagharap sa mga problema sa mental at emosyonal na kalusugan ay maaaring maging normal na bahagi ng ating buhay sa mundo?
Ipaalala sa mga estudyante na si Jesucristo ay “isang taong nagdurusa, at sanay sa kalungkutan” (Isaias 53:3). Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga karanasan ng Tagapagligtas na naglalarawan ng katuparan ng propesiya ni Isaias.
Ipakita ang mga sumusunod na sangguniang banal na kasulatan: Mateo 14:22–23; Marcos 1:35; 6:31, 46; Lucas 5:16. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang isa o mahigit pa sa mga scripture passage na ito at hanapin ang mga aral na matututuhan natin mula sa mga ginawa ng Panginoon. Ipabahagi sa kanila ang nalaman nila, at tulungan silang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Tinutularan natin ang halimbawa ni Jesucristo kapag nag-uukol tayo ng oras na magpahinga, tumahimik, at manalangin.
-
Bakit mahalagang aktibong pangalagaan ang mental at emosyonal na kalusugan? (Maaari mong ipabasa ang pahayag ni Pangulong M. Russell Ballard sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda.)
Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto na pag-isipan at isulat ang isang paraan na mapapalakas nila ang kanilang mental o emosyonal na kalusugan at gumawa ng isang simpleng plano para isakatuparan ito. Maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang mga tanong sa bahagi 1 ng materyal sa paghahanda para sa mga ideya.
Maaari tayong tumugon nang may pagmamahal at habag na katulad ng kay Cristo sa mga taong dumaranas ng mga problema sa kalusugan ng pag-iisip.
Ipakita at basahin ang mga sumusunod na salaysay ng mga indibiduwal na nakaranas ng mga problema sa kalusugan ng pag-iisip, na ibinahagi ni Sister Reyna I. Aburto. O, kung gusto mo, ipanood ang unang bahagi ng video na “Parang Basag na Sisidlan” (time code 0:00–3:16, SimbahanniJesucristo.org). Sabihin sa mga estudyante na isipin ang naramdaman nila habang pinakikinggan nila ang mga salaysay na ito.
Isinulat minsan ng anak kong babae: “May pagkakataon noon … [na] palaging napakalungkot ko. Palagi kong naiisip noon na ang kalungkutan ay isang bagay na dapat ikahiya, at tanda ito ng kahinaan. Kaya itinago ko na lamang ang aking kalungkutan sa aking sarili. … Pakiramdam ko ay wala akong silbi” [Hermana Elena Aburto blog, hermanaelenaaburto.blogspot.com/2015/08].
Ganito ito inilarawan ng isang kaibigan: “Simula sa pagkabata ko, palagi kong pinaglalabanan ang kawalang pag-asa, kadiliman, kalungkutan, at pangamba at ang pakiramdam na mahina ako o may depekto. Ginawa ko ang lahat para itago ang paghihirap ko at upang ipakita sa iba na matatag at malakas ako” [personal na liham]. (“Sa Dilim at Liwanag, Aking Panginoon, Manatili!,” Liahona, Nob. 2019, 57)
-
Ano ang mga naisip at naramdaman mo nang mapakinggan mo ang mga salaysay na ito?
Bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng kalakip na handout, o idispley ang mga tanong para makita ng lahat. Ipabasa at pasagutan nang mag-isa sa mga estudyante ang mga tanong. Pagkatapos ng sapat na oras, hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo at sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga naisip tungkol sa isa o dalawang tanong na nauugnay sa kanila.
Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng natutuhan nila sa kanilang mga grupo.
Makatutulong tayo na mapigilan ang pagpapakamatay at makatutulong sa mga nawalan ng mahal sa buhay dahil sa pagpapakamatay.
Ipaalala sa mga estudyante na ang matitinding problema sa kalusugan ng pag-iisip ay kabilang sa mga panganib na sanhi ng pagpapakamatay. Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang Mosias 18:8–9 at ibahagi kung paano tayo magagabayan ng mga turo sa scripture passage na ito sa pagtulong sa mga taong nahihirapang paglabanan ang pag-iisip na magpakamatay. (Sa pagbabahagi ng mga estudyante, maaari nilang matukoy ang katotohanang tulad ng sumusunod: Bilang mga disipulo ni Jesucristo, tayo ay tinawag upang magpasan ng mga pasanin ng isa’t isa at makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati.)
-
Sa anong mga paraan ninyo nakitang ipinamuhay ang alituntuning ito? Anong iba pang mga partikular na bagay ang gagawin ninyo bilang disipulo ni Jesucristo upang makatulong na mapigilan ang pagpapakamatay?
1:43 -
Paano matutulungan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang mga yaong nahihirapang paglabanan ang pag-iisip na magpakamatay? Paano Nila matutulungan ang mga taong nawalan ng mahal sa buhay dahil sa pagpapakamatay?
Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto para isulat kung ano ang magagawa nila para makatugon nang may pagmamahal at habag na katulad ng kay Cristo sa problema sa kalusugan ng pag-iisip ng isang tao o sa mga sitwasyong may kinalaman sa pagpapakamatay.
Para sa Susunod
Maaari mong itanong ang mga sumusunod sa katapusan ng klase o sa isang mensahe sa buong linggo. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang materyal sa paghahanda para sa susunod na lesson na iniisip ang mga tanong na ito.
-
Sa paanong paraan naaapektuhan ng iyong pagsisisi ang kapakanan ng iyong pamilya?
-
Paano ka makatatanggap ng tulong para mapatawad ang isang kapamilya na nakasakit sa iyo?